Kabanata V: Ang Paglisan ng Raha

2162 Words
LUMAD "Bakit kayo'y nanlulumo? Kayo ba'y hindi naniniwala sa tinuran ng inyong hara? Ang inyong Raha Lumad ay nagkasala sa akin! Kung kaya't ipinagkakaloob lamang sa akin ng aking pinsan ang katarungang nararapat para sa akin!" singhal ng mapanlinlang na Dayang sa mga mamamayan ng puod. Tumungo ako no'ng mag-igting ang aking panga sa labis na pagkamuhi na aking nadarama. "Paumanhin sa aming iniaasal, subalit tunay na mabuti ang kalooban ng aming Raha Lumad. Kung kaya't kami ay hindi ninyo masisisi kung kami'y mag-alinlangan sa inyong mga ipinapahayag patungkol sa kanya," saad ng isang babaeng timawa, na siyang ikinaangat ng aking mukha. Nais kong matuwa pagka't ang lahat ay sang-ayon sa tinuran ng kanilang kasama, subalit ano pa ang saysay nito, kung ang sarili kong kabiyak at Hara ay hindi pinaniniwalaang ako'y hindi nagkasala. "Katahimikan!" sambit na utos ng kanilang hara, na siyang nagpatigil sa kanila sa pagsalungat at bulong-bulungan. "Kayong mga narito ay ang magsisilbing saksi sa pagpapawalang bisa ng aming ugnayan ni Lumad bilang magkabiyak. Magmula sa adlaw na ito, kami'y wala nang ugnayan sa isa't-isa at siya'y lilisan na rito, tanda na ito'y wala nang ano mang katungkulan sa puod na ito!" mariing pahayag ng Hara Haleya, na siyang nagpatungo muli sa akin at sa pagkakataong ito ay naikuyom ko na ang aking mga palad, mahigpit at tila nais kong humiyaw sa sakit na aking nadarama. Ako'y muling nag-angat ng tingin at ibinaling ito sa aking dating Hara. Siya'y hindi ko nababakasan ng kahit katiting na kalungkutan at pagsisisi sa kanyang naging pasya, kung kaya't sumidhi lamang ang aking poot at pagnanais na siya'y limutin na at iwaksi na lamang sa aking isipan. Iwaksi na minsa'y ako'y umasa na siya pa rin ang Haleya na nagmula sa hinaharap, ang Haleya na aking tunay na inibig. Naipikit ko na lamang ang aking mga mata no'ng maramdaman ko ang paghapdi nito, subalit aking pinigil ang akmang pagtangis pagka't hindi ko nais na ipamalas ito sa mga mamamayan ng puod at higit na hindi ko ibig na masaksihan ito ng kanilang hara na siyang kinasusuklaman ko. Naimulat ko ang aking mga mata no'ng maramdaman ko ang pagpatak ng ilang tubig ulan na nagmumula sa kalangitan, tumingala ako sa dumidilim na ulap upang malugod na tanggapin ang tubig nito. Mula sa kaunting pagpatak ay nagsunod-sunod na ito, hanggang sa tuluyan nang lumakas at bumagsak ang tubig ulan. Ang lahat ay humanap na ng kanilang masisilungan, subalit ako'y nanatili sa ilalim ng malakas na ulan. Iwinaksi ko sa aking ulo ang bulawang putong at ito'y ibinagsak ko sa sahig, bago ako tuluyang lumakad at bumaba sa paunang tanggapan nitong balay. Daghang salamat sa malakas na buhos ng ulan pagka't tila ako'y kanyang sinaklolohan upang aking maikubli sa lahat ang aking marubdob na pighati at pagtangis. Ako'y nagpatuloy sa paglalakad upang tahakin ang daan palabas ng puod, naririnig ko ang ilang mga pagtangis mula sa mga mamamayan nito. Subalit ako'y hindi na muli pang nagbaling ng tingin sa kanila pagka't mamamalas ko lamang ang kanilang labis na kalungkutan sa aking gagawing paglisan. "Paumanhin, subalit ako'y nakapagpasya na. Nais ko na lamang lumayo upang malimutan ko ang pighati't kasawian na aking naranasan dito," tanging nausal ko sa aking sarili, bago ko tuluyang tahakin ang daan palabas ng puod. Hindi naglaon at ako'y nakadatal din sa loob nitong kagubatan, kung saan ang mga dahon at sanga ng naglalakihang puno ay nagsilbing pananggalang ko mula sa malakas na buhos ng ulan. Pinahid ko ang aking mga luha at pilit na iwinaksi sa aking puso ang sakit na aking nadarama. Hindi ko nais humina ang aking kalooban sa aking paglisan sa lugar na ito, taas noo akong lilisan at hindi iindahin ang ano pa mang pasakit na idinulot sa akin ng puod na ito. "G-Ginoo!" Ako'y natigilan sa muling paghakbang no'ng isang tinig mula sa aking likuran ang aking narinig. Ito'y aking binalingan ng pansin, ngunit akin lamang namalas ang mapait nitong ngiti bago ito tuluyang lumapit sa aking kinatatayuan. "G-Ginoo, saan ka tutungo? Tunay nga bang ika'y lilisan na sa ating puod?" tanong ni Liway, na siyang marahan ko lamang na ikinatango. "Ako'y nakapagpasya na, Liway. Kung kaya't ako'y bayaan mo na lamang," tugon ko rito, dahilan upang ito'y tumungo. Nagpipigil ito ng kanyang mga luha kung kaya't ako'y humawak sa kanyang mga balikat, dahilan upang siya'y mag-angat ng tingin sa akin. "Huwag kang mabahala, Liway. Pagka't akin nang natanto na hindi na muli pang magbabalik si Haleya. Siya'y tahimik nang namumuhay sa kanyang tunay na panahon sa hinaharap, kung kaya't iyon na rin ang aking gagawin. Siya'y lilimutin ko na, kaakibat ng aking paglimot sa naging ugnayan ko sa inyong kasalukuyang Hara." Hindi na napigil pa ni Liway ang paglandas ng kanyang mga luha dahil sa aking mga tinuran. Marahan itong tumango, kung kaya't iwinaksi ko na ang aking mga kamay sa kanyang mga balikat. Ako'y napangiti nang mapait bago ako tuluyang tumalikod sa kanya upang muling tahakin ang daan dito sa loob ng kagubatan. Hindi naglaon ay tumila na rin ang ulan at ako'y tuluyan nang nakalabas mula rito sa kagubatan. Muli akong nangiti nang mapait no'ng bumungad sa akin ang malawak na baybayin. Ang simoy ng hangin mula rito ay tila humahalina sa akin upang maglakbay rito. Tinahak ko ang puting buhangin upang makalapit sa tubig ng dagat, hindi naglaon ay namalas ko ang isang timawa na sumasagwan sakay ng kanyang baroto (bangka) at ito'y papalapit sa akin. Hinintay ko itong makadaong, at no'ng siya'y makalisan na mula sa kanyang baroto ay agad ko itong nilapitan. No'ng sandaling makilala niya ako'y agad itong yumukod sa akin. "Paumanhin, subalit, maaari mo bang ibaligya (ipagbili) sa akin ang iyong baroto?" bungad kong tanong dito, kinuha ko rin ang isang maliit na tela na siyang pinagsisidlan ko ng ilang bulawan. "Ito ang aking kabayaran." Iniabot ko sa kanya ang ilang piraso ng bulawan, siya'y tila nag-alinlangan, subalit hindi rin naglaon ay tinanggap na rin niya ang aking alok na bulawan. Yumukod muli ito sa akin sa pag-aakalang ako pa rin ang tumatayong Raha ng puod. Tinanguan ko na lamang siya bago ito tuluyang lumisan at ipaubaya sa akin ang kanyang baroto. Sinimulan ko na lamang itulak ang baroto sa tubig, at no'ng sa tingin ko'y wasto na ito upang sakyan at isagwan sa dagat ay kagyat na rin akong lumulan dito. Nagpatuloy na ako sa pagsagwan upang umusad ang barotong aking kinalululanan, napatingala ako sa kalangitan no'ng mapansin ko ang isang makulay na bahaghari. Napabuntong-hininga na lamang ako at higit pang pinagbuti ang pagsasagwan upang ako'y mabilis nang makalayo. Papalubog na ang araw no'ng ako'y tuluyang makadatal sa pulo na aking pinagmulan. Ang pulo kung nasaan ang aming banwa at ang aming munting mamamayan. Idinaong ko ang kinalululanan kong baroto at no'ng ito'y tuluyang sumadsad sa buhangin ay lumisan na rin ako rito. Ako'y muling napabuntong-hininga, pagka't hindi ko nais ang magpamalas ng anumang lungkot at panlulumo sa aking baba (ama) at ilang mga kabanwa na maaaring makatagpo sa akin.Tinahak ko ang daan papasok sa gubat, pagka't sa dulo lamang nito ay naroon na ang aming banwa. Malapit nang dumilim ang paligid kung kaya't ako'y nagtulin na lamang sa aking paglalakad. Hindi naglaon ay nakalabas na rin ako sa kagubatan, dahilan upang bumungad sa akin ang mga sulo na tumatanglaw sa paunang tanggulan ng aming banwa. Nagpatuloy ako roon at sumalubong sa akin ang ilang mga mandirigma ng aming puod, no'ng ako'y kanilang makilala ay dagli silang yumukod sa akin bilang pagbibigay galang at malugod na ring pagsalubong sa aking pagdatal. "Raha Lumad, kami'y natutuwa sa pagka't kayo ay muling sumadya rito sa ating banwa. Subalit, kayo lamang ba ngayon ang narito?" tanong ng isang mandirigma, subalit siya'y tinanguan ko lamang bilang tugon sa kanyang katanungan. "Paumanhin sa inyo, subalit, nais ko nang magpahinga," usal ko, na kanila namang tinanguan. Matapos no'n ay ako'y tuluyan na ring lumisan sa kanilang harapan, akin pang namalas ang muli nilang pagyukod sa akin bago ako tuluyang makalampas sa kanila. Nagpatuloy na ako sa pagpasok sa aming banwa na natatanglawan na ngayon ng maraming sulo. Mayroong ilang mamamayan pa ang nasa labas ng kanilang mga balay kung kaya't ako'y kanilang sinalubong at binati. "Ang Raha Lumad, narito!" "Maayong gabii, mahal na Raha," "Maayong gabii rin sa inyo," tugon ko sa kanilang pagbati. No'ng makalampas ako sa kanila ay natunton ko na rin ang aming balay. Sumalubong sa akin ang duhang mandirigma na nagbabantay sa labas nito at yumukod ang mga ito sa akin. Tumungo na lamang ako, bago ko tuluyang tinahak ang hagdan sa aming balay. No'ng ako'y makapasok sa loob ay bumungad sa akin ang aking baba na kasalukuyang kumakain ng kanyang hapunan. "Lumad?" usal nito sa aking ngalan, kung kaya't ako'y ngumiti na lamang bilang pagbati sa kanya. Agad siyang tumayo mula sa pagkakaupo at malugod akong niyakap. No'ng siya'y kumalas sa pagkakayakap ay agad ako nitong inanyayahan sa kanyang hapunan. "Halika't tayo'y maghapunan na, ikaw lamang ba ang narito? Bakit tila daglian ang iyong pagsadya? Paano ang puod na iyong pinamumunuan?" Sumalampak ako sa sahig sa tabi ng aking baba, napatungo na lamang ako sa kanyang mga katanungan at nagwikang, "Baba, nilisan ko na ang puod na iyon pagka't ako'y hindi na isang Raha," tugon ko sa aking baba, dahilan upang manahimik ito. Naramdaman ko ang kamay niyang tumapik sa aking balikat bago ito nagwika, "Ano man ang iyong suliranin aking anak ay narito lamang ako upang ikaw ay damayan," sambit nito, na siyang ikinaangat ng aking tingin sa kanya. "Daghang salamat, baba." Tanging pagtango at pagngiti lamang ang itinugon sa akin ng aking baba, bago kami tuluyang magsimula sa pagkain. Habang aming pinagsasaluhan ang mga pagkain ngayon sa hapunan ay sinamantala ko na rin iyon upang isalaysay sa aking baba ang mga tunay na naganap sa akin. Ang mga dahilan kung bakit ako'y lumisan sa puod at kung bakit ako'y wala nang ugnayan sa Hara. Ipinabatid ko rin sa aking baba ang aking layuning limutin ang mga kaganapan sa puod na iyon at limutin ang naging kaugnayan ko sa Hara na namumuno roon. Mapalad ako at ako'y nauunawaan ng aking baba, at ako'y nais niyang saklolohan at damayan. No'ng sandaling kami ay matapos na sa aming hapunan ay iminungkahi na ng aking baba na ako'y magpahinga na lamang. Pagka't batid niyang ako'y nahapo sa aking pagbaybay sa dagat, na siya namang tunay, pagka't kumikirot na ang aking mga balikat at braso sa aking ginawang maghapung pagsasagwan sa dagat. "Narito na ho ang inyong mga kasuotan," saad ng isang uripon, no'ng ito ay dumatal sa aking silid tangan ang aking mga kausotan. "Salamat," tugon ko, ito'y yumukod naman sa akin bago iniabot ang aking mga kasuotan. No'ng kinuha ko ang mga ito ay dagli na rin siyang nagpalaam upang lumisan. Nais kong maligo sa malapit na batis kung kaya't ako'y humingi ng bagong kasuotan, subalit nakadarama ako ng pagod at pagkaantok, kung kaya't higit na pinili ko na lamang ang mahiga sa aking higaan at magpasyang umidlip na lamang. Ako'y naalimpungatan at marahang nagmulat no'ng matanto kong umaga na. Bumangon ako at kinuha ang aking kasuotan upang magtungo sa kinaroroonan ng malapit na batis. Tinahak ko ang palabas ng aming balay at nakasalubong ko ang ilang mga timawa na naghahanda na ng kanilang mga pagkaing agahan sa umaga. Hindi pa ganoon kaliwanag ang paligid pagka't hindi pa tuluyang sumisikat ang adlaw. Nagpatuloy na ako sa pagtungo sa batis, hanggang sa madatal ko na ang mabatong bahagi ng daan, tanda na ako'y malapit na sa kinaroroonan ng batis. No'ng ako'y tuluyan nang makadatal sa batis ay agad ko nang ipinatong ang aking mga kasuotan sa isang malaking bato, bago pa ako tuluyang lumusong sa malamig na tubig nitong batis. Ang lamig ng tubig ay tila gumigising sa aking katawan at diwa ngayong umaga. Bago pa tuluyang sumikat ang adlaw ay natapos na ako sa aking paliligo. Isinuot ko na rin ang mga bago kong kasuotan at pagkatapos ay tinahak ko na rin ang daan pabalik sa aming balay. Sa aking pagbabalik ay sumalubong na sa akin ang maraming mamamayan na abala na sa paghahanda ng kanilang mga gagawin ngayong adlaw. No'ng makadatal ako sa aming balay ay inanyayahan na ako ng aking baba upang kumain ng agahan. Kasalukuyan na kaming kumakain no'ng magwika ang aking baba, "Lumad, ngayong ika'y naririto na, ibig ko sanang ika'y humalili na sa akin bilang bagong Datu ng ating banwa." Ako'y natigilan at napalunok sa kanyang mga tinuran, subalit ako ay dagli ring tumugon sa kanya. "Ngunit, baba. Hindi ba't tila kay bilis naman ng inyong pagpapasya." Ngumiti lamang ang aking baba, bago ito muling nagwika, "Lumad, aking anak, batid mong ako'y matanda na upang pasanin pa ang tungkulin na ito sa ating banwa. Kung kaya't ikaw, bilang aking nag-iisang anak ang hahalili sa aking iiwang tungkulin." Ako'y napabuntong-hininga na lamang, pagka't tunay ang mga tinuran ng aking baba. Marahil ay makabubuti na rin ito, upang tuluyan ko nang malimot na ako'y minsang naging Raha.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD