"Sanib, nasaan ka?" Umalingawngaw pa ang boses niya sa madilim na pasilyo habang mapanudyo niyang hinahanap ang pinagkakatuwaang demonyo. "Magbibilang ako hanggang sampu. Bibigyan kita ng pagkakataon na sumuko nang maayos. Kapag umabot ka sa taning, tumawag ka na sa helpdesk ng impiyerno!"
"Isa," pagbibilang na niya.
"Dalawa..."
"Tsk! Ayaw mo talagang lumabas, ha? Bakit ka ba natatakot sa akin? Kani-kanina lang, crush mo ako, hindi ba? Akala ko pa naman, mahal mo na nga ako!"
Napangisi siya at mas naging matingkad ang pagkakaputi ng mga mata nang marinig ang nagmamadaling pagtakbo ng hinahabol sa gitna ng mga puntod. Tila ba naging musika pa sa kanya ang naririnig na yapak ng kondesa sa mabatong daanan.
"Malay mo, kapag nagpakabait ka, maihatid pa kita sa rurok ng langit..."
"Tatlo, apat, lima," pagpapatuloy niya sa pagbibilang habang sinasadyang bagalan ang paglalakad. Kumanta-kanta pa siya ng paboritong awit tuwing nasa parte na ng misa ng Holy Communion.
"Even the power of evil prevails,
My faith will never be shattered.
I trust You, My Lord, with all my heart,
Save my soul from eternal despair..."
Gumapang sa ilalim ng mga talahib ang demonyo sa pamamag-asang maililigaw pa ang kahindik-hindik na si Pablo, na sinasadyang iparanas sa kanya ang takot na naramdaman ng mga inosenteng napaslang. Kung noon ay siya ang kinatatakutang kondesa, ngayon ay maihalalintulad siya sa daga na nagtatago mula sa gutom na pusa.
"Anim, pito, walo," magkakasunod na sinambit niya habang nakaupo sa may damuhan at pinapanood ang paggalaw ng mga dahon. "Mag-iingat ka riyan, Elizabeth, at baka matuklaw ka pa ng ahas!"
Nang dahil sa narinig ay mas naging aligaga ang sumasanib sa pagtakbo. Nabangga pa nito ang mga puntod at naapakan ang mga buto nang dahil sa pagmamadaling makaalis sa libingan ng mga nalimot na.
"Siyam..."
"Alam mo, sumuko ka na lang," pailing-iling na pinayuhan na lang siya ni Pablo na medyo nakukunsensya na rin sa paninindak ng demonyo, kahit na parang sadista rin niyang pinaglalaruan.
"Hindi ka man lang ba magso-sorry kay Corazon? At sa mga nabiktima mo pa?Any last words at baka maawa pa ako sa iyo..."
Nanatiling walang kibo ang tinatanong kaya batid na niyang wala ng pag-asang magbago pa ang masamang pag-uugali ng babae.
"Siyam at kalahati," huling pagtawad na niya upang lumabas na ang kondesa at umamin sa mga pagkakamali.
"Sampu!"
Tumayo na si Pablo upang huliin at parusahan na ang babae. Maihahalintulad siya sa isang anghel na nawawala na sa sarili dahil paikot-ikot na naglaro pa siya sa mga krus na nasa puntod, habang sinusundan ang mga hakbang ng tinutugis.
Lumakas ang ihip ng hangin at gumuhit sa langit ang magkakasunod na kidlat bilang pagbabadya ng malakas na unos. Sa bawat paghakbang niya ay dinig din ang paghangos ni Elizabeth, na nahihintakutan na sa nakikitang anino ng lalaking tinatakasan.
Nasa dulo na sila ng sementeryo nang hatakin na ni Pablo ang braso ng kondesa at kinaladkad sa loob ng isang mauseleum.
"Bitiwan mo ako!" paglalaban pa rin nito. Imbis na sumuko ay kagat at kalmot pa ang binigay niya sa binata na binigyan na nga siya ng pagkakataon na tanggapin ang pagkatalo at magsisi sa mga kasalanang nagawa.
"Bakit hindi ka na lang mag-sorry?" pagtatanong nito sa kanya. "Mahirap ba masyado ang humingi ng kapatawaran?"
"At bakit ako magso-sorry sa mga katulad niyo na hampaslupa?" pagmamatigas pa rin nito kahit na nasa panganib na ang kalagayan. Mula noon, kahit na napunta pa sa impiyerno ay nabubulag pa rin ito ng pagmamataas at kasamaan. "Hindi ako makakapayag na basta-basta mo akong ibabalik sa impiyerno! Kung nabuhay ka noong panahon ko, paiikutin lang kita sa mga kamay ko! Isa ka lang hamak na pari!"
"Akala mo rin ba, basta-basta ka lang ibabalik sa impiyerno ng hamak na pari?" mapang-asar na binalik naman ni Pablo ang babala at pang-iinsulto sa kondesa. "Hindi ba, mas mabigat ang parusa sa mga kaluluwa o demonyong tumatakas mula sa impiyerno? Alam ko kung saan ka nararapat na ilagay..."
Nabalot ng takot si Elizabeth nang magsimula nang sambitin ng hinahamon ang panalangin upang magbukas ang lagusan sa impiyerno.
Mula sa lupa ay nagbukas ang pintuan na may bumubulwak na apoy. Dinig mula roon ang pagtangis ng mga nakundenang kaluluwa na paulit-ulit na nasusunog at pinahihirapan ng hari ng impiyerno na si Lucifer.
Kung labis na ang pagdurusa ang nararamdaman ng mga naroon, higit pa ang mararanasan ng mga nagtatangkang tumakas mula sa kaparusahan. Doon ay may itinalagang mga hell hounds na ang trabaho ay ang lapain nang paulit-ulit ang biktima at pagkatapos ay itatapon pa sa kumukulong ilog ng apoy. Pagkatapos ay iaahon sila mula roon at pagagalingin subalit uulit na naman ang pagpapahirap mula sa simula. Higit pa sa pisikal na sakit ng mortal na katawan ang dinadanas ng espiritu kapag ang impiyerno na ang naghatol.
"Huwag mo muna akong ipadala sa impiyerno!" pagsusumamo ng kondesa. "Naging tao rin ako dati, hindi mo ba ako pwedeng mapagbigyan? Pari ka, hindi ba? Dapat maging mapagpatawad ka!"
"Pinapatawad naman kita Elizabeth, kahit na hindi ka man marunong humingi ng tawad," tugon ni Pablo sa pakikiusap niya.
"Pero napakarami mo ng pinatay at pinahirapan at marahil, binigyan ka pa ng Diyos ng napakaraming pagkakataon upang magbago. Ganoon pa man ay hindi mo pa rin nagawang magpakabuti at magpakumbaba. Pasensya na at kailangan mong pagbayaran ang lahat ng krimen na ginawa mo sa sangkatauhan, lalong-lalo na sa mga walang laban na katulad ni Corazon..."
"Kung hahayaan mo akong makalaya, pagharian natin ang buong mundo!" desperadong pakikipagkasundo pa rin nito. "Bakit ba pinag-aaksayahan mo ng panahon ang mga katulad ng baliw na ito? Kung magsasanib pwersa tayo, magiging mas makapangyarihan tayo sa lahat, maging mga anghel ay luluhod sa atin! Alam ko ang kapasidad ng lakas mo! Gawin mo akong kakampi at pinapangako ko na malayo ang marararing mo!"
Imbis na matukso sa alok nito ay mas nadismaya si Pablo kay Elizabeth. Kung sana humingi pa ito ng kapatawaran at nagsisi ay malaki ang posibilidad na nahabag pa siya. Subalit, sa nakikita niya ngayon ay sukdulan na ang kasamaan ng babae at magiging delikado pa kung hahayaan na makihalubilo sa mga tao.
"Ayaw ko," mariin na pagtanggi niya na labis na ikinagulat at ikinabahala ng demonyo. "Hindi iyan ang nais kong marinig mula sa iyo. Magmuni-muni ka muna kasama si Lucifer sa mga ginawa niyong kasalanan..."
Sa isang iglap ay lumawak na ang lagusan ng impiyerno. Tila ba naging magnet ito na pwersahang hinahatak na ang demonyo pabalik kung saan ito nararapat. Nang dahil sa sindak ay sumubok pa itong kumapit kay Pablo pero tinalikuran na siya nito at nilayuan.
"Hindi pa ito tapos!" nagawa pa rin nitong magbanta bago tuluyang humiwalay sa katawan ni Corazon at nilamon ng apoy.
"Ipagdasal mo sa Diyos mo na hindi ako makakatakas sa impiyerno dahil sisiguruhin ko na pahihirapan kita hanggang sa nanaisin mo na lang na mamatay!"
Imbis na masindak ay kalmadong umupo pa ang pinagbabantaan sa tuktok ng puntod at kumaway bilang pagpapaalam.
"OK!" ang tanging naging tugon niya.