ILANG beses nang napagsolo si Cruzette kasama si Clyde sa opisina nito. Pero iba ang sitwasyon niya sa loob ng kotse nito dahil torture iyon sa image na kailangan niyang ipakita sa mga tao.
Napakalapit ni Clyde sa limitadong espasyo ng sasakyan nito at kung hindi niya iniipit ang mga kamay sa tagiliran ay baka kusang maglakbay ang mga iyon papunta sa katabi. Para tuloy siyang tuod sa gilid ng binata habang biyahe. Maliban sa mga mata niya na panay ang lipad sa matitipunong brasong nasa manibela.
Noon, nangangarap lang siyang madaanan ng tingin ni Clyde at makilala nito. Natupad na iyon sa wakas. Pero sa isang wirdong paraan.
Marahang siyang napabuntung-hininga. Totoo kaya ang sinabi ni Miss Bridgette sa kaniya? Na kung babae siyang haharap kay Clyde ay mahihirapan siyang kuhanin ang atensiyon nito?
Imposible namang walang babae sa buhay ng gwapong nilalang na ito. Baka itinatago lang ni Clyde? Twenty-eight na si Clyde at wala diumanong girlfriend. Baka puro flings lang an gusto ng boss niya?
"Gaano ka na katagal dito sa Maynila?" untag ni Clyde at napapiksi siya.
Tumikhim siya nang minsan bago sumagot. "W-wala pa pong isang buwan..."
"Saan nga ang hometown mo?"
Sandali muna siyang natigilan. Ayon kay Bridgette, alam ni Clyde na karamihan sa mga idinedeploy ng ahensiya nito ay mga naggaling ng San Carlos at Sta. Catalina. Kaya wala siyang dapat alalahanin.
"Sta. Carlos, Boss, pero sa Sta. Catalina ako ipinanganak."
Pagkatapos noon ay hndi na muling nagtanong si Clyde na ipinagpapasamalat naman niya.
"Ituro mo na lang sa akin ang block mo." Papasok na sila noon sa village na tinutuluyan. Unti-unti na ring nagno-normalize ang kaniyang paghinga.
"Dito na'ko, Boss!" Pinasigla niya ang tinig at inabot ang handle ng pinto ng kotse, pero nahirapan siyang buksan iyon. Hindi niya alam kung nate-tense pa rin ba siya o umiral lang ang pagkaignorante o ano.
"Let me," ani Clyde at bago pa siya makatutol ay halos magdikit na ang mga mukha nila nito.
Ibinaon niya ang sarili sa upuan at tiniyak na hindi magkakasayaran ang mga balat nila. Umaabot sa kaniya ang bango at init na inilalabas ng katawan ni Clyde at hustong pinananayuan na siya ng balahibo. Napapikit siya. Please, Lord, tama na po!
"Why?" untag ni Clyde at mabilis siyang nagmulat. Pati hininga ni Clyde, ang sarap samyuin. Pasimple siyang lumunok at humugot ng hangin.
"Do I smell awful? Kung makaiwas ka..."
Nakabalik na ito sa pwesto at nabuksan na rin ang pinto para sa kaniya. Nakahinga na rin siya ng maayos.
"H-hindi, Boss," sagot niya. Kung alam lang nito kung ganito ito kabango at katakam-takam sa sistema niya. "Baka lang kasi... magkapalit ang mga mukha natin e, hindi yata ako papayag. Mas pogi kaya ako sa inyo!" Tumawa siya at sinundan iyon nang palihim na lunok. Pinagtaasan naman siya ni Clye ng mga kilay. Isang kakaibang ngisi rin ang gumuhit sa mga labi nito.
"J-joke lang ‘yon, Boss ha!" biglang bawi niya at bahagyang sumeryoso. "Pogi lang pala 'ko. Ikaw kasi... g-gwapo..." With a capital G!
Pinigilan niyang mangisay habang iniisip kung paano nasabi iyon. Kaytagal na niyang gustong sabihin iyon sa harapan mismo ni Clyde!
"Pa'no, Boss? Bukas na lang ulit. Ingat kayo pag-uwi! Thank you!" sunud-sunod na sabi niya saka mabilis na bumaba bago pa siya ibisto ng kinikilig din na mukha.
Hindi na nga niya nilingon ang sasakyan nito at halos liparin pa niya ang pagpasok sa apartment. Pagdating sa loob ay hindi niya napigilan ang isang tili.
UNANG Sabado ni Cruzette sa kompaniya at katulad ng napag-alaman niya ay may ilan lang sa mga empleyado ng Maintenance and Facilities at Procurement Office ng RCC ang pumapasok sa ganoong araw.
Grey na T-shirt na maluwang, six pocket shorts at top-sider ang kaniyang suot nang pumasok siya ng building. Nasasagwaan siya sa sariling porma pero wala siyang choice.
"Kung matapos ang misyon na 'to, hindi na'ko magtitiis sa mga baduy na get-up ko!" aniya sa sarili habang inaayos ang scrubs. Pagkatapos doon ay hinila na niya ang barrel cart at sumakay ng elevator patungong ninth floor.
Sa pagkakaalam niya, puro meeting lang si Clyde sa araw na iyon, at hanggang alas dos lang ang opisina nito. Kaya kung aawas siya sa trabaho ng bago mag alas-tres ng hapon, at agad makakasakay ng bus biyaheng NLEX, kulang alas siete ng gabi ay nasa San Carlos na siya.
Binuhay niya ang mga ilaw sa office ni Clyde at nagsuot na ng gloves. Inilabas niya duster at nagsimula sa mismong workstation ni Clyde. Pinigilan niya ang sariling maupo sa trono ng boss kahit ilang araw na siyang natutuksong gawin. Inispreyan niya ang ibabaw ng mesa at pinadaanan ng tuyong basahan.
Isinunod niya ang mga sofa sa opisina na sa ordinaryong paningin ay malinis naman. Pinagulungan niya ng duster ang mga dingding at lahat ng sulok doon, ganun din ang likod ng sofa at ang coffee table. Ipinagpag niya ang mga throw pillows saka pinadaanan ng spray at tuyong basahan ang mga side tables. Wawalisin na lang niya ang sahig ng opisina tutal ay hindi pa yata niya nakikitang hindi iyon makintab.
Pagkatapos doon at isinunod niyang linisin ang pantry. Nalinis na niya iyon kagabi, pero pinasadahan pa rin niya ng basahan at kaunting kemikal ang bar, sink at counter tops at ang kwadradong mesa kung saan sila nag-dinner kagabi ni Clyde. Pinakintab lahat ng stainless sa paligid at pinaraanan ng flat mop ang maputing sahig. Inispreyan niya ng disinfectant ang mga mahahawakan ni Clyde at saka pinunasan at tapos na. Magsasawa ang mga mikrobyo sa lugar na iyon!
Paglabas niya ay saktong pumasok naman si Sonny na naka-short pants, casual shoes at V-neck na baby pink. Kapag weekend kasi ay malaya ang mga empleyado sa kahit anong isuot.
"Good morning!" bati nito pagkakita sa kaniya at dumiretso na sa mesa ni Clyde.
"Morning!" bati naman niya nang humarap ito. "Pumapasok ka rin pala ng weekend?"
"Hindi, a! Saglit lang ako. Hihintayin ko lang dumating si Sir Clyde at sisibat na din ako," sagot ng lalaki at lumapit na sa may pinto. Sinuri pa nito ang porma niya. "Sa'n ang gala mamaya?"
Sandali muna siyang natigilan bago naunawaan ang itinatanong nito.
"A, wala! Uuwi ako sa amin mamaya pagkatapos ng trabaho." Hinubad na niya ang disposable gloves at itinapon sa dalang litter bag.
"Taga-saan ka ba?"
"San Carlos."
Tumangu-tango ito at hinila na pabukas ang pinto. "Mukhang hindi ka pa tapos dito. Doon na ako sa pwesto ko."
"Ilang taon ka na nga bang nagtatrabaho rito?" tanong niya bago pa ito tuluyang magpaalam.
Tumikwas ang mga kilay at mga labi ni Sonny. “As CEO's assistant, magtatlong taon na. Bakit mo naitanong?”
“Wala naman. E, ‘yung pinalitan mo, gaano ang itinagal dito?”
“Well… medyo matagal naman. Naka-limang taon ang pinalitan ko na lalaki din. Ewan ko ba kay Sir Clyde! Allergic yata sa babaeng assistant!" wika ni Sonny at pinagulong ang mga mata. "Siya, sige na at may gagawin din ako! See you around!" At tuluyan na itong lumabas.
Pag-alis ni Sonny ay binilisan na ang paglilinis. Pakiramdam niya ay ilang minuto ang nasayang sa pakikipag-usap kay Sonny. Naisip niya ang huling sinabi nito. Allergic sa babae si Clyde? Imposible!
Kung straight ito, imposible ang sinasabi ni Sonny! Baka naman, allergic lang ito sa mga babaeng assistant dahil alam ni Clyde na hindi imposibleng magkagusto rito ang kahit sinong babae na lagi nitong makakasalamuha sa trabaho.
Hindi nga imposible! Kung siya nga na madalang masilayan si Clyde sa nakaraang sampung taon, tinubuan nang ganoong damdamin para sa binata, 'yun pa kayang mga babaeng madalas itong makita? Nadagdagan tuloy ang paghanga niya sa boss. Sobrang devoted ito sa trabaho at kumpaniya na hindi gustong ihalo ang personal na buhay.
Pinapadaanan niya ng flat mop ang sahig sa gitna ng mga sofa, nang napansin niya ang mukhang palmera sa isang sulok na may naninilaw ang mga dahon. Napaawang ang bibig niya at inihilig ang handle ng mop.
"Patay ka! Hindi ko pala ito napapaarawan!" Umi-squat siya sa malaking paso at sinipat ang mga dahon. "Syete naman, o! Bakit hindi ko ito naisip?" Nasa boses niya ang pagpapanic.
Ah! Palibhasa'y hindi siya maalam sa paghahalaman at nawala sa loob niyang hindi lang basta palamuti ang palmera sa opisina kundi isang bagay na may-buhay na nangangailangan din ng pag-aalaga.
"Ni hindi ko nadilig man lang!" ngiwi niya at hindi lubos-maisip kung paanong sa nagdaang dalawang araw ay inisnab ang presensiya doon ng kawawang palmera. Doon kasi sa mga dati niyang assigned floors ay walang mga ganoong palmera na kailangang ilabas ng building para paarawan.
Inangat niya ang paso sa bilog at mababaeng mesitang kinapapatungan nito at tinantiya ang kabigatan noon.
"Keri!"
Maingat niya iyong binitiwan at sandaling tumuwid para makabwelo nang maganda. Pagkuwa'y muling umi-squat sa harapan ng halaman at iniikot ang braso doon habang umalalay naman ang isang palad niya sa puwitan. Unti-unti siyang tumayo at halos yakapin na niya ang paso.
"What's that?" Ang tinig na sumalubong sa kaniyang paglingon na nagpalundag sa kaniya at siyang dahilan para mabitiwan niya ang malaking vase. Umalingawngaw ang ingay ng nagkapira-pirasong materyal nito sa sahig ng opisina.
"B-Boss..." Namumutlang tumingin siya gwapong mukha ni Clyde.
SUPLADO. Moody. Cold. Maarte. Allergic sa mikrobiyo. Mahirap ispelengen. Hindi pa gentleman.
"Pipigilan ko na lang ang sarili kong umasa. Tutal ay bukas naman ang dalawa kong mata sa katotohanan," ani Cruzette sa sarili matapos isa-isahin sa isip ang mga hindi magandang katangian ni Clyde at baka sakaling magising siya at tuluyang mawala ang damdamin para dito.
She sighed. Tumigil siya sa pagsusuklay at pinagmasdan ang sarili. Pag-ibig na ba talaga 'yon? Baka naman inlove lang siya sa ideya na ang haba na ng panahong lumipas pero si Clyde pa rin? At kaya hindi niya maituon sa iba ang pansin ay dahil ginawa na nga niyang sukatan ang binata at wala pang makapantay dito sa paningin niya?
Bakit si Clyde pa? Kung dati na langit ito sa paningin niya, ngayon, mas naging langit pa ito sa kaniya. Ang hirap abutin. Ang hirap tantiyahin. Minsan maaliwalas. Minsan makulimlim. At sa sobra nitong taas, nakakapagod nang tingalain.
Sampung summer na ang nakalipas, crush lang niya noon si Clyde. Sa mga sunod nitong bakasyon, nadagdagan ang kaniyang paghanga dito. At kahit madalang makita, pakiramdam niya ay may mga maiinit na kamay na nag-aalaga sa damdaming inuukol niya para sa binata. Kaya naman habang lumalaki siya ay lumalago din iyon at nadadagdagan.
"Young love? First love? Or true love? Mayro'n nga sigurong pagkakaiba. Pero sigurado ako, pare-pareho lang ang sintomas nila."
Ngumiti siya sa sariling repleksiyon. At doon sa salamin ay tila nakita niya ang batang si Cruzette nang unang araw na masilayan nito si Clyde. Summer vacation noon at binitbit siya ni Roswell sa laban ng team nito sa basketball, na ginanap naman sa gym ng pinakamalaking eskwelahan sa bayan ng San Carlos...
(Flashback)
"ISINAMA-SAMA PA'KO! Wala naman akong kilala dito!" reklamo ng labing-dalawang taong gulang na si Cruzette. Nagsisimula na noong umingay sa paligid dahil dumarami na ang mga tao sa gym. Halo-halo iyon. Mula sa iba't ibang eskwelahan at iba't ibang levels. May mga mukhang ka-edad niya na nasa primary schools at may mga astang kolehiyo. Pero pinakamarami yata ang mga nasa high school.
Si Roswell, ang kinakapatid na nagsama sa kaniya doon, ay nasa dulo ng naman ng inuupuan niyang bleacher. Kaumpukan nito ang ilang kasapi sa basketball team. Pamilyar ang mga mukha dahil madalas niyang makita sa bahay ng Ninang Lottie kung saan siya nakatira.
Sumulyap sa kaniya ang kinakapatid at kinawayan niya agad ito para palapitin.
"Sabi ko sa'yo, ayokong sumama! Uuwi na 'ko!"
"Buddy, mamaya na, please? Panoorin mo muna kami," malambing na sabi nito.
"E, hindi ko naman gusto ang basketball!"
Tinawanan siya nito. Kaka-graduate lang ni Roswell sa high school at nando'n din siya nang sabitan ito ng medalya. Matalino kasi, at mana sa Mommy nito.
"Kapag high school ka na, papanoorin mo din ang crush mo na maglaro ng basketball."
"Wala akong crush!"
"Sa ngayon. Kasi puro laro at TV pa 'yang nasa isip mo!" At lalo siyang nainis nang pisilin nito ang ilong niya kaya tinampal niya ang kamay nito.
Tawa lang ito ng tawa habang sumisimangot siya doon. Sa tabi niya ay ilan sa mga babaeng kaklase ni Roswell na pinanonood sila.
"Huwag kang sumimangot d'yan!" tawa ni Roswell. "At saka 'di mo ba sila nakita?"
Itinuro nito ang mga nasa hanay sa itaas ng bleacher. Sinundan niya ng tingin at nakita agad ang ilang mga kaklase niyang masayang kumakaway sa kaniya.
Kumaway na din siya sa mga ito pero 'yung tipong walang gana. Hindi naman niya ka-close ang mga iyon.
"Mag-eenjoy ka din, promise 'yan! At kapag nanalo kami, may isang box ka ng pizza mamay pag-uwi!"
Hindi siya sumagot. Pero natuwa siya doon sa huling sinabi nito. Siguraduhin lang nito na magkakatotoo 'yung pizza kapag nanalo sila.
Maya-maya ay tinawag na ng coach ang team nina Roswell at nagpaalam na din ito. Wala siyang nagawa kundi maupo na lang doon at pagulungin ang eyeballs. Tiningala niya ang hilera ng mga kaklase sa itaas ng bleacher at naisip na sumama na sa mga ito. Hindi niya kabarkada sa school pero at least, kakilala niya at minsan ay nakakasama sa mga group activities.
"O, Cruz, dito ka lang sa tabi namin. Ibinilin ka sa amin ng kuya Roswell mo."
Napatingin siya sa nagsalita at nakita ang tatlong dalagitang kahilera sa bleacher na nakatingin lahat sa kaniya. Nakangiti ang mga ito at tinatanguan siya.
Napansin niyang maayos ang mga buhok ng mga ito at may maninipis na make-up sa mukha. Naisip niyang sa susunod na pasukan nga pala ay kolehiyo na din ang mga ito kaya ganoon na magpoporma at mag-ayos sa sarili.
"Doon ako sa mga classmates ko."
"Dito ka na lang. Baka hanapin ka ni Roswell mamaya. Dito ka niya iniwan, di ba?"
Hindi na nga siya umalis. Maayos namang magsalita ang kaklase ni Roswell at mukhang concern talaga sa kaniya.
Hanggang sa nagsimula ang laro at lalong nagkaingay sa tabi niya. Panay ang sigaw ng mga babae sa team nina Roswell. May sumisigaw din sa pangalan ni Roswell. Pero wala siyang pakialam. Ni hindi niya tinitingnan kung sino ang lamang sa scoreboard.
Nang nag-half time break ay saka lang napahinga ang tainga niya. Irereklamo niya iyon sa kaniyang Ninang Lottie. Nagkwentuhan ang mga katabi niyang babae at may umugong na malakas na music.
Nakita niya mula sa malayo si Roswell na nagpupunas ng pawis habang kausap ang mga teammates. Tumingin ito sa gawi nila at kinawayan siya. Hindi siya gumanti ng kaway.
Maya-maya ay napansin naman niyang tila nagtutulakan ang tatlong katabi. Maingay ang mga tao dahil sa mga kwentuhan bukod pa sa music na pinatutugtog mula sa kung saan.
"Hello girls!"
Napatingin siya sa binatilyong umupo sa ibabang bleacher at bumati sa kaniyang mga katabi. Makinis ang mukha noon at matangos ang ilong. Mapupula ang mga labi na parang naka-lipstick. At sa tingin niya ay kasing-edad ni Roswell.
"Hi, Cayel!" halos sabay-sabay na bati ng tatlo at nagkatinginan.
Tumingin siya sa mga katabi at nakita ang kakaibang ngiti ng mga ito. Pasimple pang nagkikindatan habang akala mo kinikiliti sa kinauupuan. Muntik pa nga siyang tamaan ng siko ng nasa gilid niya dahil parang ang likot noon.
Nagtatakang ibinalik niya ang tingin sa binatilyo. Nang makita siya nitong nakatingin ay kinindatan siya. Sinimangutan niya lang at tinandaan na sasabihin niya kay Roswell na may kumindat sa kaniyang stranger. Pero naisip niyang baka kaklse din ito ni Roswell dahil kilala ng tatlong babae.
"Taga-saang school kayo?" tanong ng Cayel at doon niya natantong taga-ibang school pala ito.
Isa sa mga babae ang sumagot. “Uhm... kakagraduate lang namin sa MLMHS. Pero next sem, sa West Hills Colleges na kami." At muling nagtinginan ang tatlo.
"West Hills? Ayaw nyo dito sa CPU?"
"Bakit? Dito ka ba mag-aaral sa pasukan?"
Ngumiti lang ang lalake. Pagkatapos ay tiningnan ulit siya. Sinimangutan na niya ito.
"Every summer naman kayo nandito sa San Carlos ng kapatid mo. Bakit hindi pa kayo dito mag-college?"
"Doon kasi ang business ng Daddy namin kaya doon kami nag-aaral ni Clyde."
"Nasaan pala si Clyde? Hindi siya manonood?" tanong naman ng nasa gilid niya.
"Bakit? Si Clyde ba ang crush nyo? Akala ko ba ako?"
"Bakit? Hindi ba pwedeng pareho kayo!" sabay-sabay na sabi ng tatlo at napanguso siya doon.
May mga kaklase siyang may crush na din, pero hindi niya alam kung tig-ilan. Ganoon ba dapat kapag nagka-crush? Pakyawan?
Nakita niyang nagpalinga-linga 'yung Cayel. Halos magdikit pa ang maiitim na mga kilay nito habang sinusuyod ang paligid.
"There!" anito at may itinuro sa itaas ng bleacher.
Napasunod ang tingin niya sa itinuturo ng Cayel. Sinundan niya ang direksyong tinitingnan ng tatlo at sa isang pagtingala lang ay natuon agad ang pansin niya sa matangkad at mestisuhing lalaki na bumababa mula sa pinakaitaas ng bleacher.
Mula sa malayo ay kita niya ang perpektong hugis at tangos ng ilong nito. Ang mapula nitong na mga labi. Ang seryoso at mga malalalim na mga mata. Walang kangiti-ngiti sa mga labi nito habang lumalakad sa gitna ng karamihan. Pero pansin niyang nahahawi ang mga tao sa bawat pagdaan nito at napapatingin ang karamihan.
"Oh, my God! Ang gwapo talaga ni Clyde!" Dinig niyang tilian ng mga katabi at napalingon siya sa mga iyon.
