Kaagad na nakaramdam ng kakatwa si Pablo. Sa paningin niya ay tila ba nagdilim pa ang lugar kaya lumakas na ang kutob niya na may nangyayari ng hindi maganda. Kahit hindi pa man tinatawag ay binuksan na niya ang pintuan upang malaman ang sitwasyon sa loob.
Nanlaki ang mga mata niya nang makitang nakikipagbuno si Christian, kasama ang assistant kay Corazon. Dalawang tao man ang pilit na humahatak ay tila ba papel lang silang nakaladkad nito sa sahig. Nang mapalingon sa gawi niya ang inaawat, napangisi pa ito nang makita muli ang binatang nakalaban noon sa bodega ng bigas.
"Ikaw na naman!" mapang-asar na sinabi pa nito bago sinipa palayo ang mga humahawak sa kanya. Singbilis ng hangin na tumalon ito sa bintana upang tumakas. Nagkapira-piraso pa ang bubog sa sahig nang tumama ang katawan ni Corazon na sinasaniban na ng demonyong nakalaban ni Pablo dati sa Tibag.
"Tsk! Hindi ito maaari!"
Nagmamadaling lumabas na rin siya ng ospital upang habulin ang nilalang na tangay-tangay ang katawan ng babaeng tinutulungan. Sinisi pa niya ang sarili sapagkat sa tingin niya ay naging pabaya at masyadong kampante siya na hindi muna babalikan ng kalaban. Akala niya ay maaayos niya ang buhay ni Corazon subalit ngayon ay nanganganib na mapahamak pa.
Pagdating sa labas ay nakita niya ito na tumatalon-talon sa mga gusali at gumagapang sa mga dingding na tila ba tuwang-tuwa pa ito sa bagong nasaniban. Maging ang mga tao roon ay napansin na rin ang kakatwang nangyayari sa ginang kaya marami na ang nakiusyuso. Ang iba naman ay natakot na kaya muntikan pa na magkaroon ng stampede sa pagmamadali nilang makalayo sa lugar.
Hindi hinayaan ni Pablo na mawala sa paningin niya ang pakay sapagkat desidido siyang mabawi ang katawan ni Corazon na ligtas at walang pinsala. Nababahala na rin siya dahil baka saktan ito ng demonyo o mas malala, paslangin.
Nang tumawid ay sakto na may parating na kotse kaya napabusina ito nang malakas sa pag-aakalang mababangga pa ang binata na nagmamadaling makatawid sa kanto kung saan posibleng bumaba ang may sanib. Subalit, laking gulat ng driver nang sumampa pa siya sa hood ng sasakyan at tumalon pababa na para bang naglalaro lang.
"Sorry po!" paghingi pa ni Pablo ng paumanhin habang patuloy na tumatakbo.
"T-Tao ba 'yun?" hindi makapaniwalang nasambit na lang ng driver habang pinagmamasdan siyang umaakyat naman sa pader at mga bubong.
"Hindi ka makakatakas sa akin!" desididong naisip ng pari nang mapansin na kaunti na lang ay maaabutan na ang demonyong kumakaripas pa rin ng takbo.
Subalit, abot-kamay na sana niya ang pakay nang lumihis naman ito patungo sa highway. Napahinto na si Pablo sa paghahabol sapagkat nagkaroon siya ng masamang kutob sa maaring gawin ng nilalang.
Sa tulin ng mga sasakyan na naroon, kitang-kita niya na sinadya nitong ipabangga si Corazon sa humaharurot na kotse. Tumilapon ang payat na katawan nito sa daan subalit tinakbuhan lang ng nakatama. Panandaliang naging blangko ang isip ng pari sapagkat siya rin ay nagulantang sa hindi inaasahang pangyayari.
"H-Hindi," nanghihina ang mga tuhod na nasabi na lang niya habang sinisikap na matauhan. Walang pagdadalawang-isip na nilapitan niya ang biktima na humihikbi na dahil sa mga nabaling buto sa katawan.
"M-Masakit," lumuluhang pagsusumamo pa nito kaya napuno ng awa si Pablo na nais sanang hawakan at damayan si Corazon subalit nag-alangan din dahil baka mas lumala ang mga bali at sugat nito kapag nagalaw.
"Sandali, tatawag ako ng ambulansya," sinabi niya sa kaawa-awang ginang na umiiyak na sa sakit. Nagmamadali niyang kinuha ang lata ng basurahan upang mapangharang sa mga sasakyan na dumadaan at upang maprotektahan ang naaksidente. "Huwag ka masyadong gumalaw. Babalikan kita kaagad!"
Nang nakatalikod na si Pablo, tuluyan nang nawalan ng malay si Corazon. Ngunit, sa isang iglap ay bumukas ulit ang nga mata nito at naging kulay pula. Tila ba puppet ito na tumayo mula sa kinahihigan at lumutang sa ere upang habulin ang lalaking kinapopootan...
At kinahuhumalingan...
Huli na ang lahat nang maramdaman niya ang mabilis na pag-atake ng nilalang. Paglingon ay naramdaman na lang niya na may tumusok sa kanyang leeg. Nakuha pala ng demonyo mula sa klinika ang syringe ng pampakalma at pampatulog upang gamitin bilang sandata. Itinurok nito ang lahat ng likido kay Pablo na kaagad na nakaramdam ng pagkahilo.
Napaupo siya sa daan habang nilalabanan ang matinding antok. Nais man niyang manatiling gising, mas malakas ang epekto ng gamot na sadyang ginagamit sa extreme cases ng mga may sakit sa pag-iisip na nananakit.
"Utu-uto ka pala!" humahalakhak na ininsulto pa siya ng demonyo. Sinipa pa siya nito sa sikmura kaya tuluyan nang napahiga sa lupa. "Kapag naunahan ka na ng awa, nakakalimutan mo ang utak mo! Napakabilis mong nahulog sa bitag!"
Habang nanlalabo ang diwa, natanaw pa niya ang puting lobo na nakalutang sa alapaap. Mabilis na tinangay din iyon ng hangin at naglaho sa kanyang paningin.