CHAPTER 8 Introducing Jopet

1131 Words
NAPABANGON nang bigla si Jopet mula sa mahimbing na pagkakatulog nang marinig ang malakas na sigaw ng kanyang amang si Aling Marites. Halos magpantig ang magkabila niyang tainga. Kulang na lang ay lumabas ang mga tutuli niya. Paano ay sa mismong tainga niya sumigaw ang ina. "Tanghali na, Jopet," wika ni Marites. "Anong oras ka ba babangon? Tapos pagbangon mo, kakain ka? Tapos, ano, maghihintay ka na maggabi para makakain ulit at matulog?" Napakamot sa ulo si Marites. "Ano ba naman, Jopet, trenta y dos ka na, wala ka pa ring plano sa buhay." Nagbuntong hininga ito. "'Nay, tama na ho. Ang lakas lakas ng boses ninyo. Maririnig kayo ng mga kapitbahay," tugon ni Jopet na kakamut-kamot din sa ulo. Pinulot nito ang hinubad na t-shirt kagabi dahil sa alinsangan ng panahon at saka iyon isinuot. "Aba! Kung makapagsalita ka naman ay parang may reputasyon kang iniingatan. Ipinapaalala ko lang sa iyo, Joseph Peter, kilalang kilala ka na ng lahat ng mga tao rito. Wala ka nang maitatago. Hindi ka na makakapagpanggap. Isa kang dakilang tamad." Tinawag na siya ng kanyang inay sa tunay niyang pangalan kaya alam niyang galit na nga ito sa kanya. Nagmamadali siyang tumayo. "Mamaya ka na mag-agahan,' wika pa ni Marites. "Bilisan mo at sundan mo ang ama mo sa palengke. Baka naman kahit papaano ay may maitulong ka pa sa kanya. Susunod na lang ako roon mayamaya. Marami pa akong gagawin dito sa bahay." Nagmagandang loob ang kaibigan ng kaniyang ina na bahaginan sila ng maliit na pwesto sa palengke na buwanan nilang binabayaran. Mga huling isda ng kaniyang ama rin at iba't ibang klase ng gulay ang kanilang itinitinda roon. Kaunti lang ang kinikita. Minsan hindi iyon sapat para sa lahat ng kanilang pangangailangan pero nakakaraos pa rin naman sila. Nahihiya rin naman siya sa sarili tuwing maiisip na siya na lang yata ang may edad na ganoon na nakikitira pa rin sa mga magulang. Dati naman siyang may trabaho, ngunit sadyang tamad siya kaya hindi siya nagtatagal sa kahit na aling pinapasukan niya. High school lamang ang natapos niya. At dahil nga sa hindi siya nagtatagal sa mga pinapaukang trabaho, hirap siyang makapasok sa mga pinag-a-applyan na kompanya dahil wala siyang maaayos na credentials. Ang pangarap niyang trabaho ay iyong trabahong hindi gaanong nakakapagod pero madali ang pera. Nauubos ang oras niya sa kakapanaginip nang gising sna makahanap ng ganoong trabaho. Kaya nagtitiis na lamang siya sa pagtulong-tulong sa kanyang ama sa palengke. Tagalinis ng isda, tagatimbang, at taga-bigay sa kustomer. Kahit ilang oras lamang siya sa palengke, sapat na para hindi na siya pagbungangaan pa ng ina sa natitirang oras sa maghapon. Iisa lamang ang nakapagbibigay sa kanya ng gana na pumunta sa palengke, si Ana, ang guro na kaniyang crush. "Hi, Ana!" bati niya sa dalaga na lampas na rin sa kalendaryo ang edad. Inirapan lamang siya nito at dumeretso lang sa paglalakad. Kaagad na inalis niya ang suot na apron at nagmamadaling naghuhas ng kamay at saka hinabol ang dilaga. Pilit niyang kinuha ang dala nitong bag. "Ano ba, Jopet! Akin na nga iyang bag ko," masungit na wika ni Ana. "Mahuhuli na ako. May test pa ngayon ang mga bata." "Palagi mo na lang akong dinidedma, Ana," wika ni Jopet. "Kailan mo ba ako papayagang manligaw sa iyo? Wala ka pa namang boyfriend, at nasa tamang edad na tayo. Lampas na nga sa tamang edad." "Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo, Jopet, na wala akong balak na mag-asawa. At kung ikaw lang din naman ang mapapangasawa ko, huwag na lang." "Manliligaw pa lang naman ako, at hindi mamanhikan. Masyado ka namang advance mag-isip. Saka mo na pag-isipan kung mag-aasawa ba tayo kapag pinayagan mo na akong manligaw at kapag sinagot mo na ako." "Wala akong dapat na pag-isipan, Jopet. Tingnan mo nga iyang sarili mo." Pinasadahan nito ng tingin ang binata mula paa hanggang ulo. "Ilang taon ka na nga ba ulit? Thirty two? 'Di ba dapat sa edad na iyan may na-achieve ka na sa buhay maski maliit na bagay lang kagaya ng independence? 'Di ba dapat wala ka na sa poder ng mga magulang mo? Dapat may sarili ka ng pamilya." "Paano nga ako magkakapamilya, eh hindi mo pa nga ako sinasagot." "Hindi ko nagbibiro, Jopet. Wala akong dahilan para magustuhan ka. Batugan ka. Wala kang sariling buhay. Wala kang plano sa buhay. Hindi ko nga alam kung saan ka kumukuha ng kapal ng mukha para lumapit sa akin. Ano ba ang mapapala ko sa iyo?" Napalunok si Jopet. Napayuko siya. Wala namang sinabi si Ana na hindi totoo. "Kaya pwede ba, Jopet, tigil-tigilan mo na ako. Hindi mo nga kayang buhayin ang sarili mo, eh. Kawawa naman ang mga magulang mo. Ang tatanda pa, kayod kalabaw pa rin na akala mo may binubuhay na imbalido." Muli nitong inirapan ang binata bago nito bawiin ang bag at tumuloy na sa paglalakad. "Pang-ilang basted na sa iyo iyan ni Ana?" tanong ni Mang Lito sa anak. "Hindi ko na mabilang, 'Tay," tugon ni Jopet. "Gaano mo na ba siya katagal na sinusuyo?" "Mga limang taon na rin. Nagpapakipot lang iyon. Kaya nga tumanda siya nang ganyan. Hindi naman nagpapalapit sa ibang lalaki." "Pwedeng totoo ang hinala mo, pwedeng hindi," wika ni Mang Lito. "Baka gusto ka ni Ana, pero hinihintay niya na ayusin mo muna ang buhay mo. Bakit hindi mo siya gawing inspirasyon?" Umikot kaagad ang mga mata ni Jopet. "May trabaho naman ako, 'Tay, eh. Kapag naghanap ako ng ibang trabaho, mawawalan kayo ng katulong dito sa palengke." Natawa si Mang Lito. "Kung makapagsalita ka, parang ang laki laki ng naitutulong mo sa akin, ah," anito. "O, sige, sabihin natin na may trabaho ka nga rito. Pero, ano? Wala ka namang sariling pera. Kung manliligaw ka, dapat hindi lang puro daldal. Dapat nagbibigay ka rin ng bulaklak at tsokolate. Gusto ng mga babae iyon." "Okay lang, 'Tay. Hindi naman ako nagmamadali." Nangunot ang noo ni Mang Lito. "Thirty one pa lang si Ana. Ako, thirty two. May ilang taon pa siya para magpakipot. Pero dapat bago siya mag-thirty five, sagutin na niya ako. Tapos magpapakasal agad kami para magkaroon agad kami ng anak," paliwanag ni Jopet. Napabuntong hininga si Mang Lito. Marami talagang excuse ang nag-iisa niyang anak. Kasalanan marahil nila ni Marites kung bakit naging ganito so Jopet. Miracle baby kasi kung kanilang ituring si Jopet. May kondisyon si Marites noon at akala nila hindi na ito magbubuntis. Patay rin nang ipanganak si Jopet, pero naghimala at tuluyan itong ibinigay sa kanila ng Diyos. Kaya naman kahit na hirap sila sa buhay, ibinigay nila kay Jopet ang lahat ng hilingin nito sa abot ng kanilang makakaya. In-spoil nila ang anak. Hindi nila alam kung paano patitinuin si Jopet, o kung ano ang makakapagpabago rito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD