LIWAY
Ako ay kasalukuyang nagpapadingas ng apoy sa pamamagitan lamang ng mga nakalap kong kahoy ng kawayan, upang magsilbing tanglaw namin ng Hara sa nalalapit na pagbalot ng kadiliman sa buong kapaligiran.
Subalit hindi ko rin maiwasan ang magtapon at magbaling ng tingin sa Hara na kasalukuyang nakaupo sa isang malaking bato sa hindi kalayuan. Nababanaag sa kanyang mukha na ito ay tunay na hindi mapalagay sa kanyang kinalalagyan.
Tahimik ang buong paligid pagka't kami ngayon ay nasa loob ng kagubatan. Wala na kaming ibang pagpipilian kundi ang manatili na lamang rito pansamantala upang palipasin ang gabi, pagka't hindi na ligtas pa kung kami ay magtutuloy sa pagbaybay ng dagat. Mapalad na lamang kami na tila nailigaw namin ang mga mandirigmang inutusan ni Dayang Iraya upang kami ay sundan at dakpin.
"Kay tagal naman ng iyong ginagawa, Liway. Napakaraming maliliit na lumilipad (insekto) ang kumakagat sa akin dito!!!" narinig kong bulyaw sa akin ng Hara habang ito ay abala sa paghampas at pagbugaw ng mga kumakagat sa kanyang makinis na balat.
Nais kong makaramdam ng habag sa kasalukuyan niyang dinaranas, subalit ito ay sadyang hindi ko magawa pagka't sa aking palagay ay tila ito'y karapatdapat lamang para sa tulad niyang palalo at mapagmataas na pinuno. Kung hindi lamang dahil sa aking tungkulin bilang kanyang uripon ay hindi ko nanaising samahan pa siya rito sa kagubatan.
Ako ay napabuntong-hinga na lamang at hindi ko na lamang ito pinagtuunan pa ng pansin, sa halip ay higit ko nang pinagbuti ang pagkiskis sa mga hawak kong kawayan upang dumingas na mula rito ang mainit na apoy.
Hindi naglaon ay tuluyan na ngang nagdilim ang buong paligid, ramdam ko na rin ngayon ang malamig na simoy ng hangin ng gabi. Mabuti na lamang at nakapagdingas na ako ng apoy, dahil kung hindi ay tiyak kong ako rin ang mahihirapan. Kasalukuyan na ako ngayong nagsasalansan nitong mga malalaking dahon ng anahaw sa malamig na lupa upang magsilbing higaan ng Hara ngayong gabi.
Kinuha ko ang mga ito bago pa ako nagsimulang magdingas ng apoy kanina pagka't batid kong higit akong mahihirapan sa pagkuha ng mga ito sa sandaling magdilim na ang buong paligid. Ilang sandali pa ay lumapit at naupo ang Hara sa isang putol na kahoy ng puno sa aking harapan upang ako ay pag-usalan muli ng mga salita.
"Ako ay patutulugin mo riyan?! Tss. Hindi maaari, hindi ako makapapayag na ang isang binukot at hara na tulad ko ay mahiga na lamang diyan at magmistulang tila isang uripon!" bulyaw nito sa akin na siyang naging dahilan upang matigilan ako sa aking ginagawa at mapatungo rito.
"Mahal na Hara, kayo ay wala na hong pagpipilian. Kung nais niyong mahiga sa inyong higaan doon sa puod ay maaari niyo ho itong balikan doon. Subalit sa ganoong paraan ay maisasakatuparan naman ng inyong pinsang Dayang ang kanyang nais na pagpaslang sa inyo." mahinahon kong saad dito kung kaya't pansamantala itong nanahimik.
"Arrg! Hindi maaari ito?! Ano ba kasi ang sinasambit niyang ginawa ko sa kanyang baba. Nahihibang siya!!!" singhal nito sa kawalan dahilan upang bahagya akong mag-angat ng tingin sa kanya. Sumilay sa akin ang nababahala niyang mukha subalit bakas din dito ang labis na pagkayamot at galit.
Ngayong batid na namin na ang tunay na dahilan ni Dayang Iraya sa kanyang mga hakbangin laban sa Hara ay ang kanyang namayapang baba ay tiyak kong mahihirapan ang Hara na ito ay maunawaan. Sa kadahilanang ito ay walang ano mang nababatid ukol sa mga bagay na iyon, pagka't ang siyang lumulukob noon sa kanyang katawan ay ang aking bai na nagmula sa hinaharap. Hindi ko maiwasang mabagabag kong nararapat nga bang sambitin ko pa sa Hara ang buong katotohanan hinggil sa mga naganap noon sa kanya, o babayaan na lamang pagka't maaaring ito ay hindi niya mapaniniwalaan.
Hindi naglaon ay wala na ring nagawa pa ang Hara kundi ang tanggapin na lamang ang katotohanan na ngayong gabi ay matutulog ito sa lupang nasasapinan lamang ng mga dahon. Kasulukuyan itong nakasalampak sa mga dahon kaakap ang kanyang mga tuhod, nakapulupot din ngayon sa kanyang mga balikat ang kulay pulang balabal. Samantalang ako ay kasalukuyan namang isinasalansan ang mga hinog na bunga ng saging na aking nakuha kanina no'ng ito ay aming madaan patungo rito sa kinasasadlakan namin ngayon.
"Mahal na Hara, kayo ho ay kumaon na," saad ko sa Hara. Subalit ito ay nanatiling walang imik habang ito ay matiim na nakatitig lamang sa mga piraso ng kahoy na lumiliyab ngayon malapit sa aming harapan. Ako ay marahang napatungo at itinuon na lamang ang aking pansin sa bagay na aking ginagawa, subalit ilang sandali pa ay kagyat din akong nag-angat ng tingin sa Hara no'ng marinig ko itong mag-usal na muli ng salita.
"Nais kong mabatid, Liway. Ano nga ba ang tunay na naganap sa akin no'ng ako ay nahimlay ng mahabang panahon?" saad nito na aking ikinalunok. Hindi ko batid ang aking itutugon pagka't wala na rito ang Raha Lumad upang magbigay ng pahintulot sa akin hinggil sa mga bagay na ito.
"P-Paumanhin, mahal na Hara. Subalit ako ay walang sapat na kakayahan at pahintulot upang ito ay sambitin sa inyo. A-Ang Raha Lumad lamang po ang makapagbibigay sa akin ng gano'ng pahintulot," tugon ko sa Hara na siyang naging dahilan upang mapukulan ako nito ng masamang tingin. Kagyat naman akong nagbaba ng tingin at tumungo pagka't tiyak kong ito ay mayayamot sa akin sa sandaling matitigan ko siya ng matagal.
"Ikaw ay aking uripon! Kung kaya't nararapat lamang na sa akin mo ipagkaloob ang iyong katapatan at hindi sa Ginoong Lumad na iyon!!!" singhal sa akin ng Hara Haleya na siyang aking ikinapikit ng mariin. Pagka't kahit pa ano ang kanyang sambitin sa akin ay hindi ako maaaring magpasya nang hindi nalalaman ni Raha Lumad. Kahit batid kong nais niya nang limutin ang kaugnayan nito sa kaharap kong hara ay nakatitiyak akong mayroon pa rin itong pagpapahalaga tungkol sa mga bagay na naganap noon, no'ng narito pa ang aking Bai Haleya na nagmula sa hinaharap, ang bai at hara na kanyang tunay na inibig.
"Argg! Ikaw ay walang silbi!!!" muling bulyaw ng Hara Haleya sa akin, bago nito itapon ang mga bungang kahoy na inihanda ko para sa kanya. Ako ay nanatiling tahimik at mas pinili na lamang ang hindi siya tugunin pagka't hindi ko nais na siya ay higit na mayamot sa akin.
