CHAPTER 1: Ang pag-alis

1161 Words
"Anak... mag-iingat ka roon, ah. Tawagan mo kami kapag nakarating ka na ro'n," emosyon na bilin sa 'kin ng aking ama. "Ate, mag-picture ka rin doon, ah. Tapos, bilhan mo rin ako ng laruan wala kasi akong laruan gaya ng mga kalaro ko," malungkot na sambit ng kapatid ko, kaya sinuway siya ni papa. Ayaw ni papa ng ganoon, ang iniisip niya ay hindi kami marunong makuntento sa kung ano ang mayroon kami, ngunit, naiintindihan ko ang kapatid ko. Hindi rin ako nakaranas magkaro'n ng magarbong laruan, tanging stick, dahon o kaya ay lata lang ang ginagawa naming laruan. Maging ako ay hindi pa nakakakita ng malaking straktura na mayroon ang Maynila. Sa maliit na baryo kasi kami nakatira kaya sa internet ko lang nakikita ang mga gano'n, pahirapan pa ang makahanap ng signal. Ngayong taon ay huminto muna ako sa pag-aaral, 2nd year college na ako ngayon pero kinapos kasi kami sa budget kaya naisipan kong magtrabaho na lang. "'Wag ka mag-alala, kapag umuwi si ate ay bibilhan ko kayo. Mag-aral nang mabuti, ha?" paalala ko sa pangalawa sa bunso kong kapatid, si David. Umakyat na ako sa bus dahil paalis na ito, pumwesto lang ako sa bintana kung saan nakikita ko na nakatanaw sa 'kin sina tatay at David. Plano sana namin ay lahat sila sasamahan ako maghatid ngunit kulang na talaga sa budget. It's hard to bid a goodbye sa nakalakihan kong probinsya, kung saan tahimik at maaliwalas; Walang gulo at puro berde lang sa kapaligiran ang iyong makikita. Iniwas ko ang aking tingin para hindi tumulo ang luha. Sila na ang kasangga ko sa lahat. Sa hirap at ginhawa, sabay naming pamilya hinarap ang pagsubok kahit sobrang hirap na. "Ma'am, saan po kayo?" tanong ng konduktor. "Sa Sta. Cruz po, kuya," sagot ko. Nilabas ko na ang pambayad mula sa aking pitaka. Kailangan ko agad makahanap ng trabaho para hindi ako matengga sa apartment na tutuluyan ko, dalawang libo na lang kasi ang pera ko rito, ayaw ko naman na manghingi pa kina tatay. Ilang oras pa ang byahe bago ako makarating ng Manila kaya umiglip muna ako. Babae naman ang katabi ko kaya walang problema sa 'kin kung umiglip muna. Nagising na lang ako ng may kumalabit na sa akin, yung katabi ko. Malapit na palang magdilim at naninibago ako sa aking nakikita. "Iha, andito na tayo sa Sta. Cruz. Narinig kasi kita na rito ka bababa kaya ginising na kita," sambit ng babaeng katabi ko. Ngumiti ako sa kaniya, "Salamat kaayo po," sambit ko. Nang ma-realize na nagbisaya pala ako. "Salamat po sa inyo," pag-uulit ko. "Ayos lang, bisaya rin naman ako," mahina siyang tumawa. "Mag-iingat ka rito, mukhang ngayon ka lang nakapunta rito sa Manila." Tinapik pa niya yung balikat ko bago ilagay ang bag niya sa likod. “Sta. Cruz, dito na! dito na!” tawag ng konduktor, isa-isa kaming bumaba. Inilagay ko sa unahan ang mga bag na dala ko, napanood ko kasi sa balita na uso ang agawan dito. Pagbaba ko ng hagdan, ang buhok ko ay sumasabay sa hampas ng hangin-- hangin na hindi sariwa kumpara sa aming lugar, ang usok ng mga pampublikong sasakyan ay nalalanghap ko na papunta sa aking ilong. Nakakapanibago dahil hindi pa ako sanay, ang malalaking straktura ay naglilitawan. Hinahanap ko ang kaibigan ko roon sa probinsya namin na magiging kasama ko sa apartment, siya lang naman ang tumulak sa akin na lumuwas dito at siya rin ang magsusundo sa akin; Wala akong alam dito. “Bella! Ikaw ba ‘yan?” kalabit sa ‘kin ng pamilyar na babae na nakasuot ng itim na bestida, ang labi ay kulay itim dahil sa lipstick na nilagay. “Ainsley?” tawag ko. Ngumiti siya at bigla akong niyakap dahilan kung bakit nahulog ang bag ko, mabuti na lang ay nahawakan ko. “Bella, ang ganda mo lalo! Na-miss kita,” sambit niya sa ‘kin. “Ikaw pala ‘yan, hindi kita nakilala, Ainsley. Kamusta ka rito?” “Gano’n talaga kapag nakatira na rito, nag- bago ang pagiging manang ko sa lugar natin." Tawa niya. “Ayos naman ako rito, nakakabigay kina mama roon, akala ko hindi ka papayag na lumuwas dito,” wika niya. “Kailangan na talaga, sakto pa na inaya mo ‘ko, kaya may kasama ako kahit papaano,” sagot ko. Tinulungan niya ‘ko sa mga gamit ko. Sabi niya, isang dyip at traysikel pa raw bago kami makarating sa tinutuluyan namin. Nakikipagsiksikan kami sa mga sumasakay sa dyip, punuan kasi, eh. “Kapag ikaw lang mag-isa babyahe rito, mag-iingat ka. Lalo na ang mga gamit mo, dahil maraming magnanakaw dito,” pangaral niya sa ‘kin. “Marami pa akong kakainin na bigas bago matuto." Tumawa ako nang nahihiya sa kaniya. Siya na ang nagbayad ng pamasahe, ini- ignora ko ang tingin sa ‘kin ng mga kasakay dito sa dyip, nag-text na lang ako kay tatay na kasama ko na si Ainsley. Mga ganitong oras ay naghahapunan na kami kaya kumukulo na ang tiyan ko sa gutom. Nagulat ako sa atensyon ng mga tao pagbaba namin ni Ainsley sa traysikel, mayroong mga huminto sa pagba-basketball para lang tumitig sa amin, ang mga nagkukumpulan sa isang pwesto ay nagawi rin sa aming posisyon. “Isang probinsiyana na naman ang gustong umahon sa lugar natin." Parinig ng isa na may hawak na sigarilyo. “f**k you! Galing ka rin ng probinsya." inilahad ni Ainsley ang gitnang daliri niya sa lalaki at hinawakan ang kamay ko. Hindi naman ako nasasaktan dahil totoo rin. Maraming opportunity dito kaysa sa probinsiya. “Ainsley, pakilala mo ‘ko r’yan." Sigaw ng isa sa bandang gawi namin. “Ayaw neto sa adik." Sigaw pabalik ng kaibigan ko. Umakyat na kami sa maliit na hagdan at binuksan niya ang lumang pinto bago ilapag ang mga gamit ko. Ngayon ko lang mararanasan ang tumira sa batong-bahay, sa probinsiya kasi naming ay kahoy lang. “Huwag mong isipin ‘yon, Bella. Mga sira ang ulo ng mga ‘yon, huwag mong papansinin,” saad ni Ainsley. Tumabi ako sa kaniya para hubarin ang medyas ‘ko at sapatos, “Huwag mo silang patulan, baka mapaano ka dahil sa akin.” “Gaga! sanay na ‘ko. Wala pa ang ibang kasama natin kaya bukas pa kita mapapakilala. Punta na tayo sa magiging kwarto mo, hati tayo roon,” wika niya, sabay na kaming tumayo. Pumasok na kami sa itim na pinto, kakulay ng suot at mga nakasabit sa kaniya. Hindi maliit o malaki ang kwarto, sakto lang. May dalawang palapag din ng kama at ang mga gamit na mayroon dito ay halos kulay itim. Halatang mahilig si Ainsley sa kulay itim. “Simula ngayon, Ito na ang magiging tulugan mo. Malayo sa banig." Hagikgik niya. Nang lumabas siya mas lalo akong nangulila sa pamilya kong naiwan. Kung sana ay mayaman lang ako hindi ko na sila iiwan. Yet, this is the reality. Mahirap ka kaya dapat kumayod ka.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD