CHAPTER ONE: RHAV

1304 Words
Hindi mapakali si Rhav habang nakatingin kay Nica na noo’y marahang hinihipan ang sugatang tuhod. Nakaupo sila sa isang lumang kahoy na bench sa gitna ng malawak na plaza ng kanilang eskwelahan. Tahimik ang paligid maliban sa mahinang ugong ng hangin at sa kaluskos ng mga dahon ng acacia na unti-unting nalalaglag sa sementadong sahig. Ang araw ay papalubog na at ang ginintuang liwanag nito ay dumadampi sa mukha ni Nica, nagbibigay ng kakaibang lambing sa bawat galaw nito. Kanina lamang ay nag-uunahan silang dalawa sa pagtakbo papunta sa court, sabik na makapaglaro ng volleyball habang hinihintay ang kanilang sundo. Sa gitna ng kanilang tawanan at sigawan, hindi napansin ni Nica ang nakausling bato sa daanan. Isang maling hakbang lang ang kinailangan upang siya’y mawalan ng balanse, madapa, at tuluyang bumagsak, ang kanyang tuhod ay mariing sumadsad sa magaspang na semento. Hanggang ngayon ay sariwa pa sa isip ni Rhav ang tunog ng pagkakadapa nito. Parang may kung anong kumurot sa kanyang dibdib, isang biglaang takot na hindi niya maipaliwanag. Kanina pa niya pinipilit si Nica na pumunta sa clinic, ngunit gaya ng dati, matigas ang ulo nito. Ayaw na ayaw ni Nica sa mga pagamutan. Para bang may malalim itong sugat na hindi nakikita, isang takot na hindi basta-basta nawawala. Tatlong taon na ang nakalipas mula nang mawala si Lola Mendy, ngunit nananatiling sariwa sa kanya ang alaala ng ospital. Ang amoy ng antiseptic, ang malamig na hangin, at ang paulit-ulit na tunog ng makina na kalaunan ay tumigil. Nasaksihan ni Nica kung paano unti-unting nawala ang buhay ng pinakamamahal niyang lola habang pinapalibutan ng mga doktor. At mula noon, tila isinara na nito ang sarili sa anumang bagay na may kinalaman sa gamutan. “Alam kong takot ka sa mga gamot pero hindi gagaling yan sa pag-ihip mo lang,” sabi ni Rhav, pilit na pinapakalma ang sarili. “Sasamahan naman kita sa clinic. Hindi kita iiwan, pangako.” Sandali siyang tinignan ni Nica, mabilis at tila may halong pagod, bago muling ibinalik ang atensyon sa sugat. Wala itong sinagot. Napabuntong-hininga si Rhav. “Okay fine. Hindi na kita pipilitin. Hintayin mo na lang ako dito.” Tumayo siya, ngunit bago pa siya tuluyang makaalis ay narinig niya ang boses ni Nica. “Saan ka pupunta?” Akmang tatayo ito ngunit agad niya itong pinigilan, marahang hinawakan ang mga balikat nito. “Stay here. Babalik ako agad.” Tahimik na tumango si Nica. Iniwan niya ito roon at tinahak ang daan patungo sa likod ng library building. Hindi iyon madalas puntahan ng mga estudyante. May mga ligaw na halaman doon, makakapal ang d**o, at may mga bahaging natatakpan ng matataas na sunflower na tila nagbabantay sa lugar. Habang naglalakad, unti-unting bumalik sa kanya ang alaala ni Lola Mendy. Noong bata pa sila, kapag nasusugatan sila sa kakalaro sa labas, hindi sila dinadala sa clinic. Sa halip, kukuha ang matanda ng dahon, dudurugin iyon, at ilalagay sa sugat habang marahang hinihipan. At palaging gumagaling. Nakita niya ang mga dahong hinahanap. Malalapad at sariwa. Agad siyang yumuko at pumitas, maingat na inilalagay ang mga iyon sa bulsa ng kanyang palda. Ngunit napahinto siya. May narinig siyang mga boses. May kasamang mahihinang halakhak at ang tunog ng sindi ng sigarilyo. Sumilip siya mula sa gilid at nakita ang tatlong pamilyar na pigura. Si Jap, kasama sina Dexter at Patrick. “Pare, ang hina mo naman,” biro ng isa. “Ang tagal mo nang nagpaparamdam kay Nica, wala pa rin?” “Baka maunahan ka pa,” dagdag ng isa pa. Napakagat si Rhav sa loob ng kanyang pisngi. Ramdam niya ang pag-init ng kanyang ulo. “Olats talaga,” sagot ni Jap. “Ginawa ko na lahat. Ayaw pa rin. Study first daw.” Nagtawanan ang dalawa. Ipinikit ni Rhav ang kanyang mga mata, pilit na pinipigilan ang sarili. Sanay na siya sa mga ganitong klaseng usapan, ngunit iba kapag si Nica ang pinag-uusapan. Akmang aalis na sana siya nang muli niyang marinig ang boses ni Jap. “Pustahan bibigay din yan. Ganyan naman ang mga babae. Pakipot lang sa umpisa.” Nanigas si Rhav. “Sige, isang linggo,” hamon ng isa. “Kapag napapayag mo siya, ibibigay ko jersey ko at limang libo.” “Gawin mong dalawang linggo.” “Deal.” “Deal.” Parang may kung anong sumabog sa loob ni Rhav. Napakuyom ang kanyang kamao. Gusto niyang sugurin ang mga ito. Gusto niyang ipamukha sa kanila kung gaano kabastos ang kanilang iniisip. Ngunit pinigilan niya ang sarili. Mas may magandang paraan. Paglabas niya sa likuran ng building ay agad niyang nasalubong si Ma’am Becca. Maayos ang postura nito, matalim ang tingin, at halatang hindi basta-basta nagpapalusot ng paglabag sa patakaran. Ngumiti si Rhav, parang walang nangyari. “Ma’am.” “Oh, Rabina. Hindi pa kayo nasusundo?” “Wala pa po.” Sandali siyang nag-alinlangan. Pagkatapos ay nagsalita. “May nakita po akong naninigarilyo sa likod ng library.” Agad na nagbago ang ekspresyon ng principal. Hindi na ito nagtanong pa. Diretso itong naglakad papunta sa likod ng building. Hindi napigilan ni Rhav ang mapangiti. Pagbalik niya sa plaza, nadatnan niya si Nica na nakabusangot, nakahalukipkip, at nakatingin sa malayo. Tuyo na ang dugo sa tuhod nito. Tahimik siyang umupo sa harap nito. Kumuha siya ng maliit na bato at dahan-dahang dinurog ang mga dahon. Lumabas ang katas at agad niya itong inilapat sa sugat. Marahan niya itong hinipan. Dahan-dahang nagbago ang ekspresyon ni Nica. Lumambot. “Salamat,” mahina nitong sabi. “At sorry.” Ngumiti si Rhav at marahang pinisil ang pisngi nito. “Okay lang. Pero hindi masamang humingi ng tulong.” “Opo,” nakangusong sagot nito. Hindi na sila nakapaglaro. Ilang minuto pa ay dumating na ang mensahe mula sa kanilang driver na si Mang Boy. Habang naglalakad palabas ng campus, napansin ni Rhav sa gilid ng kanyang mata ang tatlong lalaking pinapagalitan ni Ma’am Becca. Nakayuko ang mga ito. Tahimik siyang napangiti. Sa loob ng sasakyan ay nakatanggap si Nica ng sermon mula kay Mang Boy ng mapansin ang sugat nito sa tuhod. Paulit-ulit, parang sirang plaka, ngunit pamilyar at somehow ay nakakapagpagaan ng pakiramdam. Sabay silang bumaba pagdating sa kanilang bahay. Tahimik ang paligid at ramdam nila ang malamig na hangin. Ang langit ay kulay kahel habang unti-unting nagdidilim. “Ang sakit sa tenga ni Mang Boy,” reklamo ni Nica. “Tama naman siya,” mahinahong sagot ni Rhav at napatingin siya kay Nica. “Nag-aalala lang siya sa’yo. Alam kasi niyang hindi ka rin papayag na dalhin sa ospital.” Napansin niya ang ilang hibla ng buhok nito na tinatangay ng hangin. Marahan niya iyong inayos, inilagay sa likod ng tainga nito. Sandaling tumigil ang mundo. Nagtagpo ang kanilang mga mata. Hindi niya alam kung gaano katagal iyon. Bumaba ang tingin niya. Sa labi ni Nica. Bahagyang nakaawang. Parang may kung anong humila sa kanya palapit. Isang hakbang. Isa pa. At sa isang iglap, napagtanto niya ang ginagawa niya. Napaatras siya. Mabilis. “Damn… what’s wrong with me?” “Beshy?” nag-aalalang tanong ni Nica. “Okay ka lang? Parang nanginginig ka.” “I’m fine,” mabilis niyang sagot. Hindi siya tumingin. Hindi niya kaya. “Pagod lang siguro.” Pumasok siya sa gate nang hindi lumilingon. “Bukas na lang ulit!” sigaw niya. Ngunit kahit nasa loob na siya ng kanilang bahay, hindi pa rin humuhupa ang kaba sa kanyang dibdib. Paulit-ulit sa kanyang isipan ang sandaling iyon. Ang mga mata ni Nica. Ang mga labi nito. Ang distansyang muntik na niyang tawirin. Napahawak siya sa kanyang dibdib. Mabilis ang t***k. Hindi normal. Hindi tama. Hindi dapat. “Please… no,” mahina niyang bulong sa sarili. Ngunit sa kabila ng kanyang pagtanggi, may isang bagay na malinaw. May nagbago. At hindi na iyon basta mawawala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD