Case Number 6: Blood (Part 11)

923 Words
Naglaho na ang apoy ng impiyerno at ang tanging katawan ni Corazon ang naiwan. Pansamantalang nanatili itong nakatayo subalit ilang sandali lang ay bumigay na ang tuhod nito dahil sa dami ng pinasalang natamo. Bago pa man siya matumba ay mabilis naman siyang nasalo ni Pablo at inalalayan pa na humiga sa damuhan. "Huwag ka munang magkikilos, neh? Relax ka lang. Tatawag ako ng rescue," pagpapatatag niya sa loob ng tinutulungan habang marahan na hinahaplos ang ulo nito. "Malaya ka na naman mula kay Elizabeth. Pagkatapos nito, babalik na sa normal ang buhay mo. Aalalayan ka namin ni Sister Mary Joy..." Napangiti si Corazon sa mga salitang puno ng pag-asa na sinambit ng pari. Subalit, gaya nga ng inaasahan niya, malabo nang tumagal ang kanyang buhay lalo na at napaubo na siya ng dugo at nagdilim na ang paningin. Sa bawat paghabol ng hininga ay napapangiwi siya nang dahil sa matinding sakit. Hindi na niya alam kung saan ang pinsala sapagkat halos lahat ng buto sa katawan ay may mga bali na at maging mga lamang-loob ay sira-sira na. Lahat ng iyon ay dulot ng pagpahirap sa kanya ng demonyong si Elizabeth. "P-Pablo," hirap sa paghinga na tinawag na niya ang lalaking tinuturing niyang mabuting kaibigan. Marahan niyang hinawakan ito sa braso upang makiusap na huwag siyang iiwanan sa huling sandali niya sa lupa. "S-Salamat...salamat sa lahat..." Nangilid na ang luha sa mga mata ng pari sapagkat alam na niya ang kapupuntahan ng mga ganitong sitwasyon. Nakikita na rin niya na unti-unting naglalaho na ang life force sa katawan ng babae kaya batid niya na hindi na rin ito magtatagal. Mabigat man sa pakiramdam ay pinigil niya ang sarili na magpakita ng kahinaan upang ipakita ang suporta at tapang na kailangang-kailangan ni Corazon sa harap ng kamatayan. "S-Si Ursula," nagdedeliryong tinawag nito ang pangalan ng kaisa-isang anak. Sa huling sandali ng buhay ay bumalik sa kanyang diwa ang araw na unang nasilayan ang mukha ng bata. Tila ba pelikulang lumantad sa kanyang isipan ang araw ng panganganak at ipinahawak ng mga doktor ang sanggol sa kanya. Nahirapan man sa pagbubuntis ay nakalimutan niya ang lahat ng sakit nang makita na malusog ang anak. Mabilis na lumipas ang apat na taon at tinuturuan na niyang magbasa si Ursula. Katulad niya ay matalino rin ito kaya ipinagmamalaki pa niya sa mga kapwa guro ang kakayahan nito. Malambing at masunurin pa ito kaya kahit hindi man sinwerte sa asawa, pakiramdam niya ay biniyayaan pa rin siya ng Diyos sa anak. Sa kasamaang-palad, dumating ang panahon na pagkakaitan na siya ng ligaya at katinuan. Dahil sa kapabayaan ng esposo, magaganap ang malagim na aksidente. Isang gabi, umuwing lasing ang kanyang mister. Ganoon pa man ay sabik na sumalubong si Ursula sapagkat ilang araw na itong hindi umuuwi. Nais lang sana niyang makita ang ama pero pagmamalupit pala ang matatanggap. Dahil sa pagkalango sa alak ng lalaki, nainis ito at naitulak siya sa may hagdanan. Napahiyaw na lang si Corazon nang masaksihan ang pagkahulog ng bata. Dali-dali siyang pumanaog upang saklolohan ito pero huli na ang lahat. Nabali ang leeg ng anak kaya mabilis itong nalagutan ng hininga. Pumapalahaw ng iyak na niyakap niya si Ursula samantalang ang salbaheng asawa ay nagawa pang tumakas at pabayaan sila. Dahil sa masalimuot na pangyayari, tuluyan nang nawala siya sa tamang pag-iisip. "A-Anak," naghihingalong sinambit ni Corazon habang pilit na inaabot ang langit sapagkat natatanaw na niya na sinusundo na siya nito sa kabilang buhay. "Ang aking Ursula..." Pagkatapos masambit ang pangalan ay tuluyan nang naging blangko ang mga mata niya na natiling bukas. Tumulo ang luha ng tuwa nang makita na ang pinakaaasam. "Napakaganda ng pangalan niya. Marahil, kasingganda ka rin niya," pagpuri ni Pablo habang maingat na hinahawakan ang kamay nito upang iparamdam na hindi ito nag-iisa sa pagtawid sa kabilang-buhay. "Kung sinusundo ka na niya, sumama ka na kasi malamang, miss na miss ka na niya..." Kasabay ng huling hininga ng ginang ay ang pagbagsak ng malakas na ulan. Tila ba nagdadalamhati rin ang langit sa sinapit ng kapus-palad na babae. Nanlulumong napaupo sa lupa si Pablo at tuluyang tumangis. Likas na matapang man ay sadyang mahina naman ang kanyang puso sa mga ganitong pagkakataon. Masamang-masama ang loob niya sapagkat nabigo niyang iligtas ang napakabuting tao na si Corazon. Alam man niya na matatahimik na rin ang kaluluwa nito ay hindi niya mapigil ang sarili na malungkot sapagkat akala niya ay gagaling pa ito sa karamdaman. Asang-asa siya na maililigtas niya ito subalit naudlot ang lahat ng magagandang plano niya nang dahil lang sa isang demonyo. "Bakit binigyan Mo po ako ng ganitong kapangyarihan?" pagtatanong pa niya sa Diyos na pinagsisilbihan. "Kung ipaparamdam Mo rin sa akin ang sakit kapag may nabibigo akong mailigtas?" "Kadalasan, hindi kita maintindihan," may pagtatampong inamin pa niya sa Tagalikha na umaasa siya na isang araw ay kakausapin siya at ipapaliwanag ang lahat ng mga katanungang gumugulo sa kanyang isipan. Simula pa noong bata ay nais na niyang malaman kung bakit pinapadanas ng Diyos sa mga tao ang kahindik-hindik na mga trahedya, lalo na sa mga inosente at walang laban. Pilit man niyang unawain na marahil, may dahilan ang lahat, hindi niya maiwasang magdamdam pa rin kung nakakasaksi ng mga kaso na katulad ni Corazon. "Hindi man kita maintindihan pero may tiwala pa rin po ako sa Iyo..." Kasabay ng pagbuhos ng ulan mula sa alapaap ay ang pagtulo ng kanyang luha nang mapagtanto na hindi sa lahat ng oras ay maililigtas ang nais, kahit na ibigay pa niya ang lahat ng makakaya...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD