Kabanata 1
Kaycee's Point of View
"Sana ay pagpalain tayong lahat ng Diyos—"
Naputol ang pakikinig ko sa mga payo ng pastor nang mag-ring ang cellphone ko. Napatingin ako sa paligid at laking pasalamat ko na hindi gaanong napalakas ang tunog na ginawa ng aking cellphone.
Ngunit ganoon pa man, nagdadalawang-isip ako kung ilalabas ko ba ito mula sa bulsa ng suot ko at sasagutin ang tumatawag. Masyado atang nakakabastos lalo na at nasa ganitong sitwasyon pa ito umistorbo.
Napailing ako saglit at mabilis na nagpaalam muna ako sa kataas-taasan sa amin. Mabait naman si Mother Superior kahit na mukha itong suplada dahil sa tindig nito.
"Mother Superior, mukhang importante po," ipinakita ko ang hawak kong de-keypad na cellphone na patuloy pa rin sa mahinang pag-ring nito. "Maaari ko po bang sagutin?"
Hindi naman ito tumutol kaya't mabilis akong lumabas at nagtungo sa maliit na hardin sa likod ng simbahan na ito. Bago sagutin ay nakita ko pa ang isang magarang sasakyan na kakaparada lang sa hindi kalayuan sa akin. Mukhang mamahalin at kakabili lang ng may-ari dahil bagong-bago pa ang datingan.
Sinagot ko agad ang tawag nang hindi tinitignan kung kaninong phone number ang tumawag dahil naaagaw ng bagong paradang sasakyan ang atensyon ko.
"Hello?" malumanay na bungad ko sa katawag ko. "Sino po sila—"
"Kaycee."
Ang humihikbing tinig ni Kassy ang bumungad sa akin. Kilalang-kilala ko ang tinig niya kahit na hindi kami madalas na mag-usap lalo't pareho kaming busy sa kanya-kanyang mga gawain. Napakunot ang aking noo at lumamya naman ang kanyang boses.
"Umuwi ka dito please, ayoko. Ayoko—"
Dahil sa hindi natapos ni Kassy ang sasabihin ay agad akong naguluhan. Umiiyak pa rin ito sa kabilang linya at mukhang tumatakbo pa dahil gumagawa ng kakaibang tunog ang kabilang linya.
"Kassy, get back here!" panibagong boses ang aking narinig. Lumikot ang aking mata dahil sa hindi pamilyar na boses. Sino 'yon? Magtatanong pa sana ako kung sino 'yon nang mamatay na lang bigla ang tawag.
Kasabay ng pagkamatay ng tawag ay naagaw muli ng sasakyan ang aking atensyon. Bagama't sa sasakyan ang aking tingin ay napuno naman ng maraming katanungan ang aking isipan. Bakit umiiyak na tumawag si Kassy sa akin? Bakit tila may humahabol sa kanya at kung meron man ay sino? Sino ang lalaking sinasabing bumalik siya? Marami pang katanungan ang nais kong masagot ngunit ni isa ay wala dahil hindi ko alam kung anong nangyayari, kung anong nangyayari kay Kassy.
Nang ibaba ko ang cellphone ay muli itong tumunog. May mensahe na dumating kaya muli kong binuksan ang cellphone.
_I'm getting married sis, I don't want to be get'n married without you..._
Ang laman ng message ay nagpagulat sa akin. Paanong hindi ko alam ito? Ano't hindi ipinaalam ni Mama? Ni Papa? Matagal na ba ito? Kung oo, bakit ni hindi man lang nila sinabi?
"Nagbago ba ang desisyon mo hija?" salubong sa akin ni Sister Mary at sinundan pa nang tingin ang bag na dala ko at ang maletang hila-hila ko.
I know this is a rush decision, but who wouldn't? Kailangan ako ni Kassy, babalik ako pa-Maynila. Pero hindi ko pa rin iiwan ang nasimulan ko dito.
Umiling naman ako bago malalim na nagpakawala ng buntong-hininga.
"H-hindi po," Tumaas bahagya ang kanyang kilay.
"M-mawawala lang po ako ng ilang araw," nakikiusap na tumingin ako rito. "Pwede ho ba?"
"Hindi ka pa ganap na tunay na madre, Manuela, ngunit kung lalabas ka rito ay baka magbago ang iyong desisyon..." huminga siya nang malalim. "Maraming dahilan upang umiba ang 'yong nais, ngunit kung gusto mong lumabas ay wala akong magagawa."
Napatungo naman ako. Malinaw na malinaw sa akin na gusto kong maisakatuparan ang maging madre at manilbihan sa Diyos. Kaya kahit lumabas pa 'ko rito ay hindi magbabago ang isip ko.
"Maaaring makahanap ka ng tunay na kaligayahan sa labas—" sandali siyang tumigil at mukhang may malalim na kaisipan siya. "Ngunit may tiwala akong hindi ka sasalungat sa nauna mong desisyon."
Hindi naman ako nakasagot sa kanyang sinabi. Nanatili akong tahimik hanggang sa magsalita itong muli.
"Pinapayagan kita, ngunit kung magbago man ang desisyon mo habang nasa labas ka, ipaalam mo ito kaagad sa akin." paalala niya pa kaya napaangat ako ng tingin sa kanya. "Lalo na sa Superior—" tila natauhan ito at napatigil nang may maalala. "Paano ang Superior? Nakapagpaalam ka ba sa kanya? Baka pabaunan ka niya ng maraming rosaryo upang maging tuwid pa rin ang 'yong desisyon. Maraming maaaring makapagpabago ng 'yong isip sa labas, naniniguro lang." Aniya pa na nakangiti.
Sa kanyang sinabi ay hindi ko alam kung bakit nakaramdam ako ng pagkatakot at pangamba. Dahil ba matagal na panahon na akong naririto at alam kong iba ang normal na nangyayari sa labas kumpara dito sa kumbento? Ngunit kung paiiralin ko ang takot ay baka may masama nang mangyari kay Kassy—hindi pwede, kailangan magawan ko ng paraan ang tinutukoy niya.
Saglit akong natahimik at huminga nang malalim. Tumango ako bago nagpasalamat sa kanya.
"Kagabi ay nagpaalam ako kay Mother Superior, wala naman daw kaso ito sa kanya at mas mainam din daw na balikan ko saglit ang labas upang mas mapag-isipan ang desisyon ko habang hindi pa ako nagiging ganap na madre." Tugon ko kay Sister na nakikinig. Tumango lamang ito bago ako binigyan ng daan. Ngumiti naman ako sa kanya at muling nagpaalam.
Wala akong sinayang na oras at naglakad na patungo sa labasan. Nakikita ko na ang tarangkahan na sarado ngunit alam kong hindi ito naka-lock. Pagdating ko roon ay dahan-dahang inabot ng aking kaliwang kamay ang hilaan ng maliit na pinto ng gate.
For a moment, nanginginig ang kamay ko, nagdadalawang-isip din ako. Ngunit mariin akong pumikit at hinila na ang maliit na pinto upang bumukas ito. Saglit akong huminga nang malalim bago nagmulat ng mata at makita ang labas kung saan may mga mabilis at maraming sasakyan.
Nasa pinakaloob pa kasi ng compound na ito ang tuluyan naming mga hindi pa ganap na madre at minsan na lang namin masilayan ang labas ng compound na ito at iyon ay kapag may mga lugar kaming pupuntahan.
Humugot ako ng malalim na buntong-hininga at pumikit ulit para namnamin ang simoy ng hangin sa labas na wala namang pinagkaiba sa loob ngunit ang labas ay alam mong maraming mangyayari.
Sa pagmulat ko ay ang malaking airport ang nabungaran ko. Hindi ko na mabilang kung ilang beses na akong pumikit upang humugot ng lakas. Tila kasi napag-iwanan ko ang lakas ko sa loob ng kumbento.
Mabilis ang pangyayari at pagkatapos kong magpa-book ng flight patungong Maynila ay nakasakay na ako sa loob ng eroplano.
'Please stay at your seats until we land—' Hindi naging malinaw sa akin ang sinasabi ng flight attendant na nasa speakers dahil lumalakas ang tunog ng eroplanong nagsisimula nang pumaitaas sa himpapawid.
Hindi ko alam kung bakit ako nanghihina at kasabay pa nito ang paglakas ng t***k ng puso ko. Hindi ko maiwasan na mapapikit at hayaan ang sarili sa kung anong mangyayari.
Hila-hila ko ang aking maletang hindi kalakihan habang namamangha sa mga pagbabago dito sa airport. Marami ang nagbago. Simula noong bumaba ako mula sa eroplano at makuha ang gamit ko ay hindi ko maiwasan na mamangha sa pagbabago ng airport na aming tinigilan.
Ilang years ba akong hindi nakatapak dito? Six years? Five? Matagal-tagal din simula nang tumapak ako dito. Simula kasi nung umuwi akong Mindanao ay naging abala ako habang nag-aaral sa dream school ko kaya hindi na 'ko nakabisita pa dito sa Luzon.
Simula din kasi nung grumaduate ako ng Bachelor of Elementary Education at nang maka-LPT din ako, wala na 'kong hiling noon. Sa simpleng propesyon na iyon ay natutunan ko rin na mahalin ang mga bata kaya nagmadre ako o mag-mamadre pa lang.
"Miss, sasakay ka?" kaagad na napako ang tingin ko sa mamang taxi driver. Hindi nawala ang lagkit sa kanyang paninitig sa akin. Pagpalain nawa siya ng Diyos. Kung hindi lang magmumukhang rude ako o mas kung tawagin na masama ang ugali ko ay iirapan ko talaga siya. Idagdag pang hindi ba niya nakikita ang suot ko ngayon? Hindi pa rin ako nakakapagpalit ng kasuotan kong pang-madre. Walang respeto!
Umiling naman ako bago pilit na ngumiti.
"Hindi na po MANONG!" diniinan ko talaga ang salitang manong. "May sundo ho ako."
Wala itong nagawa. Nang may pumarang taxi sa harap ko ay mabilis na lumapit ako dito. Saktong may kasabay pala ako kaya nag-agawan kami kung sino ang mauunang magbubukas ng pinto. Hindi ko maiwasan na mapabuga ng hangin at akma na sanang magpapatalo nang matigilan ito.
"Ako nauna—" natigilan ito nang mapansin ako. Sinulyapan niya ang suot ko bago nagbaba ng tingin. Tila may sumapi ritong mabait na espiritu at naging magalang pa ang tono.
"Pasensya, ikaw na po." Himala, bigla 'yatang naging malumanay ang kanyang boses at naging magalang.
Hindi ko ito pinansin at ginawa nga ang sinabi niya. Hanggang sa umandar ang taxi ay hindi pa rin ako nito matignan kaya palihim akong napangiti.
Sinabi ko kay Manong kung hanggang saan lang ako at mabilis naman itong tumalima. Tumigil lamang ang taxi sa harap ng isang bahay na may kalumaan na.
Pagkababa ay hindi ko maiwasan na titigan nang maigi ang bahay. Nagdadalawang-isip pa ako kung tama ba ang pinaghintuan namin ni Manong kaya tumingin ako sa numero ng bahay. Hindi naman mali si Manong kaya tinignan ko muli ang bahay at naramdaman ko si Manong sa gilid ko na nilalapag ang maleta ko.
"Mauuna na ako sa'yo iha, mag-iingat ka rito." Sabi niya habang papasok sa kanyang kotse. Tumango lamang ako at nagpasalamat dito bago niya ako maiwan.
Lumapit ako sa kinakalawang na naming gate at humawak dito para sana itulak ito kung sakaling hindi ito sarado ngunit hindi man lang ito nagbukas nang kaunti kaya napagtanto kong sarado ito.
Bumuntong-hininga ako bago nagtungo sa gilid ng gate kung saan may ilang malalaking bato. Saglit akong naupo na hindi naman tuluyang napapaupo sa sementadong sahig ng harap ng gate at inilusot ang kamay sa ilalim ng isang medyo nakaangat na bato at doon nakapa ko ang isang bagay na hinahanap ko.
Napangiti ako at napabulong. "Andito pa rin pala ito."
I remembered some memories with Kassy. Kami kasi ang dahilan kaya meron ditong susi and yes this is a key. Lakwatsera kasi ang kakambal ko at para pareho naman kaming mapagalitan ni Papa ay isinasama ako nito. Noong minsan kaming masaraduhan dahil ginabi kami isang araw ay nakatulog kami sa labas ng bahay. Kinaumagahan ay naabutan kami ni Papa sa labas at pareho kaming nakatanggap ng parusa. Para hindi maulit at malaman ni Papa na gagabihin kami ay patago niyang kinuha ang spare key ng gate namin at lagi na lamang niya itong iniiwan sa ilalim ng mga bato para doon na lamang kukunin ang susi kapag ginabi kami. And it seems like until now hindi pa rin ito nalalaman ni Papa.
Lumapit muli ako sa gate at itinapat sa susian ng gate ang susi. Medyo mahirap itong iikot dahil kinakalawang na ang susian. It took me a minute to finally open it.
Wala na akong sinayang na oras at hinila na ang maleta ko at pumasok paloob ng compound namin. Nang pagmasdan ko ang kapaligiran ay mukhang wala nang tao ang lumalagi dito dahil may mga natuyong dahon sa Bermuda grass. Ang mataas na pader na nagsisilbing harang upang hindi agad mapasok ang bahay namin ay may mga bahay ng gagamba sa gilid.
Nagpatuloy ako at agad nagtuloy papuntang main door. Hindi ito nakasara kaya nang itulak ko ay parang nasa horror movie lang ang dating dahil ang lakas ng ginawa ng dalawang pinto nang itulak ko ito. Bumungad naman agad sa akin ang sala namin ngunit natatakpan ang mga sofa maging ang aming malaking TV na nasa gilid at ang iba pang kagamitan ay natatakpan ng puting tela.
Humakbang ako papasok at kakaiba ang hangin sa loob. Nakakakilabot at nakakapanindig-balahibo lalo na sa batok.
"Kassy?" umugong ang pagtawag ko sa pangalan ni Kassy sa buong sulok ng bahay.
"Kassy!" Walang sumagot kaya dahan-dahan kong ibinaba ang dala kong bag. Maging ang maleta ay binitawan ko rin at napalingon sa aming staircase. Hindi na ako nagdalawang-isip pa at pumanhik sa ikalawang palapag ng bahay.
Ang amoy ay ibang-iba kumpara kung paano ang amoy nito nung huli kong tapak dito. Kinakalawang ang bawat dingding at may mga bahay naman ng gagamba sa ceiling. Saradong-sarado ang kwarto ni Kassy nang makarating ako sa tapat nito. Ang kwarto ko kung saan katapat din ng kanya ay malinis na malinis pero binahayan na rin ng gagamba. Mukhang walang tao. Matagal na ba nilang inabandona ang bahay na ito?