CHAPTER 2

2402 Words
THIRD PERSON POV Muling binasa ni Owen sa kanyang phone ang huling mensaheng ipinadala sa kanya ng matalik na kaibigang si Harold kagabi habang naroon siya sa loob ng isang bar. Nakailang ulit na niyang binasa iyon mula pa kaninang umaga ngunit binabagabag pa rin niyon ang kanyang isipan. Bro, let’s meet each other later. Tingin ko makakapag-usap na kami. Iyon ang mensaheng ipinadala ni Harold sa kanya kagabi habang mag-isa na lamang siyang umiinom dahil iniwan na siya ng kanyang mga kasama sa loob ng bar na iyon na hindi kalayuan mula sa malaking bahay ng mga Nevero. Pilit hinuhulaan ni Owen sa kanyang isipan kung sino ang tinutukoy ni Harold na makakausap na nito kagabi. Iisang pangalan lang ang pumapasok sa kanyang isipan ngunit hindi siya sigurado kung iyon nga ang tinutukoy sa mensahe. Owen: Si Violet lang naman ang gustong makausap ni Harold kagabi, unless may hindi siya sinasabi sa akin. Mahinang ibinubulong iyon ni Owen sa hangin habang nakatitig pa rin ang kanyang mga mata sa text message mula kay Harold. Animo ay may lulutang na pangalan doon para masagot ang tanong sa kanyang isipan. Inisa-isa ni Owen sa kanyang alaala ang mga taong dumalo sa house party ng kanyang kaibigang si Amelia kagabi at kung sinu-sino ang mga posibleng gustong kausapin ni Harold. Owen: Si Terrence kaya? Pero umuwi na si Terrence ilang minuto pagkarating ni Harold sa party. 11:40PM ko natanggap ang message ni Harold at wala na si Terrence sa party nang mga oras na iyon. Parang isang detective kung umakto si Owen nang mga sandaling iyon habang ina-analyze kung sinu-sino ang maaaring makausap ni Harold from 11:45PM onwards. Owen: At kahit gustuhin pang kausapin ni Harold si Terrence ay paniguradong hindi siya kakausapin niyon dahil naiinis pa rin sa kanya ang isang iyon. Muling naalala ni Owen ang mga sinabi sa kanya ni Terrence sa house party ilang minuto bago dumating si Harold sa tahanan ng mga Nevero. Napaigtad si Owen nang maramdaman niyang may biglang pumisil sa kanang pisngi ng kanyang pang-upo habang kumukuha siya ng isang stick ng barbecue sa ibabaw ng mahabang dining table sa loob ng dining room ng mga Nevero. Nakahanda na ang nakakuyom niyang kanang kamao nang lingunin ang mapangahas na nagmamay-ari ng kamay na pumisil sa kanyang malamang pang-upo. Ganoon na lamang ang pagkabigla niya nang paglingon niya ay mukha ng kanyang kaibigang si Leopoldo ang kanyang nakita. Isang nakakalokong ngiti ang nakapaskil sa mukha ng pinsan ng kanyang best friend. Owen: Ikaw lang pala, Leopoldo. Akala ko kung sino na. Ako na naman ang pinagti-trip-an mo. Nakapamulsang tumitig si Leopoldo sa kanya habang hindi nawawala ang nakakalokong ngiti sa mga labi nito. Leopoldo: Sensitive naman ng--- Huminto sa pagsasalita si Leopoldo at pilyong inginuso ang kanyang pang-upo. Pakiramdam ni Owen ay ginagawang katatawanan ni Leopoldo ang naging reaksyon niya kanina nang pisilin nito ang kanyang malambot na likuran. Leopoldo: Virgin pa, tama? Halos manlaki ang mga mata ni Owen dahil sa tanong na iyon ng kaibigan. Kaagad na nilingon ang paligid at nakita niyang dumadami na ang mga College students sa loob ng dining room pero wala sa kanila ni Leopoldo ang atensyon ng mga ito. Kanya-kanyang nagsisikuhaan ng mga pagkain ang mga ito habang masayang nagtatawanan at nagkukwentuhan. Muli niyang nilingon si Leopoldo at nakita niyang nakakalokong pinaglalandas nito ang dila sa ibabang labi. Owen: Hinaan mo nga ang boses mo. Wala talagang pinipiling lugar iyang bastos mong bibig. Iskandaloso. Ang layo mo sa pinsan mo. Sa sinabing iyon ni Owen ay nakita niya ang sandaling pagdaan ng inis sa mga mata ni Leopoldo ngunit kaagad din naman itong nakabawi at muling ngumisi. Dahan-dahan itong lumapit sa kanyang kanang tainga at bumulong doon. Pakiramdam ni Owen ay mukhang naparami na ng inom si Leopoldo kahit hindi pa opisyal na nagsisimula ang party. Leopoldo: Malayo ba? Ang ikli siguro noong kay Harold, ano? Tingin mo mahaba itong akin? Kaagad na umatras si Owen palayo sa kinatatayuan ni Leopoldo. Isang naeeskandalong titig ang ipinukol ni Owen kay Leopoldo habang ang pilyong lalaki ay naaaliw na tumatawa sa kanyang reaksyon. Nakita ni Owen ang pag-angat ng dalawang kamay ni Leopoldo at pinagharap ang dalawang palad nito. May mahabang pagitan sa dalawang magkaharap na palad. Nang mapagtanto ni Owen kung ano ang nais ipakahulugan ng kaibigan ay parang gusto niyang mainis. Nang tingnan ni Owen ang mukha ni Leopoldo ay kumindat pa ito sa kanya. Leopoldo: Ang haba, ano? Dahil sa inis sa kaibigan ay isang malakas na pagmumura ang pinakawalan ni Owen. Nang marinig ni Leopoldo ang bastos na salita ay tumawa lamang ito at umiling. Lumapit ito kay Owen at kaagad na inabot ang kanang kamay ng kaibigan na may hawak na barbecue stick. Dahil sa pagkabigla sa mabilisang paglapit ni Leopoldo sa kanya kaya hindi na nagawa pang bawiin ni Owen ang kanyang kamay mula sa mahigpit na pagkakahawak dito ng kaibigan. Napanganga na lang siya nang igiya ni Leopoldo palapit sa bibig nito ang hawak niyang stick. Parang gustong mapikon ni Owen nang bigla na lang kumagat si Leopoldo sa karneng nakatusok sa kanyang hawak na stick habang nakatitig sa kanyang mga mata. Kitang-kita niya sa mga mata ng pinsan ng kanyang best friend na si Harold ang kapilyuhan habang unti-unti nitong binibitiwan ang kanyang kamay. Nakakalokong tinitigan siya ni Leopoldo habang nginunguya nito ang pagkain sa loob ng bibig nito. Umuungol pa ito habang ngumunguya na nagpapadagdag sa inis na kanyang nararamdaman. Leopoldo: Sarap. Tinitigan nang masama ni Owen si Leopoldo at pagkatapos ay muling hinarap ang mga pagkain sa ibabaw ng dining table. Leopoldo: Sarap ko. Napapiksi si Owen at muling nilingon si Leopoldo ngunit ang pilyong kaibigan ay nakatalikod na at nakapamulsang naglalakad palabas ng dining room. Owen: Wala talagang magawa sa buhay ang isang iyon. Umiling-iling pa si Owen bago muling kumuha ng barbecue stick na muntikan na niyang mabitiwan kung hindi lamang niya naagapan kaagad. Nagulat si Owen sa tinig ng boses na nagsalita sa kanyang likuran. “Parang best friend mo. Walang magawa sa buhay.” Iyon ang sinabi ng lalaki sa kanyang likuran. May pakiramdam siya kung sino ang taong iyon. Nang lingunin niya ang nagmamay-ari ng boses ay hindi nga siya nagkamali sa kanyang hinala. Bumungad sa kanya ang mukha ng isa pa sa kanyang mga kaibigan, si Terrence. Owen: Ano na namang problema mo? Kitang-kita niya ang kunot sa noo nito habang nakatitig sa kanya na animo ay gustong makipag-away. Terrence: Problema ko? Itanong mo riyan sa best friend mong napaka-perfect. Nahimigan ni Owen ang sarkasmo sa tinig ng boses ni Terrence kaya alam niyang labas sa ilong ang papuring sinabi nito patungkol sa kanyang best friend. Terrence: Kapag nakita ko talaga iyong nakakainis niyang mukha rito sa house party ni Amelia, mapapanood ninyong lahat ang ikalawang round ng rambulan naming dalawa. Pinatunog pa ni Terrence ang mga daliri nito sa kamay sa harapan ni Owen. Terrence: Akala mo kung sinong perpekto, pero may itinatago rin naman palang kulo sa loob ng katawan. Hinayaan lamang ni Owen na maglabas ng sama ng loob si Terrence sa kanya dahil ang tingin niya ay hindi naman kailangan ng payo ng kanyang kaibigan. Kaya naman pinakinggan lang ni Owen ang pagsasalita ni Terrence sa kanyang harapan. Terrence: Magpasalamat nga siya at hindi ko binasag ang bungo niya. Hindi na lang siya makuntento sa kung anong mayroon siya ngayon. Ang suwerte nga niya dahil nasa kanya na halos lahat ng bagay na gugustuhin ng isang tao. Gusto sana ni Owen na hindi sumang-ayon sa sinabi ni Terrence ngunit sa nakikita niyang anyo nito ngayon ay parang handa nitong saktan ang sinumang papanig kay Harold. Terrence: Magkakaibigan tayo pero sa nalaman ko ay parang hindi ko pa kayang makipag-usap sa kanya ngayon. Kaya naman balaan mo iyang best friend mo at sabihan mong huwag pumunta rito kung ayaw niyang masaktan ko na naman siya. Isang nagbabantang titig ang ipinukol sa kanya ni Terrence bago ito tumalikod at naglakad palabas ng dining room. Malalim na nagbuntung-hininga si Owen at tuluyan nang nakalimutan ang pagkuha ng mga pagkain dahil sa mga sinabi ni Terrence. Base sa kanyang mga narinig ay parang malalim na ang inis na nararamdaman ni Terrence sa kanyang best friend. Gamit ang kaliwang kamay ay kinapa ni Owen ang kanyang cellphone sa loob ng bulsa ng kanyang suot na pantalon. Kaagad na tinawagan niya ang matalik na kaibigang si Harold. Napakunot ang noo ni Owen nang ilang segundo nang nagri-ring ang phone ni Harold ay hindi pa rin nito sinasagot ang kanyang tawag. Bihirang mangyari ang hindi nito sagutin ang tawag kaagad kapag siya ang tumatawag. Ilang beses na sinubukang tinawagan ni Owen si Harold habang napupuno na ng College students ang buong dining room. Nakain at naubos na niya ang hawak na barbecue ngunit hindi pa rin sinasagot ng matalik na kaibigan ang kanyang tawag. Nang hindi pa rin sinasagot ng kanyang best friend ang kanyang phone call sa ikaanim na pagkakataon ay dahan-dahan nang naglakad palabas ng dining room si Owen. Pumasok sa loob ng malawak na living room ng pamilya Nevero si Owen at doon ay muli niyang nakita si Terrence. Masama ang titig nito sa kanya. Hindi na lamang pinansin ni Owen ang pailalim na titig sa kanya ni Terrence at tumabi sa kaibigang si Daisy na nakaupo sa malaking sofa. Saktong pagkaupo niya sa tabi ni Daisy ay bumulong ito sa kanya. Daisy: Nakita kong kinausap ka ni Terrence kanina. Huwag mo siyang intindihin. I have a feeling na may mas malalim na pinanggagalingan ang inis niya. Naguluhan si Owen sa sinabing iyon ni Daisy ngunit hindi niya ipinahalata sa kaibigan at tumango na lamang dito. Nang pasimple niyang lingunin si Terrence ay hindi na ito nakatitig sa kanya. Kausap na nito ang isa pa niyang kaibigan na si Isla na kasintahan ng lalaki. Napailing si Owen matapos alalahanin ang nangyari kagabi. Malakas ang kanyang pakiramdam na hindi si Terrence ang tinutukoy ni Harold sa ipinadala nitong mensahe. Napahilamos ng mukha si Owen gamit ang kanyang kanang kamay. Wala na siyang ibang maisip na bisita sa house party na gugustuhing kausapin ni Harold at kailangan pang sabihin sa kanya kundi ang girlfriend nitong si Violet. Hindi sana mag-iisip si Owen nang ganito kung natuloy lamang ang pagkikita nilang dalawa ni Harold kagabi. Nang subukan niyang tawagan ang kaibigan ilang minuto matapos matanggap ang text message mula rito ay hindi na niya ito ma-contact. May pakiramdam si Owen na naka-off na ang phone ni Harold nang subukan niyang tawagan ito kagabi. Kahit nang tawagan niya ito kaninang umaga ay hindi pa rin ito sumasagot. Gustong mag-alala ni Owen dahil hindi normal para sa kanyang best friend ang hindi sumagot sa kanyang mga tawag. Ngunit kilala niya ang kaibigan at may mga panahon na gusto nitong mapag-isa. Lalo pa ngayon na alam niyang may hindi pagkakaunawaan ang kanyang best friend at ang girlfriend nito. Babalik sana si Owen sa house party sa malaking bahay ng mga Nevero kagabi para tingnan kung naroon pa si Harold kung hindi lamang siya nagpakalasing dahil sa ginawang bar hopping kasama si Daisy at ang kapatid ni Harold na si William at ang girlfriend nitong si Harper. Owen: Nakapag-usap kaya silang dalawa ni Violet? Habang itinatanong iyon sa kanyang sarili ay biglang naalala ni Owen ang naging pag-uusap nilang dalawa ni Harold ilang minuto matapos itong dumating sa house party kagabi. Nang makita ni Owen na lumabas ng malaking bahay ng mga Nevero si Harold habang hawak sa kamay nito ang isang bote ng beer ay pasimple siyang nagpaalam kay Daisy at sinabing magpapahangin sa labas. Paglabas ni Owen ng main entrance door ay kaagad na hinanap ng kanyang mga mata si Harold. Nakita niyang patungo ang kanyang matalik na kaibigan sa isang bahagi ng hardin. Ilang minutong pinagmasdan ni Owen ang pagmumuni-muni ni Harold bago siya lumapit sa kaibigan. Napalingon ito sa kanya nang maramdaman ang kanyang presensya. Harold: Uy, Owen, sinundan mo ba ako rito? Tinitigan nang matagal ni Owen si Harold bago marahang tumango. Owen: Bakit nagpunta ka rito, Harold? Alam mo namang mainit ang ulo ni Terrence sa iyo ngayon. Pinanood ni Owen ang mapaklang pagtawa ni Harold bago nito muling itinuon ang mga mata sa malaking bahay ng mga Nevero. Harold: I’m not afraid of him, Owen. Para namang hindi mo kilala ang best friend mo. Hindi ako umuurong sa laban kung alam kong nasa tama ako. Tumingala si Owen sa kalangitan at pinagmasdan ang maliwanag na buwan. Owen: Siguro nga. Pero kung maiiwasan ang gulo, pwede namang iyon ang piliin, hindi ba? Narinig ni Owen ang pag-inom ni Harold mula sa bote ng beer na hawak nito. Harold: Gusto kong makausap si Violet. At magandang dito ko siya kausapin sa house party ni Amelia dahil hindi magkakagulo kung maraming tao sa paligid. Nakatingala pa rin si Owen sa itim na kalangitan habang pinakikinggan ang kanyang best friend. Harold: Mas mabuting ngayon na namin pag-usapan kaysa patagalin pa. Pinuno ng hangin ni Owen ang kanyang dibdib bago nagsalita. Owen: Ilang months na lang at makaka-graduate na tayo. Hindi mo ba mahihintay iyon? Muling narinig ni Owen ang mapaklang pagtawa mula kay Harold. Harold: Ilang taon na akong naghihintay, Owen. Nahimigan ni Owen ang determinasyon sa tinig ng boses ng kaibigan kaya hindi na siyang nagtangka pang pigilan ito sa gusto nitong mangyari. Owen: Ikaw ang bahala kung iyan ang gusto mo. Sana lang ay huwag kang pumayag na masaktan ni Violet. Walang narinig na sagot mula kay Harold si Owen ngunit alam niya sa kanyang sarili na hindi hahayaan ni Harold na may makasakit dito lalo na kung ang ipinaglalaban nito ay para sa tama. Sa puntong iyon ng pagbabalik sa alaala ng mga nangyari kagabi ay biglang huminto si Owen dahil sa narinig niyang pagtunog ng kanyang phone. Kaagad niyang tiningnan ang screen ng kanyang phone sa pag-aakalang si Harold na ang tumatawag sa kanya. Ngunit ibang pangalan ang kanyang nabasa. Pangalan iyon ng kambal ni Harold. Si William. Nagtatakang sinagot niya ang tawag ng kaibigan dahil bihira lamang kung tumawag ito sa kanya. Owen: Hello, William. Nahimigan ni Owen ang pag-aalala sa tinig ng boses ni William nang magsalita ito. William: Owen, kasama mo ba si Harold ngayon? Hindi siya umuwi ng bahay kagabi. Sa narinig na sinabi ng kaibigan ay may kung anong kaba ang bumalot sa puso ni Owen. ---------- to be continued...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD