Malakas na pag-alog sa balikat ang nagpagising sa aking ulirat, marahan kong iminulat ang aking mata ngunit nagtatalo ang pagkahilo at sakit na nararamdaman ko sa bahagi ng aking noo. Ang akala ko ay wala akong sugat na natamo, sinipat ko ang paligid at sa tingin ko ay wala na ko sa loob ng sasakyan.
Nang maging maayos ang pakiramdam ko ay nakita kong pinapaikotan nila ako at halata sa ekspresyon ng mukha nila ang labis na pag-aalala, narinig ko ang pagbuntong-hininga nang malalim ni Reyly na parang nabunutan ng tinik sa lalamunan. Napahilamos naman sa mukha si Marvin at agad akong inalalayan sa pagtayo.
“Ano’ng nangyari?” bungad na tanong ko sa kanila.
Nagkatinginan silang lahat, bigla tuloy akong nakaramdam ng kaba dahil sa mga titig nilang iyon.
“Nakasagasa ng ligaw na kambing si Marvin, kaya kailangan niyang huminto kaso dahil sa ginawa niya ikaw ‘yong napuruhan ng husto. Ano, wala bang masakit sa ‘yo?” turan ni Angelo at bahagyang hinawi ang buhok na humaharang sa mukha ko.
“Ang akala namin kung napaano ka na. Grabe ka, beb!” usal ni Reyly na napahawak pa sa kaniyang dibdib.
“Ano pa lang gagawin natin sa kambing?” nakangiwing tanong ni Crissel, nakaturo ang hintuturo nito sa patay na hayop, nakalabas ang laman loob ng kambing at nakahiga sa gitna ng kalsada.
“Hindi ko alam,” sambit ni Marvin na tila nahihirapang magdesisyon sa sitwasyon namin ngayon.
“Hayaan na lang natin ‘yan sa daan, wala naman nakakita sa ‘tin atsaka mas mabuti nang umuwi na lang tayo,” suhestiyon ni Jasmine.
“Hindi, hindi.. Kailang nating tumuloy,” giit ko, nandoon kasi ang panghihinayang ko na uuwi pa kami kung kailan nasa kalagitnaan na kami.
“Sigurado ka? Hindi mo ba nakikita ‘yang sugat sa noo mo?” Napahawak ako sa aking noo dahil sa sinabi ni Marvin.
“Ayos lang ako, gagaling din naman ito kaagad,” napakamot na lang ng kaniyang ulo si Marvin, wala na silang nagawa kundi pumasok uli sa loob ng sasakyan.
Nakaramdam kami ng awa nang iwan namin sa gitna ng daan ang kambing na nasagasaan ni Marvin, wala naman kasi kaming magagawa dahil kailangan na namin magmadali at baka abutin pa kami nang hatinggabi sa pag-uwi.
Napa-sign of the cross na lang ako habang nag-iisip kung ano ang maaari naming matuklasan sa aming pupuntahan, nandoon ang pangamba at takot pero sa kabila noon ang katotohanan na puwedeng makapagturo at makasagot sa lahat ng mga kababalaghan na nangyayari sa akin ngayon.
Pagdating namin sa Trese Martires ay kailangan naming pasukin ang isang baranggay na hindi pa ganoon kasibilisado, hindi tabi-tabi ang bahay at malayo ang agwat sa isa’t isa. Mapuno at tanging mga kuliglig at ingay ng mga nagsasayang puno at mga ibon ang iyong maririnig.
Dito kami itinuro ng pinagtanungan namin tungkol sa Baranggay Masagana, hininto ni Marvin ang kaniyang sasakyan at ibinaba ang bintana nang makasalubong kami ng taong may karga-kargang prutas.
“Manong, Manong!” tawag niya rito.
Lumingon ito at pumunta sa amin, inalok kami ng mga paninda nitong prutas, bumili si Jasmine ng bayabas at manga, sinamantala na rin namin ang pagkakataon para magtanong kung kilala ba niya si Mang Kepe, ang sikat na albularyo sa kanilag baranggay.
“Matagal nang hindi nanggagamot si Mang Kepe, pero subukan niyo na rin at baka sakaling mapapayag niyo, mukhang galing pa kayo sa malayong lugar para lang puntahan siya at magpagamot,” saad ni Manong.
“Bakit hindi na po siya nanggagamot?” untag ni Angelo.
Napakamot ng ulo ang manong sa tanong ni Angelo, “ Hindi ko alam, eh.”
“Saan na lang po natin siya makikita?” muli nitong tanong.
“Sa ikaapat na bahay-kubo na madadaanan niyo, bungad lang kasi ng kalsada ang bahay non kaya madaling puntahan. O, sige, mag-ingat kayo at salamat na rin,” ibinuhat na ni Manong ang kaniyang mga paninda at umalis.
Ipinaandar na muli ni Marvin ang kaniyang sasakyan, naghalo ang pananabik at takot namin dahil hindi namin alam kung tama ba ang naging desisyon namin na puntahan ang albularyo. Pagdating namin sa ika-apat na bahay kubo na tinuro ng manong ay hininto ni Marvin ang sasakyan.
“Siguro ka ba na ito ‘yung sinasabi ng matanda?” saad ni Crissel.
Inihinto ni Marvin sa isang bahay kubo ang kaniyang sasakyan, may tarangkahan naman ito ngunit gawa din sa kahoy, may mga tanim din itong gulay at bulaklak sa malawak nitong bakuran. Napadungaw ako sa bintana para sumilip.
“Jasmine, tanongin mo kung dito ba nakatira si Mang Kepe,” utos ni Angelo, wala kasing gustong bumaba ng sasakyan.
Naglakas-loob na lang akong bumaba kahit na nandoon ang takot at kaba, wala naman nagawa ang mga kasama ko kundi sumunod sa akin. Sinamahan ako ni Marvin sa tapat ng tarangkahan, tumingkayad ako para silipin kung may tao ba sa loob kaso wala akong naulinagan, sarado din ang bintana at pinto.
“Tao po, may tao po ba?” pagtatanong ko. Napatago na lang ang iba naming kasama sa likuran namin, halata sa mga ito ang takot. Wala kaming natanggap na tugon.
“Wala yatang tao dito, nagsisinungaling yata ‘yung manong na pinagtanungan natin, eh,” saad ni Marvin.
“Hindi naman siguro,” turan ko.
Muli akong nagtanong at sumigaw kung may tao ba sa loob. Mga ilang minuto ay bumukas ang bintana ng bahay, may nakita akong mga kamay, kulubot na at may pagkamaitim ang kulay ng balat. Napaestatwa kaming lahat nang bumukas ang pinto, niluwa no’n ang isang matandang babae.
Naglakad ito papalapit sa amin ng mga kaibigan ko, doon ay nagulat kami sa itsura ng matanda, naramdaman ko na lang na hindi mapakali ang puso ko sa sobrang kaba, lalo na nang palapit ito nang palapit sa amin.
Huminto ito at pinagbuksan kami ng pinto, nagkatinginan kaming lahat sa isa’t isa, ni isa ay parang walang gustong pumasok at bumati sa matanda, napalunok ako nang malalim. Kumuha ako ng lakas na loob para magsalita at manguna sa kanila.
“Batid kong kailangan niyo ng tulong, lalo na ang babaeng ito,” nanlaki ang mata namin sa sinabi ng matanda, itinuro ako nito gamit ng kaniyang hintuturo,
Nakita ko na lang ang sarili ko na nakaturo din ako sa sarili ko, napatingin ako sa mga kasama ko pero parang hindi nila alam kung ano ang itutugon sa matanda.
“Magandang hapon po,” bati ko na lang, wala kasi akong maisip na sasabihin.
“Pumasok kayo,” paanyaya niya.
Nagpatiuna ako sa paglakad, itinulak kasi ako ni Reyly, sumunod na lang sila sa akin pagkatapos, sa ginagawa nilang ito ay parang ako ang ginagawa nilang pain para sa matanda. Huminto kami sa tapat ng pinto na nakaawang.
Nilingon ko ang matandang babae, naglalakad na ito palapit sa amin, medyo may kabagalan na ito kumilos, tiningnan namin si Marvin para tulungan ang matanda pero umiling ito, marahil natatakot ito sa itsura ng matanda.
Kulubot na kulubot na kasi ang balat ng matanda, mahaba ang buhok na lagpas hanggang puwetan, nakabuhaghag kasi ito. Sa tingin ko ay malabo na ang isang mata nito sa kaliwa, samantalang wala naman itong mata sa kanan, nangingitim din ang kutis ng balat nito sa mukha at may mga bukol. Nakasuot ito ng daster.
Pagpasok nito sa loob ng kaniyang bahay ay nilingon niya kami, parang sinasabi nito na pumasok na kami sa loob at hindi na niya kailangan iyong sabihin pa dahil unang-una sa lahat ‘yon naman ang pakay namin sa kaniya.
“Umupo kayo, ‘wag kayong matakot sa akin, wala akong nakakahawang sakit,” sabi ng matanda, nahiya tuloy kami sa sinabi nito.
“Pasensiya na po,” paghingi ko na lang ng tawad.
Bahagya lang ngumiti ang matanda sa paghingi ko ng tawad, naging abala lang ito sa pagkuha ng kandila at ilan dahon. Napatingin kami sa paligid, nagkalat ang maraming bote na may laman na iba’t ibang mga halaman o insekto.
“Marahil nagtataka kayo kung bakit babae ang nakita niyo at hindi lalaki, tama?” kasalukuyan itong nagtataktak ng halamang gamot.
“Opo, Mang Kepe po kasi ang tawag sa inyo,” saad ko, wala kasing balak na sumagot ang mga kasama ko.
“Maaga kasi namatay ang asawa ko, kaya simula nang mamatay ito ay pangalan na niya ang gusto kong itawag sa akin ng mga tao,” bigla itong napaubo nang malakas, parang may bumara yatang plema sa lalamunan nito.
“Pasensiya na po,”
“Mukhang ito na ang huling beses na manggagamot ako, mukhang malakas na espiritu ang sumusunod sa inyo, ito na yata ang ikamamatay ko,” kinilabutan kami sa sinabi ng matanda.
“Paumanhin po pero ako lang po talaga ang kailangan magpaalbularyo,” sabi ko.
“Kung ikaw lang ang magpapaalbularyo ay bakit lahat kayo ay walang mukha?” nagkatinginan kami sa sinabi ng matanda, ibig sabihin nakikita niya kaming lahat na walang mukha.
“Ang totoo po kasi niyan ay ako lang po ang nakakakita ng mga kaluluwang walang mukha, nagsimula po iyon nang mamatay si Chandria, ‘yong kaibigan po namin,” saad ko.
Tinalsikan niya kami ng tubig hindi namin alam kung para saan iyon, nakapikit ito habang ginagawa iyon, nakikita namin ang paggalaw ng kaniyang bibig mukhang may binubulong ito pero hindi namin naririnig. Nagsisimula na yata ang kaniyang panggagagamot.
“Natatakot na ako,” usal ni Reyly na nakayakap sa balikat ko.
Tiningnan ko ang mga kasama ko at sa tingin ko ay natatakot na rin sila sa lahat ng mga nangyayari, patuloy lang kasi ang pagsaboy ng tubig sa amin ng matanda nakita ko pa nga na nagpunas ng kaniyang labi si Jasmine dahil doon tumalsik ang tubig na winiwisik.
“H’wag kayong matakot, alam kong marami nang bumabagabag sa puso’t isipan niyo ngayon pero kailangan natin putulin ang buntot ng kamatayan na nakadikit sa inyo,” mas lalong mangiyak-ngiyak si Reyly dahil sa kaniyang narinig.
Itinuro ako ng matanda, pagturo ko sa aking sarili ay tumango ito at pintayo ako, lumapit ako dito at nagulat ako nang tuluan niya ako ng luha ng kandila sa aking ulo, nakita ko ang takot sa mga kasama ko. Marahil nagtataka sila sa kung ano ang ginagawa sa akin ng matanda.
“Nakabukas ang ikatlong mata mo, hija, kaya sa mga kaibigan mo bukod tanging ikaw lang ang nakakakita ng mga kaluluwang nagpapakita sa iyo, kailan pa nagsimulang makakita ka ng mga kaluluwa?” tanong ng matanda.
“Simula po ng mamatay ang aming kaibigan, basta’t paggising ko na lang ng saktong umagang iyon, kung kailan naman si Chandria doon na po nagsimula ang lahat,” turan ko.
May ibinigay sa mga palad namin ang matanda, iyon ang tinatadtad niyang halamang gamot, hindi ko alam kung anong kailangan gawin namin doon pero tinanggap na lang namin ‘yon.
“Kainin niyo ng sabay-sabay ang binigay kong halamang gamot, doon ay magsisimula nang magparamdam sa inyo ang nakabuntot na kamatayan,” mangiyak-ngiyak ang mga kasama ko sa mga narinig, wala kaming nagawa kundi lunukin ng sapilitan ang binigay niyang halamang gamot.
“Sa mga susunod na araw ay marami kayong pangitain na makikita, isa na roon kung paano kayo mamamatay, kaya kailangan niyong lakasan ang loob niyo dahil malakas na espiritu ang kakalabanan natin,” babala nito.
May inabot na bell na maliit na nakatali sa sinulid ang ibinigay sa amin ng matanda, itinali niya iyon sa mga pulso bawat isa sa amin, nang sinubukan ko itong alugin ay wala akong narinig na tunog, hindi ko tuloy alam kung para saan ang mga iyon.
“Ang ibinigay kong bell ang siyang magbibigay ng hudyat sa inyo kung nasa malapit lang ang espiritu na nakabuntot sa inyo, upang sa ganoon ay maiwasan niyo ang nakalapit na panganib. Tutunog lang mga iyan kapag nandiyan sila,” sinubukan ko ulit na alugin ang bell pero wala talaga itong tunog na nililikha.
May kinuhang kandila ang matanda at pinatak nito ang luha non sa isang plato na puno ng tubig, doon ay naghintay kami kung ano ang mabubuong larawan. Base sa pagkakahulma ng binuong luha ng kandila ay nakita namin itong naghulma na isang mukha. Nagkatitigan kami sa isa’t isa, mukhang hindi naman ito dinaya ng matanda dahil may kalabuan na ang natitifang mata nito na nakakaaninag pa.
“Muli na naman kaming magkakaharap ng espiritong ito, ngunit sa pagkakataong ito ay titiyakin ko na matatalo ko na siya,” seryosong saad ng matanda. Napatitig tuloy kaming lahat sa albularyo. Ano kaya ang ibig sabihin nito sa mga sinabi niya?
“Ibig sabihin may naging kaso na rin po kayo ng katulad ng sa amin?” tanong ni Marvin.
“Ang mga kaluluwang walang mukha ang naging dahilan kung bakit nawalan ako ng isang mata at kung bakit din may mga tumubong bukol sa aking katawan. Hindi ko alam kung tadhana ba na muling magtagpo ang aming landas o sadyang hindi ko na sila matatakasan.”
Matapos ang panggagamot ng matanda ay binilinan niya kami na kung may kung ano daw na panganib na mangyari o mga pangitain na magpakita sa amin ay bumalik daw kaming lahat sa kaniya. Ngunit, nang dahil sa mga narinig at nasaksihan namin ay mukhang imposible na bumalik kami ulit sa albularyong ‘yon.
Pagsakay namin ng sasakyan ay humagulgol ng iyak si Reyly dahil sa takot, ngayon lang daw sa tanang buhay niya na natakot siya ng ganoon, may kakaiba daw sa peesensiya ng matanda na sinasang-ayunan naman namin. Hindi ko nga rin alam pero parang ang bigat-bigat ng pakiramdam ko sa loob ng bahay ng labularyo.
Tila ba may nanonood sa amin o ‘di kaya’y may nakapasan sa likod namin na mabigat na bagay, idagdag mo pa roon ang nakakakilabot na itsura ng matanda, mukha itong mangkukulam.
“Kahit kailan hinding-hindi na ko babalik sa lugar na ‘yon,” panay pa rin ang angal ni Reyly kahit na nakalayo na kami at ngayon ay pauwi na.
“Bakit kase sumama ka pa kung alam mo naman na takot ka sa albularyo?” untag ni Angelo, mukhang magsisimula na naman ang dalawa sa pagtatalo, madalas pa naman na nag-aaway sila dahil sa simpleng bagay.
“At itong bell na ibinigay niya wala na akong pakialam dito,” ipinigtal ni Reyly ang binigay ng matanda na nakasuot sa kaniyang pulso at tinapon na lang ito kung saan.
Hindi namin alam kung magagalit, matatawa o maaawa sa kaniya, hindi lang din naman siya ang natakot kanina, lahat naman kami ay natakot sa lahat ng mga nakita at narinig namin.
“Hindi mo ba narinig ‘yung sabi ng albularyo may nakabuntot daw sa atin na kamatayan, kaya kung hinubad mo ‘yung bell na iyon paano mo malalaman kung nandiyaan sila,” ani Angelo.
Muling humagulgol ng iyak si Reyly, napapangiwi na lang ako dahil para siyang musmos na bata kung umiyak, nagtatadyak-tadyak pa kasi siya at parang batang nagta-tantrum.
“Ayoko pang mamatay at ayoko pang iwan sila mama at papa, masama ba kung isipin ko ‘yon? Kung alam ko lang na iyon ang mangyayari hindi na dapat ako sumama,”
Napahawi na lang ng buhok si Angelo, hindi na niya alam kung anong gagawin para sa kaibigan, masyado na kasi itong sobra kung magreact. Magiging maayos naman din siya bukas, madali naman makalimot ‘yan ng mga nangyayari.
Hinayaan na lang namin na mag-ingay si Reyly, wala pa rin kasi itong humpay sa pagkumpas ng kaniyang bibig. Natahimik lang ito ng may narinig kaming ingay. Kakaibang ingay na galing sa suot naming bracelet.
“Tama ba ang naririnig kong galing sa suot nating bracelet ang ingay na ‘yon?” inilapit ni Jasmine ang kaniyang tenga sa suot nitong bracelet. Nanlaki ang mata nito at halata ang labis na pagkagulat.
Nang ilapat ko din ang aking tainga sa suot kong bracelet at hindi nga kami nagkakamali ng dinig doon nga nangagagaling ang ingay. Napasign of the cross, si Jamine habang naramdam ko na lang ang malakas na kalabog sa puso ko.
Marahil totoo nga yatang may nakabuntot sa amin na kamatayan, sa ‘di ko nga lang malaman na dahilan kung paanong nasali ang aking mga kaibigan.