”ANG PANGIT mo! Ang pangit-pangit mo! Hindi ka niya talaga magugustuhan kahit ano pa ang gawin mo!” galit na saad ni Elaine habang nakaharap sa salamin sa loob ng kuwartong inuokupa niya.
Pangatlong araw na niya ngayon sa Villa Mercedes. Hindi sana siya tatapak sa lugar na ito kung hindi lang sa utos ng daddy niya.
Bumalik siya ng Pilipinas para matakasan ang ex-fiance niyang manloloko. Bukod doon gusto rin niyang subukang makapasok sa Philippine National Police. Nag-graduate na siya ng abogasya pero hindi niya gustong maging abogado. Mas gusto niyang maging pulis dahil iyon naman talaga ang pangarap niya. Ang daddy lang niya ang umaayaw kaya napilitan siyang kumuha ng ibang kurso. Pinili na lang niya ang abogasya para magamit pa niya ito kapag naging pulis siya.
Ni wala sa hinagap niya na magko-krus pa ang landas nila ni Renzo Nick. Maluwang naman ang Pilipinas para magkita pa sila. Sa totoo lang ayaw niya itong makita dahil masasaktan lang siya.
Sampung taon na ang nakaraan nang una niya itong makita sa bahay nila sa Australia. Dumalaw ito noon sa daddy niya. Habang nakikipag-usap ito sa daddy niya, sumisilip naman siya sa kanila. Nang mapansin siya ng daddy niya, bigla siya nitong tinawag. Kinakabahan lumapit siya sa kanila. Nag-sommersault yata ang puso niya nang makita sa malapitan ang binata.
Kung guwapo ito sa malayo, mas magandang lalaki na naman ito sa malapitan. Hindi niya matagalan ang mga titig nito kaya umiiwas siya nang tumingin nang diretso sa mga mata nito.
Ipinakilala siya ng daddy niya rito. Nang iaabot nito ang kamay sa kanya, napilitan siyang tanggapin ito kahit na nanginginig ang mga kamay niya. Nang magdaop ang kanilang mga palad, pakiwari niya’y nakuryente siya. Naramdaman niya ang pagdaloy ng bolta-boltaheng kuryente mula sa mga palad nilang magkadikit patungo sa kanyang katawan.
Nang ngumiti pa sa kanya ang binata, tuluyan na siyang naestatwa sa kinatatayuan niya. Mabuti na lang at nagsalita ang daddy niya. Inutusan siya nitong bumalik na sa kanyang kuwarto. Pinakawalan naman agad ng binata ang kamay niya. Hindi niya alam kung saan siya kumuha ng lakas para tumalikod at humakbang dahil nanginginig ang mga tuhod niya nang oras na iyon.
Mula nang araw na iyon, hindi na niya maipagkakailang nagkagusto siya sa binata. Ilang beses pa itong dumalaw sa bahay nila. Sa tuwing nagpupunta ito roon, nagkukulay rosas ang paligid niya. Gumaganda ang bawat araw niya at lalo siyag nagiging masigla. Halos hilain na rin niya ang bawat araw sa kalendaryo para lang lumakad ito nang mabilis at maging eigthteen na siya. Papayag lang kasi ang daddy niya na magpaligaw siya kapag tumuntong siya sa edad na iyon.
Ngunit bago pa man dumating ang pinakahihintay niyang araw, may nangyaring hindi niya inaasahan. Dumalaw sa bahay nila ang pinsan niyang si Regine at nagkataong naroon naman ang binata. Nang magkakilala ang dalawa, hindi na sila naghiwalay.
Ilang araw lang ang lumipas, ibinalita sa kanya ng pinsan niya na nobyo na nito ang binata. Hindi lang puso niya ang sumakit kung hindi ang buong pagkatao niya.
It was her first heartbreak.
Magsi-seventeen pa lang siya ng taong iyon. Mahigit isang taon pa ang hihintayin niya para tumuntong siya sa legal na edad at magagawa niya ang lahat ng nanaisin niya. Pero inagaw na ng pinsan niya ang pinapangarap niyang lalaki na magiging unang boyfriend niya.
Bumaha ang luha niya hanggang umabot siya sa puntong na-ospital siya. Nawalan kasi siya ng ganang kumain na naging dahilan para mag-collapse siya sa klase nila. Naging malulungkutin na siya mula nang araw na iyon. Hindi na siya gaanong nagsasalita na ikinalungkot ng mga magulang niya lalo na ng kanyang ina.
Pero kahit anong mapipilit ng mommy niya, hindi siya mapilit nito na magsabi ng dahilan ng kanyang pagbabago. Kaya tinanggap na lang ng kanyang ina nangyayari sa kanya.
Ngunit ang pinakamasakit sa lahat ay nang kausapin siya ni Regine.
“Renzo Nick is mine. Don’t you ever come near him or even try to flirt with him. He is mine alone. Did you understand what I said, Jenna Elaine? I will make your life a living hell if ever try to steal my boyfriend.”
Halos mabasag ang eardrum ni Elaine sa sinabi ni Regine. Wala naman siyang balak na agawin ang nobyo ng pinsan niya pero bakit kailangan sabihin pa nito ang bagay na iyon? Nasaktan na nga siya dahil ito ang pinili ng binata tapos ipagdadamot pa ito ng pinsan niya.
Simula nga ng araw na sabihin iyon ni Regine, pinilit na niyang iwasan ang binata. Ni hindi niya ito pinapansin kahit nagpupunta sa bahay nila. Kung puwede nga lang na huwag niya itong sulyapan o titigan, ginawa na sana niya.
Pagtuntong niya ng eighteen, nag-entertain siya ng mga manliligaw hanggang nagka-boyfriend siya. Pero hindi nagtatagal ang anumang relasyon niya. Ilang buwan lang, nakikipag-break na siya. Ayaw niya kasing pumayag na makipag-s*x sa mga naging nobyo niya. Para sa kanya, bata pa siya upang gawin iyon. Isa pa’y gusto niyang ialay ang sarili sa mapapangasawa niya at hindi sa ibang lalaki. Iyon lang naman kasi ang maipagmamalaki niya kung saka-sakali.
Kaya lang hindi iyon matanggap ng mga lalaking naging parte ng buhay niya. Gusto talaga nilang maikama siya. Ang nangyari tuloy papalit-palit siya ng nobyo hanggang makilala niya si Lyndon. Tanggap nito ang prinsipyo niya kaya sa isang taon nilang relasyon pumayag siyang magpakasal dito. Pero kung kailan malapit na ang araw ng kanilang kasal saka niya nadiskubre ang kalokohan nito. Natagpuan niya itong may kasiping na ibang babae nang minsang dalawin niya ito sa opisina nito.
She was heartbroken for the second time around.
Sa sobrang sama ng loob niya kaya naisipan niyang bumalik ng Pilipinas. Tapos ang unang makikita pa niya rito ay ang taong matagal na niyang iniiwasan at pilit kinakalimutan. Ngunit sadyang mapaglaro ang tadhana. Ang inakala niyang damdamin na matagal nang nawala ay bigla na lang rumagasa pabalik.
Hindi siya makapaniwalang kaya pa ring guluhin ni Enzo ang buong sistema niya. Hindi lang bumibilis ang t***k ng puso niya, nangangatog din ang mga tuhod niya nang makaharap ang binata.
Alam niyang wala na sila ni Regine. Pero hindi ibig sabihin na puwede na silang dalawa. Hindi pa rin niya makalimutan ang banta ng kanyang pinsan. Kaya nga sinabi niya mismo sa binata na off limits siya rito.
Pero mabuti na lang at hindi iyon pinansin ni Enzo. Mas nanaig ang utos ng daddy nya kaya nailigtas siya nito nang mangyari iyong hostage-taking sa Glorious Hotel noong isang linggo. Malay ba naman niyang susundan pa pala siya ni Lyndon hanggang Pilipinas?
Iyon nga lang masama ang naging consequence ng pangyayaring iyon. Dahil utang niya kay Enzo ang buhay niya, nagkaideya ang daddy niya na ipakasal na lang siya rito para sa sarili niyang kapakanan. Bukod daw sa may magbabantay na sa kanya, mabibigyan pa raw niya ng apo ang kanyang mga magulang.
She was horrified at the thought of living together with Enzo.
Anong future ang naghihintay sa kanila kung wala namang namamagitan pag-ibig sa pagsasama nila? Naniniwala siyang pag-ibig ang pinakamagandang dahilan para gustuhin ng dalawang tao na magpakasal sila at magsasama habang buhay. Kung walang pag-ibig, ano pa ba ang dahilan para gugustuhin ng isang tao na makasama at manatili sa piling ng iba?
“Pangit ka! Mas maganda at mas seksi si Regine sa iyo! Hindi ka type ni Enzo!” muli na namang niyang sigaw sa harap ng salamin.
“Ano kaya kung tumakas ka na lang para hindi matuloy ang kasal? Tutal wala naman dito ang daddy mo, hindi ba? Huwag mo nang hintayin na makarating pa sila rito ng mommy mo. Umalis ka na habang may oras pa.”
Napahugot nang malalim na hininga si Elaine. Paano nga pala siya makakaalis dito? Saan din siya pupunta kung sakaling matakasan niya ang kanyang kasal?
Napahilamos ng kanyang mukha si Elaine. Problema pa rin pala ang pag-alis niya.
Kausapin na lang kaya niya si Enzo tutal ayaw din naman nitong maikasal sila? Pero baka hindi ito maniwala sa kanya dahil ang buong akala nito susundin niya talaga ang utos ng daddy. Takot lang siya sa daddy niya kaya sinabi niya iyon sa binata. Saka gusto rin naman niyang makita ang reaksyon nito kapag sinabi niya iyon.
Presto! Lumabas nga ang totoong nararamdaman nito.
He doesn’t like her at all. He just being nice to her because of her dad.
Ang saklap ng kapalaran niya. Kung sakali mang magkatuluyan silang dalawa, katawan lang siguro niya ang gugustuhin ni Enzo. Hindi siya nito mamahalin katulad ng pagmamahal nito kay Regine. Hindi niya gustong masaktan pang muli. Mas masakit na iyon kaysa sa dati. Iyong tipong siya lang ang magmamahal sa isang relasyon dahil walang amor ang mapapangasawa niya sa kanya.
Mawala man ang virginity niya, mal;abong mahalin siya ni Enzo dahil nasa puso pa rin nito si Regine. Wala na nga ang pinsan niya, karibal pa rin niya ito hanggang ngayon.
Kaya kailangan niyang makaisip ng paraan upang makatakas kung ayaw niyang makulong sa isang relasyong walang patutunguhan. Kasal pa man din ang pinag-uusapan. Panghabang buhay na kontrata iyon maliban na lang kung magdi-divorce sila o daanin sa annulment. Pero bakit pa sila magpapakasal kung maghihiwalay rin lang?
Haisst! Ano ang gagawin niya ngayon?