Madilim na nang magkamalay si Pablo. Mabigat pa man ang talukap ng mga mata ay sinikap na niyang gisingin ang diwa upang malaman kung nasaan siya.
Pag-angat ng tingin ay napaurong siya sa kinauupuan nang tumambad ang demonyo na may hawak pa na kutsilyo. Akmang tatayo sana siya subalit natigilan siya nang maramdaman na nakagapos pala siya ng bakal na kadena. Pagtingala ay napaawang ang mga labi niya nang mapag-alamang tinali pala siya sa bakal na poste ng ilaw na nasa gitna ng abandonadong sementeryo.
"Good evening, Father," sarkastikong pagbati ng nilalang kasabay ng pagka-curtsy na karaniwang ginagawa ng mga nobility sa harap ng mga hari.
Nanatiling tahimik si Pablo habang inaaral at inoobserba ang mga kinikilos ng kaharap na maaari niyang maging sandata upang matalo ito at mapalayas sa katawan ni Corazon.
"Siguro, iniisip mo kung paano mo ako ma-e-exorcise, ano?" mapanudyong inusisa pa nito sa kanya. Lumuhod ito sa tabi niya at marahan na hinaplos-haplos ang nagulong buhok. Gamit ang hawak na sandata ay pinutol nito ang suot niyang kwintas na may krusipiyo at ihinagis sa malayo. Nang makita ang magandang itsura ng bagong bihag, napangisi pa ito at pilyang nilanghap at dinilaan ang leeg niya.
"Hmmm, ang bango at ang sarap mo, Father!"
"Layuan mo ako!" mariin na panuto ni Pablo habang iniiwas ang mukha na kaunti na lang ay dadampi na sa labi ng may sanib na babae.
"Ang sungit mo naman! Inaamoy lang naman kita para malaman ko kung malasa ang dugo mo!"
"Balak mo ba akong kainin?" hindi makapaniwalang napabulalas niya ssa kausap na nagniningning ang mga matang nakatitig sa kanya na para bang isa siyang katakam-takam na putahe.
"Hindi pa, nais muna kitang paglaruan," sinagot naman nito habang pinapadulas ang kutsilyo paibaba sa katawan niya. "Mas malambot ang karne kapag nahimas-himas muna!"
Hawak ang patalim ay hiniwa nito ang pagkakatahi ng butones ng suot na pang-itaas ni Pablo.
"Punyem*s! Walang ganyanan!" kinakabahang pinagsabihan niya ang demonyo sapagkat alam na niya kung saan patungo ang sinasabing "laro" nito. "Huwag mo akong hahawakan!"
Magpupumiglas na sana siya sa pagkakatali subalit mabilis na tinutukan naman siya ng kutsilyo sa leeg kaya napahinto rin. Ilang saglit lang ay imbis na sa kanya ipatama iyon ay mabilis nitong hiniwa ang pulsuhan ng katawan ng sinasaniban.
"Tumigil ka!" pag-awat niya sa kalaban sa pag-aalalang nasasaktan nito ang tunay na si Corazon. Nabahala pa siya nang masaksihan ang mabilis na pagdaloy ng dugo at pumatak pa sa lupa. "Kung may galit ka sa akin, huwag mo siyang idadamay!'
"Kung ganoon, huwag kang maglalaban!" pagbabanta nito sa kanya. "Sa bawat pagpupumiglas mo, pahihirapan ko nang paunti-unti itong baliw na sinasaniban ko!"
"Ano ito? Pakikipaglaro ng apoy?" nanlilisik ang mga matang hinamon na siya ni Pablo na napupuno na ng galit, hindi dahil sa pagbihag sa kanya kungdi sa pagmamalupit nito kay Corazon. Napakuyom na lang siya ng kamao habang pinipigil ang sarili na mawalan ng kontrol alang-alang sa pinoprotektahan na babae.
"Huwag mo akong susubukan!" pagbabanta na niya sa demonyo. "Hindi ako nagbibiro, kapag sinimulan mo na itong laro, tatapusin ko! Binabalaan kita ngayon pa lang, pakawalan mo na ang katawan ng sinasaniban mo!"
Imbis na seryosohin ang babala ay isang makapanindig-balahibong halakhak pa ang nagmula sa kausap.
"Gusto ko ang mga lalaking palaban!" deklarasyon pa nito. "Pero gusto ko rin ng good boy, mas masarap ang dugo!"
Isang blangkong tingin lang ang natanggap niya sa lalaking pinagkakatuwaan. Kumunot ang noo niya nang mapansin na tila ba wala itong emosyon at nakatitig lang sa kanya. Nainis pa siya sa akto nito na tila ba walang epekto ang mga pananakot niya kaya sinipa-sipa niya ito sa may tandyang.
Kumurap-kurap lang si Pablo kahit na nakatanggap pa ng p*******t mula sa sumasanib. Isang pilyong ngiti ang gumuhit sa kanyang labi nang makaisip ng kakatwang pamamaraan upang mautakan ang kalaban.
Pinlano niya na pahabain ang oras na nag-uusap sila ng demonyo habang paunti-unti niyang hahatakin ang kadena na mahigpit na nakapalibot sa braso. Kapag nakawala na siya, tsaka niya ito ita-trap at pagkatapos ay sapilitang paaalisin sa katawan ni Corazon.
"Ano nga bang pangalan mo?" may tono ng paglalambing na tinanong na niya ang demonyo. "Nakakaintriga ka, sa totoo lang. Siguro, noong nabuhay ka dati bilang tao, maganda kang babae. Interesante..."
"Bakit ko naman sasabihin sa iyo?" pagtataka nito sa biglang pag-iiba ng sumpong niya na kanina ay palaban subalit ngayon ay nanunuyo na.
"Hmmm, masama bang makipagkilala?" mapanuksong sinabi pa niya kaya tinamaan na ang babaeng may sanib sa karisma niya. "Ako nga, kakilala mo. Hindi ba unfair na hindi ko man alam ang sa iyo?'
"Alam ko ang ginagawa mo! Nililinlang mo ako kasi gusto mong malaman ang pangalan ko para mapalayas mo ako sa katawan na ito!"
"Ang advanced mo naman na mag-isip. Hindi ba pwedeng, makipagkaibigan lang?" Napabuntong-hininga na lang siya upang ipakita na dismayado siya sa pagdududa ng kaharap sa tunay niyang intensyon. "Gusto mo ba na maglaro na lang?"
"Anong laro?"
"Huhulaan ko ang pangalan mo sa pamamagitan ng mga letra," panukala niya. "Kapag nahulaan ko ng tama ang pangalan mo, pakakawalan mo na ako."
"Asa ka kung mahuhulaan mo ang pangalan ko! Mamuti man ang uwak, hinding-hindi mo malalaman iyon!"
"Tignan natin," panunubok pa rin na makipagsundo ni Pablo. "Ganito, neh? Sa bawat pagkakamali ko naman, feel free to remove one of my buttons. Malay mo, maka-jackpot ka, may mahubaran ka pa na banal na pari."
Kumindat pa siya sa tinutukso bilang pahiwatig na game na game siya sa mapangahas na laro. Kaagad na napangisi at napadila pa sa bibig ang nilalang na hinahamon kaya napaghalataan na niyang akit na akit nga ito sa kanya. Kanina pa niya napapansin na ibang klase itong makatingin kaya napagpasyahan na niyang gamitin ang karisma bilang sandata.
"Sisimulan ko na ba?" nakangiting panimimula na niya. "Letter M?"
Napatawa ang may sanib at umiling-iling. Nagkunwari naman siyang nadismaya samantalang hindi man niya talaga pinag-isipan ang sinambit na letra. Sadyang pinakakagat lang niya ito sa bitag ng pang-aakit. Batid niya na kahinaan ng mga demonyo ang tawag ng laman kaya kahit kasalanan man, ipinain na niya ang sarili upang mailigtas si Corazon.
Walang kiyeme na hiniwa nito ang sinulid na nagkakabit sa butones ng kanyang pang-itaas.
Nanlaki ang mga mata ng demonyo sa makinis na balat na unti-unting lumilitaw sa likod ng puting damit na suot ni Pablo. Napalunok pa ito nang makailang beses dahil sa pagkatakam at kung maaari lang na dambahin at angkinin kaagad ang kaakit-akit na lalaki ay gagawin na nito. Kakaiba ang karisma ng kaharap na Alagad na Simbahan na sa unang tingin ay mukhang anghel pero may kamandag pala na maihahalintulad sa diablo.
"A-Anong susunod na hula mo?" nauutal na sinabi ng kalaro kaya bahagyang napatawa pa ang mapanudyong pari.
"Excited ka masyado, neh?" pagbibiro pa niya kaya mas naging sabik ang kausap.
"Letter...S?"
Walang anu-ano ay hinatak ng may sanib ang lahat ng natitirang butones kaya medyo nabahala si Pablo sa mabilisang akto nito. Nababagabag man ay sinikap pa rin niyang hindi umalis sa karakter ng mapang-akit na lalaki.