"Oo! Oo, gustong-gusto kita!" pag-amin naman ng tinutukso kaagad. "Una pa lang na naramdaman ko ang lakas mo, hindi ka na mawala sa isipan ko! Araw man o gabi, naiisip ko na kasiping kita!"
"Ako ba, posible mo rin na magustuhan?" kasunod na pag-uusisa naman nito habang nakahawak sa mga pisngi ng pari. "Halikan mo ako!"
Nanatili lang na tahimik si Pablo pero pinaunlakan naman niya ito sa nais. Pumikit siya at mapangahas na humalik sa labi nito na labis naman na ikinatuwa ng nakayakap na babae.
Lingid sa kaalaman ng sumasanib, isa na naman na bitag ang ibinigay niyang halik. Sa katunayan, imbis na pagnanasa ang maramdaman sa bawat haplos na natatanggap mula sa demonyo ay pandidiri at galit ang bumabalot sa kanyang puso.
Gamit ang espiritwal na kapangyarihan ay sinubok niyang pasukin ang diwa ng demonyo. Naging maingat siya na hindi nito mapansin ang panghihimasok upang makilala kung sino nga ba ang sumasanib kay Corazon.
Kitang-kita niya ang isang kastilyo kung saan may mga nakabitin na mga babae sa kisame. Medyo umikot pa ang sikmura niya nang maaninag na lahat sila ay nakalaslas ang mga leeg at tiyan, at nakapatiwarik upang mas mapabilis ang pagdaloy ng dugo. Sa ilalim ng mga bangkay ay naroon ang malaking bath tub na punong-puno ng maligamgam pa na likido.
Mula sa bakal na pintuan ay lumitaw ang isang may edad ng babae na nakasuot ng magarbong pananamit. Inalalayan siya ng mga alila na hubarin ang makapal na kasuotan. Nang manipis na panloob na lang ang suot ay lumusong na ito sa paliguan upang maligo ng dugo, sa paniniwalang maibabalik pa nito ang dating kagandahan na pinaglipasan na ng panahon.
Bumalik sa alaala ni Pablo ang itsura ng babae na nakita na niya sa libro ng history. Iyon at ang kondesa sa noong sixteent hanggang seventeenth century at nabuhay sa Hungary. Sikat ito bilang serial killer ng mga dalagita sa paniniwalang bumabata ang balat niya sa bawat pagkakataong maliligo siya gamit ang dugo ng mga biktima. Taong 1610 nang mahuli ito at nakundenang makulong sa kastilyo habambuhay.
Kung akala ng nakararami ay matagal na itong sumakabilang-buhay at pinaparusahan sa impiyerno, sa kasamaang-palad ay nakawala pala ito at patuloy na naghasik ng lagim. Gaya nang nakagawian, kumukuha pa rin ito ng mga batang babae upang pagkatuwaan at pagpiyestahan ang dugo. Nagpalipat-lipat ito ng mga katawan at mga bansang pinaghahasikan ng lagim. Nitong mga nakaraang buwan lang ay nagpasya na nitong sa Pilipinas naman kumuha ng mga bata.
"Marahil, ikaw ang babaeng napapabalitang pinakamaganda noong nabubuhay pa at sa palagay ko naman ay totoo," pagpuri pa ni Pablo nang malaman na ang tunay na pagkatao at pangalan ng sumasanib kay Corazon.
"Ang mga mata mo raw ay maikukumpara sa mata ng mga pusa na magniningning sa dilim..."
"Pero ikaw ay tumanda rin at lumipas ang kagandahan at inakala mo na mananakaw ang kabataan at kagandahan ng iyong mga biktima..."
"Ano kaya ang pakiramdam ng mga dalagitang pinahirapan mo at ininom ang dugo? Hindi ka man lang ba naawa sa kanila kahit kaunti?"
Natigilan ang demonyo sa biglaang pagbanggit niya sa nakaraan. Wala siyang kaalam-alam na ang lalaking kapiling ngayon ay may kapangyarihan pala na malaman ang alaala ng isang kaluluwa o espiritu sa pamamagitan ng paghawak lamang.
"Bakit ka tumigil sa paghaplos sa akin? Ayaw mo na ba sa katawan ko, Countess Elizabeth Bathory?"
"P-Paano mo nalaman ang pangalan ko?" nahintakutang napabulalas na ng kondesa.
Hindi na nagkaroon ng pagkakataon na makatakas pa ang demonyo sapagkat nabuwag na ni Pablo ang kadena at singbilis ng hangin na nahatak siya sa mga braso.
"Niloko mo ako!" naghuhurimintadong sinigaw niya habang hinahampas sa dibdib ang binata. "Paano mo nagawa sa akin ito?"
"Ano ba sa tingin mo ang gagawin ko?" pang-aasar pa niya sa demonyo. "Akala mo ba, ipapaubaya ko nang buong-buo ang katawan ko? Susmaryosep! Dapat nga kitang idemanda ng s*xual harrassment! Kung saan-saan umabot ang mga kamay mo! Pati ano ko, hinipo mo-"
Natigilan na siya sa pagrereklamo nang duraan ni Elizabeth ng kumukulong likido at nagawa pang kalmutin sa mukha, dahilan upang tumulo ang dugo paibaba ng pisngi. Nang dahil sa pagkabigla ay marahas na niyang naitulak sa palayo ang kondesa. Sa lakas ng pagkakahawi niya ay nabangga pa ito sa krus na bakal. Napahiyaw ito sa sakit nang mapaso naman ang balat.
"Ano ba itong lalaki na ito?" nahintakutang naisip niya habang gumagapang palayo sa pari. "Kailangan ko nang umalis!"
Lilisanin na sana niya ang sinasaniban na katawan subalit laking gulat niya nang hindi na magawang makaalis. Nabalot ng sindak ang kabuuan niya nang masaksihan na mabilisang naglaho ang mga sugat ni Pablo sa mukha. Nasilaw pa siya nang biglang nagliwanag at naging puti ang kanina-kaninang mala-abong mga mata.
"Amazing, 'di ba?" nakangising sinabi na ng pari na aakalaing nagbibiro ang tono pero ang totoo ay nagbabanta na upang layuan ng kalaban. "Hindi ka na makakaalis kasi hawak ko na ang pangalan mo sa ihahatid ko sa impiyerno!"
"Hay*p ka! Manloloko!" nanginginig sa takot at galit na tinuran pa siya ni Elizabeth nang mapagtanto ang dahilan kung bakit kanina pa niya gustong malaman ang pangalan nito.
Kung alam lang ng masasamang espiritu ang tunay na pagkatao ni Pablo, paniguradong pangingilagan nila ito. Hindi lang siya ordinaryong pari na may kakayahan sa exorcism sapagkat sa pangalan lamang ay maaari na niyang maipadala sa impiyerno ang mga demonyo, maging mga fallen angels na naghahasik ng lagim sa mundo.
"Maglaro tayo!" parang bata na pag-aya naman ni Pablo. Lumuhod pa ito sa harap ni Elizabeth at pinitik nang mahina ang noo nito. "Hide and seek!"
Hindi pa man niya nasasabi ang mga kundisyon ay kumaripas na ng takbo ang kondesa. Napatawa na lang ang binata sapagkat nag-e-enjoy na siya na paglaruan ang nilalang na may kasalanan kung bakit napahamak si Corazon.
Nakangiti man, ang totoo ay ayaw niya ang ganitong pakiramdam, sapagkat alam niya na mas nagiging masahol pa siya sa demonyo kapag nadadaig na ng galit. Noon pa man ay pinipigil niya ang sarili dahil posibleng makapanakit siya kapag nasagad ang pasensya. Halos araw-araw ay nananalangin siya na sana ay huwag magamit ang kapangyarihan sa isang bagay na pagsisisihan din niya pagkatapos.