Pakiramdam ko'y biglang bumuway sa pagkakatayo ang aking mga tuhod. Nanlamig ang mga kamay ko at pakiwari ko'y nakaramdam ako nang pagkaihi. Pero, ano nga ba ang dapat kong isagot?
"Hindi niya po ako girlfriend dahil customer ko po siya sa club. Ganun?!" ani ko sa isipan.
Alanganing ngiti ang sumilay sa aking labi kasabay nang pagtingin ko sa gawi ni Seb upang humingi ng saklolo sa kaniya.
Matamis na ngumiti ito sa akin saka nilapitan niya kaming dalawa ng kaniyang ina.
"Ma, huwag mo pong takutin si Nena," natatawang saad ni Seb sa kaniyang ina.
"Naku Iha, huwag kang matakot sa akin. Mas matakot ka sa anak ko at baka kung anong kalokohan na ang ginawa nito sa 'yo." Sabay pa kaming napaubo ni Seb dahil sa parehong nasamid ng aming mga laway.
"Sapul si Kuya!" mapang-asar na wika ni Sandro.
"G*go!" Mabilis namang nilapitan ni Seb si Sandro saka binatukan niya ito.
"Halika na at kumain na tayo. Ikaw na ang bahalang magpasensiya sa mga anak ko, Iha. Talagang ganiyan lang ang mga 'yan, mahaharot!" ani naman ng ina ni Seb.
Kiming ngumiti lamang ako at tahimik na napasunod sa kanilang dalawa ni Carmie.
Hindi pa rin binitiwan ng mag-ina ang magkabilaang braso ko at akala mo talaga'y matatakasan ko sila.
Pagpasok namin sa dining hall ay mayroong mahabang mesang sumalubong sa amin. Bawat bangkuan ay may nakatalaga nang nakaupo.
Lahat sila'y nakatingin sa aming pagpasok at bawat mga mata nila'y puno ng kislap na 'di ko mawari kung ano'ng ibig sabihin.
"Hi!" nakangiting bati sa akin ng babaeng kamukhang-kamukha ni Sandro.
"Siya po si Ate Sandra, ang kambal ni Kuya Sandro," pagpapakilala sa kaniya ni Carmie.
"Mabuti naman at nagkasya sa 'yo ang damit," wika pa ni Sandra.
"Salamat sa pagpapahiram," nahihiyang pasasalamat ko sa kaniya.
"Naku, hindi naman akin iyan. Hindi ko nga alam kay Kuya Seb kung bakit may mga damit ng babae sa tokador niya. Ang nakakapagtaka pa nga ay parang sukat na sukat pa sa 'yo ang lahat ng mga 'yon," natatawang tugon pa nito.
Malakas na kantiyawan ng mga taong naroon ang sumunod kong narinig. Nahihiyang iniyuko ko ang ulo dahil pakiramdam ko'y pulang-pula na ang aking mga pisngi.
"Guys, tama na 'yan! Kumain na tayo!" maawtoridad na wika ni Seb at biglang tumahimik ang buong paligid.
"Anak, baka gusto mong ipakilala naman sa amin ang girlfriend mo," pabirong saad ng lalaking nakaupo sa may sentro ng mesa na siyang ama ni Seb dahil sa tinawag nitong 'Anak' ang binata.
Muling umugong ang malakas na kantiyaw sa buong paligid.
"Si Kuya Seb, namumula..." mapang-asar na hiyaw ng dalagita na nakaupo sa may bandang gitna ng lamesa.
"Cristel!" nandidilat ang mga matang suway ni Seb.
"Kuya namumula na rin ang pisngi ng girlfriend mo," sabat naman ng pinakabata.
"Cherry!" muling suway ni Seb.
"Dito ka na umupo sa tabi ko, Ms. Nena," nakangiting alok naman ni Sandro.
"Huwag ka ngang magulo Kuya Sandro. Hayaan mo si Kuya Seb, dumiskarte sa girlfriend niya," suway naman ng katabi nitong lalaki.
Sinamaan ng tingin ni Seb si Sandro saka lumapit ito roon upang batukan ang kaniyang kapatid. "Kanina ka pa!"
Nakangiting tinitigan ko sila at nakadama ako ng inggit sa dibdib. Ang saya-saya nilang pagmasdan at totoong-totoo ang bawat ngiting inilalabas ng kanilang mga labi.
Mabuti pa si Seb ay may ganito kalaki at kasayang pamilya samantalang ako ay ulilang lubos na.
May pamilya man ako, 'di ko naman maituturing na pamilyang talaga dahil alam kong hindi sapat si Tiya Melba at Linda.
"Magsitigil na nga kayo! Umiiyak na ang bisita natin!" malakas na sabi ng ina ni Seb at doon ko lang din namalayan ang mga luhang naglandas sa aking pisngi.
Mabilis na lumapit sa akin si Seb saka kinabig niya ako palapit sa kaniyang katawan. Tinuyot ng mga daliri nito ang mga luhang nagkalat sa aking pisngi.
"Sshh... Pasensiya ka na sa mga kapatid ko ha, mga elien kasi ang mga iyan." Napangiti naman ako sa sinabi nito.
"Gosh! Nakakakilig silang tingnan!" kinikilig na hiyaw ng dalagang katabi ni Sandro.
"Cally!" nandidilat ang mga matang suway ni Seb sa kaniyang kapatid.
"Si Kuya..." sabay-sabay na tukso ng mga kapatid ni Seb sa kaniya.
"Humanda kayong lahat sa akin mamaya!" banta naman ni Seb sa kanila.
Napalingon ako nang maramdaman ang tila pangangalabit sa akin ng kung sino.
"Hi po!" nakangiting bati sa akin ng dalawang batang babae na nasa walong taong gulang na siguro.
"Hi!" ganting bati ko sa kanila saka matamis kong nginitian ang mga 'to.
"Ikaw po ba ang girlfriend ni Kuya?" sabay pa nilang tanong sa akin.
Alanganing ngiti lang ang itinugon ko sa tanong nila. Natuwa akong pagmasdan sila dahil magkahawig na magkahawig silang dalawa at parehong malambing makipag-usap sa akin.
"Can we call you, Ate?" malambing nilang tanong sa akin.
"Yes!" masayang tugon ko naman sa kanila.
"Yehey!" Nagtatatalon sa tuwang sigaw ng mga 'to saka kumapit pa sa aking magkabilaang kamay.
"Sa tabi ka na po namin umupo, Ate!" Hinila na nila akong dalawa patungo sa lugar kung saan sila nakaupo.
"Cony! Cory!" bulalas ni Seb sa kaniyang mga kapatid.
Akala ko'y bandang dulo ang kanilang pwesto sa lamesa iyon pala'y sa may tabi mismo ng kanilang ina.
"Kuya Seb, dito ka na po sa tabi ni Ate Ganda umupo," pabibong tawag ng isa sa mga batang nakakapit sa aking kamay.
Dali-daling lumapit sa amin si Seb saka inalalayan pa muna ako nitong makaupo.
"Ayie! Si Kuya kinikilig!" hiyaw ng lalaki sa may bandang dulo ng lamesa.
"Sir*ulo!" pagalit na sabi ni Seb saka tinapunan niya iyon ng matalim na irap.
"Pero kaninong panty iyong nakita ko sa laundry box, Kuya?" painosenteng tanong naman ng dalagitang katabi ng lalaking humiyaw kanina.
"Cassandra!" Namumula ang mga pisnging bigkas ni Seb sa pangalan ng kaniyang kapatid.
Sabay-sabay na naghagikhikan ang mga taong naroon.
"Enough, Guys! Magsimula na tayong kumain at malamang ay nagugutom na rin si Nena," maawtoridad na sabi ng kanilang ina.
"Ikaw na sana ang bahalang magpasensiya at umunawa sa mga kalokohan ng mga anak ko, Iha" hinging paumanhin pa sa akin ng Ginang.
"Ikaw pa lang kasi ang babaeng inuwi ni Seb dito sa bahay. Kaya naman natutuwa kaming makilala ka," saad naman ng ama ni Seb.
"Salamat po!" kiming sagot ko naman.
Naramdaman ko ang pagpisil ng palad ni Seb sa aking palad kasabay nang paggapang ng isa niyang kamay sa may bandang hita ko.
Napalunok ako ng laway at 'di ko malaman kung ano ang aking gagawin.