I

1267 Words
"Anastasia! Gaga, huwag kang magpa-apple cut! Magmumukha kang kabute!" Napasimangot na lamang si Stacy habang pinapakinggan ang pagrereklamo ng mga kaibigan niya sa napili niyang hairstyle. Ngunit tama naman ang mga ito. Mas bagay sa kanya ang wavy na buhok o hindi naman kaya ay straight lang. Hindi naman siya katulad ng kanyang kapatid na si Stephanie na kahit na anong ayos yata ay bumabagay rito. Maria Anastasia Consuelo. Nag-iisang anak ni Adrian Consuelo, isa sa mga pinakaprominente at pinakamayamang pilantropo sa loob ng siyudad ng X. Lahat ay humahanga sa kanyang ama dahil maliban sa napakabait nito ay iba rin ang angking kisig ni Adrian, siguro ay dahil na rin may lahi itong Espanyol. "At saka, alam mo, Stacy, huwag kang bumusangot d'yan. Lalo kang pumapangit. Hindi na matakpan ng makeup, o. Sige ka, baka umatras si Migs sa kasal n'yo." Sanay na siya na nakakarinig ng ganoong mga komento. Hindi naman kasi siya kagandahan. Makinis lang ang morena niyang kutis dahil alaga ito ng mamahaling sabon. Matabang pisngi. Kilay na akala mo ay higad sa kapal. Hindi katangusan na ilong. Hindi rin kapulahan ang mga labi. Hindi siya maganda. Maski ang katawan niya ay hindi rin naman sexy. Kung tutuusin, ilang taba na lang yata ang hindi pumipirma at overweight na ang kakalabasan niya. Dahil sa mga komento ng mga tao sa paligid niya tungkol sa kanyang itsura ay hindi maiwasan ni Stacy na manliit sa sarili. Tila ba ipinapamukha sa kanya na mabait lamang ang mga tao sa paligid niya dahil anak-mayaman siya. Na kaya lang siya dinidikitan ng mga lalaki ay dahil mapera ang kanyang ama. Ngunit kung isang ordinaryong mamamayan lang siya, sino ba naman ang mangingimi na tapunan siya ng tingin? Kaya naman laking gulat ng buong siyudad nang biglang mag-propose si Timothy Miguel Saavedra sa kanya. Anak ito ng may-ari ng Saavedra Medical Group, isa sa mga pinakapamoso at prestihiyosong grupong pangmedikal sa buong mundo. Maliban sa mayaman din ang pamilya nito ay guwapo si Miguel. Purong Espanyol na napiling manirahan sa bansa. Sa katunayan pa nga ay ilang beses itong naging laman ng mga magazine covers at pahayagan dahil sa pagmomodelo nito. Mabait, makalinga, perpekto. At tila isang napakagandang panaginip na siya ang napili nitong pakasalan. Ngayon ang engagement party sana nila ngunit hindi pa nagpapakita ang kanyang fiancé. Hindi naman ito nag-iwan ng kahit na anong mensahe na hindi ito makakadalo at mas lalong alam niya na sinabihan ito ng kanyang ama na sumipot. Isa pa, nandito na rin ang ama nito. Nasaan kaya ang fiancé niya? "Oh, hija, where's Migs? I thought he knew that tonight's your engagement party?" Napalingon siya sa kanyang ama na tila abala kanina pa sa pagiistima ng mga bisita niya. Tipid na ngumiti si Stacy at luminga-linga. "Wala pa nga po, Daddy, e. Sina Tita Rossana? Si Stephanie? Nandito na ba sila?" Ang matinis na tawa ng kanyang madrasta ang dahilan para mapalingon si Stacy. Naglakad ito palapit sa kanyang ama at humalik sa pisngi nito. Akmang magmamano siya nang tabigin ni Rossana ang kanyang kamay. "Oh, Anastasia. How many times do I have to tell you? Hindi pa naman ako mukhang lola para pagmanuhan mo. If anything else, mas mukha ka pang nanay kaysa sa akin." "Rossana! The kid's being respectful!" mahinang saway ni Adrian sa asawa nito. "She's insulting me, Adrian. Do I really look old to her? Dapat ay tumingin muna siya sa salamin. Mukha siyang nagpapasuso ng sampung anak." Napayuko na lamang si Stacy sa narinig. Tumikhim bago mapaklang ngumiti. "A, Daddy, Tita Rossana, hanapin ko lang po si Migs. Para makapag-umpisa na po tayo sa... sa program." Maliban sa mga pang-iinsulto na naririnig niya mula sa ibang tao ay mas matindi ang naririnig niya mula sa kanyang madrasta. Noong labing-anim na taong gulang pa lamang siya ay nagpakasal ang kanyang ama kay Rossana Ferrer, isa sa mga sikat na artista ng panahon nito. Matagal na rin naman nang pumanaw ang kanyang ina at minsan niya lang nakita na ganoon kasaya ang kanyang ama kaya hindi na siya tumutol sa kagustuhan nito na magpakasal ulit. Ngunit sino ba naman ang mag-aakala na ang hindi makabasag-pinggan na Rossana Ferrer na iyon ay nuknukan ng arte at kademonyitahan sa likod ng kamera? Buti na lamang at mabait ang anak nito na si Stephanie, at kahit papaano ay nakakasundo ni Stacy ang anak nito na tatlong taon din ang tanda sa kanya. Nang makalayo sa kumpulan ng mga tao ay inilabas niyang muli ang kanyang smartphone. Tinipa ang numero ni Miguel. Nakailang ring na iyon ngunit walang suamsagot. Imbes na lumabas ng hotel at hintayin ang kanyang fiancé ay bumalik si Stacy sa kuwarto niya sa loob ng Astoria Hotel. Pakiramdam niya ay pinagbubulungan siya ng mga tao sa paligid niya. Nakakasawa. Nakakasuka. Nakakasuka malaman na ganoon ang trato sa kanya ng mga tao sa paligid niya dahil lamang hindi siya ganoon kaganda. Papasok na siya ng kanyang silid nang mapansin niya ang pamilyar na kurbatang nakakalat sa hallway ng hotel. Pagkatapos ay hagikhik ng dalawang tila magkaulayaw. Napatingin si Stacy sa kuwartong nasa dulo ng pasilyo. Nakabukas iyon. Hindi niya naman talaga dapat balak na mag-usisa ngunit nang marinig niya ang impit na pag-ungol ng babae na tinatawag ang pangalan ng kanyang fiancé ay hindi niya na napigilan na dahan-dahang mapalakad papalapit roon. Nakiramdam. Nakinig. Nang sumilip siya mula sa awang ng pinto ay pakiramdam niya ay parang sasabog ang ulo niya sa eksenang nasa harapan niya. Si Stephanie. Ang anak ni Rossana. Walang saplot, at nangangabayo sa ibabaw ng isang matipunong lalaki. Mas lalong nanlambot ang mga tuhod ni Stacy nang mapagsino iyon. "Migs, are you sure Stacy won't notice? Hindi ba dapat, nasa baba ka na?" tanong ng babae sa pagitan nga mga pag-ungol at pagsinghap. Ngumisi lamang ang fiancé niya. "Let that ugly pig be. Wala akong pakialam kung maghintay pa siya buong buhay sa baba. I want to spend more time here with you." Hindi naman siya sinasakal ngunit hindi makahinga si Anastasia. Hindi niya magawang gumalaw mula sa kanyang kinatatayuan habang pinapanood ang dalawang iyon na magkaulayaw. Sa harapan niya pa mismo. Sa gabi pa mismo ng kanilang engagement party. Nanghihina na naitulak niya pabukas ang pinto ng silid, sa gulat ng dalawa. Kaagad na napabangon si Miguel nang makita siya. "Stacy, baby—" "How could you?" ang tanging namutawi sa labi ni Stacy. "How could you, Miguel? Steph? Of all people! Niloko niyo ako, mga hayop!" Sa tindi ng galit niya ay wala siyang ibang nagawa kung hindi ang mapatakbo pababa. Palabas ng hotel. Nanlalabo na ang paningin ni Stacy dahil sa mga luhang walang humpay sa paglabas mula sa kanyang mga mata. Gusto niyang makalayo. Palayo sa lugar na iyon. Hindi niya pinansin ang pagtawag sa kanya ng kanyang ama mula sa may entrance ng hotel. O ang boses ni Miguel at Stephanie. Lahat sila. Lahat sila ay... maliit ang tingin sa kanya. Hindi na niya malaman kung anong daan ang tinatahak niya. Wala na siyang makita dahil kasabay ng paghagulgol niya ay ang pagsabog ng makeup niya. Nagdidilim na ang paningin ni Stacy. Kailangan niyang makalayo. Gusto niyang makalayo mula sa lugar na iyon, sa mga tao sa paligid niya. Sa lahat ng mga masasakit na salitang narinig niya mula sa mga ito. Dahil ba hindi siya kagandahan ay sapat na iyon na dahilan para gaguhin siya? Dalawang puting bilog na ilaw na lamang ang natatandaan ni Stacy na makakasalubong ng kanyang sasakyan bago nagdilim ang lahat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD