THIRD PERSON POV
Pinagmamasdan ni Isla ang kanyang kasintahang si Terrence habang hubo’t hubad itong nakadapa sa ibabaw ng kama at nakapikit ang mga mata.
Katatapos lamang nilang magsalo sa isang mainit na sandali at pagkatapos ng tatlong beses na pagtatalik na laging humahantong sa pagpapalabas ng enerhiya ng lalaki sa loob ng kanyang hiyas ay tuluyan nang nakaramdam ng pagod ang kanyang boyfriend at ngayon nga ay umiidlip.
Marahang pinunasan ni Isla ang patak ng luha na naglandas sa kanyang kanang pisngi. Naaawa siya sa kanyang sarili dahil hinahayaan niyang gamitin ng lalaking nasa kanyang harapan ang kanyang katawan sa tuwing makararamdam ito ng labis na pagnanasa.
Kahit wala sa mood si Isla para makipagtalik ay wala siyang nagagawa kapag nag-aaya na ang kanyang boyfriend. Alam niyang hindi siya makatatanggi rito dahil masasaktan lamang siya kapag sinubukan niyang gawin iyon.
Mabigat ang kamay ng lalaki at ilang beses na nitong napagbuhatan ng kamay si Isla noong mga panahong bago pa lamang silang magkasintahan.
Mula noon ay hindi na sinusubukang humindi ni Isla sa tuwing sinasabi ng kanyang boyfriend na kailangan nitong magpalabas ng init sa katawan kasama siya.
Ngunit sa kabila ng lahat ay mahal ni Isla si Terrence. Ito ang kauna-unahang lalaki na tumanggap sa kanyang tunay na pagkatao matapos niyang ikwento rito ang lahat tungkol sa kanyang pamilya.
Napatingin si Isla sa malaking tattoo na nasa likod ni Terrence. Iyon ang eagle tattoo na ipinalagay ng lalaki sa tattoo artist na kaibigan nilang si Daisy.
Balot ng asul na kumot ang kanyang hubad na katawan ay marahan siyang lumapit kay Terrence para haplusin ang itim na tinta sa likod nito.
Habang naglalandas ang kanyang mga daliri sa likod ng kanyang boyfriend ay pinagmamasdan niya ang mukha ni Terrence.
Kung titingnan ay para itong isang inosenteng tupa habang nakapikit ang mga mata ngunit alam ni Isla na malayo sa pagiging maamo ang ugali ng kanyang boyfriend kapag may isang bagay itong hindi nagugustuhan.
Katulad na lamang ng nangyari sa pagitan nito at ng kaibigan nilang si Harold.
Ilang linggo na ang nakalipas nang maabala ang mga estudyante sa loob ng kanilang university canteen nang magkaroon ng gulo dahil sa paghahamon ng gulo ng kanyang boyfriend kay Harold.
Tandang-tanda pa ni Isla ang araw na iyon kung saan naabutan na lang niya sa loob ng kainan na nakahiga na sa sahig ang kaibigan niyang si Harold habang hinihimas ang nasaktan nitong panga dahil sa pagtama roon ng kamao ng kanyang boyfriend.
Nanlalaki ang mga mata ni Isla habang nakatutop sa kanyang bibig ang kanang palad dahil sa nabungaran niyang eksena sa loob ng university canteen.
Umaagos ang pulang likido sa kaliwang gilid ng ibabang labi ng kaibigan niyang si Harold na halos nakahiga na sa flooring ng kainang iyon. Masama ang titig nito sa kanyang kasintahang si Terrence.
Ang boyfriend niya ay nakatayo sa harapan ni Harold at nakakuyom ang kanang palad na nababalutan pa ng puting towel. Sa pagkakalisik ng mga mata nito ay parang anumang segundo ay muli na naman nitong ipapatama ang kamao nito sa mukha ng kanilang kaibigan.
Agad na dinaluhan ni Isla ang kanyang kaibigang nasa sahig at tiningnan ang sugat nito sa mukha.