Para siyang nainis sa tatlo. Crush na ng mga ito si Cayel, bakit pati si Clyde? Hindi ba pwedeng iba naman ang may crush dito?
Nilingon niya ulit ang gawi ni Clyde at nakitang palabas na ito ng gym. Gusto niyang tumayo doon at sundan ito. Pero hindi niya nagawa. Pakiramdam niya ay mali ang gagawin niya.
Bakit naman niya susundan si Clyde? Crush ba niya ito? Twelve lang siya, ano? Samantalang college na yata ang lalaki!
Hanggang sa pag-uwi ay baon niya sa alaala ang imahe ni Clyde. Ang paglalakad nitong tila walang ibang tao sa paligid at ang suplado nitong mga mata.
Hindi niya alam kung kailan niya ulit ito makikita o kung makikita niya pa kaya ulit ito, pero hindi niya maitanggi sa sarili na gusto niyang masilayan ulit ang lalake. Pero kung ganoong taga-Maynila ang pamilya nito, baka malabo ang tsansang magkita ulit sila. May tumubong panghihinayang sa batang puso niya…
"BUDDY!" sigaw na gumising kay Cruzette mula sa pagbabalik-tanaw. Napatuwid siya at tarantang kinuha ang lipstick.
"Buddy, matagal ka pa ba? Bilisan mo at gagabihin tayo!" tawag ni Roswell mula sa labas ng kaniyang silid.
"Oo palabas na!"
Nagpahid siya nang manipis na lipstick sa labi. Minsan pa niyang tiningnan ang sarili sa salamin at nasiyahan sa repleksiyon.
Naka-side combed ang maiksi niyang buhok at may maliliit na hikaw sa magkabilang tainga. Humahapit sa katawan niya ang puting blouse at humuhulma sa suot niyang asul na high-waist skinny jeans ang mahuhubog na mga balakang at mga binti. Dinagdagan pa niya ang taas sa suot na pumps.
Na-miss niya ang gano'ng ayos at attire na natutunan niya mula nang magbanda. At ngayong malaya pa siyang maging 'siya' dahil naroon sa sariling teritoryo ay ibinabalik niya pansamantala.
"Papasok ako, kukunin ko bagahe mo!" ani Roswell na kumakatok.
"Okay, sige!"
Ilang sandali lang ay bumukas ang pinto niya at nahuli niya ang kislap sa mga mata ni Roswell. Pero sasandali lang dahil tumaas ang mga kilay nito sa kaniya.
"Bibiyahe ba tayo o pa-party?"
Sumimangot siya. "Na-miss ko lang. Saka para hindi na nagtataka ang Ninang."
Dumiretso ito sa kama niya at dinampot ang kaniyang bagahe. Maliit lang na overnight bag iyong dala niya kahapon nang umuwi.
"Tama na, Buddy! Magandang-maganda ka na! Kaya lang bukas, pogi ka na ulit."
Umikot ang mga mata niya at sumunod na lang nang bumaba ito ng living room.
"Kay galing na pag-uwi at lumampas lang ng kaunti sa beinte-kwatro oras," sabi ng kaniyang Ninang Lottie na naroon sa punong-hagdan at magkakrus ang mapuputing braso sa harapan. "Parang dumayo ka lang ng tulog dito, ah, Cruzette?"
Hindi na siya kumibo. Naipaliwanag naman na niya dito na nalipat siya ng assignment kaya ang imbes na day-off niyang Sabado at Linggo ay naging Linggo na lang.
"Parang hindi ko na gusto ang ideyang nauwi ka pa kung ganiyan ang schedule mo. Aba'y napapagod ka lang niyan sa biyahe."
Napangiti siya sa sinabi ng Ninang. Kahit kailan talaga ay siya pa rin ang inaalala nito.
"O, ang Ninang ko talaga! Love na love ako!" Sabay sugod ng yakap sa babae. Narinig niya sa background ang tawa ni Roswell.
"Basta, Hija, tatlong buwan ka lang doon at babalik ka agad dito. At kung magkaro'n ng pagbabago sa schedule mo, umuwi ka kapag day-off mo," anito nang bitiwan siya.
"Opo, 'Nang. Thank you po."
"O, siya, lumakad na kayo. Mag-ingat kayo sa daan! Tawagan nyo agad ako pagdating ng Maynila."