Hindi ko maiwasang makaramdam ng panlulumo, pagka't tila nababahiran ng kasalukuyang Hara Haleya ng hindi kanais nais na imahe ang aking Bai Haleya na nagmula sa hinaharap. Ang bai na siyang aking naging matalik na kaibigan, ang mabuti niyang kalooban ang siyang nagbuklod sa aming lahat upang siya ay lubos na mahalin.
Ako ay naalimpungatan at marahang nagmulat ng mga mata sapat lamang upang masilayan ko ang papalapit na pagdatal ng umaga. Ang buong paligid ay hindi pa ganoon kaliwanag ngunit ito ay sapat ng tanglaw upang masilayan ko nang malinaw ang mga punong kahoy na sa amin ay nakapaligid ngayon. Nalalapit na ring maubos ang mga piraso ng kahoy na aking pinagliyab kagabi, samantalang ang Hara Haleya ay nahihimbing pa rin sa kanyang pagtulog.
Nang ako ay akmang tatayo ay nakaramdam ako ng bahagyang kirot sa aking likuran. Marahil ito ay dahil sa pagkaka-idlip ko ng nakaupo, kung kaya't sandali ko itong hinipo kasabay na rin ng pag-unat ko sa aking mga balikat. Nang ako ay matapos na ay marahan akong tumayo sa aking pagkakaupo upang hindi ko magising ang Hara Haleya.
No'ng ako ay tuluyan ng nakatayo ay sinimulan ko ng tahakin ang daan patungo sa kanang bahagi ng kagubatan upang simulan ang paghahanap ko ng aming makakain ngayong agahan. Habang ako ay naglalakad ay lumilinga-linga ako sa paligid pagka't maaring makakita ako rito ng mga punong may bunga. Ako ay bahagyang nangiti pagka't unti-unti na ring nagliliwanag ang kapaligiran, marahil ay sumisikat na ngayon ang adlaw.
Ako ay magtutuloy na sana sa paglalakad no'ng kagyat akong natigilan dahil sa mga kaluskus na aking narinig. Ito ay malapit lamang sa aking kinaroroonan kung kaya't minabuti ko na lamang ang magkubli sa likod ng isang malapad at malaking puno. Ilang sandali pa ay mas lumakas ang mga kaluskos ng tuyong mga dahon na tila ba ang mga ito ay natatapakan ng kung sinong paparating. Bahagya akong sumilip sa kinaroroonan ng mga kaluskus dahilan upang matutop ko ang sariling bibig no'ng masilayan ko ang mga mandirigma ni Dayang Iraya.
Mabuti na lamang at hindi nila tinahak ang daan patungo sa aking kinakukublian at sa halip ay nagtungo ang mga ito sa ibang dako ng kakahuyan. Sinamantala ko na ito upang kagyat na lumisan nang hindi gumagawa ng ano mang ingay. Batid kong kami ang kanilang hinahanap kung kaya't nais ko nang makabalik sa kinaroroonan ng Hara upang ito ay balaan. Mula sa matulin na paglalakad ay higit na pinili ko na lamang ang tumakbo upang higit na mas mabilis akong makadatal sa kinaroroonan ng Hara.
Hindi naglaon ay nasilayan ko na ang mahal na Hara sa hindi kalayuan, ito ay hindi magkanda-ugaga sa paglakad kung kaya't ako ay dagli nang lumapit sa kanya.
"Mahal na Hara!" sigaw ko rito no'ng ako ay tuluyan ng nakadatal sa kanyang kinaroroonan. Subalit ako ay pinukulan lamang ako nito ng isang masamang titig.
"Saan ka ba nanggaling! Bakit ako ay iyong iniiwan dito?!" bulyaw nito sa akin na siyang aking ikinailing bago ako tuluyang tumungo at magwika ng, "Mahal na Hara, kinakailangan na nating lumisan pagka't narito na sila. Tayo ay kanila nang hinahanap!" sa aking mga sinambit ay bahagya akong nag-angat ng tingin sa kanya. Dahilan upang mabakas ko sa mukha ng Hara ang bahagyang pagkabigla at pangamba.
Ako ay nabahala no'ng ito ay hindi na nakapagwika pa at tila hindi na nito batid ang kanyang gagawin. Kung babayaan ko lamang ito sa ganitong kalagayan ay maaaring kami ay tuluyan ng matunton ng mga mandirigmang nais dumakip sa amin. Kung kaya't kahit batid kong ito ay hindi niya maiibigan ay kagyat ko nang hinawakan ng mahigpit ang kanyang kaliwang braso upang hilahin siya at isama sa aking pagtakbo. Siya ay madali kong nahila pagka't maging siya ay sumasabay na rin sa aking ginagawang pagtakbo.
Hindi naglaon ay nakalabas na rin kami ng tuluyan sa kagubatan na siyang naging daan upang bumungad sa amin ang malawak na buhangin at karagatan. Kagyat namang nabaling ang tingin ko sa Hara no'ng pilit niyang alisin ang aking kamay na humahawak sa kanyang braso.
"A-Anong g-ginagawa natin dito? Bumalik na tayo, h-hindi ayoko riyan!" saad nito na tila ba siya ay nakararamdam ng takot sa malawak na dagat.
"Ngunit, mahal na Hara, kung tayo ay hindi lilisan sa lugar na ito ay nakatitiyak akong tayo rin ay kanilang madadakip at mabibihag. Maaari nila kayong mapaslang!" tugon ko rito na siyang naging dahilan upang ako ay kanyang balingan ng tingin.
Sa kabila ng sakit ng damdamin na idinulot niya sa akin ay hindi ko pa rin maaatim na ito ay bayaan na lamang sa ganitong kalagayan. Kung kaya't buong lakas ko itong hinawakan muli sa kanyang braso at pilit na hinila palapit sa tubig ng dagat, subalit siya ay hindi pa rin sumasang-ayon at patuloy pa ring nagpumiglas kung kaya't ako ay lubhang nahirapan.
"Magtigil kayo! Ngayon din!!!" narinig naming sigaw na tila tinig ito ng isang mandirigma. No'ng ito ay aming balingan ng tingin ay bahagyang bumilog ang aking mga mata, pagka't sumalubong sa amin ang tatlong mandirigmang naghahanap sa amin. Kagyat akong nagbaling ng tingin sa Hara pagka't ako ay nakadarama na ng labis na pangamba.
"Mahal na Hara, pakiusap!" turan ko rito, subalit siya ay nanatiling walang imik at tanging agam-agam at pagkabahala lamang ang nababakas ko ngayon sa kanyang mukha.
"Ngunit, a-ang dagat, h-hindi ko ito nais-" siya ay natigilan sa kanyang muling pagwiwika no'ng ako ay kumilos na at kagyat siyang hilahin patungo sa kinaroroonan ng isang baroto...
Siya ay wala nang ibang nagawa kundi ang sumama sa akin, ngunit no'ng sandaling kami ay nasa harapan na ng baroto ay nag-alinlangan itong lumulan rito.
"Mahal na Hara," sambit ko no'ng mahagip ng aking paningin ang mga mandirigmang palalapit na ngayon sa amin. Ilang sandali pa ay nakahinga ako ng maluwag no'ng ang Hara Haleya ay tuluyan nang sumampa at lumulan sa baroto. Kagyat ko na itong itinulak ng itinulak hanggang sa ito ay tuluyan nang makalutang sa tubig ng dagat.
Bago ako lumulan sa baroto ay nasaksihan ko pa kung paanong tumakbo ang mga mandirigma sa aming kinaroroonan upang kami ay kanilang maabutan. Mabuti na lamang at nag-iisa lamang ang baroto rito ngayon at kami ang mapalad na nakatagpo rito.
"Magtigil ka!!!" huli kong narinig bago ako tuluyang lumulan sa baroto at kagyata itong simulan ibaybay sa dagat gamit ang sagwan nito.