Chapter 6

3286 Words
KAUNTING linis lang ang ginawa ni Cruzette kinabukasan sa office ng bagong boss. Hindi naman iyon madumi dahil nilinis pa niya nang husto kagabi bago siya umuwi. Pagkatapos niyang ma-disinfect ang buong opisina ay nanatili pa rin siya roon. Syempre, sinunod niya ang bilin ni Clyde.  Nang pumatak ang alas otso ay pinagsamasama na niya ang mga gamit sa paglilinis at ipinahinga sa isang sulok malapit sa pinto. Siguro ay may iuutos o ibibilin pa si Clyde sa kaniya kaya gusto nitong datnan siya sa doon. Eight fifteen, pero wala pa rin si Clyde at nabalot na siya ng pagtataka. Bagaman maaga pa iyon sa regular na office hours ng RCC, iniexpect niya kasi na mas maagang darating ang Boss. Nang magsimulang mangawit ang kaniyang mga binti ay hinila na niya ang isa sa magkaharapang silya ng maliit at parisukat na mesita at doon naupo. Tinandaan niyang pagtunog na pagtunog ng elevator ay agad siyang tatayo. Eight thirty nang mapagod siya sa pag-upo at ibinalik na niya ang silya sa pwesto. Marahil naman ay patungo na doon ang kaniyang amo ay kailangang maghanda na siya. Hindi niya pinansin ang tumatambol na dibdib habang naiisip na makakaharap na naman niya si Clyde. Nang lumipas ang ilan pang minuto at wala ang kaniyang hinihintay ay nagsimula na siyang mag-panic. "Boss Clyde, nasa'n ka na ba? Ano'ng nang nangyari sa'yo?" tanong niya habang nagpapalakad-lakad doon. "Baka naman hindi ka papasok ngayon, e ano pang ginagawa ko rito?" Nakadama siya ng disappointment sa posibilidad na hindi nga magreport sa trabaho si Clyde. Kahit naman kasi hindi niya ma-handle ang sarili sa tuwing kaharap ito, ang lalaki pa rin ang nag-iisa at siyang nagbibigay-kulay sa araw niya kaya gusto niya itong makita parati. Isang katok sa pinto ang pumunit sa pagkabalisa niya. Mabilis siyang lumapit doon, pero bago pa niya maabot ang knob ay naitulak na iyon ng pumasok - ang assistant ni Clyde. "Nandito ka pa?" tanong nito bago pa siya makapag-Good Morning. May dala itong naka-folder na mga papeles na idiniretso nito sa mesa ng big boss. Ibig bang sabihin no'n, papasok si Clyde? Nagkaroon ng pag-asa ang puso niya. "Bakit hindi ka pa bumababa?" tanong ng lalaki at humarap sa kaniya. "Sabi kasi ni Boss Clyde, dito lang ako hangga't hindi siya dumadating." Sandaling natahimik ang kaharap pagkuwa'y, "Bakit daw?" "Hindi ko din alam, Sir..." "Sonny na lang. H'wag mo 'kong tawaging Sir," pormal na wika nito at hinagod siya ng blangkong tingin. "Nung una kitang makita akala ko lalake ka. Pero may nakapagsabi sa akin na taga-HR..." Hindi na lang niya tinugon ang sinabi nito. Pasimple niyang iniiwas ang mukha. "Okay lang 'yan," anito sa tonong naaaliw. Ano namang nakakatawa? Ang reaksiyon niya? Akala siguro nito ay nahihiya siyang aminin na tomboy siya kaya siya tumahimik. "H'wag mong ikahihiya kung ano ka. Hindi na 'yan bagong bagay." At marahan pa nitong tinapik-tapik ang kaniyang pisngi. Mapapangiti na lang sana siya nang biglang naagaw ang kaniyang atensiyon nang maliit na tunog mula sa elevator. Nakita niya ang paghawi ng pinto at nasalubong ang mga mapanuring mata ni Clyde. Sabay pa silang bumati ni Sonny nang pumasok na ito at naglakad papunta sa mesa. Lumapit agad dito ang assistant. “Sir, you have a meeting with representatives from Malaya Project at ten thirty this morning; one-thirty with Mr. Rolando Sibaya; and four o'clock with Mr. Daniel Uy of Jacinta Towers..." Tahimik at nananatiling nakatayo lang si Cruzette sa likuran ni Sonny habang idinidikta ng assistant ang schedule ng kanilang boss. Nakakaramdam na nga siya ng gutom dahil hindi pa siya nag-aagahan kaya lang ay hindi naman siya maaaring umalis nang basta. “And'yan sa harapan nyo, Sir, ang ilang dokumento na kailangan ng pirma, at pati na ang mga files na itinawag n’yo sa akin kagabi." "Okay."  "At saka, Sir, tumawag po sa akin si Mr. Belleza kanina at kinumpirma ang pagdating niya sa bansa mamayang hapon. Ipinatatanong po niya kung pwede ko nang isingit ang meeting niya sa inyo mamayang hapon." "Negative. Mag-set ka na lang ng meeting bukas with Mr. Belleza and Mr. Honesto Reyes ng Maintenance Department." "May bakante po kayo sa umaga, Sir. Okay na po ba ang alas dies?" "That's fine," ani Clyde at mula sa tagiliran ni Sonny ay nasilip niya ang pagtayo nito mula sa swivel chair. "Bumalik ka na sa [westo mo, Sonny. Tatawagan na lang kita mamaya bago ako lumabas." "Okay, Sir. Thank you, Sir," anang assistant saka magalang na tumalikod. Pagharap ni Sonny at ningitian siya nito. "Maiwan na kita." Tinanguan lang niya ang lalaki at hindi na nakuhang magbuka ng bibig. Umaabot na kasi sa lalamunan niya ang kaba at nakikisabay pa roon ang gutom. Isang tikhim ang nagpaangat ng kaniyang tingin sa nilalang sa harapan. Nasa gilid ito ng office desk at nakatunghay sa kaniya. Gusto niyang malula sa tingin nito. "G-good morning, Boss-" "Kanina ka pa rito?" bungad nito sa malalim at malamig na boses. Tumango siya bilang sagot. Pakiramdam niya kasi ay mauubos na ang energy niya kapag nagsalita pa. "Kanina pa rin ba kayo magkausap ng assistant ko?" matamang tanong nito at saka humalukipkip. Naalarma siya roon at napilitan tuloy magbuka ng bibig. "H-hindi, Boss! Halos magkasabay lang kayong pumasok ni Sir Sonny," depensa niya dahil hindi niya gustong isipin nitong naglalakwatsa siya sa mismong opisina nito. "Why did you let him touch your cheek?" Napamaang siya. "A-ano 'yun, Boss?" Nagsalubong ang mga kilay nito. "Nevermind," magaspang na sagot ni Cyde sabay talikod at nagtungo sa trono nito. Dinampot nito ang mga folders sa harapan at binuklat. "You may leave. Ipapatawag na lang kita mamaya." Nadismaya na naman siya sa inasal nito. Hindi naman sa inaasahan niyang magiging magiliw ang boss sa kaniya, pero hindi niya lang maiwasan ang pagbaha ng frustration. "S-sige, Boss. Maiwan ko na kayo." Sandali pa niyang pinagmasdan si Clyde na mukhang wala nang pakialam sa kaniya bago siya marahang tumalikod. Nagkukukot ang dibdib niya habang palabas ng opisina.   BUONG umaga na naman siyang nakatunganga sa lounging area at naghihintay na ipatawag ni Clyde. Naisip niyang baka ipapatawag siya nito bago umalis ng opisina kagaya kahapon. Kaya pagkatapos ng lunch break ay nagprisinta siyang tulungan na lang ang isang kasamahan na nautusang maglinis sa stock room. Mas mabuti na iyon kesa mabaliw siya sa sobrang pagkainip. "Sigurado ka ba? Paano kung ipatawag ka ni Sir?" nag-aalalang tanong ni Nimfa. Ayon sa babae ay kapitbahay nito si Mr. Reyes sa Tondo, Manila bago lumipat ang matandang bisor sa Quezon City. "O, bakit? Madidinig ko naman ang paging alarm dito, a! E, di iiwan ko ang ginagawa ko at bahala ka na." Hindi nga niya iyon naisip kahapon dahil hindi pa niya kabisado ang routine sa bagong task. Pero maaari ngang may gawin din siyang iba habang hinihintay na umalingawngaw ang kaniyang magandang pangalan sa buong building. Naka-kalahating oras na sila roon nang magkatinginan sila ni Nimfa. "O, ayan! Kailangan ka na ni Kamahalan!" tawa nito habang binubundol naman ng kaba ang kaniyang dibdib. "Sige, iwan na kita!" paalam niya at mabilis na lumabas ng stock room at dumiretso sa elevator. Medyo natagalan pa bago siya makasakay. Pagdating sa fifth floor ay parang sa kidlat na tumayo siya sa pinto ng opisina ni Clyde. Ilan munang warning knock ang ibinigay niya bago pinihit ang handle at itinulak ang pinto. "Come in already!" matigas na utos ni Clyde dahilan para bahagyang mapapitlag si Cruzette. Mainit pa yata ang ulo ng boss niya.   Pagkasara niya ng pinto ay agad siyang lumapit sa mesa nito, pero ago pa siya makapagsalita ay umalingawngaw na ang galit na tinig ng amo. "Sino'ng may sabi sa'yong pwede kang gumawa ng ibang bagay na hindi ko naman iniutos?" Nalaglag ang mga panga niya sa narinig. Pakiramdam rin niya ay tinakasan siya ng dugo sa mukha bago pa siya makaisip ng isasagot. "Ano'ng ginagawa mo sa stock room kanina?" Nagsimulang manginig ang mga labi niya. "A-a... e, B-Boss, kasi po... t-tinulungan ko lang po 'yung isa kong kasama. H-hindi ko naman po alam na ipinatawag n’yo pala ako." "Hindi kita ipinatawag! Sinadya kita kanina sa housekeeping at sa lounging area, pero wala ka! Isa sa mga kasamahan mo ang nagsabing naglilinis ka sa stock room!" Nalaglag ang mga balikat niya. May na-violate siyang rule ni Clyde at ang masama nito ay huling-huli siya ng amo. "K-kasi Boss... n-nahihiya na 'ko sa iba kong kasama. Lahat sila abala samantalang ako prenteng-prente sa pag-upo." "Nahihiya ka sa kanila? Bakit? Sino ba ang nagpapasweldo sa lahat ng mga empleyado ng kompaniyang 'to?" Natahimik siya at bahagyang napayuko. Oo nga at na-orient na siya ni Miss Bautista tungkol doon, pero hindi niya akalaing gano'n kahirap makipag-argumento kay Clyde. Inisip pa niya na ini-exaggerate lang ng supervisor ang tungkol sa kanilang amo, pero parang gusto niyang maniwala na may pagka 'halimaw' nga ito. "E-e... n-nakatunganga lang din po kasi ako... s-sa station namin... kaya naisip kong tumulong na lang-" "Fine! So mamili ka! Anong gusto mo? Tutunganga ka sa lounging area at maghihintay lang ng utos ko o sisisantihin kita ngayon din?" Pinagtagis niya ang mga bagang sa pagpipigil ng emosyon. Nagsimula ding mag-init ang paligid ng kaniyang mga mata. Of course, hindi siya pwedeng umiyak sa harapan nito. Pero naiiyak talaga siya! Hindi matanggap ng puso niya na pinagagalitan siya ni Clyde. Lumunok siya ng isang beses at humugot ng hangin. Matapang niyang sinalubong ang mga matang nakatuon sa kaniya at kalmadong sumagot. "Tutunganga na lang po ako... Boss..." Sandaling katahimikan ang naghari sa pagitan nila. Naramdaman niya ang panunuot ng lamig sa balat niya. Tumatagos hanggang sa kaniyang puso. Isa lang ang gusto niya sa pagkakataong iyon. Ang mawala na sa harapan ni Clyde. "Ayoko nang maulit pa ito, Cruz..." ani Clyde na umuntag sa kaniya. Lihim niyang kinagat ang labi nang tumingin dito. "O-opo." "I'm staying until nine o'clock tonight. Alam mo naman siguro na hindi ka pwedeng umuwi hangga't nandito pa ako?" "A-alam ko po." “Do something to spare your boredom. Lagi mong isipin na kakailangin kita anumang oras." Mula sa pagkakairita ay blangko na ngayon ang mukha ni Clyde nang tingnan niya. Hindi na lang siya sumagot. "And be here at six thirty tonight. Sharp. H'wag mong kakalimutan dahil hindi na kita ipapatawag mamaya." "Y-yes, Boss." "Bumalik ka na sa station n'yo." Pagbalik sa lounging area ay sa CR siya nagdirecho. Hindi na niya napigilang umiyak pagpasok. "Ikaw, Clyde ha! Pinaiiyak mo na agad ako!" reklamo niya habang inaayos ang sarili sa harap ng salamin. Mabuti na lang at walang tao roon kaya malaya siyang magdrama.  Paglabas ay isinalampak niya ang sarili sa mahabang upuan at hinugot ang cellphone sa bulsa. Uuwi siya kinabukasan ng San Carlos pero naisip niyang makipag-text na lang kay Roswell. Ibinuhos niya ang sumunod na mga oras sa paglalaro ng games sa cellphone. At kapag may reply si Roswell ay sinasagot din niya. "Do something to spare your boredom daw, e!" bulong niya na nilitanya ang sinabi ni Clyde. Pagdating ng six-twenty five sa orasan ay nasa elevator na si Cruzette. Naabutan pa siya doon ng kaniyang bisor. "O, Romero? Pinapaakyat ka? Nasa'n ang arganas mo?" usisa nito at tiningnan ang mga gilid niya. "Overtime daw po si Boss. Kaya malamang na hindi pa niya ako paglilinisin. Pero pinapaakyat niya 'ko nang alas sais y medya." Ngumisi ang babae. "May iuutos? Mabuti naman! Gusto ko nang isiping unfair iyang si Sir Clyde, eh!" Alas sais sa wrist watch niya nang sapitin ang pinto ni Clyde. At nagkagulatan pa sila ni Sonny na saktong palabas ng opisina. May pagtatakang tiningnan siya nito. "Ikaw ang hinihintay ni Sir?" Napamaang siya saglit bago alanganing tumango. "Yata. Pinapaakyat niya 'ko, e." Natahimik si Sonny at mataman siyang tinitigan. "Oh? Boss's pet." Ngumiti ito at tinapik siya sa pisngi. Pagkatapos ay iniwan na siya doon na bahagyang nagtataka.   SAKA lang naunawaan ni Cruzette kung bakit ganoon na lang ang reaksiyon ni Sonny kanina. Dahil maging siya ay namamangha at nagtataka habang nakatunghay sa mga pagkaing nakalatag sa mesa. Dinner with the boss? Ano ba ito? "Take a seat," untag ni Clyde at napapitlag siya. Lumipat dito ang kaniyang mga mata. "Bilisan natin ang pagkain. Hindi ako pwedeng magtagal dahil may mga naghihintay pa sa 'king mga trabaho." Kinalas nito ang mga butones sa laylayan ng long sleeves saka itinaas ang mga manggas hanggang sa may siko nito. Hindi na naman niya napigilang panoorin ang paghakab ng mga muscles nito sa mamahaling tela. Kahit ano atang damit ang isuot nito ay hindi kayang itago ang kakisigan ng binata. Umupo na ito at isinenyas sa kaniya ang katapat na upuan. Isang awkward na ngiti ang nanulas sa mga labi niya. "S-sigurado ba kayo, Boss? A-ako talaga ang… kasalo n’yo?" Tinitigan siya nito. "May iba pa ba akong kasama dito sa pantry maliban sa 'yo?" nanunuyang balik-tanong nito. Nag-init ang mukha niya sa pinagsamang hiya at pag-aalangan. Pero dahil nag-aalala siyang baka magalit na naman si Clyde ay naghila na nga siya ng silya at naupo. Nagsimulang maglagay ng pagkai si Clyde sa pinggan nito. Ginaya na lang niya kung ano ang ginawa ng amo. At dahil abot-abot ang kaba niya ay pinag-igi niya ang paghawak sa mga kubyertos at sinikap na huwag panginigan ng mga daliri habang tumutusok ng ulam. Nasa kalagitnaan sila ng pagkain nang magsimula ng usapan si Clyde. "Saan ka nga pala umuuwi?" Nilunok muna niyang maigi ang nasa bibig bago sumagot. "S-sa... Monte Villas, Boss..." Nasa recent address niya iyon kaya hindi siya pwedeng magsinungaling. Isa pa ay alam na naman niya ang isasagot sakali ngang magtanong si Clyde tungkol sa kaniyang personal na buhay. Kasama iyon sa ipinahanda sa kaniya ni Bridgette. "Monte Villas?" nakaarko ang mga kilay na tanong nito. "Oo, Boss. Pero… hindi sa akin 'yung bahay. Hindi ko naman afford tumira sa gano'ng mamahaling village. Sa kaibigan ko lang po. Pinapatira lang niya ako pansamantala." "So you live with this friend?" usisa nito. Umiling siya. "Nasa ibang bansa po siya ngayon." "Saang bansa?" "Ge- Japan..." "What about your family?" Patuloy lang sa pagtatanong si Clyde habang sige sa pagkain. Samantalang siya ay kanina pa yata busog. Busog sa pinagsama-samang kaba at pagkamangha. "E... nasa Hongkong ang nanay ko, Boss. Ang tatay ko naman hindi ko na nakilala. A-anak po ako sa pagkadalaga." "Nag-iisa ka ngayon sa bahay na tinutuluyan mo?" Kinuha nito ang baso ng tubig at uminom. "Sa ngayon po, oo, pero next week makakasama ko na po iyong kinakapatid ko." Tumangu-tango ito at muling sumubo. Na-distract pa siya sa pagbukas ng mapupulang labi ni Clyde at ng paglitaw ng dulo ng dila nito para kunin ang ulam sa tinidor. Nakagat niya ang labi sabay na mariin na paglunok. Pinalis niya ang namumuong agiw sa utak. Pagkuwa'y dinampot ang baso ng tubig at uminom. "Boss…" tawag niya maya-maya at nakita ang pag-angat ng mukha ng kasalo. "May gusto sana akong sabihin sa inyo. Parang suggestion lang naman." Sandali munang tumahimik si Clyde at niyuko muli ang pagkain. "What is it?" Humugot siya nang malalim na paghinga para palakasin ang loob. "Pwede n’yo ba 'kong bigyan ng ibang assignment maliban dito sa office nyo?" Kinuha nito ang napkin at nagpahid ng bibig. "Pinag-usapan na natin ito, Cruz. At malinaw ang sinabi ko sa'yo at sa supervisor mo." "Suggestion lang naman, Boss..." depensa niya. "Naisip ko lang kasi, sayang ang ibabayad n’yo sa akin kung nakatengga lang ako sa station namin at naglalaro ng games sa cellphone." "Wasn't it your decision? Gusto mo bang papiliin ulit kita?" Natahimik siya. Niyuko niya ang pinggan at tinitigan ang pagkain doon. Ang tabang na kanina pa ng panlasa niya, pero pinipilit niyang kumain dahil ayaw niyang magalit ang boss. Pero ganun pa rin ang ending. Naku, Cruzette! H'wag ka nang makulit diyan! At baka maya-maya ay ipa-terminate ka niyan dahil sa kakulitan mo! "Fine," ani Clyde na nagpalipad ng mga mata niya dito. Tumingin din ito sa kaniya at itinaas ang dalawang kilay. "Pag-iisipan ko." Namilog ang mga mata niya at halos malaglag ang mga panga. Hindi siya makapaniwala sa sinabing iyon ng binata. Gusto niyang magtatalon. Gusto niyang magsisigaw sa tuwa, pero pinigilan niya ang sarili at baka mabago pa ng kaniyang magiging reaksiyon ang desisyon nito. Isang malaking ngiti ang hinayaan niyang gumuhit sa kaniyang mukha. "Thank you, Boss." Ang tangi niyang nasabi bago itinuon na muli ang pansin sa kinakain at mabilis na inubos ang natitirang laman ng pinggan.   EKSAKTONG alas nueve ng gabi nang bumalik siya sa opisina ni Clyde. Nakatayo na ito at ipinapasok sa itim na bag ang laptop. "Boss! Ingat pag-uwi! Salamat ulit sa libreng dinner." Dinampot nito ang itim din na coat na nasa sandalan ng upuan.  "I'll just get my car. Hihintayin kita sa baba sa tapat ng lobby." Para siyang itinulos doon. "P-po...?" "You heard me." At nilampasan na siya saka dumiretso sa naghihintay na elevator. Tulalang pinanood niya ang pagdistansiya ng malapad na likuran nito. Patigil-tigil siya sa ginagawa. Napasalampak pa nga siya sa sofa dahil gumagapang ang tensiyon sa buong katawan niya. Ihahatid kaya siya ni Clyde? O baka may ibibilin pa ito kaya hihintayin siya? Pero kung may bilin ito e, bakit hindi pa sinabi kanina bago bumaba? "Hay, maloloka ako, promise! Ano ba itong mga pakana mo Clyde? Ginugulat mo'ko minu-minuto! Nililito mo ang pagkatao ko! Hindi ko na alam!" bulalas niya at napasandal sa malambot na sofa. Oo nga at iyon talaga ang dapat at ang inaasahan na mangyayari sa misyon niya - ang mapalapit siya kay Clyde at ang nang sa gayon ay makuha ang tiwala nito at nang makita niya ang mundo nitong hindi diumano napapasok ng kahit sino maging ng sarili nitong Lolo. Lamang ay nasa bingit ng alanganin ang kaniyang misyon. Paano kung isang araw ay hindi na niya makontrol nang husto ang sarili? Lalo ngayong higit siyang naaakit ng mga katangian ni Clyde? "Hindi lang ang misyon ko ang delikado! More importantly? Ang puso ko! Paano kung tuluyan akong mahulog sa'yo at hindi ko na gustuhing iwan ka? Ano'ng gagawin ko?" Sa tantiya niya ay natagalan siya noon sa paglilinis. Kaya para siyang may pakpak sa paa niya nang lumabas at sumakay ng elevator pababa sa first floor. Idineposito niya ang mga gamit sa housekeeping. Nahahati siya sa pag-asam na sana ay kinainipan ni Clyde ang paghihintay sa kaniya at sa pag-asam na sana ay naroon pa ito sa labas. Alin talaga sa dalawa? Naghubad niya ng uniform at isinuot ang checkered na polo shirt. Sinuklay niya ng mga daliri ang buhok saka lumabas at dumaan sa biometrics scanner. "O, boy, kanina ka pa hinihintay ni Sir!" bati sa kaniya ng isa sa mga security guards. Namilipit ang tiyan niya sa narinig at mabagal na bumaba ang mga mata sa nagsosolong midnight blue na SUV. "S-sige, Manong Guard! Alis na'ko! Good night!" Halos mabasag ang kaniyang dibdib sa matitinding palo ng puso habang pababa ng lobby. At muntikan nang maparalisa nang bumaba ang salamin sa driver side at lumutang ang napakagwapo, pero nakasimangot na mukha ni Clyde. "What took you so long? Hurry up!" magaspang na utos nito at halos mapalundag siya. Nalunok tuloy niya ang lahat ng pagtutol na naipon sa bibig. So natagalan pala talaga siya? Pero bakit hindi pa ito umalis at iniwan siya? Ayaw naman niya talagang sumabay dito. "Sasakay ka ba o kailangan pa kitang bitbitin papasok?" Nasa tono nito ang pagkabagot.  Hindi na nga siya nagsalita pa at umikot na at sumakay sa nakabukas na passenger seat. Ningatngat niya ang loob ng labi nang umandar na ang kotse. Abut-abot ang kaba niya at parang mauubusan ng oxygen.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD