CHAPTER 1
Rosana's POV
KANINA pa siya hindi mapakali, namamawis na ang kaniyang mga palad. Nakailang basong tubig na siya pero hindi pa rin siya kumakalma.
Pagkatapos niyang uminom ay pumasok siya sa kaniyang kuwarto at nagpalit ng damit. Pasado alas-onse na ng gabi at hindi pa rin siya dinadalaw ng antok.
Halos apat na taon na siyang ganito. Kauuwi niya lang galing sa isang maikling bakasyon sa probinsya ng kaniyang Lola Rosalinda, sa probinsya ng Negros Oriental.
Pagkatapos na nakapagbihis ay maingat na lumabas siya ng kaniyang silid. Dinaig niya pa ang magnanakaw kung kumilos sa loob ng sariling pamamahay niya.
Pumuslit siya patungong basement na tanging siya lang ang may alam ng sekretong daan patungo roon. Bukod sa kaniyang mga magulang ay siya lang din ang nakaaalam na may sekretong basement ang bahay niya.
"AGENT Rose!" malakas na tawag sa kaniya ni Wilbert, ang kaniyang immediate superior.
"Yes, sir?" patanong na sagot niya rito.
Mabilis niya ring pinatay ang kaniyang laptop at hinarap ang lalaki.
Apat na taon na siyang nagtatrabaho sa SIO o special intellegence organization.
"You have a special mission and I will discuss the other details in command center," anito sa kaniya.
"Sumunod ka sa akin," dagdag nito sa kaniya.
Tumayo siya at dinampot ang kaniyang cell phone na ginagamit kapag may mahalagang misyon na ibinibigay sa kaniya.
Habang naglalakad papunta sa command center na nasa kabilang building lang, nadadaanan nila ang iba pa niyang katrabaho na abala sa mga ginagawa ng mga ito.
"Sino ang makakasama ko sa misyon na ito, sir?" tanong niya kay Wilbert.
Wilbert is the only son of AFP General Henry Gallardo. Mas matanda lang ito sa kaniya ng anim na taon.
"For now, wala pa akong maibibigay na partner mo sa misyon na ito... wala pang bakanteng agent na puwede mong makasama," sagot sa kaniya ni Wilbert.
Nakahinga siya nang maluwag... mas gusto niyang mag-isa kaysa may kasama, mas mapadali ang misyon niya kung mag-isa lamang siya.
Hindi na siya nagsalita pa at tahimik lang na sumunod sa paglalakad ni Wilbert. May nakakonektang daanan papuntang command center hindi na nila kailangan pang lumabas ng main building.
Inayos niya ang pagkatali ng lagpas balikat niyang buhok. Hindi basta-basta makapasok ang kahit sino man sa kanila sa command center lahat ng confidential na files at mga kaso ay natago sa command center.
At ang command center ang tanging lugar kung saan nakakausap nila ang presidente ng Pilipinas at iba pang mataas na opisyal sa gobyerno. Tatlong beses pa lamang siyang nakapasok sa command center, isang karangalan sa kanila bilang isang agent na makapasok sa command center. Isa lang ang ibig sabihin kapag makapasok sa command center, the organization trusted them or her.
Hindi rin biro ang pinagdaanan niyang training at mga pagsubok, bago siya naging ganap na official agent ng special intellegence organization. A private organization who helps the government when it comes to difficult cases or crime. Sa kanila ibinibigay ang mga kaso na hindi kayang lutasin ng mga pulis at iba pang sangay ng gobyerno.
MALALIM na ang gabi at kanina pa siya palakad-lakad. Hindi mapakali, habang nakamasid sa labas. Nasa madilim na sulok siya ng isang bakanteng silid ng Honorio Building sa Masbate.
Kailangan niya munang mag-undercover bago isagawa ang kaniyang mission.
Pinaghihinalaan na may itinatagong drug laboratory ang gobernador ng Masbate. Pagmamay-ari din nito ang Honorio Building, kung saan ang duda nila nasa underground basement ang naturang drug laboratory.
Gamit ang night vision na telescope, kitang-kita niya mula sa malayo at madilim ang dalawang puting delivery truck. Papalapit ang mga ito sa Honorio Building. Kinuha niya ang camera na may night vision, at kunuhanan ang dalawang delivery truck.
Pagkatapos niyang nasigurado na sa basement parking nga ang punta ng dalawang truck, ay mabilis na linisan niya ang kinaroroonang silid.
Naging maliksi ang kaniyang pagkilos at kahit ano'ng oras ramdam na niya na may mangyayaring hindi maganda. Mabuti na lang at kaninang may office hours bago pa mag-uwian ay napag-aralan na niya kung saan siya dadaanan.
May dala siyang device na kayang i-manipulate ang kuha ng CCTV's cameras.
Nakasuot siya ng skinny black pants and tops. Tama nga ang hinala niya. Pagtingin niya sa kaniyang suot na wrist watch nakita niyang pasado alas-onse na ng gabi. Mas binilisan niya ang kaniyang pagkilos at pagmasid.
Kahit ang kaniyang paghinga ay kontrolado niya.
Malapit na maghating gabi at kailangan niyang magmadali. Unti-unti na niyang nararamdaman ang pag-init ng kaniyang katawan. Nagtago muna siya sa sulok at nang nasiguradong walang camera sa puwesto niya ay inalis niya ang suot na bonnet. Sobrang basa na ng pawis ang kaniyang buhok.
"N-not now," mahinang bulong niya sa kaniyang sarili.
Isinuot niya ang suot na bonnet at sinilip ang dalawang delivery van. May dalawang lalaki na nakasuot ng overall na puti at naka-face mask din ang mga ito. Binuksan ng dalawa ang isang van at nang nabuksan ang van ay may dumating na lima pang nakasuot din ng overall na puti. Kinuha niya ang camerang dala niya at kinuhanan ng litrato ang mga ito.
Mukhang tama nga ang hinala niya na mga epektos ang laman ng dalawang van at kagamitan sa paggawa ng droga.
Nang natapos niyang kuhanan ng litrato ay mabilis na umalis siya sa kaniyang puwesto. Malapit na maghating gabi at kailangan niyang makalabas ng gusali bago pa sumapit ang alas-dose.
Nakahinga siya nang maluwag nang nakalabas siya ng Honorio building na walang nakapansin sa kaniya. Sa hindi kalayuan doon nakaparada ang itim niyang motorsiklo. Mabilis na pinuntahan niya ang kaniyang motor. Hindi pa man siya nakarating sa nakaparada niyang motorsiklo ay may dumating na sasakyan, at kilala niya kung kaninong sasakyan iyon. Twenty minutes na lang ang natira bago sasapit ang alas-dose ng madaling araw.
Mabilis na nagkubli siya at itinago ang dalang backpack nang nasigurado na safe ito ay binitbit niya ang maliit na camera at bumalik sa naturang building. Saktong paglabas ng sasakyan ni Mr. Honorio ay nakuhan niya ito ng video at ilang litrato. Huli sa camera ang lahat ng galaw ni Mr. Honorio.
"ROSANA, ano ba! Gumising ka na nga!" malakas na sigaw ni Tessa, ang kaniyang matalik na kaibigan.
Magkasama sila sa bahay ni Tessa, nasa probinsya ang pamilya nito. Magkaklase sila noong college. Nagkataon na naglayas ito at walang nahanap na matutuluyan kaya inalok niyang dito na lang tumira sa bahay niya.
"Ang aga-aga mo namang manggising, Tessa!" maktol niya sa kaibigan.
Naabutan niya itong naghahain ng pagkain sa hapagkainan.
"Ano'ng maaga? Jusme, Rosana, alas-onse na ng umaga, tanghali na." Inirapan siya ni Tessa.
Sanay na siya sa ugali nito at mabunganga talaga si Tessa kahit noon pa man.
Galing sa isang mayamang angkan ang pamilya ni Tessa at isa sa pinakamayaman sa lugar ng mga ito ang pamilya nito.
Tinaguriang blacksheep si Tessa, parang laking palengke ito kung umasta o magsalita. Pero tanggap niya nang buo ang kaibigan, napakatotoong tao nito. Tessa helped her also, lalo na sa emotional na aspeto. Her parents died when she was in college. Her father was a government official, dating gobernador sa lalawigan ng Bataan, her mother was a mayor. Na-ambush ang mga magulang niya noon.
And until now, wala pa ring update o lead kung sino ang may pakana sa pag-ambush sa mga magulang niya.
"Maupo ka na nga, kaysa magmaktol.na ginising kita," si Tessa.
Napabalik ang diwa niya sa kasalukuyan.
Napilitang umupo siya sa puwesto niya.
"Saan ka na naman ba nanggaling kagabi at inumaga ka na naman ng uwi, Rosana?" tanong ni Tessa, sa kaniya.
Napatigil siya sa pagdampot ng tasa niya na may lamang umuusok na kape.
"Nag-over time ako," maikling sagot niya kay Tessa.
Nang tingnan niya ito, nanunuri ang tingin na ipinukol ni Tessa sa kaniya. "Sigurado ka? These past few weeks, palagi ka na lang nag-u-over time... ganoon karami ang trabaho mo?" nagdududang tanong pa ni Tessa.
"Kilala mo naman ang boss ko," aniya kay Tessa.
Nagkibit-balikat ito at umupo na rin sa katapat na puwesto niya.
"Pero in fairness kahit always puyaters ka, ang ganda pa rin ng skin mo," natatawang puri ni Tessa sa kaniya.
"What's your secret my dear frenny?" malokong tanong ni Tessa.
Natawa na lamang siya sa kaibigan niya, sanay na sanay rito.
"Kumusta na pala ang trabaho mo?" naalala niyanh itanong kay Tessa.
"Well... ganoon pa rin, pinag-iinitan pa rin ang beauty ko ng mahangin kong boss." Humalakhak pa ito.
Napailing na lamang siya. "Pinapatulan mo naman siguro."
"Kaloka naman kasi 'yang boss ko, for goddness sake! Ano'ng taon na ngayon pero naniniwala pa rin sa mga kung ano'ng anik-anik," mahabang litanya ni Tessa.
Kumunot ang noo niya. "Ano'ng anik-anik? Bakit may pinapagawa na naman ba siyang kakaiba?"
Tessa works as a journalist sa isang radio station sa bansa. Last time, ang binigay na assignment sa kaniya ng boss nito ay alamin ang totoong kuwento ng mga tikbalang sa isang malayong probinsya. Kaya asar na asar si Tessa sa boss nitong 'werido' kung tawagin ni Tessa.
"Naiirita na nga ako... paano ba naman inutusan na naman ako this time na alamin kung saan nakatira ang natirang lahi ng mga aswang... for heaven sake! Sino pa ang naniniwala sa aswang ngayon?" Sumubo ng kanin si Tessa.
Saktong humigop siya ng kape niya kaya nasamid siya sa narinig mula kay Tessa.
"A-ano? Aswang? Nababaliw na ba ang boss mo? Ang dami namang puwedeng i-content sa isnag segment ninyo bakit 'yong out of this world naman yata ang gusto?" Uminom siya ng tubig.
"Ewan... nababaliw na nga siguro," sagot ni Tessa at ipinagpatuloy ang pagkain nito.