CHAPTER 1
TUMAYO si Richard upang isara nang maigi ang bintanang kinakalampag ng malakas na hangin. Binabalot ng kadiliman ang buong paligid. Animo’y walang katapusan ang kadiliman na iyon. Napakalakas ng ulan na para bang walang balak tumigil.
Napalingon siya sa asawang sumisigaw sa nararamdamang sakit. Ito na ang araw na isisilang na ni Aliyah ang kanilang panganay na anak- anak na hindi niya kailanman hiningi. Si Aliyah lamang ang may nais na magkaroon sila ng supling, habang siya ay kontento na sa buhay na silang dalawa lamang na mag-asawa. Ngunit dahil sa mahal niya ang asawa, pinagbigyan niya ang kahilingan nitong magkaroon sila ng anak kahit na isa lamang.
Hindi inaasahan ni Richard na sa gabing iyon manganganak si Aliyah, sapagkat nasa ika-walong buwan pa lamang ito ng pagdadalang-tao. Hindi siya nakapaghanda. Hindi sila makaalis ng kanilang bahay dahil sa bagyong kasalukuyang nananalasa. Dahil din sa bagyo kaya hindi sila mapuntahan ng sino mang maaaring makatulong sa kanila. Ang tanging kasama niya lamang sa bahay ay ang kaniyang amang si Theodore na labis din ang pag-aalala kay Aliyah. Naroroon din naman ang kanilang mga kasambahay ngunit wala rin namang maitulong ang mga ito kundi kaunting pag-alalay at dasal. Doktor ang higit nilang kailangan sa mga sandaling iyon.
Habang palakas nang palakas ang hangin at ang ulan ay padalas naman nang padalas ang mga contractions ni Aliyah hanggang sa pumutok na nga ang panubigan nito.
“Malapit nang lumabas ang bata!” bulalas ni Theodore. Tinawag niya ang mga kasambahay upang kumuha ng mga gamit at maligamgam na tubig. Sa bahay na iyon na talaga manganganak si Aliyah.
Lumapit si Theodore sa asawa ng kanyang panganay na anak. Isang beses siyang nakapagpaanak sa kanyang dating asawang si Mercedes na ina ni Richard, at iyon ay noong isilang nga si Richard. Katulad din ng panahon ngayon ang panahon nang ipanganak si Richard. Maraming alaala ang nagbabalik kay Theodore sa mga sandaling iyon.
Pumwesto siya sa paanan ni Aliyah at naghanda sa pagpapaanak dito. Inilagay naman ng mga kasambahay ang mga gamit na ipinakuha niya sa kanyang tabi. Si Richard naman ay hawak-hawak ang kamay ng asawa habang patuloy na kumakabog ang dibdib sa nakikitang paghihirap na pinagdaraanan nito. Hindi niya pinangarap na makita si Aliyah sa ganoong sitwasyon. Ito ang higit niyang kinatatakutan. Wala siyang kinakatakutan kundi ang makitang nahihirapan si Aliyah.
“You can do this, my love,” wika niya sa asawa na tigmak na ng luha ang mga pisngi. Pinilit na tumango ni Aliyah. Pinilit din nitong ngumiti. Hawak nang mahigpit ni Richard ang kamay nito.
“Push, Aliyah,” wika ni Theodore.
Sumunod naman si Aliyah. Nanginginig ang buong katawan at tiim-bagang na um-ere ito. Sa pangatlong ere nito ay namatay ang mga ilaw sa buong bahay. Ang bagyo marahil ang dahilan. Sa hindi maipaliwanaag na mga dahilan ay hindi gumagana ang lahat ng kanilang emergency lights pati na rin ang generator. Nagkasya na lamang sila sa pagsindi ng malalaking kandila.
Nagpatuloy si Aliyah sa pagsisikap na mailuwal ang kanyang sanggol.
Nagsimula na ang mga pagkulog at pagkidlat. Ibig sabihin daw noon ay malapit nang tumigil ang ulan ayon sa kasabihan ng mga matatanda.
Sarado ang buong kwarto kaya walang pumapasok na hangin mula sa labas sa kwartong kanilang kinaroroonan, kaya ganoon na lamang ang pagtataka ni Richard nang maramdaman ang isang malamig na hangin na dumampi sa kanyang lantad na batok. Napatingin siya sa dingding dahil may kung anong nagtutulak sa kanya na gawin iyon.
Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang isang maitim na maitim na anino. May hawak itong karit sa isang kamay nito. Hindi siya maaaring magkamali. Iyon ang tagasundo at tagahatid ng mga kaluluwa sa kabilang buhay- ang grim reaper.
Napalunok siya sa matinding takot.
Hindi iyon ang unang beses na nakita niya ang grim reaper. Noong sampung taong gulang pa lamang siya ay nakita na niya ito. At iyon ay noong nag-aagaw buhay ang kanyang inang halos isang taon nang nakaratay sa higaan dahil sa malalang cancer na hindi na kaya pa ng gamot. Ilang saglit lang pagkatapos magpakita ng itim na anino ay nalagutan ng hininga ang kanyang ina.
“Hindi maaari,” mahinang wika niya habang tiim ang mga bagang.
Kaagad na nilukuban ng matinding takot ang kanyang isip. Walang ibang tao sa kwarto na nasa bingit ng kamatayan kundi ang kanyang asawa.
“Don’t take my wife! Not now!” sigaw niya habang umiiyak. He’s desperate. Hindi niya alam kung ano ang maaari niyang gawin upang pigilan ang kapalaran ng asawa.
Napatingin si Theodore sa dereksyon kung saan nakapako ang mga mata ni Richard, ngunit wala siyang makita. Sino ang kausap ng kanyang anak? Nagpatuloy siya sa pagpapaanak kay Aliyah.
Ibinigay ni Aliyah ang lahat sa kanyang huling pag-ere, at sa wakas ay nailabas niya ang sanggol. Isa iyong babae.
Hindi maipaliwanag ni Theodore ang nararamdamang ligaya. Hindi man siya biniyayaan ng Panginoon ng anak na babae, may apo naman siya. Ngunit ang bata ay hindi umuuha. Pinalo niya ito nang marahan sa puwet habang hinahawakan nang nakatiwarik.
Nang mga sandaling iyon ay nakatuon ang buong atensyon ni Richard sa asawa. “Aliyah?” kinakabahang wika niya nang makitang nanlalaki ang mga mata ng asawa at kinakapos ng hininga. Ang kamay nito ay mariing nakapatong sa dibdib. Naninikip ang dibdib nito!
Hindi alam ni Richard kung ano ang gagawin. Sabay nilang sinusubukan ni Theodore na iligtas ang buhay ni Aliyah at ng bata.
“Take care of our daughter, Richard. Make her feel my love.” Naiwika iyon ni Aliyah habang naghahabol ng hininga.
“Don’t say anything, Aliyah. Stay with me!” tugon ni Richard.
“I love you,” dugtong pa ni Aliyah.
“I love you, too.”
Hindi na tumugon pa si Aliyah. Nakita ni Richard ang pagbabago ng kulay ng balat nito. Ang dating kulay tsokolate ay unti-unting nagiging kulay ube.
Sa unang iyak ng sanggol ay siyang huling paghinga naman ni Aliyah. Siya ring pagtigil ng ulan, pagtahimik ng paligid, at pag-aliwalas ng kalangitan.
Bigong niyakap ni Richard ang wala nang buhay na asawa. At magmula sa araw na iyon, hindi niya kailanman tiningnan nang may pagmamahal ang iniwang supling ng asawa.