~Elziel Dela Cruz~
[KNIGHT IN SHINING ARMOR]
“Ma, ano pong nangyari?”
Nanginginig ang mga daliri ko habang mahigpit kong hawak ang cellphone. Rinig ko ang pag-iyak ni Mama sa kabilang linya.
“Ang Papa mo... dinala sa ospital. Nasa ospital ang Papa mo, anak,” garalgal niyang sabi, halatang pinipigilan ang pag-iyak. Kalmadong babae si Mama, she rarely shout and show strong emotions. Kaya sa pagkakasabi niya sa akin nito, alam kong malala ito.
“Ma... ano’ng nangyari kay Papa?” halos pasigaw kong tanong, nanginginig ang boses ko.
“Basta, pumunta ka na rito, dali! Sinabi ko na kay Maverick at nakiusap na ‘kong ihatid ka rito.”
Dahil sa emergency, palalagpasin ko muna ang katarantaduhan ng dalawang nasa harap ko. Wala nang mas mahalaga pa kaysa kay Papa.
Pinutol ko na ang linya at dali-dali kong kinuha si Cindy kay Mav. Tahimik lang siyang nakatingin sa akin, as he always does. Wala pa ring tigil si Cindy sa pag-iyak at ayaw pang sumama sa akin. Natakot ko yata siya dahil bigla na lang akong nag amok at inaway si Monique. "I'm sorry, Baby. Hindi galit sa'yo si Mommy," bulong ko sa tenga niya at mabuti naman ay niyakap niya na ako.
“Ano pang tinatayo-tayo mo diyan?” bulyaw ko kay Mav dahil tila wala man lang siyang balak na samahan ako sa ospital.
Nanatili lang siyang nakatitig sa akin. “You talkin’ to me?”
“Ay anak ng… Mav naman!”
Natigilan ako nang makita ang kanyang mga mata. Napa-atras pa nga ng isang hakbang. Nakakatakot talaga ang mata niyang malamlam. Parang nakatitig sa akin ang isang psychopath.
“Ahm Mav, please…”
Napilitan akong makiusap kay Maverick. Bukod sa kailangang-kailangan kong magmadali, natatakot talaga ako sa kanya. Pati ang ngiti niya ay nakakatakot din. Parang may kung anong kalokohan na nakakubli na hindi mo gugustuhin na malaman pa.
Kaya simula sa byahe hanggang sa pagkarating namin sa ospital ay tahimik lang kami. Wala naman akong pakialam sa kanya, kay Papa ako nag-aalala. Kaka-retiro lang niya bilang OFW, ngayon pa lang sana niya mae-enjoy ang pinaghirapan niya sa ibang bansa. Ngayon pa lang niya kami makakasama nang walang amo at trabaho na inaalala. Ngayon pa lang namin mababawi ang mga oras na magkalayo kami.
Sana ay hindi siya malala. Wala naman kasing sinabi si Mama kung ano bang eksaktong nangyari kay Papa. I hope Mama is just exaggerating things out. Hindi kasi siya sanay na mahina si Papa. Sana gano'n nga lang ‘yon.
But lately, sabi ni Mama, Papa seems so restless, so exhausted, and depressed. Para ngang laging may pinagtataguan, laging balisa. Kapag tinatanong ko naman siya ay ok naman daw siya. Kaya huwag akong mag-alala. Simpleng pagtaas lang ng alte-presyon dahil sa negosyo at edad, iyon ang sabi niya.
Sinabi ko na ngang magpahinga muna siya at baka sobrang stressed na ang inaabot niya at ma-overfatigue pa. Muntik pa nga kaming mag-away dahil naungkat ko na naman ang tungkol sa negosyo , na dahil sa lintik na bigasan na iyon ay ang daming desisyon na palpak, isa na doon ang maaga kong pag-aasawa.
Kaya baka nga dahil sa pag-aaway naming iyon, masyado niyang dinamdam kaya hindi kinaya ng kanyang puso. Huwag naman sana. Bloody hell, hindi ko mapapatawad ang sarili kung ganoon.
Pagkarating namin sa ospital, halos hindi pa bumubukas nang tuluyan ang pinto ng room ni Papa ay sinalubong na kami ni Mama. Namumugto ang mga mata niya at nanginginig ang mga labi. Ngayon ko lang siya nakitang ganito kalungkot at balisa.
“Elziel… si Papa mo…” Halos hindi ko marining ang boses niya kaya agad kong hinawakan ang mga kamay niyang malamig na parang galing freezer.
“Mama, kumalma po muna kayo. Nasaan si Papa?”
“Nasa surgery room pa.”
Oh my… hindi naman siguro simpleng over fatigue ito dahil bakit nasa surgery room na siya?
Sinundan namin si Mama habang hawak ko pa rin ang kamay niya. Ramdam ko ang kabog ng dibdib ko. Pagkarating namin sa waiting area ay naririnig ko ang mga tunog ng apparatus, mga boses ng nurse at ng doktor.
Makalipas ang ilang minuto, lumabas ang doktor na nakasuot ng salamin, at may mahinahong tinig. Nakangiti siya sa amin kahit na mukhang exhausted na ang kanyang itsura. I assume, successful ang operasyon.
“Family of Mr. Roberto Dela Cruz?” tanong niya at tumango kami ni Mama.
“I’m Dr. Santos. Stable na po siya sa ngayon, but… he suffered a mild stroke.”
“Mild?” Halos mapasigaw si Mama.
“Yes, Ma'am. Mabuti po at agad ninyo siyang nadala rito. Nagkaroon lang po ng bara sa ugat sa kaliwang bahagi ng utak niya. And because of that, naapektuhan ang kanang bahagi ng katawan niya kaya expect na hihina ang galaw ng kamay at binti. Pero hindi po siya nawalan ng malay nang matagal, kaya mataas ang chance of recovery.”
Napahawak ako sa dibdib ko, pilit pinapakalma ang sarili. “Doc, about sa recovery niya po—” tanong ko.
“If continuous ang therapy at medication, then yes. There’s a strong possibility,” mahinahon niyang sagot. “Pero sa ngayon, kailangan muna niyang magpahinga. Iwasan ninyo ang anumang stress o sobrang emosyonal na sitwasyon.”
Tumango ako. Napatingin kay Mama na muling napahagulgol at kay Mav na tahimik lang sa gilid. Pagka-alis ng doktor, wala pa ring tigil sa pag-iyak si Mama.
“Ma, huwag ka na umiyak, ligtas na si Papa,’ sabi ko habang hinihimas ang likod niya.
“Hindi lang naman ‘yun, Anak…Ang inaalala ko, ‘yung bills natin. Napakamahal, Ziel. ‘Yung medication at therapy pa–”
Napayakap na lang si Mama sa akin. Problema nga ‘yun dahil hindi naman gan’on kalaki ang income nila kumpara sa babayaran namin. Napakalas ng yakap si Mama at lumapit kay Mav.
“Mav, Anak. Pwede bang–” paki-usap ni Mama habang hawak-hawak ang magkabilang kamay ni Mav. Mas ma-pride si Mama at ang maki-usap sa ibang tao ang huling-huling maiisip niyang gawin kahit pa sa manugang niya. This is how devastated she is. “Maverick, babayaran ko rin kapag naka-bawi na ang kabuhayan namin.”
Tinapik-tapik ni Mav ang balikat ni Mama. “It's no big deal, Ma. Huwag ka na mag-alala.”
“Ma!” tutoI ko.
"Elziel! buhay ng Papa mo ang nakasalalay dito!"
"Pero, Ma--"
Mangangatwiran pa sana ako. Pero agad ring natahimik nang mapagtanto kong wala naman akong magagawa kundi lunukin rin ang pride at umasa na lang sa asawa ko. Humugot na lang ako ng malalim na pag-hinga. “Alright, I give in.”
Labag man sa puso ko ang desisyon namin ni Mama, pikit-mata kong hinawakan ang kamay ni Mav at nagpasalamat. Gusto ko sanang isumbong kay Mama ang mga kalokohan ni Mav pero hindi ito ang tamang panahon. Ayokong dagdagan ang alalahanin at pasanin niya.
“Ma, aalis na po kami,” sabi ko at nagpaalam na.
“Magha-hire ako ng private nurse para kay Papa. Hindi kayo matutulungan ni Ziel sa pagbabantay. Hindi niya maiiwan si Cindy. May business trip abroad pa ako—”
“Nauunawaan ko, Mav. At salamat sa lahat. Hayaan mo at tatanawin naming utang na loob ng Papa mo itong tulong mo habambuhay.”
“I said, don't worry. Kung ibang tao nga ay tinutulungan ko…”
Napatango na lang si Mama. Totoo naman, Mav has been a philanthropist since he was young. Mahalaga ang pag-iingat niya sa imahe ng kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagkakawanggawa. Ano na lang ang sasabihin ng ibang tao kung ang asawa ko ay panay ang tulong sa iba ngunit sa sarili niyang pamilya ay hindi niya magawang matulungan.
Habang nasa sasakyan kami ni Maverick, hindi ko mapigilan ang sarili ko na kausapin siya kahit na masama pa rin ang loob ko.
“Mav, magta-trabaho na lang ako para makabayad sa’yo—”
“Damn it!” asik niya. Inaasahan ko naman na hindi niya magugustuhan ang mungkahi ko. Ayaw na ayaw niyang magtrabaho ako. Kahit nga ang tumulong sa negosyo nila Papa ay tinutulan niya.
“When did I ever let you down, Ziel?” sabi niya. “Ginutom ba kita? I’ve always been your knight in shining armor whenever you’re on the brink of breaking down.”
“Dahil may hidden motive ka! Gusto mong malubog ako sa utang na loob para habambuhay mo ‘kong igi-guilt trip tapos ano? Ikukulong mo ‘ko sa hawla, paglalaruan, bababuyin!” I burst into tears. Hindi ko makalimutan ang panloloko niya sa akin, nila ni Monique. Nagsimula na naman akong mag-hysterical. Pero siya, tahimik lang na nagda-drive. Mas lalo akong nanggagalaiti sa galit dahil parang balewala lang sa kanya ang lahat.
“When Zoran dumped you matapos ka niyang tikman, I was there. Ako ‘yung sumalo sa'yo. Pinatawad kita kahit nag cheat ka sa’kin. At tinanggap kiita kahit na tira-tira ka na lang,” kalmado niyang sabi. Natahimik na lang ako sa pang-iinsulto niya. “Pinapa-alala ko lang, Ziel. Baka kasi nakakalimutan mo na.”
I was silenced, not because I didn’t want to fight back but because he was right. Hindi siya mahilig manumbat pero mahilig siyang mang-guilt trip. Every word hits where it hurts the most. Wala ng saysay ang mangatwiran dahil totoo naman ang lahat ng sinabi niya. Pero hindi iyon dahilan para paulit-ulit niya akong saktan at tapak-tapakan.
Before I knew it, memories started flooding back. Muli na naman kasi niyang binanggit si Zoran.
Flashback…
First year college ako nang naging kami ni Maverick Monteclaro. Noong una, wala naman talaga akong pakialam sa kanya. Isa lang siyang schoolmate na halos lahat ng babae ay hinahangaan siya dahil mayaman, matalino, at may pagka-mysterious ang dating kahit alam naman ng lahat na galing siya sa maimpluwensyang pamilya. Bukod doon ay wala na’ng may alam sa personal niyang buhay.
Pero hindi ko siya agad napansin noon. Focused lang kasi ang atensyon ko kay Zoran. Para sa akin, siya talaga ang aking ideal man. Siya ang tipo ng lalaki na gugustuhin mong makasama habambuhay. Pero isang araw, bigla na lang niya akong iniwan.
Tahimik lang ako. Wala na kasi ‘yung tao na nagpapasaya sa akin. Naging abala ako sa pag-aaral at sa mga problema ng pamilya. Noong mga panahong iyon, nagsisimula nang lumubog ang negosyo ng pamilya namin. Ramdam ko kahit pilit nila itong itinatago sa akin. Naririnig ko ang mga pabulong na usapan tuwing gabi, ang pag-aalala sa boses ni Papa. Hindi ko lubos maisip na malulugi ang matatag naming negosyo dahil bukod sa hands-on sila ni Mama, tulong-tulong sa pag-unlad, hindi matatawaran ang sipag at tiyaga nila. Kaya paano? Matagumpay ang produkto naming bigasan at gulayan, at hindi kami maluho. Isa pa, malaki-laki ang naipon ni Papa nang siya ay isang OFW. Nakabili siya ng malawak na lupa para sakahan ng produktong ibebenta namin. Paanong sa isang iglap ay tila guguho na ang aming kabuhayan sa hindi maipaliwanag na dahilan?
Kahit gusto kong tumulong, wala akong magawa kundi magpanggap na ayos lang ang lahat dahil ano bang maitutulong ng isang estudyanteng gaya ko? Ang gusto rin ni Mama ay makapagtapos ako ng pag-aaral kaya sikapin ko raw maka-graduate with Latin honors.
Ilang buwan ang lumipas, hanggang sa isang gabi, pag-uwi ko galing sa klase ay nadatnan ko si Papa sa sala kasama si Maverick.
“Anak,” sabi ni Papa. “Si Maverick Monteclaro. Gusto niyang mag-invest. Gusto niyang tumulong sa negosyo natin.”
Natigilan ako. Hindi ako agad nakapagsalita. Parang nanlamig ang katawan ko.
Tumulong? Si Maverick? Sigurado ba sila?
Habang nag-uusap sila, pinagmamasdan ko lang ang binatang naka-upo sa sofa kaharap ni Papa. Ang galing niyang makipag-usap. Parang lahat ng sinasabi niya ay tama. Si Mama, tahimik lang pero halatang humahanga rin. Si Papa naman, obviously, his hand gestures, the way he talks, the way he looks at Mav, no doubt, kinagigiliwan niya ito.
“I just want to help, Mr. Dela Cruz,” sabi ni Maverick habang marahang umiinom ng juice. “Sayang ang potential ng negosyo ninyo. With the right management and trustworthy partners, guaranteed, it will rise again.”
Simple lang siya nagsalita pero sa tono ng boses niya ay parang may ibang ibig sabihin. Ewan ko, it doesn't feel right. How could a man, same age as mine, galing sa mayamang pamilya, ang magkaka-interest sa maliit at kung tutuusin ay pipitsugin naming negosyo at pagkaka-abalahan pa niya? Bibigyan niya ng pansin at personal pang nag-alok ng tulong kay Papa.
“Alam ba ng magulang mo 'yan?” tanong ko kay Maverick nang tapos na sila ni Papa na mag-usap at tanging kaming dalawa na lang ang magkasama sa garahe.
“Mahalaga bang malaman pa nila?” sagot niya at napa-irap na lang ako. Ang yabang talaga ng dating niya para sa akin.
“Oo naman,” sagot ko.
“For them, it’s no big deal, really,” iyon lang ang sinabi niya at nagpa-alam na. Just like that, parang humiwalay ang kaluluwa ko at bumalik lang sa wisyo nang naka-layo na ang kotse ni Mav.
Nang gabing iyon, nagkulong ako sa kwarto. Hindi ko maintindihan kung bakit ako nababagabag. Hindi ko naman siya kilala nang lubusan, pero may kung anong pakiramdam na hindi ko gusto. Hindi ko alam kung tama bang pagkatiwalaan siya. Ang totoo niyan, nang mag-usap kami sa puno ng Acacia, hindi ko inaasahan na magkakausap kami at kahit papaano ay naibsan ang sakit dahil hindi ako sinipot ni Zoran sa oras na ‘yon. Siya ang nagcomfort sa akin at dahil sa kanya ay naibsan ang inis ko kay Zoran.
Kinabukasan, kinausap ako ni Papa.
“Elziel, anak, gusto ko sanang marinig ang opinyon mo tungkol kay Maverick. Mukhang maayos naman siyang tao, matalino, may kakayahan. Baka ito na ang sagot sa problema natin.”
Napatitig lang ako sa kanya. “Pa, matagal na rin nanliligaw si Mav pero…” Napayuko at halos pabulong na ang boses ko. Napansin agad ‘yun ni Papa.
“Si Zoran? Ok naman ang taong ‘yun. Masipag, mabait, magalang…”
Kahit papaano ay natuwa ako sa sinabi ni Papa. Ganoon din pala ang tingin niya kay Zoran. Pero nasaan na nga ba siya? Bigla na lang niya akong iniwan. Ang masaklap pa ay tila walang kasiguraduhan kung babalik pa siya. Wala ng balita pa sa kanya.
“To be honest Pa, hindi ko gusto si Maverick. Pero kung sa tingin ninyo ay makakatulong siya, bahala po kayo.”
"Magugustuhan mo rin siya eventually."
Unti-unti ay naging malapit si Maverick sa pamilya namin. Dumadalaw siya tuwing weekend, nagdadala ng pagkain, at ng mga proposal para kay Papa. Mabilis niyang nakuha ang loob ng mga magulang ko. Lalo na ni Papa.
Madali siyang napalapit dahil lagi siyang nariyan. Laging maaasahan. Hanggang sa isang gabi ay sabay kaming umuwi galing sa campus. Niyaya niya akong sumabay sa kotse niya dahil may casual business meeting daw sila ni Papa.
Tahimik lang kami habang nasa byahe pero may kung anong kakaibang pakiramdam. Hindi naman gaya ng nararamdaman ko sa tuwing kasama si Zoran. Parang awkward feeling siguro.
“So…” sabi ko para basagin ang katahimikan sa pagitan namin. Hindi pa rin natinag ang tingin niya sa daan. “Ah Maverick, kumusta naman kayo ng Mama at Papa ko?”
“Ok naman. In fact, I have a surprise for them na siguradong ikakagulat mo,” sabi niya pagkatapos ay tumingin sa akin.
Napa-uwang ang bibig ko. First time niya akong nginitian ng matamis at malambing. Pakiramdam ko ay nag-init ang mukha ko at namula ang aking pisngi.
At bakit naman ako ang magugulat sa supresa niya?
ABANGAN ANG SUSUNOD NA CHAPTER…