Napangiti si Apple ng mula sa malayo ay nakikita na niya ang mumunting bahay nila habang nakasakay ng tricycle. Alam ng pamilya niya na uuwi siya, pero hindi alam ng mga ito ngayon siya uuwi. Hindi niya sinabi dahil gusto niyang i-surprise ang mga ito. Pinahinto niya ang tricycle hindi kalayuan sa bahay nila saka ibinigay ang bayad sa driver at bumaba.
Hindi siya pwedeng bumaba sa tapat ng bahay nila dahil makikita agad siya ng mga ito kapag nagkataon. Nakita niya ang kapatid niyang si Clarissa na nagwawalis sa bakuran nila. Nakatalikod ito sa kanya kaya hindi siya nito nakita.
“Tao po?”
Nakita niyang natigilan ito sa pagwawalis at nanigas. Dahan-dahan itong lumingon sa kanya at nanlaki ang mga mata nang makita siya.
“Ate!!” Mabilis itong tumakbo sa kanya saka siya niyakap nang mahigpit. “Ate!!”
Natawa siya ng ikiskis nito ang mga pisngi nila. “Kumusta ka na, Clarissa?”
Kumalas na ito mula sa pagkakayakap sa kanya. “Ayos naman po, Ate.” Napatingin ito sa dala niyang malaking bag. “Kailan ka pa dumating? Ako na magdadala nito.” Kinuha nito ang maliit niyang bag na naglalaman ng mga pasalubong niya para sa mga ito.
Bahagya niyang ginulo ang buhok nito. Si Clarissa ang pangalawa sa kanilang magkakapatid. Masayahin ito, mabait, at masunurin. Magdede-sais na ito sa susunod na linggo kaya baka lalo siyang matagalan sa lugar nila. Gusto niya din kasing makasama ito sa araw ng birthday nito.
Nang magkasakit ang ama nila ay gusto din nitong tumigil sa pag-aaral para magtrabaho para makatulong sa mga magulang nila, pero hindi siya pumayag.
Ayaw niyang matulad sa kanya ang mga kapatid niya na walang natapos. Ayaw niyang maging katulong din ang trabaho nito. Hindi naman sa minamaliit niya ang trabaho ng mga katulog—ang trabaho niya—pero gusto niya pa rin na makapagtapos ang mga ito at makahanap ng magandang trabaho. Iba pa rin kasi ang may natapos sa pag-aaral. Wala naman siyang ibang hinihiling kung hindi ang mapabuti ang mga buhay nito.
“Ngayon lang.”
“Eh?” Tiningnan siya nito ng may gulat. “Bakit hindi mo sinabi? Sana nasundo ka namin sa terminal.”
“Gusto ko kasi kayong i-surprise.” Tumingin ito sa kanya dahilan para mapakunot ang noo niya. “Bakit?”
Niyakap siya nito sa bewang. “Wala. Nami-miss lang kita, Ate. Ang tagal mo din kasing hindi umuwi sa atin.”
Napabuntong-hininga siya. “Oo nga, eh. Naging busy kasi ako sa trabaho.”
“Ma, Pa! Nandito na si Ate!” Bahagya siyang nagulat sa biglang pagsigaw ng kapatid. Minsan talaga nakakagulat ang kapatid niyang ‘to. Bigla-bigla na lang kasi itong sumisigaw.
Nang makapasok sila sa bahay ay inamba agad siya ng yakap ng kanyang ina habang nasa hita naman niya ang bunso nilang kapatid.
“Bakit hindi mo sinabi sa akin na dadating ka ngayon?”
Niyakap niya nang mahigpit ang ina. “Gusto ko lang kayong i-surprise, Ma.” Isinubsob niya ang mukha sa leeg niya at niyakap niya nang mahigpit ito.
“May problema ka ba, Anak?”
Biglang lumungkot ang kanyang mukha dahil biglang pumasok sa isip niya ang mukha ng binata nang huli silang mag-usap. Naalala niya ang malungkot nitong mukha. Alam niyang nasaktan niya ito sa sinabi niya. Minsan din kasi hindi niya napipigilan ang bibig niya.
Umiling-iling siya saka niyakap pa rin ang ina. “Wala po, Ma. Na-miss ko lang kayo.”
Hinaplos nito ang kanyang likod dahilan para mapapikit siya. Isa ito sa mga na-miss niya sa ina niya. Gumagaan ang kanyang pakiramdam. “Maligayang pagbabalik, Anak.” Sa wakas, nakauwi na din siya sa kanila.
KINABUKASAN ay pinapakain ni Apple ang kanyang bunsong kapatid. “Ayan! Dapat marami kang makain para madali kang lumaki at kapag lumaki ka na matutulungan mo na sina Mama at Papa.”
“Huwag kang mag-alala, Ate. Bibilisan ko pa ang paglaki ko para hindi na magtrabaho si Mama at makakatulong din ako sa ‘yo.” Pinisil niya ang matambok na pisngi ni Andy, ang bunso nilang lalaking kapatid.
Sampong taon pa lang ito. Isa din ito sa tumutulong para alagaan ang papa nila. Kahit bata pa ito ay nakikita na nito na kailangan nitong tumulong sa kanila. Masayahin din ito at bibo, ito ang nagbibigay saya sa pamilya nila.
“Ang cute-cute talaga ng baby namin.”
Napanguso ito habang pisil-pisil niya pa rin ang pisngi nito. “Hindi na ako baby, Ate. Malaki na ako.”
Pinaningkitan niya ito ng mga mata saka niyakap. “Kahit malaki ka na, ikaw pa rin ang baby ni Ate.”
“Ate!” Napatawa siya. Tumatawa naman ito habang pilit na kumakalas sa pagkakayakap niya.
Na-miss niya talaga ang pamilya niya. Ilang buwan din siyang hindi umuwi at habang nandito siya ay susulitin niya ang araw na kasama niya ang mga ito.
“Oras na po ng gamot niyo, Pa.” Naupo mula sa pagkakahiga ang ama niya saka kinuha ang gamot na inilahad niya. Ibinigay naman niya ang isang baso ng tubig dito.
“Salamat, Anak.”
Ngumiti siya dito saka tinulungan ito sa paghiga ulit. “Walang anuman, Pa. Magpahinga na muna kayo at pupuntahan ko lang si Mama.” Hinalikan niya ito sa noo saka umalis.
“ANG daming chicks dito, oh,” rinig ni Aiden na sabi ni Wyatt. “Mukhang magiging mainit na naman ang gabi ko nito.”
“Bago uminit ang gabi mo, humanap ka na muna ng babae,” asik ni Dylan. “Baka mamaya, aso na naman ang papatulan mo.”
“Gago ka, ah!” Tumakbo si Dylan dahilan para habulin ito ni Wyatt.
Nagpipigil naman siya ng tawa. Naalala na naman kasi niya ang araw na sobrang lasing ni Wyatt dahil naghalo-halo ang ininom nito. Inakala ng binata na babae ang kausap nito, pero hindi nito alam na aso pala. Hindi nila pinigilan ito at kinuhaan pa ni Dylan ng video. Halos masuka ang binata ng halikan nito ang aso, buti nga hindi ito kinagat. Hindi na niya nakayanan ang nakikita kaya hinila niya ang lasing na lasing na si Wyatt. Nagngangawa pa ito dahil ‘yong babae niya daw.
Napapailing na lang siya habang nakatingin sa dalawa na naghahabulan sa dalampasigan. Nandito kasi sila sa Boracay ngayon at nagbabakasyon. Sinama nila ang kaibigan nilang depressed na depressed. Napatingin siya kay Zaver na walang buhay na nakatingin sa mga tao. Mukhang nagbago na talaga ang kaibigan niya.
Kung noon kasi kapag nagbabakasyon sila, kapag nasa dalampasigan na sila magugulat na lang sila dahil wala na sa tabi nila si Zaver at muli silang magugulat na may kausap na pala itong babae, pero ngayon… Tinamaan talaga ng pag-ibig ang kaibigan nila.
Tinapik niya ang balikat nito dahilan para mapatingin ito sa kanya. “Ayos ka lang?”
Napabuntong-hininga ito. “Not much.”
“Why don’t you enjoy yourself?” Ininom niya ang alak. Nakaupo sila habang nakaharap sa dalampasigan. May counter bar na malapit sa dalampasigan.
Muli itong napabungtong-hininga. Lihim siyang napatingin dito habang nakaharap pa rin sa dalampasigan. “Simula ng mawala siya ay hindi ko na alam ang salitang enjoy.”
“Huwag kang mag-alala, mahahanap mo din siya at ang magiging anak niyo. Kung kayo talaga, gagawa ng paraan ang tadhana para magkita kayo.”
“Yon na nga, eh. Kung kami talaga” Hindi na siya nagsalita pa dahil kahit anong sabihin nila dito ay may pabalang itong sagot. “Saan ka pupunta?” tanong niya nang tumayo ito.
“Babalik na muna ako sa kwarto. Medyo masama ang pakiramdam ko.”
Napabuga siya ng hangin. Palagi naman, eh. Umalis na ito kaya mag-isa siyang naiwan. Hinanap niya ang dalawa at hindi na niya makita ang mga ito. Siguro nakahanap na ang mga ‘yon ng babae. Inubos niya ang alak niya saka tumayo. Maglalakad-lakad na muna siya.
Hindi niya napansin na nasa mga souvenir shops na pala siya. Nagtitingin-tingin lang siya dahil wala naman siyang balak na bumili at wala naman siyang pagbibigyan no’n. Napatigil siya sa isang shop kung saan may nagbebenta ng bracelet. Napatingin siya sa isang bracelet na may pendant itong letter A. Agad na pumasok sa isip niya si Apple sa hindi niya malaman na kadahilanan.
Napailing na lang siya. Bigla niya tuloy na-miss ang kabaliwan nito. Bigla niya din naaalala ang huli nilang pag-uusap. Hanggang ngayon kaya ay galit pa rin ito sa kanya? Hindi niya talaga maalala kung may nagawa ba siyang hindi nito nagustohan habang lasing siya. Kahit anong pag-alala ang gawin niya ay hindi niya maaalala.
Sobrang lasing talaga siya nang araw na ‘yon kaya nga paggising niya ay sobrang sakit ng ulo niya at nagtataka siya kung bakit may band-aid ang isa niyang daliri. Hindi niya maaalala kung saan niya nakuha ang sugat niyang ‘yon
“Kasi nakakaperwisyo ka!”
Naalala na naman niya ang sinabi nito. Napailing-iling siya. Bibilhin na lang niya ito para sa dalaga at para humingin na din ng sorry dito sa kung ano man ang ginawa niya para magalit ito.
HALOS libutin na ni Aiden ang buong bahay, pero hindi niya pa rin nahahanap si Apple. Napakamot siya sa kanyang ulo. Saan naman kaya nagsusuot ang babaeng ‘yon at hindi ko mahanap. Napatingin siya kay Manang Pesing na papalapit sa kanya.
“May hinahanap po ba kayo, Sir?”
“Ah, oo, Manang. Nakita niyo ba si Apple? Kanina ko pa kasi siya hinahanap pero hindi ko siya makita.” Ibibigay niya kasi ang bracelet na nabili niya para sa dalaga.
Kakauwi lang kasi nila galing sa bakasyon at ang dalaga agad ang hinanap niya. Sigurado siyang matutuwa ito, lalo na’t gusto ng mga babae na may nagbibigay ng regalo sa mga ito.
“Umuwi po sila sa kanila, Sir Aiden.”
Nagulat siya sa sinabi nito. “Umuwi? Kailan pa? Bakit hindi ko alam?” sunod-sunod niyang tanong dito.
“Noong isang araw pa po. Gusto niya sanang magpaalam sa ‘yo kaso umalis kayo kasama ng mga kaibigan mo kaya sa akin na lang siya nagpaalam.”
“Kailan daw po ang balik niya?”
Umiling ito. “Hindi niya sinabi sa akin, eh. Magbi-birthday kasi ang ama niya sa susunod na araw kaya pinayagan ko na. Isa pa, ilang buwan din siyang hindi nakauwi sa kanila kaya sigurado akong magtatagal siya doon.” Hindi siya nakapagsalita. “Bakit, Sir? May kailangan ka po ba sa kanya?”
Umiling-iling siya. “Wala po, Manang.” Napabuntong-hininga siya. “Sige, Manang. Magpapahinga po muna ako.”
“Sige po, Sir.” Bahagya itong yumuko saka umalis.
Pumunta naman siya sa kanyang kwarto at pabagsak na nahiga sa kama. Napatingin siya sa kisame. “Umuwi siya? Noong isang araw pa?”
Napabuga siya ng hangin saka napapikit. Bakit hindi man lang siya nagpaalam sa akin? Bigla siyang napamulat at napabangon mula sa pagkakahiga nang may maalala.
“Kung umuwi siya ng mag-isa sa kanila at hindi ako kasama, baka pilitin siyang magpakasal sa lalaking ‘yon? Kapag nangyari ‘yon, kapag hindi ko siya tinulungan ay hindi niya din ako matutulungan.” Napabuga siya ng malakas na hangin. “Bakit kasi hindi niya ako sinabihan?”
“AYOS ka lang ba, Anak?” Napatingin si Apple sa kanyang ina saka ngumiti.
“Oo naman po, Ma.” Kinuha niya ang pinamili nitong gulay saka inilagay sa bitbit niyang bayong.
Nasa palengke sila ngayon at namamalengke para sa uulamin nila mamayang gabi. “Napapansin ko kasi simula nang umuwi ka ay parang ang lalim ng iniiisip mo.”
“Wala po, Ma. Ayos lang po talaga ako.” Ngumiti siya dito para hindi ito mag-alala sa kanya.
Napabuntong-hininga naman ito. “Kung may problema ka, Anak, pwede mo naman sabihin sa akin.” Ngumiti lang siya at hindi na sumagot.
Lihim siyang nalungkot nang pumasok na naman sa isip niya si Aiden. Hanggang ngayon ay bitbit niya pa rin sa puso niya ang guilt na nararamdaman. Napabuga siya ng hangin. Magso-sorry na lang siya kapag nakauwi na siya sa Maynila. Sa ngayon ay i-enjoy-in niya muna ang mga araw na nandito siya sa kanila dahil sa pagbalik niya sa Maynila ay hindi niya alam kung kailan siya ulit makakauwi at makakasamang muli ang pamilya.