Lumipas ang dalawang araw at napa-schedule na siya ni Pablo para mapa-assess sa doktor. Inakay niya si Corazon patungo sa passenger's seat ng sasakyan. Maingat pa niyang inilagay ang seatbelt nito upang masigurong hindi tatakas o tatalon ng kotse kapag sinumpong na ng pagkabalisa.
Tinatahak na nila ang daan sa may Bamban nang mapansin ni Pablo na naaaliw ang katabi sa mga natatanaw kaya sinubukan niya itong kausapin. Sa ganoong paraan, umaasa siya na baka paunti-unting makabalik sa realidad ang isipan ng babae.
"Ang ganda ng view, hindi ba?" paninimula na niyang makipagkuwentuhan.
Nanatili lang na tahimik at nakasilip sa bintana si Corazon habang pinagmamasdan ang nadadaanang mga bukirin. Akala ng pari ay mananatili itong walang imik subalit napangiti na siya nang magsimula na itong umusal ng iilang kataga.
"Ka...kala...kalabaw?" may ningning sa mga mata na tinuro nito ang hayop na nakatayo sa gitna ng lupain na pinagtataniman ng mga palay. "Da...damulag!'
"Oo, kalabaw nga 'yan," tugon niya sa pag-uusisa nito. "Ang laki, damulag nga. Pero gentle giant naman 'yan."
Pinikit nito ang mga mata habang pinapakiramdaman ang preskong hangin na pumapasok sa kotse. Ilang sandali lang ay napasandal na ito at nakatulog nang mahimbing. Hinayaan na lang muna siya ni Pablo na makapagpahinga hanggang sa makarating na sila sa siyudad ng Angeles, Pampanga.
"Corazon," pagtawag niya kasabay ng mahinang pagtapik sa balikat nito nang makarating na sila sa lugar kung saan ipapatingin ang tinutulungan.
Nang magising ay mabilis na lumibot ang paningin ng babae sa lugar na hindi pamilyar. Kaagad na nakaramdam ito ng kaba sa nakitang maraming mga tao na lumilibot. Napasiksik pa ito sa upuan nang magulat sa busina ng mga sasakyan.
"Halika," may tono ng panunuyo na pag-aya na niya sa naguguluhang ginang. "Huwag kang matakot. Nandito naman ako para alalayan ka..."
Nag-aalangan man ay pumayag na si Corazon na bumaba ng sasakyan. Tila ba naglaho ang lahat ng kanyang takot nang mahawakan pa ang kamay niya ng binatang ramdam niya ang sinseridad na matulungan siya.
Habang naglalakad sila patungo sa klinika ay nakuha ng atensyon niya ang lalaking nagtitinda ng mga lobo. Inosenteng napangiti pa siya nang sumagi sa isipan ang panahong dinadala niya sa parke ang anak at binibili ng makukulay na balloon.
Wala sa wisyong hinatak niya ang isa sa mga lobo nang mapadaan sila sa gawi ng tindero. Sa pag-aakalang magnanakaw siya, marahas na hinatak siya ng lalaki. Akmang sasampalin pa sana siya nito subalit mabilis na humarang na si Pablo.
"Sandali, huwag mo siyang sasaktan!" pag-awat na ng pari kasabay ng pagsagi sa kamay ng nais manakit kay Corazon. "May sakit siya!"
"Ang dami nang nagsabi niyan!" pasinghal na pinagbintangan pa rin niya sila. "Perwisyo talaga kayo! Sana, magtrabaho naman kayo nang maayos at hindi magnakaw!"
"Pasensya na, natuwa lang siya sa lobo," paghingi niya ng paumanhin sa nagagalit na tindero. "Naiintindihan ko ang punto mo kaya babayaran ko na lang 'yun nakuha niya."
"Hindi na!" pasinghal na pinagsabihan pa siya nito. "Basta ilayo mo sa akin ang baliw na 'yan!"
"Kaunting pag-unawa naman, Kapatid," pagpapaliwanag na ni Pablo sa lalaki. Inabot niya ang kamay nito at inilagay ang limampung sentimo bilang bayad sa nakuha na lobo ni Corazon. "May sakit siya kaya kailangan nga niya niya ng
pag-alalay mula sa atin. Ako na mismo ang humihingi ng dispensa kung nagambala ka niya."
Hindi na kumibo pa ang pinakikiusapan at tinalikuran na sila. Nagmamadali pa itong iwanan sila sapagkat ayaw nitong madawit pa sa babaeng wala na sa katinuan.
"Para sa baby ko!" Maligayang winagayway pa ni Corazon ang lobo sa ere. Tuwang-tuwa siya sa laruan na dati ay nireregalo sa pinakamamahal na anak.
"Oo, para sa baby mo," pagsang-ayon naman ni Pablo habang pinagmamasdan ang matamis na ngiti mula sa babaeng inaakalang may babalikan pa na anak na nagngangalang Ursula.