CHAPTER 10

1002 Words
DOON na nagbalik lahat sa isip ni Jopet ang mga araw na hindi mapakali ang kanyang inay. Mga araw na mas pinipilit nitong magpaiwan sa bahay nang mag-isa. Mga gabi na bigla na lamang itong babangon at mananatili sa kubeta nang ilang minuto. Mayroon na pala itong dinaramdam. Itinago lang nito sa kanila ng kaniyang itay upang hindi sila mag-alala. "Saan naman tayo kukuha ng ganoong kalaking pera, anak?" naiiyak na wika ni Mang Lito. "Sundin na lang ho natin ang sabi ng doktor. Lumapit tayo sa mga sangay ng gobyerno at sa mga taong nakakaluwag-luwag at may mabuting puso." "Kahit na may magbigay pa sa atin, hindi iyon sasapat. Ni hindi pa nga natin alam kung ano ang sakit ng nanay mo, eh." Tama ang kanyang itay. "Magdasal na lang tayo, Itay, na sana hindi naman seryoso." "Hindi seryoso, eh, dumudumi na nga ng dugo!" bulalas ni Mang Lito. Napalingon sila kapwa nang marinig ang pag-ubo ubo ni Marites. Gising na ito. "'Nay," ani Jopet. "Kumusta ang pakiramdam ninyo?" "Nanghihina ako, anak," tugon ni Marites. "Bakit ka naman naglihim, mahal?" wika naman ni Mang Lito. "Matagal ka na bang may nararamdaman na hindi maganda sa katawan ko?" Napalunok si Marites. "Marami tayong problema. Hindi ko lang ginusto na dumagdag," tugon nito. "Pero sa ginawa mong paglilihim, hindi maganda ang resulta." "Iuwi n'yo na lang ako, Lito. Huwag na kayong mag-isip na maghanap ng pera para sa akin. Iuwi na lang ninyo ako sa bahay. Hayaan na ninyo akong mamatay." Nagpumilit na bumangon si Marites. Nasapo ni Mang Lito ang ulo. Pinigilan naman ni Jopet ang ina na tuluyang bumangon. "Ano ba kayo, Inay? Sa tingin ba ninyo, hahayaan namin kayong mamatay? Hindi. Gagawa kami ng paraan. Hahanap kami ng pera," wika ni Jopet. "Sa iyo pa talaga nanggaling iyan? Ano ang alam mo sa paghahanap ng pera?" tugon ni Marites. "Kayo na nga itong may sakit, Inay, kayo pa ang may ganang magsabi ng kung anu-ano. Natural ho, gagawin namin ni Itay ang lahat para malaman ang sakit ninyo nang maipagamot kayo." Hindi na umimik si Marites. "Kung hindi ka sana naglihim, naagapan pa sana kung ano man ang sakit na iyan," wika ni Mang Lito. "Wala ito," wika ni Marites. "Sigurado akong wala ito." Nagpumilit na naman itong bumangon. "Hayaan na ninyo ako para makapagtrabaho ako. Hayaan na ninyo ang mga test test na iyan. Mas mahalaga pa ba ang nararamdaman ko kaysa mga bayarin natin?" Hinawakan ni Mang Lito ang magkabilang balikat ng asawa. Napaangat ito ng tingin sa kanya. "Gusto mo ba kaming tulungan ng anak mo? Huwag kang magpumilit na kumilos. Makipagtulungan ka sa amin. Parang awa mo na, Marites. Huwag mo kaming mas pahirapan pa." Napayuko si Marites at nangilid ang luha. "Patawarin ninyo ako. Hindi ko ginusto na maging pabigat." "'Nay, pwede ba? Hindi ka pabigat," wika naman ni Jopet. Naputol ang kanilang pag-uusap nang may pumasok na nurse at kinuha si Jopet para sa gagawing mga test kung maari ba siyang magbigay ng dugo sa ina. Sa kasalukuyan ay sinalinan muna ng ilang bag ng dugo si Marites. Kinabukasan pa maaaring magbigay si Jopet. Kinabukasan ay naging maayos naman ang mga tests kay Jopet kaya nabigyan niya rin ng dugo ang ina. Bahagyang nawala na ang putla sa noo nito. Ngunit nagkaroon ng mas malaking problema. "Alam naman ninyong public hospital lang tayo," wika ng doktor. "May mga test na hindi maaaring maisagawa rito sapagkat wala tayong equipments. Kailangan na mailipat ang pasyente sa mas maayos na ospital at mapatingnan sa mga espesyalista. Sa ngayon, stable ang pasyente dahil napalitan na ang dugo na nawala sa kanyang katawan. Ngunit patuloy pa rin ang pagdumi niya ng dugo kaya kailangan ninyong magmadali. Bibigyan namin kayo ng oras upang nakapagdesisyon kung saang ospital ninyo balak ipalipat ang pasyente. Sabihin lang ninyo sa amin kapag nabuo na ang isip ninyo. Ihahatid kayo ng aming ambulansya." Isang malalim na buntong hininga ang sabay na pinakawalan ng mag-amang Jopet ay Lito. Hindi pa nga nila alam kung saan kukuha ng pera, mayroon na naman silang panibagong iisipin. "Ano ang gagawin natin, anak?" nangingilid ang luhang wika ni Mang Lito. Himbing na natutulog si Marites. "Kailangan hong madala si Inay sa espesyalista. Hindi ho pabuti nang pabuti ang lagay niya," tugon ni Jopet. "Pero, paano, anak? Wala nga tayong pambayad dito." "Nakausap ko po ang doktor kanina. Sinabi niya sa akin na makatulong ang philhealth ninyo ni Inay dahil mga indigent kayo. Baka wala tayong bayaran dito. Ang problema ho ay doon sa lilipatan kay Inay." Muling nagbuntong hininga si Jopet. "Hindi natin pwedeng pabayaan si Inay. Dalhin po natin siya sa maayos na ospital." Tiningnan nila si Marites. Kahit tulog ito ay kitang kita pa rin sa mukha nito na nahihirapan ito. "Kayo na ho ang sumama kay Inay. Magpapaiwan ako rito. Ako na ho ang hahanap ng pera," wika ni Jopet. "Saan ka hahanap?" "Bahala na po, Itay." Biglang inalihan ng kaba si Mang Lito. "Huwag kang gagawa ng kalokohan, Jopet." Tumango si Jopet. "Hindi ho ako gagawa ng kalokohan, Itay. Hindi ho ako dadagdag sa problema natin ngayon." Tumikhim siya at bumwelo bago bigkasin ang susunod na sasabihin. "Maigi po na ako ang umasekaso sa paghingi-hingi ng tulong para kay Inay kasi kahit papaano nakapag-highschool naman ako. Madalas kapag nanghihingi ng tulong ay may pinipirmahang mga papel. Minsan may mga tanong. Baka mahirapan kayo kasi hanggang elementarya lang kayo." Mapait na napangiti si Mang Lito. Noong una talaga, ang akala niya ay sapat nang nakakabasa siya ng Abakada at nakakapagbilang. Ngayon niya mas naisip ang halaga ng edukasyon. Tumango si Mang Lito. Isinangla na muna nila ang pwesto nila sa palengke at nagbenta ng ibang gamit sa kanilang bahay upang may baunin sina Mang Lito sa pag-alis. Katulad ng plano ay nagpaiwan si Jopet. May ilang mababait na kapitbahay rin at kakilala na nag-abot ng maliit na halaga. Ngunit alam ni Jopet na hindi iyon sapat. Hindi niya alam kung saan magsisimula, ngunit kailangan na niyang kumilos.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD