THIRD PERSON POV
Inaantok at nakapikit pa rin ang mga matang inabot ng kanang kamay ni William ang orasan na nakapatong sa kanyang bedside table para i-off ang alarm niyon. Alas nuwebe na ng umaga at hindi pa rin niya gustong bumangon.
Sumasakit ang ulo ni William dahil sa hangover na dulot ng kanyang labis na pag-inom ng nakalalasing na likido kagabi nang mag-bar hopping siya kasama ang girlfriend na si Harper at sina Owen, best friend ng kanyang twin brother, at Daisy, matalik na kaibigan ni Violet, ang girlfriend ng kanyang kapatid.
Nagpalipat-lipat sila sa limang bar sa loob lamang ng lampas isang oras. Matibay ang kanyang alcohol tolerance ngunit hindi ibig sabihin niyon ay immune na siya sa physiological consequences ng sobrang pag-inom.
Nakakunot na ang noo ni William nang hindi pa rin makapa ng kanyang kanang kamay ang snooze button para ma-off ang alarm ng kanyang analog alarm clock. Tuluyan nang dumilat ang kanyang mga mata.
Agad ding ipinikit ni William ang mga mata na may kasamang mahinang pag-ungol nang tumama rito ang sikat ng araw na nagmumula sa kanyang malaking bintana.
William: Lintik na hangover. Kainis.
Muli niyang kinapa ang snooze button ng analog alarm clock at sa pagkakataong iyon ay tumigil na ang maingay na tunog.
Isang malalim na paghinga ang pinakawalan ni William habang hinihilot ang kanyang sentido na para bang sa pamamagitan niyon ay mawawala na kaagad ang kanyang hangover. Dahan-dahan siyang bumangon kahit nakapikit pa rin ang mga mata.
Umupo sa gilid ng kama si William at nagsimulang i-stretch ang mga braso at mga bisig para mabawasan ang grogginess.
Habang ginagawa iyon ay binalikan niya sa kanyang isipan ang mga kaganapan kagabi. Biglang dumating sa house party ng kanyang kaibigang si Amelia ang twin brother niyang si Harold na labis niyang ipinagtaka.
Ang alam ni William ay hindi invited sa house party na iyon ang kanyang kapatid dahil kung tama ang kanyang pagkakaalala ay hiniling ni Terrence, isa pang miyembro ng kanilang friend group, na huwag sanang papuntahin ni Amelia si Harold sa house party dahil sa nangyaring hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng dalawa.
Pumayag daw si Amelia ayon na rin sa kwento ng girlfriend ni William sa kanya kaya nagulat na lang siya nang lapitan siya ni Harold at sabihing huwag daw siyang magpapakalasing.
Napangisi si William sa alaalang iyon. Siya pa ang pinaalalahanan ng kanyang kapatid na huwag masyadong uminom gayong ito ang mababa ang tolerance sa alcohol.
Marahang tumayo si William para ipagpatuloy ang kanyang body stretching nang maalala ang iniakto ni Harper nang isama niya itong mag-bar hopping kagabi.
Napangisi si William na may kasamang pag-iling nang makitang may pinopormahan na namang babae ang kanyang best friend na si Amir. Isa sa guests na College students sa house party ni Amelia ang nakapukaw ng atensyon ng kanyang matalik na kaibigan at obvious na nakikipag-flirt na ito sa babae.
William: Poor girl. Lucky Amir.
Alam na ni William kung saan hahantong ang kanyang matalik na kaibigan at ang babaeng kausap nito sa pagtatapos ng gabi base na rin sa paglalandas ng kanang hintuturo ng babae sa dibdib ng kanyang kaibigan at ang pagkagat nito sa ibabang labi habang malagkit na nakatitig kay Amir.
William: Isang babae na naman ang madadagdag sa listahan ng mokong.
Inilibot ni William ang kanyang paningin sa mga taong naroon sa loob ng malawak na living room ng pamilya Nevero.
Malaki ang bahay na iyon ng kanyang kaibigang si Amelia. Maaari nang maihambing sa mansyon ng pamilya ng kanyang kaibigang si Scarlett na nagmula sa isang prominenteng pamilya sa kanilang lugar.
Ilang sandali pa ay nakita ni William sa isang sulok ng living room ang kaibigang si Isla at abala ito sa pagtipa sa hawak nitong cellphone. Kitang-kita niya ang pag-aalala sa mukha nito.
Dahan-dahang lumapit si William kay Isla. Tumikhim siya sa tabi nito para makuha ang atensyon ng babae.
Bahagya pang nagulat si Isla nang marinig ang pagtikhim ni William sa tabi nito.
Ngumiti si William kay Isla na ginantihan naman nito ng isang alanganing ngiti.
William: Is everything okay?
Sa puntong iyon ay tuluyan nang nawala ang katiting na ngiting nakapaskil sa mga labi ni Isla at umiling ito sa harapan ni William.
Inangat ni Isla ang kamay na may hawak ng phone nito.
Isla: Terrence isn’t replying to my text messages. I’m worried. Hindi ko alam kung nakauwi na siya ng bahay.
Nang marinig ni William ang pangalan ng boyfriend ni Isla ay naalala niya ang biglaang pag-alis nito kanina dahil sa pagdating ng kanyang twin brother sa house party na iyon.
Medyo kinabahan pa si William dahil inakala niyang magpapang-abot ang kanyang kapatid at si Terrence kanina. Ngunit laking gulat nilang lahat nang magdesisyon si Terrence na uuwi na lang.
At ngayon nga ay nasa harapan ni William ang nag-aalalang girlfriend ni Terrence.
Isla: I’m sorry to say this, William, pero bakit ba nagpunta pa si Harold tonight? Alam naman ng kapatid mo kung ano ang nangyari noong nakaraan.
Ang totoo ay hindi alam ni William kung ano ang nangyari sa pagitan nina Harold at Terrence tatlong linggo na ang nakararaan.
Nabalitaan na lang ni William na sinugod daw ni Terrence si Harold sa loob ng university canteen at doon nagsuntukan ang dalawa sa harapan ng ilang students. Hindi nga makapaniwala si William na nagawa iyon ng kanyang kapatid.
Kilala si Harold bilang good student since their Kindergarten days. Role model, masunurin, at hindi nakikipag-away.
Kaya naman very out of character ang ginawang pakikipag-basag-ulo ni Harold sa kanilang kaibigan. Ngunit naisip ni William na maaaring ipinagtanggol lamang ni Harold ang sarili nito dahil si Terrence ang unang umatake rito.
Nagkibit-balikat si William sa harapan ni Isla.
William: To tell you the truth, I have no idea kung ano ang pinag-awayan nilang dalawa. I tried to ask my brother but he told me that it wasn’t a big deal. So hindi na ko nagtanong pa.
Nakita ni William na ibinuka ni Isla ang bibig nito pero bago pa ito nakapagsalita ay muli nitong itinikom ang bibig at iginala ang paningin sa paligid.
Isla: I’m sorry, William. Maiwan muna kita rito. Kakausapin ko lang si Tamara.
Bago pa makasagot si William ay nagmamadali nang umalis si Isla para puntahan si Tamara na nowhere in sight. Ngunit alam niyang kanina pa ito kasama ng kanyang pinsang si Leopoldo.
Muling tiningnan ni William ang kanyang best friend at napailing na lang siya nang makitang nakikipag-makeout na ito sa babaeng kausap lamang nito kanina. Kung maghalikan ang dalawa ay parang sila lamang ang mga tao sa lugar na iyon.
Napakaingay ng paligid at sobrang dami ring College students ang dumating sa house party na iyon kaya malakas ang loob ng dalawang maghalikan in plain sight. Naisip ni William na baka lasing na rin ang kaibigang si Amir.
William is getting bored nang maagaw ang kanyang atensyon ng dalawang taong nagtatawanan sa kanyang likuran. Nang lingunin niya kung sino ang mga iyon ay nakita niya sina Owen at Daisy.
Pinanonood ng dalawa ang makeout session ni Amir sa kasama nitong babae. Gusto sana niyang makisabay sa pagtawa ng mga ito kung hindi lamang siya nakararamdam ng boredom.
Ang totoo ay hindi gusto ni William na um-attend sa house party na iyon ngunit naging mapilit ang kanyang girlfriend dahil gusto raw nitong makipag-bonding sa kanya at sa kanilang mga kaibigan.
Pumayag si William dahil ilang araw nang napapansin niya ang halos cold treatment sa kanya ni Harper. At kung hindi siya pumayag na sumama sa house party na ito ay baka nakipag-break na ang girlfriend sa kanya.
Malalim na nagbuntung-hininga si William at hinanap ng mga mata ang kanyang girlfriend. Napakunot ang kanyang noo nang makita si Harper na kausap ang kaibigan nilang si Elijah.
Mabilis na nag-isip si William at nilingon sina Owen at Daisy.
William: Do you want to go bar hopping with me, guys?
Halos pasigaw na niyang sinabi iyon dahil bigla na lang lumakas ang musikang pumapailanlang sa loob ng living room at nagsimula nang humataw sa saliw ng musika ang karamihan sa College students na naroon.
Hindi narinig ni Daisy ang tanong ni William kaya inilapit nito ang mukha sa lalaki.
Daisy: Pakiulit nga, William. Hindi ko narinig.
Nalalanghap na ni William ang amoy ng nakalalasing na likido mula sa bibig ni Daisy. Humahalo iyon sa hininga nito.
Itinapat ni William ang bibig sa kanang tainga ni Daisy.
William: I said, let’s go bar hopping. Kayong dalawa ni Owen.
Kitang-kita ni William ang pagningning ng mga mata ni Daisy dahil sa paanyaya niyang iyon.
Kaagad na bumalik si Daisy sa tabi ni Owen at ibinulong dito ang sinabi ni William. Nang tumingin si Owen kay William ay nag-thumbs up ito sa kanya.
William: Wait for me here.
Pagkatapos sabihin iyon ay naglakad palayo si William patungo sa kanyang girlfriend na kausap pa rin ni Elijah.
Nagulat si Harper nang biglang maramdaman ang kanang kamay ni William na pumalibot sa kaliwang braso nito. Bumulong si William sa kanyang girlfriend.
William: You’ll go bar hopping with me. No buts, Harper.
May diin sa paraan ng pagkakabigkas ni William sa mga katagang kanyang sinambit.
Pilit na binabawi ni Harper ang kaliwang braso nito mula sa pagkakahawak ni William. Akmang lalapit si Elijah nang itaas ni William ang kanyang kaliwang kamay sa harapan ng mukha ng kaibigan.
William: Huwag kang makialam dito, bro, if you don’t want me to make a scene here. Surely, hindi iyon magugustuhan ni Amelia.
Napatigil sa paglapit si Elijah at itinaas ang dalawang kamay at bahagyang umatras.
Puno ng pagbabanta ang mga titig ni William kay Elijah bago muling binalingan ang kanyang girlfriend.
William: Pinagbigyan na kita sa gusto mong pumunta tayong dalawa rito. Now do me a favor.
Pasimpleng hinatak ni William palabas ng malaking bahay ang kanyang girlfriend para hindi makatawag ng pansin ng ibang College students.
Bago tuluyang makalabas ng bahay ay nakita pa ni William ang kanyang twin brother na si Harold malapit sa may balcony at may hawak na bote ng beer. Nakatingin lamang ito sa girlfriend nitong si Violet na nakikipag-usap sa kaibigan nilang si Scarlett.
Gusto sanang magpaalam ni William sa kanyang kapatid kung hindi lamang pasimpleng nagpupumiglas si Harper mula sa kanyang pagkakahawak dito.
Pagkapasok nina William at Harper sa loob ng kanyang kotse ay saka siya nagpadala ng text message kay Daisy na sumunod silang dalawa ni Owen sa loob ng kanyang sasakyan.
Nang harapin ni William ang kanyang girlfriend na nakaupo sa passenger seat ay nagulat siya nang biglang dumapo ang kanang palad nito sa kanyang kaliwang pisngi. Nanlaki ang kanyang mga mata at akmang magsasalita nang maunahan siya ng kanyang girlfriend.
Harper: Ayoko na, William. Hindi ko na kaya itong nangyayari sa ating dalawa.
Napakunot ang noo ni William sa sinabing iyon ni Harper at tatanungin sana niya kung ano ang ibig sabihin nito nang muli itong magsalita.
Harper: Bilang kapalit ng pagsama mo sa akin sa house party, I’ll go bar hopping with you tonight. I’ll still pretend as your loving girlfriend. But hanggang ngayon na lang.
Gusto pa sanang magtanong ni William dahil hindi niya naiintindihan kung saan nanggagaling ang kanyang girlfriend ngunit nakita na niyang naglalakad papunta sa kanyang kotse sina Owen at Daisy.
Ipinangako ni William sa kanyang sarili na hindi rito nagtatapos ang pag-uusap nilang dalawa ni Harper. Palalampasin niya ang ginawa nitong pagsampal sa kanya pero aalamin niya kung bakit ito nagkakaganito gayong wala siyang naaalalang problema nilang dalawa.
Pagkatapos balikan sa isipan ang nangyari nang nagdaang gabi ay marahang hinimas ni William ang kanyang kaliwang pisngi na para bang nararamdaman pa niya roon ang palad ng kanyang girlfriend.
William: Hay, Harper. What is going on?
Maya-maya ay bumaba ng kusina si William para uminom ng tubig dahil sa dehydration na kanyang nararamdaman.
Nakatatlong sunud-sunod na baso ng tubig si William nang bumungad sa pintuan ng kusina ang kanyang inang si Valerie Gadaza.
William: Hey, Ma. Good morning.
Nakangiting lumapit si William sa kanyang ina at mahigpit na yumakap dito kasabay nang paghalik sa kanan nitong pisngi.
Nakakunot ang noong tinitigan ni Valerie ang kanyang anak bago nagsalita.
Valerie: Naglasing ka na naman, William. Hindi ba sinabi ko nang bawas-bawasan mo ang pag-inom? It’s not good for your health.
Bumitiw mula sa pagkakayakap sa kanyang ina si William at malalim na nagbuntung-hininga.
William: Relax, Ma. Ngayon na lang ulit ako uminom. At saka, hindi naman ganoon karami ang nainom ko kagabi.
Pinili ni William na huwag nang banggitin sa kanyang ina ang ginawa niyang bar hopping kagabi para hindi ito mag-alala.
Nang maglakad papunta sa refrigerator ang kanyang ina at makitang nakabihis ito ay saka lamang niya naalalang araw ng Linggo iyon.
William: Nanggaling ka na sa simbahan, Ma?
Sandaling nilingon ni Valerie ang anak at tumango bago inabot ang pitcher sa loob ng refrigerator at nagsalin ng tubig sa isang baso.
Matapos sairin ang laman ng baso ay nagsalita ang ilaw ng tahanan ng pamilya Gadaza.
Valerie: Bumaba na ba si Harold? Anong oras ba kayong dalawa umuwi kagabi? Nakatulugan ko na ang paghihintay.
Sandaling natigilan si William sa tanong na iyon ng ina dahil naisip niya na kung sasabihin niyang hindi sila sabay na umuwi ng kapatid dahil nag-bar hopping siya ay baka magalit ito sa kanya.
Umiling si William sa kanyang ina.
William: H-hindi ko pa siya nakita simula nang magising ako kanina, Ma.
Muling kumunot ang noo ni Valerie habang ibinabalik sa loob ng refrigerator ang pitcher at isarado ang malaking appliance.
Valerie: Nakapagtataka naman yata. Usually ay maagang nagigising ang kapatid mo tuwing Linggo. Aakyatin ko nga sa kwarto niya.
Tinitigan ni William ang kanyang ina at nang lumabas ito ng kusina ay sinundan niya ito ng tanaw habang umaakyat ng hagdan.
Narinig niya ang pagbukas at pagsara ng pintuan ng kwarto ni Harold. Maya-maya ay bumaba ng hagdan ang kanyang ina at nilapitan kaagad si William.
Valerie: Wala sa loob ng kwarto niya ang kapatid mo. Sinubukan ko rin siyang tawagan pero naka-off yata ang phone niya.
Tiningnan ni William ang cellphone sa kanang kamay ng kanyang ina.
Valerie: Wala rin siyang text o tawag sa akin. Hindi ugali ng kapatid mo ang hindi magpaalam kung gagabihin man siya ng uwi o uumagahin sa ibang lugar.
Nakita ni William na unti-unti nang binabalot ng pag-aalala ang mukha ng kanyang ina.
Nang tumitig ang ina sa kanyang mga mata ay may idea na si William kung ano ang sasabihin nito at hindi nga siya nagkamali.
Valerie: Kasama mo ba ang kapatid mong umuwi ng bahay kagabi, William? Sabay ba kayong umuwi ni Harold?
At sa mga tanong na iyon ni Valerie ay nakita ni William ang takot sa mga mata ng kanyang ina.
----------
to be continued...