Kabanata VII: Ang Pagbagsak ng Hara

2031 Words
HALEYA Ako ay mataman lamang na nagpupukol ng tingin sa mga bungang kahoy na ngayon ay nakahain sa lamesang nasa aking harapan. Hindi ko maiwasan ang mag-isip hinggil sa aking mga naranasan. Tila ba ako ay muling nahimlay at nawalan ng kamalayan sa mahabang panahon. Ang tangi kong naaalala ay ang tungkol sa paglagok ko ng berdeng tubig na iyon na inihandog sa akin ng aking panauhing pinsan. Hindi naglaon ay dagli rin na nabaling ang aking mga tingin sa isang babaeng kasalukuyan na ngayong naglalakad patungo rito sa aking kinaroroonan. Nang siya'y tuluyan nang makadatal sa aking harapan ay dagli na itong umupo at sumalo sa aking hapag kainan. "Maayong buntag, aking pinsan," usal nito sa akin bilang pagbati. Pagkatapos no'n ay tuluyan nang sumilay sa kanyang mga labi ang matamis at malapad nitong ngiti. "Ano at ikaw narito? Sa aking pagkakaalala ay hindi kita inanyayahan upang sumalo sa aking agahan," mariin kong saad dito, subalit pawang pagkunot lamang ng noo ang aking nagawa no'ng masilayan ko ang kanyang kakatwang pagngisi. Hindi naglaon ay tumungo ito at nagbaling ng tingin sa mga nilagang bunga ng saging na nakahain ngayon sa lamesa. Kumuha ito ng isang piraso ng nilagang saging bago ito tuluyang magwika sa akin, "Bilang ako na ang iyong kaagapay sa pamamalakad sa puod na ito ay nais ko sanang imungkahi ang-" dagli itong natigilan no'ng ako ay hindi na nag-atubili pang sumabat at magwika ng, "Ano ang iyong mga sinasambit? Bakit ikaw ay tutulutan ko ng ganyang kabigat na katungkulan? Tss. Ikaw ay panaohin ko lamang, Dayang Iraya. At wala kang ano mang karapatan upang panghimasukan ang aking pamamalakad sa puod na ito." Ito ay marahan lamang na nag-angat ng tingin sa akin, subalit kaakibat no'n ay ang kanyang nakalolokong pagngisi sa mga labi. Ito ay tila tanda ng isang panghahamak at pagmamataas, kung kaya ay hindi ko na napigil pa ang aking sarili na siya ay pagtaasan ng isang kilay. Pagka't kahit pa siya'y aking pinsan at kadugo ay wala pa rin itong karapatan upang mag-asal ng ganito sa aking harapan, bilang ako ang Hara ng puod na ito na siyang pansamantala niyang tinutuluyan. "Sa iyong kilos at pananalita ay nakatitiyak na ako ngayong ikaw ay nakabalik na nga sa iyong tamang pag-iisip. Kung gayon ay binabati kita pagka't ikaw ay hindi na tila isang inutil na Hara. Aking mahal na pinsan," dagling nangunot ang aking noo sa kanyang mga tinuran. Bagama't ito'y malinaw na panghahamak sa akin ay hindi ko pa rin ito maunawaan. Hindi na maiwaksi pa sa kanyang mga labi ang napakalawak nitong ngiti na tila ba labis ang kanyang pagkawili. Marahan ko na lamang naikuyom ang aking mga palad dahil sa nadarama kong namumuong pagkayamot sa pamamaraan ng kanyang pakikipagtalastasan sa akin. "Ano ba ang iyong sinasambit?" usal kong tanong dito, subalit tila nagpanting ang aking mga tenga no'ng ito'y marinig kong humalakhak. Hindi ko na nagawa pang pigilan ang aking sariling pagkayamot at dagli kong nakalampag ang aking hapag kainan na siyang pumapagitna sa aming dalawa. "Ano at kay lakas ng iyong loob na ako ay pagtawanan?! Wala bang sapat na kabatiran ang isang katulad mo na ang iyong ginagawa ay isang uri ng kalapastanganan sa akin? Tss. Ako ay isang Hara, at ikaw ay kasulukuyang narito ngayon sa puod na aking pinamamahalaan. Kung kaya't nararapat lamang na ako ay iyong igalang!" bulyaw ko rito sa pinsang Dayang. Subalit pawang pag-irap lamang ang itinugon nito sa akin at nakuha pa nitong tumayo mula sa pagkakaupo. Ako ay marahang nag-angat ng mukha upang siya ay masundan ko ng tingin. Mula sa kanyang unang paghakbang ay nagsimula na itong magpalakad-lakad sa aking harapan. "Siyang tunay, mahal na Hara. Subalit ikaw ay nagmistulang inutil no'ng sandaling inumin mo ang gayumang inihandog ko sa iyo, hahaha!" saad nito sa akin kaakibat ang nakaririndi nitong halakhak sa hangin. Dagling nangunot ang aking noo habang inaalala ang adlaw na iyon, ang adlaw ng kanyang pagdatal dito sa puod at ang paghandog nito sa akin ng gayumang tinutukoy niya. Ito marahil ang dahilan kung bakit pakiramdam ko ay nahimlay ako ng mahabang panahon nang wala man lamang maalala. Maging ang ipinabatid sa akin ni Liway kagabi tungkol sa paglisan ng kanilang Raha ay hindi ko rin batid. Kung gayon, ang paratang niyang iyon sa akin ay huwad, pagka't tunay na wala akong kinalaman sa mga bagay na iyon gayong nasa ilalim ako ng isang panggagayuma. "Lapastangan ka!!!" singhal ko sa Dayang na siyang naging dahilan upang tumigil ito sa ginagawang paghalakhak. Ipinukol ko sa kanya ang pinakamasakit na titig na nararapat sa kanya. "Ano at ikaw ay napopoot sa akin? Hindi ba't dapat ay magpasalamat ka pa sa akin pagka't hindi lason ang inihandog ko sa iyo no'ng adlaw na iyon?" tugon nito sa akin na siyang naging dahilan upang lumabis ang paghigpit ng pagkakakuyom ko sa aking mga palad. "Titiyakin kong pagsisisihan mo ang iyong ginawang kalapastanganan sa akin!!!" bulyaw ko rito bago ako tuluyang tumayo sa aking pagkakaupo at mas higit pang paigtingin ang masakit na titig na ipinupukol ko sa kanya. Subalit sa halip na makaramdam ito ng takot ay mariin pa niyang sinalubong ang aking mga titig, hanggang sa ito ay tuluyan nang ngumisi sa akin. "Hindi, Haleya. Pagka't ako ang siyang gagawa niyan sa iyo, titiyakin kong pagsisisihan mo ang ginawa mo sa aking baba!" usal nito na siyang ikinakunot ng aking noo. Unti-unting nawaksi ang ngisi nito sa kanyang mga labi at ang kanyang mga matang may mapanghamak na titig ay unti-unti na ring napalitan ng titig na may masidhing hinanakit at galit. Hindi ko maunawaan ang kanyang sinasambit patungkol sa kanyang baba, subalit ramdam na ramdam ko ang kanyang labis na poot sa akin. "Mahal na Hara!" rinig kong sigaw ni Liway no'ng ito ay makadatal sa aming kinaroroonan. Dagli akong nagbaling sa kanya ng tingin kaya't aking napansin na ito ay bahagyang natigalgal no'ng mapagtanto niyang katalastasan ko ang aking pinsang Dayang. "Ano iyon, Liway?" tugon ko rito na siyang naging daan upang magbaling ito ng tingin sa akin at tumungo. "Mahal na Hara, a-ang mga m-mamamayan ng puod nagtipon tipon ho silang lahat sa labas lamang ng balay. N-nais nila kayong makausap," tugon ni Liway sa akin. Dagli naman nabaling ang aking tingin sa pinsan kong Dayang, no'ng muli kong marinig ang nakayayamot nitong halakhak. Napailing na lamang ako pagka't wala akong ibang ninanais ngayon kundi ang magawaran siya ng isang masakit na napakalakas na sampal sa kanyang mukha pagka't tiyak kong ito ang nababagay sa kanya. Subalit sa halip na gawin iyon ay higit na pinili ko na lamang ang pigilan ang aking sarili at dagling humakbang at maglakad upang tunguhin ang labas ng balay. Naramdaman ko rin ang pagsunod sa akin ni Liway, kung kaya't naiwang mag-isa roon ang lapastangang Dayang. Hindi naglaon ay tuluyan na rin kaming nakadatal sa labas ng balay kung saan sumalubong sa amin ang lahat ng mamamayan ng puod. Pawang pagkunot lamang ng noo ang aking nagawa no'ng mapansin kong may bahid na poot at pagkayamot ang mga ipinupukol nilang titig sa akin. Hindi ko maunawaan kung bakit tila ay labis ang kanilang hinanakit sa akin, subalit gayunpaman ay nagawa ko pa ring mag-usal ng mga salita para sa kanilang lahat. "Ano at kayong lahat ay nagtipon tipon dito? Ano ang inyong mga pakay?" usal na tanong ko at kasabay no'n ang paglibot ng aking paningin sa kanilang lahat. "Nais naming tanggalan ka ng katungkulan!!!" natigalgal ako sa sigaw ng isang timawang lalaki sa kaliwang bahaging hanay. "Siya nga! Ikaw ay magbitiw na. Hindi na namin maatim ang iyong kalupitan sa amin!!!" bulyaw muli ng isang timawang lalaki mula naman sa kanang bahaging hanay. "Ito ay aming ginagawa para sa aming mga supling! Kung kaya't lumisan kana!!!" rinig kong singhal pa ng isang babae mula sa gitnang bahaging hanay. Hindi ko mapaniwalaan ang kanilang mga ginagawa, tila sila ay nagsasama-sama upang ako ay buwagin at pababain sa aking katungkulan bilang kanilang Hara. "Haleya, Haleya, Haleya. Tunay na ikaw ay kahabag-habag, ang iyong naaahopan ay tila hindi kana kailangan," rinig kong saad ng pinsan kong Dayang, no'ng ito ay tuluyan nang makalapit sa akin. Naikuyom kong muli ang aking mga palad pagka't tila batid ko na kung bakit ang lahat ng ito ay nagaganap sa akin. "Ikaw, nakatitiyak akong ikaw ang may kagagawan ng lahat ng ito! Lapastangan!!!" singhal ko sa pinsang Dayang, bago ko pa tuluyang igawad sa kanya ang isang napakasakit at mabigat na sampal sa kanyang pisngi. Namalas ko kung paano ito mapangiwi at dumaing sa natamong sampal mula sa akin kung kaya't nagbaling ito ng masakit na tingin sa akin. Nais kong matuwa sa aking nagawa pagka't tunay na karapatdapat lamang ito sa katulad niya. Subalit ito ay hindi ko na nagawa pa no'ng dagli itong sumigaw ng, "Dakpin siya!!!" sa kanyang pagsigaw ay isa-isang dumatal sa harap ng balay ang mga mandirigmang hindi ko nakikilala ang mga kausotan. Kaiba ang kanilang mga kasuotan mula sa kasuotan ng mga mandirigma rito sa aming puod. Tila nanggaling pa sila sa ibang banwa at napakarami nila kung kaya't ako ay lubha nang nabahala. Ang mga mamamayan ng puod ay dagli na rin lumisan upang tumungo sa kani-kanilang mga balay pagka't hindi nila nais ang masangkot pa. "Mahal na Hara," narinig kong usal ni Liway no'ng ito ay dagling lumapit sa aking tabi. Hindi naglaon ay dagli na nilang napaligiran ang buong paligid ng balay. Napukol ko ng masamang tingin si Dayang Iraya at gayon na lamang ang pagsidhi ng aking galit no'ng masilayan kong muli ang nakayayamot nitong pagngisi. "Nilinlang mo ako, maging ang mga mamamayan ay nilinlang mo upang makubkob ang puod na ito!!!" singhal ko rito na siyang naging dahilan upang muli itong humalakhak. "Hahaha! Siyang tunay, aking pinsan. Subalit hindi lamang iyan ang aking nais isakatuparan. Pagka't nais kitang mapaslang sa pamamagitan ng aking sariling mga kamay!!!" bulyaw na tugon nito sa akin na siyang ikinailing ko bilang pagtutol sa mga nais niyang makamit. "H-hindi ka magtatagumpay! Lapastangan!!!" sigaw ko rito na siyang naging daan upang bigyang hudyat niya na ang kanyang mga mandirigma na ako ay lapitan at dakpin. Dagli silang tumalima sa kanyang iniuutos kung kaya't tinangka nilang ako'y lapitan na, subalit bago sila makadatal sa aking kinaroroonan ay dagli na ring dumatal ang aming mga mandirigma rito sa puod. Sa kanilang pagsaklolo ay sumiklab ang tunggalian ng dalawang panig ng mga mandirigma na siyang ikinabahala ni Dayang Iraya. "Mahal na Hara, t-tayo na!" saad sa akin ni Liway, hindi ko naiibigan ang ginagawa nito pagka't tila ako'y kanyang pinangungunahan sa aking mga gagawin. Subalit tunay ang kanyang tinuran, kinakailangan na naming lumisan. Sinamantala namin ang pagkabahala ni Dayang Iraya upang pumuslit at tunguhin ang hagdanan nitong paunang tanggapan ng balay. Ako ay nakaramdam ng bahagyang pagkagitla no'ng sandaling maitapak ko na sa malamig na lupa ang aking mga talampakan. Dagling nangunot naman ang aking noo no'ng makita ko ang kamay ni Liway na humawak sa aking mga braso at pilit akong kaladkarin palayo sa balay. Nais kong alisin ang pagkakahawak niya sa akin pagka't tunay na ito ay karimarimarim, ngunit ako'y nagpahila at hindi na nagpumiglas pa pagka't nais ko na rin ang makalayo rito sa aming balay. Mula sa mabilis na paglalakad ay nakuha na naming tumakbo ng matulin nang hindi man lamang nililingon ang balay na aming pinanggalingan. "Haleya!!! Habulin niyo siya!!!" narinig ko pang sigaw ni Dayang Iraya no'ng mapansin niyang nakalalayo na kami sa kanilang kinaroroonan. Pawang mga mandirigmang nagtatagisan ng lakas gamit ang kanilang mga kampilan (espada) ang aming aming nadaraanan. Marami na ang namamatay at nalalagas sa hanay ng aming mga mandirigma kung kaya't mas minabuti ko na lamang ang magpatuloy sa aming ginagawang pagtakbo upang lumisan. Hindi naglaon ay nakadatal na kami sa bungad ng kagubatan, ako ay pansamantalang natigilan pagka't tila wala namang mandirigma ang nakasunod sa amin. "Ano at ikaw ay nakahawak pa rin sa akin?!" singhal ko sa kasama kong si Liway, pagka't hanggang ngayon ay hindi pa rin nito inaalis ang kanyang kamay na nakahawak sa aking braso. Sa aking ginawa ay dagli niya na akong binitawan at bahagya na rin itong lumayo sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD