THIRD PERSON POV
August 25, 2012
Mainit pa rin ang hangin kahit gabi na. Sa loob ng isang kwarto ay nakatayo si Harold Gadaza sa harap ng salamin, tinitimpla ang buhok gamit ang kamay. Amoy ng bagong spray na pabango ang bumabalot sa loob ng maliit na espasyong iyon. Sa kama ay nakapatong ang itim na jacket na mamaya lamang ay kanyang isusuot.
Habang abala si Harold sa pag-aayos ng kanyang sarili ay nakarinig siya ng tatlong marahang katok sa kanyang pintuan kahit pa bahagya iyong nakabukas. Agad na lumingon si Harold sa pinanggalingan ng tunog.
Isang masuyong ngiti ang iginawad ni Harold sa taong nakasilip sa pintuan ng kanyang kwarto. Si Mrs. Valerie Gadaza, ang ina ni Harold.
Valerie: Harold, anak, siguradong pupunta ka pa? Alam mo bang hindi kita nakita sa hapunan?
Muling ibinalik ni Harold ang paningin sa kanyang sariling reflection sa salamin at doon ay ngumiti.
Harold: Opo, Ma. Sandali lang naman ‘to. Makikipag-bond lang sa mga kaibigan.
Sumandal ang ina ni Harold sa hamba ng pinto at tinitigan ang nakatalikod na anak.
Valerie: Huwag ka masyadong magpuyat, ha? At mag-ingat ka.
Lumingon si Harold sa ina at payak na ngumiti.
Harold: Lagi naman.
Matapos sabihin iyon ay naglakad si Harold patungo sa kanyang desk at kinuha ang kanyang cellphone na nakapatong doon. Hindi na niya namalayan ang pagngiti ng kanyang ina sa kanyang likuran bago ito naglakad palayo ng kanyang kwarto.
Mabilis na tiningnan ni Harold ang screen ng kanyang phone. Sa gilid ng screen ay may ilang unread chat messages mula kay Violet. Hindi niya binuksan.
Saglit na pinagmasdan ni Harold ang wallpaper na nasa cellphone screen. Silang dalawa ng kanyang girlfriend na si Violet Oliverios, nakangiti sa isang beach trip pero parang malayo ang kanyang tingin doon.
Ilang sandali pa ay isang busina mula sa labas ang pumunit sa katahimikan ng gabi. Iyon ang hudyat na dumating na ang kaibigan ni Harold, si Elijah Debuscar.
Huminga nang malalim si Harold, kinuha ang jacket na nasa ibabaw ng kama at lumabas ng kanyang kwarto.
----------
8:45 PM
Binuksan ni Harold ang pinto ng kotse ni Elijah. Agad na sumalubong sa kanya ang malamig na hangin mula sa aircon at ang mababang tunog ng isang rap song.
Nakangiting umupo si Harold sa passenger seat.
Harold: Salamat sa pagsundo, bro.
Sandaling ngumiti si Elijah kay Harold bago nito dahan-dahang pinaandar ang sasakyan.
Elijah: Wala ‘yon. Alam mo namang hindi kita matitiis.
Napatingin sa labas ng bintana sa tabi ng passenger seat si Harold.
Harold: Kailangan ko lang talagang makausap si Violet mamaya.
Muling sinulyapan ni Elijah si Harold bago ibinalik sa pagmamaneho ang atensyon.
Elijah: Sigurado ka bang doon mo gustong pag-usapan ‘yan? Sa party ni Amelia?
Napangisi si Harold bago nilingon ang kaibigang nagmamaneho.
Harold: Mas okay na roon. Alam mo na, maraming tao, less drama.
Sandaling tumigil ang usapan ng dalawang magkaibigan habang dumadaan ang sasakyan sa mga tahimik na kalsada ng subdivision. Sa loob ng madilim na kotse ay hindi mahahalata ang bahagyang pagkuyom ng kamao ni Harold.
Elijah: Narinig ko...
Sandaling tumingin si Elijah kay Harold bago tinapos ang sasabihin.
Elijah: May inis sa ‘yo si Terrence. Handa ka bang makita siya?
Nagkibit-balikat si Harold.
Harold: Kung ayaw niya akong makita sa party, problema na niya ‘yon.
May bahagyang yabang sa tono ng pananalita ni Harold, ngunit ang mga mata niya ay malayo. Para itong tumatagos sa kadiliman ng gabi.
----------
9:05 PM
Malayo pa lang ay tanaw na ang malaking bahay ng pamilya ni Amelia Nevero. Bukas ang mga ilaw sa garden, kumikislap ang string lights sa bakuran. Malakas ang bass mula sa loob ng bahay, halong tawanan at sigawan ng mga bisita.
Pagkababa ni Harold mula sa loob ng kotse ni Elijah ay naamoy niya kaagad ang pinaghalong amoy ng beer, inihaw na barbecue, at cologne ng mga dumadaang College students. Sa main entrance ay sinalubong silang dalawa ng kaibigang si Elijah ng MU mate nitong si Amelia, nakasuot ng mini-dress habang hawak sa kanang kamay nito ang isang red cup.
Sigurado si Harold na isang pilit na ngiti ang isinalubong sa kanya ng kaibigang si Amelia dahil hindi naman siya invited sa house party na iyon.
Amelia: Uy, Harold. Nandito ka pala.
Nginitian ni Harold si Amelia at sa pabirong tono ay sinagot niya ito.
Harold: Hindi mo ba ako na-miss? Ang tagal din nating hindi nagkita. Masyadong naging busy sa schoolworks and exams.
Kitang-kita ni Harold ang panginginig ng mga labi ni Amelia habang nakangiti sa kanya.
Amelia: Depende.
Lumingon ang babae kay Elijah at hindi nakaligtas sa paningin ni Harold ang parang nanunumbat na pagtitig ni Amelia sa MU mate nito. Parang sinasabing, “Ikaw ang may pakana nito.”
Pagkapasok ni Harold sa loob ng malaking kabahayan ay agad niyang inilibot ang kanyang mga mata sa malawak na living room.
Sa isang gilid ng sala ay nakita niya si William Gadaza, ang kanyang twin brother. Naka-arm over the shoulder ni Harper Ilacad, ang girlfriend ng kanyang kapatid. Animo’y may ibinubulong ang lalaki sa kasintahan nito.
Nang tingnan ni Harold si Harper ay may ngiti sa mga labi nito. Pero nang sulyapan niya ang mga mata nito ay may bakas ng inis sa mga iyon.
Sa tabi ng magkasintahang William at Harper ay naroon si Owen Cabrezo na abala sa pakikipag-toast kay Daisy Alfarez, na halatang tipsy na at humahagalpak sa biro ni Amir Prateno. Si Owen ang matalik na kaibigan ni Harold habang si Daisy naman ang best friend ng kanyang girlfriend na si Violet. At si Amir ang kababata at masasabi ni Harold na pinakapinagkakatiwalaang tao ng kanyang kapatid.
Sa kabilang sulok ng sala ay naroon si Terrence Esquivar na nakasandal sa pader, hawak ang isang bote ng beer at malamig ang tingin habang sinusundan ng mga mata nito si Harold. Hindi na lamang niya inalintana ang masamang titig na iyon ng kanyang kaibigan.
Katabi ni Terrence si Isla Quirones na siyang kasintahan ng lalaki. Bahagya nitong hinihimas ang kanang braso ni Terrence na parang pinapakalma ang lalaki.
Mula sa kusina ay bahagyang nasisilip ni Harold si Scarlett Del Tierro, ang kaibigan niyang nagmula sa isa sa mga maimpluwensyang pamilya sa kanilang lugar. Hawak nito ang cellphone at nakayuko habang may tinitipa roon.
Nasa hallway naman si Leopoldo Gadaza, ang pinsan ni Harold, at may kausap na babae, si Tamara Beltrano. Ito ang current girlfriend ng pinsan ni Harold at sa mga sandaling iyon ay parehong nakatawa ang dalawa na parang may itinatago.
Nang lingunin ni Harold ang basement door ay nakita niyang papasok na roon si Jefferson Lagdamesa, may hawak na dalawang bote ng alak at walang imik. Wala itong lingon-lingong pumasok sa loob ng maliit na kwartong iyon.
At doon, sa isang maliit na space malapit sa balcony door ay nakatayo si Violet. Ang babaeng siyang pakay ni Harold sa house party na iyon. Hawak nito ang cellphone at halata sa mukha na mabigat ang iniisip.
Alam ni Harold na naramdaman ng kanyang girlfriend ang kanyang presensya sa loob ng bahay na iyon ngunit hindi ito nag-aangat ng paningin. Nanatili itong nakayuko at nakatingin sa aparatong nasa kanang kamay nito.
----------
9:10 PM
Nang lumapit si Elijah sa kanilang mga kaibigan ay saka lamang naalala ni Harold ang presensya nito sa kanyang tabi. Gusto sana niyang sundan ang kaibigan ngunit nakita na lamang niya ang sarili na dahan-dahang tinatahak ang daan papunta sa kusina ng bahay para kumuha ng inumin.
Naabutan ni Harold na palabas ng kusina ang kaibigang si Scarlett. Sumulyap ang babae sa kanya ngunit agad din itong nag-iwas ng tingin.
Pagkabukas ni Harold ng refrigerator ay isang bote ng malamig na beer ang kanyang kinuha. Bago siya uminom ay muling tumingin sa paligid.
May mga ngiti, may mga pasimpleng irap, at may mga tingin na parang nananariwa ang mga lumang kwento. Hindi lahat ay masaya na naroon siya.
Lumabas ng malaking bahay si Harold at tinungo ang garden para magpahangin. Ramdam niya ang bahagyang lamig ng gabi, halong amoy ng damo at usok ng sigarilyo. Mula rito ay natatanaw niya ang loob ng bahay. Bawat tao, bawat grupo, bawat lihim na hindi pa nabubunyag.
Huminga nang malalim si Harold at ngumiti. Kung kanino at para saan ay hindi niya alam. At sa ngiting iyon ay may halong pagod at kaba. Parang may alam siyang hindi pa niya sinasabi.
Sa malayo ay tumugtog ang mas malakas na kanta. May mga tumatawa at may mga nagsisigawan. Pero sa gitna ng lahat ng iyon ay may bigat sa hangin.
At sa gabing iyon ay walang sinuman ang nakakaalam na ito na ang huling beses na makikita nila si Harold Gadaza nang buo.
----------