Isla: Oh my gosh, Harold. Dumudugo ang labi mo. You need to go to the clinic now. Baka lumala---
Hindi natapos ni Isla ang kanyang sasabihin nang biglang may humawak sa kanyang kaliwang bisig at hinatak siya patayo para ilayo kay Harold.
Harold: H-Huwag mong sasaktan si Isla.
Pakiramdam niya ay parang mababali ang kanyang buto sa higpit ng pagkakakapit ni Terrence sa kanyang bisig. Bahagya siyang nakaramdam ng takot nang makita ang galit sa mga mata ng kanyang kasintahan.
Isla: T-Terrence, nasasaktan ako.
Ilang segundong nakatitig lamang sa kanya ang kasintahang si Terrence bago nito muling binalingan ang lalaking mukhang nahihirapang tumayo mula sa pagkakabalandra sa sahig.
Terrence: Wala kang pakialam kung ano ang gusto kong gawin sa girlfriend ko. Tandaan mo, Harold, ikaw ang may kasalanan sa akin.
Gamit ang kaliwang hintuturo ng kanyang boyfriend ay dinuro pa nito si Harold habang siya ay nagpupumiglas mula sa mahigpit na pagkakahawak ng kanang kamay nito sa kanyang bisig.
Harold: Huwag mong idamay si Isla sa problema nating dalawa.
Nabaling ang tingin ni Isla kay Harold nang marinig niya ang sinabi nito.
Sinusubukan nitong tumayo ngunit mukhang napuruhan ito nang malala ng kanyang kasintahan.
Wala siyang ideya na may hindi pagkakaunawaan ang kanyang boyfriend at ang kanilang kaibigan. Kilala niya si Harold na hindi marunong makipag-away kaya bago sa kanyang pandinig ang natuklasang ito.
Terrence: Sa gusto mo o sa ayaw mo, damay siya rito dahil girlfriend ko siya. Ang lakas ng loob mong sabihan ako kung ano ang dapat gawin, eh, ikaw itong hindi alam kung paanong rumespeto.
Luminga siya sa paligid at nakita niyang halos lahat ng College students sa loob ng canteen ay nakatingin na sa eksenang kanilang kinasasangkutan.
Hindi siya makapaniwala na wala man lamang sa mga ito ang lumalapit para tulungan si Harold na makatayo. Sa tingin niya ay natatakot ang mga ito na baka rito ibaling ng kanyang kasintahan ang galit nito para sa kanilang kaibigan.
Bigla siyang nag-alala na baka umabot sa kanilang Dean ang nangyayaring ito. Siguradong maparurusahan ang kanyang boyfriend.
Isla: Terrence, gumagawa ka na ng eskandalo rito. Paniguradong may nakapagsumbong na sa itaas---
Sa ikalawang pagkakataon ay hindi natapos ni Isla ang kanyang sasabihin dahil biglang nagsalita ang kanyang kasintahan.
Kung halos pabulong lamang ang kanyang pagsasalita kanina ay kaibahan naman iyon sa ginawa ni Terrence nang magtaas ito ng boses sa kanyang harapan.
Terrence: Ano, Isla? Ako ang gumagawa ng scandal dito? Sigurado ka ba sa mga sinasabi mo? Ha?!
Halos mabingi si Isla sa ginawang pagsigaw ni Terrence sa kanyang harapan.
Kaagad siyang napayuko at pakiramdam niya ay parang napahiya siya sa harapan ng schoolmates.
Maya-maya ay may narinig siyang tunog ng marahang palakpak at nang lingunin niya ang pinanggalingan ng tunog ay nakita niya ang kaibigan nilang si Scarlett.
Scarlett: So, I wonder why no one invited me to watch this spectacle. Selfish much?
Pulang-pula ang mga labi nito at katulad nang nakasanayan ay bago ang lahat ng kasuotan ni Scarlett habang naglalakad papalapit sa kanilang tatlo na nasa gitnang bahagi ng university canteen.
Terrence: S-Scarlett...
Nahimigan ni Isla ang kaba sa tinig ng boses ng kanyang boyfriend.
Sigurado siyang biglang kinabahan ang kanyang boyfriend dahil sa presensya ng kaibigan nilang si Scarlett na siyang unica hija ng mga Del Tierro, isa sa mga prominenteng pamilya sa kanilang lugar.
Nakita ni Isla na nagpalipat-lipat kina Harold at Terrence ang paningin ni Scarlett. Base sa ekspresyon ng mukha nito ay hindi nito nagugustuhan ang nasasaksihang scenario sa pagitan ng dalawang taong bahagi ng kanilang friend group.
Scarlett: Given that Harold doesn’t have any bad records in this university, I assume that you, Terrence, was the one who started this nonsense fight. Right?
Nang nilingon ni Isla ang kanyang boyfriend ay nakita niyang bumukas ang bibig nito ngunit kaagad ding sumara iyon kasabay nang pagluwang ng pagkakakulong ng palad nitong nababalutan ng tela sa kanyang bisig.
Kaagad niyang binawi mula sa pagkakahawak ni Terrence ang kanyang nananakit na bisig at kaagad na hinimas iyon.
Naagaw ang kanyang pansin nang makitang tinutulungan ni Scarlett na tumayo ang kanilang kaibigang si Harold ngunit nahalata niyang parang hindi gusto ng lalaki na magpatulong sa pagtayo nito.
Harold: Kaya ko.
Bahagyang napalingon si Isla kay Terrence nang marinig ang parang nakakainsultong tawa mula rito.
Terrence: Kaya raw. Eh, kanina ka pa nakaupo riyan. Pasalamat ka nga at hindi ko pinahalik sa sahig iyang nguso mo.
Kinabahan si Isla nang makitang nilingon ni Scarlett ang kanyang boyfriend at sa mga mata nito ay naroon ang pagbabanta.
Nang bumaling sa kanyang direksyon ang paningin ng babaeng nanunuot sa kanyang ilong ang ginamit na pabango ay parang nanigas siya sa kanyang kinatatayuan.
Lahat silang magkakaibigan ay nakararamdam ng pagkailang kay Scarlett sa tuwing sumeseryoso na ang mukha nito. Maaaring bahagi ito ng kanilang barkada ngunit naroon pa rin ang katotohanang anak ito ng taong malaki ang impluwensya sa kanilang lugar at hindi dapat kinakalaban.
Scarlett: As Terrence’s girlfriend, hindi mo dapat hinahayaan na nagkakalat sa campus ang boyfriend mo. Remember, nagre-reflect sa ating mga babae ang ginagawa ng mga partners natin. In this lifetime, reputation always comes first.
Gusto sanang sabihin ni Isla kay Scarlett na wala siyang ideya sa alitan sa pagitan ng kanyang boyfriend at ni Harold ngunit alam niyang hindi rin naman siya pakikinggan ng babaeng nasa kanyang harapan.
Nakayukong tumango na lamang si Isla at nang muling umangat ang kanyang ulo ay nakita niya si Scarlett na nakatitig nang muli sa kanyang boyfriend.
Scarlett: And you, being a trouble-maker doesn’t make you a real man. It only shows how pathetic you are. But what do I expect from a person who has a theft record, right? Of course, someone who doesn’t have the ability to learn the word “class”.
Biglang nakaramdam ng awa si Isla para kay Terrence nang marinig ang insultong iyon mula sa kanilang kaibigan.
Gusto sana niyang ipagtanggol ang kanyang boyfriend ngunit katulad ng ibang tao ay hindi niya gustong mapunta sa bad side ng isang Scarlett Del Tierro.
Napansin niyang kumuyom ang kanang kamao ng kanyang boyfriend kaya kaagad siyang kumapit sa kanang bisig nito at hinimas iyon.
Pinipilit pakalmahin ni Isla ang kasintahan dahil hindi niya gustong makagawa ito ng isang bagay na maaaring pagsisihan nito.
Napatingin siya sa likuran ng kaibigang si Scarlett nang makitang nakatayo na si Harold at pinasadahan ng hinlalaki nito ang pulang likido sa gilid ng labi.
Isang masamang tingin ang ipinukol sa kanya ni Harold at nang lumingon dito si Scarlett ay nakita niyang mas nagdilim ang mukha nito.
Scarlett: We need to take you to the clinic, Harold.
Muling bumalik ang kaba sa puso ni Isla nang makita ang panlilisik ng mga mata ni Harold habang nakatitig sa kaibigan nilang si Scarlett.
Harold: Ang sabi ko, kaya ko. Huwag kayong mag-alala sa akin.
Nakatalikod sa kanya si Scarlett ngunit base sa galaw ng ulo nito ay alam ni Isla na marahan itong tumango sa sinabi ni Harold.
Scarlett: About what happened here, Harold, ako na ang bahalang makipag-usap sa Dean. Kami ni Dad. It won’t affect your good record, don’t worry.
Kaagad na nilingon ni Isla ang kanyang boyfriend nang mahagip ng kanyang peripheral vision ang pag-iling nito.
Kitang-kita niya sa mukha nito ang labis na disappointment. Pinisil niya ang kanang bisig nito para subuking pagaanin ang loob nito ngunit malakas nitong hinawi ang kanyang kamay.
Naagaw ang kanyang atensyon nang pahablot na pulutin ni Harold ang backpack nito mula sa sahig. Wala itong lingon-lingong lumabas ng canteen habang siya ay nakatitig lamang sa papalayo nitong pigura.
Muling bumalik sa kasalukuyan ang isipan ni Isla nang marinig ang mahinang pag-ungol mula sa kanyang kasintahan.
Sa tingin niya ay nananaginip ito. Akma na sana niya itong gigisingin nang isang pangalan ang lumabas mula sa bibig nito.
Terrence: Mmm... Scarlett...
Pakiramdam ni Isla ay nanigas ang kanyang buong katawan dahil sa narinig na pangalang iyon mula sa kanyang kasintahan.
Gusto niyang gisingin si Terrence at sabihan ito ng maraming masasakit na salita ngunit alam niyang ibabalik lamang nito sa kanya ang kanyang mga sasabihin.
Muling niyang naramdaman ang pagdaloy ng mga luha sa kanyang magkabilang pisngi.
Parang pinipiga ang kanyang puso dahil sa sakit na kanyang nararamdaman. Gustuhin man niyang magalit ay alam niyang wala siyang ibang sisisihin kundi ang kanyang sarili kung bakit napunta siya sa ganoong sitwasyon.
Bahagya siyang umatras para lumayo sa umiidlip na si Terrence at sumandal sa dingding kung saan nakadikit ang kama ng kanyang kasintahan.
Niyakap niya ang kanyang mga binti habang patuloy sa pag-iyak. Nang isinubsob niya ang kanyang mukha sa kanyang mga tuhod ay tuluyan na siyang humagulgol.
Ilang minutong tahimik na umiiyak lamang si Isla nang bigla niyang marinig ang tunog ng notification sa kanyang phone. Marahan niyang pinunasan ang hilam sa luha na mukha at nilinga ang paligid ng buong kwarto.
Hawak ang kumot na nakabalot sa kanyang hubad na katawan ay nakita niya ang kanyang handbag sa paanan ng kama. Inabot niya iyon at kinuha mula sa loob ang kanyang cellphone.
Nakita niya ang notifications para sa mga bagong mensahe na dumating sa group chat nilang magkakaibigan.
Kaagad niyang binuksan iyon at nakita niyang online ang ibang members.
Binasa niya ang chat message na ipinadala ng kaibigang si William.
“Hey, guys. Have you seen Harold? Kasama niyo ba siya? Hindi siya umuwi sa bahay kagabi.”
Sa nabasang iyon ay kaagad na pumasok sa isipan ni Isla ang nasaksihan niyang pakikipagtalo ni Harold sa girlfriend nitong si Violet sa dinaluhan nilang house party kagabi.
Malinaw pa sa kanyang isipan ang nakita niyang eksena sa balcony ng bahay ng kaibigan nilang si Amelia Nevero.
Hindi mapakali si Isla habang hinihintay na sagutin ng kanyang boyfriend ang phone call mula sa kabilang linya.
Around 9:30 ng gabi nang lisanin ng kanyang kasintahan ang house party na in-organize ng isa sa kanilang mga kaibigan para sa College students ng kanilang university.
Ilang beses na siyang nagpadala ng text at chat messages kay Terrence ngunit wala siyang natatanggap na reply mula rito. Sinusubukan niya rin itong tawagan ngunit hindi nito sinasagot.
10:15 na ng gabi at sinusubukan niya pa ring tawagan ang kanyang boyfriend habang nakatayo siya malapit sa balcony ng malaking bahay ng kaibigang si Amelia.
Mula roon ay natatanaw ni Isla ang malawak na living room sa kabilang bahagi ng palapag na iyon.
Medyo madilim ang paligid dahil sa malamlam na liwanag na bumabalot sa bawat kwartong makikita sa loob ng buong kabahayan. Sapat lamang para makita ang napakaraming estudyante na kumakain at nag-iinuman habang malakas na nagkukwentuhan at nagtatawanan.
Habang nakadikit sa kanang tainga ang kanyang phone ay wala sa loob na napalingon si Isla sa balcony na nasa kanyang likuran. Napakunot ang kanyang noo nang makitang naroon ang mga kaibigang sina Harold at Violet.
Nag-uusap ang magkasintahan ngunit hindi niya iyon naririnig dahil maliban sa malayo ang kanyang distansya sa dalawa ay napakalakas din ng musikang umaalingawngaw sa bawat sulok ng bahay.
Napahigpit ang kapit niya sa kanyang phone dahil nakikita niya sa kanyang harapan ang taong dahilan kung bakit nagdesisyon ang kanyang boyfriend na umuwi na lamang ng bahay nito kaysa ang manatili sa lugar na iyon kasama si Harold.
Kung hindi sana dumating sa house party ang boyfriend ng kaibigan niyang si Violet, hindi sana mag-aalala si Isla para sa kanyang boyfriend.
Napansin niyang parang may pinagtatalunan ang dalawang taong nasa balkonahe. Base sa nakikita niyang ekspresyon ng mukha ni Harold ay parang nagagalit ito sa anumang sinasabi ng girlfriend nito.
Bilang isang kaibigan ay gusto sana niyang makisali sa pag-uusap ng dalawa para pigilan ang namumuong tensyon sa pagitan ng mga ito.
Ngunit kilala niya ang kaibigang si Violet. Alam niyang may kakayahan itong manakit oras na kumalat sa sistema nito ang nakalalasing na likido.
Hindi gusto ni Isla na ipahamak ang kanyang sarili sa mga kamay ng kasintahan ni Harold. Isa pa ay baka kung ano pa ang masabi niya sa lalaki kapag nagkaharap silang dalawa.
Naglakad siya palayo sa balcony nang sa wakas ay sagutin na ni Terrence ang kanyang tawag.
Kaagad niyang tinanong kung nakauwi na ito ng bahay at hindi niya inasahan ang isinagot nito sa kanya.
Terrence: Babalik ako sa house party, babe. Sinabi sa akin ni Tamara na parang minamanmanan daw silang dalawa ni Leopoldo ng napakagaling na si Harold.
Biglang bumilis ang t***k ng puso ni Isla nang marinig ang sinabi ng kanyang kasintahan.
Pakiramdam niya ay may hindi magandang mangyayari sa gabing iyon.
Bumalik sa kasalukuyan ang isipan ni Isla nang marinig na may bagong mensahe na pumasok sa group chat nilang magkakaibigan.
Binasa niya ang chat message mula sa kaibigan nilang si Jefferson.
“Nag-usap kami ni Harold kagabi sa loob ng basement. Ang sabi niya ay may gagawin lang daw siya pero hindi na niya ako binalikan. May kinalaman kaya roon?”
Sa nabasang mensahe mula sa kaibigan ay kaagad na kinabahan si Isla. Hindi maganda ang kanyang kutob sa mga nangyayari.
----------
to be continued...