"Kailangan ko muna siyang kausapin," sinabi ng doktor na si Christian habang inoobserba ang babaeng kinukunsulta ni Pablo. "Maaari ba na kami muna ng assistant kong babae ang magtanong sa kanya? Mas malalaman ko ang behavior niya kapag kami na lang tatlo ang nasa silid."
"Sige lang," pagpayag naman niya sa panukala ng manggagamot. "Sana, malaki pa rin ang chance na gumaling siya."
"Sa nakikita ko ngayon, malaki ang possibility kasi may consciousness pa siya sa paligid. Kung mapapansin mo, sumusunod siya sa instructions mo, e," pag-aanalisa rin nito habang pinagmamasdan ang babaeng nakahawak pa sa kamay ni Pablo at mataimtim na nakatitig sa kanya.
"Anyway, hintayin mo muna kami sa may labas ng silid," panuto na ng manggagamot sa pari para maobserbahan na si Corazon. "Tatawagin ka namin kapag natapos na ang assessment."
Akmang tatayo na sana siya pero mas humigpit naman ang pagkakahawak sa kanya ng kasama. Nanlaki ang mga mata nito na tila ba takot na takot na maiwang mag-isa.
"Lalabas lang ako saglit," pagpapaliwanag niya sa ginang. "Hindi naman kita iiwanan."
"Ayaw!" pagkontra nito sa pag-alis niya.
"Sige na, para sa iyo rin 'yan para gumaling ka na," pangungumbinsi niya habang dahan-dahang bumibitiw sa pagkakahawak nito. "Mamaya, ipapasyal kita sa Rizal Park kapag natapos na ang pagbisita natin dito."
"Hindi!" mariin na pagtanggi pa rin nito kaya napilitan na si Christian na hawakan ang mga kamay nito upang makaalis na si Pablo. Nang dahil sa nasaksihang paglabas ng pinagkakatiwalaang lalaki, nagdilim muli ang paningin niya kaya nagsisigaw na siya at nagpumiglas.
"Pablo!" nahintakutang paghiyaw niya nang mapansin na sila na lang tatlo ang nasa silid. "Huwag mo akong iiwan! Huhuhu! Maawa kayo sa akin!"
"Huwag kang matakot, tutulungan ka namin," pagpapakalma sa kanya ng doktor. "Umupo ka nga muna rito at may itatanong lang ako."
Tila ba hindi na siya narinig ng babae sapagkat nagsumiksik pa ito sa dulo ng silid. Ilang sandali lang ay may narinig si Corazon ma bumubulong-bulong malapit sa kanyang tainga.
"Hindi ka na gagaling, baliw!" panlalait nito sa kanya. Umalingawngaw sa kanya ang halakhak na hindi niya matukoy kung tunay ba o produkto lang ng kanyang imahinasyon.
"Narinig niyo ba 'yun?" nahintakutang pagtatanong niya kay Christian. "May iba pa bang tao sa silid?"
"Wala, kami lang ng assistant ko ang nandito," tugon sa kanya nito kaya nabalot na ng kilabot ang kanyang katawan. Napailing-iling pa ang doktor dahil sa nakikitang sintomas ng schizophrenia, isang sakit na may nakikita o naririnig ang maysakit na produkto lamang ng isipan at hindi tunay. Isinulat niya pa sa report ang mga nakitang behavior mula sa pasyente.
Ilang sandali lang ay may narinig siya na kumakatok na parang nagmumula mula sa bintanang yari sa salamin. Nais man sana niyang balewalain iyon subalit masigasig ang tinig na mapasunod siya sa nais.
"Lumingon ka!" pabulong na inutos nito.
"Hindi!" nakapikit ang mga matang pagtanggi niya. "Hindi ka totoo! Imagination lang kita!"
"Totoo ako! Bakit hindi mo imulat ang mga mata mo!"
Bigla-bigla ay naramdaman niya na may kumalmot sa kanyang kamay. Napasigaw pa siya nang maramdaman ang pagbaon ng matatalim na kuko nito sa braso. Nang dahil sa sindak ay napamulat na ang mga mata niya at aksidenteng napatingin sa bintana. Nanuyo ang lalamunan niya sa kahindik-hindik na nilalang na tumambad sa kanya.
Doon ay tanaw na tanaw niya ang imahe ng isang babae na nakasuot ng makalumang damit na may pagkakahawig sa suot ng mga taga-Europe noong 1600s. Nagkabitak-bitak na ang maputlang balat nito at nanlilisik ang mga matang kulay pula kaya nanigas na sa kinatatayuan si Corazon nang dahil sa sindak.
Hindi na siya nakahiyaw pa nang mabilis itong tumagos sa bintana at sinakal siya. Napaupo na lang siya nang dahil sa panghihina kaya nabahala na rin ang doktor sa nangyayari. Inakala pa nito na magsi-seizure ang pasyente kaya tumawag na siya sa emergency unit ng ospital upang magpatulong. Wala itong kaalam-alam na may pagsanib na palang nagaganap sa katawan ng babae.