Kabanata 1 – Dalawandaang Taon
Dalawandaang taon. Dalawandaang taon na ang lumipas magmula nang masilayan ni Adelaida ang sinag ng liwanag. Ang kaniyang mata ay nanatiling dilat sa gitna ng kadiliman, sa loob ng isang silid na may apat na dingding ngunit walang kahit ni isang bintana. Tanging isang pintuan lamang ang naroroon na kailanman ay hindi tinangka ng babae na hawakan at buksan.
Nanginginig siya hindi dahil nag-iisa siya o natatakot, kundi sa kagustuhang mamatay. Nangangamoy dugo ang silid, nagkalat ang iba't ibang patalim at nakasabit sa itaas ang ilang mga tali na ginamit niya upang tapusin ang pait at sakit. Ngunit wala sa mga ito ang tumapos ng kaniyang buhay. Magmula noong isinumpa siya, hindi na niya nahawakan ang mga ito.
Duguan ang bawat parte ng kaniyang katawan, wala siyang tinirang pulgada na hindi nababahiran ng patalim at paghihirap. Dalawandaang taon man siyang hindi kumakain at hindi natutulog, kailanman ay hindi siya dinalaw ng kamatayan. Maliban na lang kung pag-uusapan ang nangyari sa kaniya bago ang panahong ikinulong niya ang sarili sa kadiliman.
"Hoy mga bwisit kayo! Huwag niyo 'kong iwan ditooo!" rinig niyang sigaw mula sa labas ng kaniyang silid. Naidilat niya ang kaniyang mga mata. Nagtaka siya sa narinig kung kaya't naisipan niyang gumalaw kaya nasagi ng kaniyang paa ang ilan sa mga patalim.
"Franche! N-Narinig mo 'yon?" sabi pa ng boses ng isang babae. Narinig niya ang mga yabag ng mga taong nagsitakbuhan malapit sa pinto ng silid.
"T-Totoo ba talagang may m-multo dito?" tanong ng isa pang boses. Nalilito si Adelaida kung totoo ba ang kaniyang naririnig o isa na naman bang panibagong sumpang ipinarusa sa kaniya.
"Sus! Ikaw nagyaya na mag ghost hunting tapos ikaw 'tong naihi sa pantalon mo, Claude?" pang-aasar ng isang lalaki. Nagtawanan naman ang mga boses.
"Hoy gago! Hindi ako naihi 'no! Naluha lang ang pantog ko, di pa makamove-on sa A Walk To Remember," sagot ng isa pang lalaki. Napatakip si Adelaida sa kaniyang tenga, nagugulumihanan siya sa panibagong mga tinig na naririnig niya.
"Hahaha! Hoy kanina ka pa tahimik Bato ah! Nagro-rosaryo ka na ba sa isip mo?" dugtong pa ng lalaki. Nagtawanan ulit sila. Parang sasabog na si Adelaida sa panibagong sensasyong nararamdaman niya. Gumalaw ang kaniyang mga binti at nasagi na naman nito ang mga patalim.
"S-s**t! Narinig niyo 'yon?"
"H-Hoy! Alis na tayo!"
"In the name of the Father, and of the Son, and of the Hol—"
"Mga bakla! Bubuksan niyo 'tong pinto o ako ang bubukas sa mga bungo niyo?" sigaw ng isang matapang na babae.
"Eh ikaw kaya ang magbukas Sanchez!"
"Sige! Ako ang magbubukas pero kayo gagawa ng essay ko! Five pages ha?!"
"Payag daw si Bato! Magvo-volunteer siya! Diba Bato?"
"Gago."
Matapos ang ilang minutong katahimikan ay biglang umalingawngaw ang kalabog ng bumukas na pinto. Napapikit si Adelaida sa isang malabong liwanag na tumama sa kaniyang mga mata. Narinig niya ang mga sigaw ng kanina'y tumatawa na mga boses. Narinig niya ang kanilang takot, kaba, mga mura, at ang di makapaniwalang mga ekpresyon.
"Tangina! Takbooo!" sigaw ng isang lalaki at nagsitakbuhan silang lahat maliban sa isang babae na matapang na humakbang papasok sa kadiliman. Ilang minuto ang lumipas bago ito nagsalita.
"H-Hey, you are alive, right?" tanong ng babae. Hindi niya maaninagan ang hitsura nito. Nang mapagtantong wala itong kahit ni isang saplot na suot, niyakap niya ang sarili. "s**t. Buhay ka nga."
"Hoy mga duwag! Tulungan niyo ako! She needs help! Buhay siya!" sigaw ng babae at tatakbo na sana upang tulungan siya nang biglang kinuha ni Adelaida ang isang patalim at itinutok sa babae. Agad itong napahinto.
"A-Alejarse de mí!" sigaw ni Adelaida habang nakatutok ang patalim sa babae. Itinaas naman ng babae ang kaniyang mga kamay.
"Was that a Spanish language?" tanong ng babae sa kaniyang sarili. Naiinis siya dahil duwag ang kaniyang mga kasamahang pumilit sa kaniya na pumunta sa lugar na kinatatakutan ng lahat. "D-Do you understand English?"
"N-No tiene importancia," sagot ni Adelaida. Kumunot ang kaniyang noo nang maglabas ito ng isang maliit at parihabang bagay na umiilaw. May pinindot ang babae dito.
"We are here to help you! Please get your knife down!" sigaw ng babae. Isa-isa siyang nakarinig ng mga yapag ng mga sapatos.
"Gago! Saan ba kayo nanggaling? Ha?!" galit na sigaw ng babae. Kumunot ang noo niya nang makita ang isang pari na nakasunod sa kaniyang mga kaibigan.
"Tinawagan ni Chloe ang tito niyang isang pari. Mabuti na lang at nagkataon na malapit lang dito ang chapel kung saan siya nagmimisa," paliwanag ng isang lalaki. "Teka Sanchez, ba't naggo-google translate ka sa phone mo?"
"Eh parang Espanyol, di ko naiintindihan," sagot ng babae. Kumunot ang noo nilang lahat nang humakbang papalapit ang pari at lumuhod upang pumantay kay Adelaida na may hawak pa ring patalim.
"Está bien, estamos aquí para ayudarte," sabi ng pari kay Adelaida. Wika nito'y maayos lang ang lahat at andun sila upang tulungan ang dalaga ngunit umiling si Adelaida.
"I-Isa kang prayle," mahinang sagot ni Adelaida. Hindi pa rin niya binababa ang hawak na kutsilyo. Mahigpit pa rin ang yakap sa h***d na katawan. "¿Cómo confiar en ti?"
"You can trust us," sagot ng pari matapos tanungin kung paano sila mapagkakatiwalaan ng dalaga. "Hindi ko maintindihan kung bakit prayle ang tawag mo sa akin na para bang isa ka sa mga karakter ng Noli Me Tangere pero magtiwala ka, iha. Andito kami, gagabayan ka rin ng Diyos."
"No necesito un Dios, ni salvación, ni la vida eternal!" sigaw ni Adelaida. Tumulo ang mga luha na dalawandaang taon nang hindi lumalabas sa mga mata niya. Nanginginig ang kaliwang kamay niya na may hawak pa rin ng matalim na bagay.
"Iha, kailangan mo ng Diyos. Kailangan natin ng Diyos. Siya ang tanging sasagip sa atin," kalmadong sabi ng pari matapos isigaw ng dalaga na hindi niya kailangan ang isang Diyos, ang pagsalba nito, at ang walang hanggang buhay.
"K-Kasinungalingan," bulong ng dalaga. Sa dalawandaang taon nitong hindi natutulog, tila ngayon siya nakaramdam ng panghihina. Unti-unti niyang nabitawan ang patalim at nanlalabo ang kaniyang paningin. "Kung totoo Siya, sana hindi ako nakagapos sa kadenang ito."
____
Dalawandaang taon. Sa dalawandaang taon, ngayon lang siya nagising mula sa isang tulog. Sa nagdaang mga taon, ngayon lang niya nasilayang muli ang sinag ng liwanag. Ngayon lang rin siya nakasalamuha ng mga tao.
"M-Maayos lang ba ang kalagayan mo?" kinakabahang tanong ng isang babae na may mga palamuting nakasabit sa leeg nito. Kumikinang ang kaniyang mga hikaw at kitang-kita ang kaniyang maputing balat dahil sa suot nitong maikling shorts at sleeveless shirt. Nakasuot rin ito ng itim na boots.
"Anong henerasyon na ba ito?" tanong ni Adelaida. Naninibago siya sa tanawin ng isang dalagang pinapakita ang balat niya. Malayong-malayo ito sa mga kababaihang kinabibilangan niya noon.
"Ha?" naguguluhang sambit ng babae. Inilagay nito ang kutsilyo sa mesa at kinain ang binalatang apple. "I can't understand you."
"Mukhang mahusay sa wikang Ingles ang iyong henerasyon. Sinakop ngang tunay ng Amerika ang ating inang bansa noon," sambit niya at umiling-iling. Hindi niya sana sasabihin iyon ng malakas ngunit hindi niya sukat aakalain na ang napagtagumpayang digmaan noon ay mauuwi sa panahong ito.
Pinagmasdan niya ang kaniyang mga kamay at braso. Ngayon niya lang nasilayan ang mga sugat na gawa niya. Sa kadiliman kasi'y naghahalo ang dugo at sugat, para bang naging parte ng kadiliman.
Bumukas ang pinto at pumasok ang mga taong nangahas na pumasok sa kumbento kung saan siya natagpuan. Laking pasalamat niya nang hindi makita ang pari dahil naaalala niya lang ang mga masasamang pinagdaanan niya sa kamay ng mga prayle.
"Uy! Gising ka na pala," sabi ng isang lalaking may malinis na gupit ng buhok. Nakasuot ito ng itim na shirt at tattered jeans saka puting rubber shoes. Nagtataka man kung saan napunta ang mga barong na sinusuot ng kalalakihan noon, nanatiling tahimik si Adelaida.
"Kain ka na, maputla ka eh," sabi naman ng isang babae na kasalungat ng babae kanina. May suot itong salamin, naka-bestida na long-sleeved na abot hanggang sahig, at naka-bakya. Mukhang may natitira pang kababaihan mula sa panahon noon, isip-isip ni Adelaida.
Tumayo si Adelaida at hindi man lang nag-abalang magsalita. Tinanggal niya ang dextrose sa kaniyang pulsuhan at dahan-dahang naglakad. Napatayo naman ang anim na mga teenagers at sinundan siya.
"Saan ka pupunta?" tanong ng isa ngunit hindi na ito nag-atubiling lumingon. Tinahak niya ang daan papunta sa pinakatuktok ng ospital at natuklasang may rooftop ito. Gamit ang natitirang lakas, mabilis niyang tinakbo ang distansiya mula sa pinto ng rooftop papunta sa pinakadulo.
"H-Huwag kang tumalon!" sigaw ng lalaki at tumakbo na rin upang sagipin ang babae ngunit huli na ang lahat. Tumalon nga si Adelaida.
Ngunit sa kasamaang palad, hindi siya namatay. Sa loob ng higit na dalawandaang taon, hindi siya namatay, at kailanman ay di bibisitahin ng kamatayan.
-