Kabanata IV: Ang Pagwaksi ng Balakid

2172 Words
LIWAY Maligamgam ang tubig na kasalukuyan kong ipinanglilinis nang banayad sa mga paa ng mahal na Hara. Subalit hindi ko maiwasan ang magpasulyap-sulyap sa Hara Haleya nang madalas pagka't ako'y tunay na nahihiwagaan sa kanyang mga ikinikilos ngayon. Matiim itong nakatitig sa labas ng maliit na durungawan (bintana) dito sa silid at tila kay lalim ng kanyang iniisip. Ako'y lubhang naninibago, pagka't hindi ko naririnig ang kanyang maaanghang na pambubulyaw sa akin, at bagkus ay wala itong kibo at tunay na napakatahimik. Ibinaling ko na lamang ang aking paningin sa aking ginagawa upang ako'y matapos na. No'ng sandaling matapos ko na ang paglilinis sa kanyang talampakan ay tumayo na ako upang magpaalam. "Aking hara, ako'y lilisan na," saad ko, subalit hindi man lamang ito natinag sa pagtitig sa kawalan at tanging pagtango lamang ang kanyang naitugon sa akin. Sa pagkakataong ito ay nakaramdam ako ng agam-agam sa aking dibdib, pagka't tunay ngang may hindi magandang nagaganap sa aming hara. Tila ito'y nilulukoban ng kung ano'ng kahiwagaan at siya'y wala sa kanyang sarili. Napatungo na lamang ako bago ko tuluyang tahakin ang daan palabas ng silid, no'ng ako'y tuluyan nang makalisan ay nagkukumahog akong maapuhap (mahanap) ang mahal na Raha. "Kinakailangang mabatid ng Raha Lumad ang mga nagaganap ngayon sa aming hara." Nagkukumahog kong tinahak ang daan patungo sa kinaroroonan ng bulwagan, sa pag-asang siya'y agad kong matatagpuan doon. No'ng ako'y tuluyan nang makarating doon ay bumungad nga sa akin ang Raha Lumad, subalit bahagyang nangunot ang aking noo pagka't kaagapay nito ang pinsan ng Hara na si Dayang Iraya. Namalas kong sila'y kapwa lumalagok ng pangasi, (alak) at sa kasalukuyang itsura ng Raha ay tila naparami na ito ng paglagok sa pangasi. Lubha na ang pamumula ng kanyang mukha at siya'y tila dinadalaw na rin ng antok, kung kaya't ako ay hindi na lamang nag-atubili at sila ay kagyat ko nang tinungo upang sana'y sawatain (pigilin) na ang kanilang paglalango sa pangasi. "Mahal na Raha, paumanhin sa aking paggambala. Subalit ipinagbilin ng mahal na Hara na sambitin sa inyong kayo'y kanyang ipinatatawag na upang mamahinga na sa inyong silid." Paghahabi ko ng kasinungalingan, upang pukawin ang kanilang pansin at ako ay hindi naman nabigo. Subalit ang Dayang ay ngumisi lamang sa akin at ito ay marahan pang napailing. "Ika'y huwag nang mabahala, uripon. Ako na ang siyang bahala sa inyong mahal na Raha, kung kaya't makalilisan kana." Muli itong ngumisi sa akin, nais ko mang tumutol ay hindi ko iyon maaaring gawin pagka't ako'y isang hamak na uripon lamang. Tumango na lamang ako rito bilang tugon, lumayo ako sa kanila ngunit ako'y hindi tuluyang lumisan, bagkus ay nagtago lamang ako sa likod ng isang haligi. Ako'y patuloy pa ring nagmasid sa mga nagaganap sa kanila, hanggang sa lumuwag ang aking paghinga no'ng masilayan kong tumayo na ang Raha Lumad sa tangka nitong paglisan. Subalit ako'y natigilan no'ng kagyat din tumayo ang Dayang at pilit niyapos sa leeg at batok ang mahal na Raha. Ako'y nakaramdam ng pagkayamot pagka't hindi maaari ang kanyang nais gawin sa aming raha, ako'y hindi makapapayag na maging pagmamay-ari ito ng iba maliban sa aming hara. Nanlaki ang aking mga mata no'ng mapansin kong nais hagkan ni Dayang Iraya ang mahal na Raha, kung kaya't akin na lamang nilakasan ang aking loob upang sana'y sawatain ito sa kanyang ninanais gawin. Subalit no'ng sandaling ako'y tutungo na sa kanilang kinatatayuan ay kagyat akong natigilan, pagka't nasilayan ko ang Hara Haleya na lumampas at dumaan sa aking harapan patungo sa kinaroroonan ng duha. No'ng sandaling masilayan ni Dayang Iraya ang pagdatal ni Hara Haleya ay hindi na nito itinuloy pa ang balak nitong paghagkan kay Raha Lumad. Ngunit ako'y nagulumihanan no'ng mapansin kong ngumisi lamang ang Dayang, samantalang ang Hara ay wala man lamang kibo. Ilang sandali pa ay muli akong natigilan no'ng masaksihan kong kagyat na itaboy ni Dayang Iraya si Raha Lumad, na naging dahilan ng pagkabuwal nito at pagkasalampak sa sahig. "A-Aking pinsan! Ang iyong bana ay nais akong pagsamantalahan!" sambit na paratang ng dayang, habang siya'y tumatangis. Kamuntik naman akong mabuwal mula sa aking pagkakatayo dahil sa kanyang hinahabing kasinungalingan. Ang Raha Lumad ay kagyat na nangunot ang noo habang pupungay-pungay ang mga mata, nais niyang tumayo subalit siya'y lubhang nalango sa pangasi kung kaya't muli itong nasalampak sa sahig. Ang Hara Haleya ay kagyat namang lumapit sa kanyang pinsan upang ito'y aluhin at ikandili, ako'y napailing na lamang pagka't ito'y hindi na nakapagtataka. Hindi nais ng aming hara si Raha Lumad at ito'y mariing tumututol sa kanilang pagiging magkabiyak, kung kaya't marahil ay ito ang kanyang naisip na paraan upang maiwaksi sa kanyang buhay at landas ang mahal na Raha. "H-Hindi tunay a-ang k-kanyang tinuran, aking hara, h-huwag kang maniniwala!" dagling usal ng Raha, na kasalukuyang pilit na nilalabanan ang pagkakalango nito sa pangasi. Muli itong nagtangka upang tumayo kung kaya't ako'y hindi na nagduhang-isip pang lumapit sa kanya upang siya'y alalayan sa kanyang pagtayo. No'ng tuluyan nang makatayo ang Raha ay kapwa kami nagbaling ng tingin sa Hara at sa pinsan nitong Dayang. Napatungo na lamang ako bago ako nag-usal ng, "Tunay ang mga sinambit ng Raha Lumad, aking hara. Nasaksihan kong lahat ang mga naganap at tunay na hindi magagawa ng mahal na Raha ang ipinararatang ni Dayang Iraya sa kanya." Subalit ako ay kagyat din akong napasulyap sa Dayang no'ng ito ay marinig kong mag-usal din ng salita. "Higit mo pa bang paniniwalaan ang isang hamak na uripon, kaysa sa akin na iyong kadugo? Aking pinsan?" Nalunok ko na lamang ang aking sariling laway no'ng masalubong ko ang matatalim na titig sa akin ng Hara Haleya. Tanda na kami'y hindi niya papanigan pagka't higit nitong paniniwalaan ang hinabing kasinungalingan ng kanyang pinsan. "Huwag kang mabahala, aking pinsan, pagka't sa inyong duha ng uripon na ito ay higit na ikaw ang siyang aking paniniwalaan." Ako'y nagbaba na lamang ng tingin pagka't tila nagpanting ang aking mga tenga sa lahat ng aking narinig mula sa hara. Nais kong tumangis pagka't lubhang nasaktan ang aking damdamin, subalit pilit ko na lamang isiniksik sa aking isip na, "Ang Hara na siyang aming kasalukuyang kaharap ay ang tunay na Haleya, at hindi ang Bai Haleya na mayroong mabuting kalooban. Kung kaya't hindi mo kailangan magdamdam, pagka't hindi siya ang Bai na iyong kaibigan, lagi mong pakatandaan iyan, Liway." Nabaling muli ang aking pansin sa aming hara no'ng ito'y muling magwika, "Raha Lumad, dahil sa iyong kalapastanganan at pagtataksil sa akin ay ikaw ay tatanggap ng parusang kamatayan! Subalit, kung iyong isusuko ang iyong pagiging Raha sa puod na ito, at sa sandaling mapawalang bisa ang ating ugnayan bilang magkabiyak ay hindi ka na tatanggap pa ng kaparusahan sa iyong pagkakasala." Hindi mabakasan ng kahit na katiting na bahid ng pangamba at awa ang mahal na Hara, samatalang ang kanyang pinsang dayang ay hindi na magawa pang ikubli ang ngiti sa kanyang mga labi. "H-Hindi, aking hara, h-hindi mo ito m-maaaring gawin sa akin. Ako ay hindi nagkasala," kagyat na turan ng Raha Lumad, no'ng kanyang inalis ang isang braso niyang nakaakbay sa akin upang malapitan ang kanyang hara. Ang aking mga mata'y tuluyan nang humapdi at hindi na rin napigilan pa ang tumangis. Ako'y labis na nalulungkot at nanlulumo sa ginagawang pagluhod ngayon ng Raha Lumad sa harapan ng kanyang hara. Humihiling na siya'y paniwalaan, subalit ang Hara Haleya ay hindi siya pinakikinggan, bagkus ay pinili pa nito ang sumama sa kanyang pinsan no'ng anyayahan na siya nitong lumisan. Ako ay lubos na nagdamdam no'ng marinig ko ang pagtangis ng Raha Lumad, bakas dito ang sakit at lungkot na kanyang nadarama. Napaluhod na lamang ako tulad niya upang siya'y damayan sa natamong pighati at kalungkutan. Sumapit na ang umaga at ako'y kasalukuyan nang nagsasalin ng mainit na tsaa sa inuming sisidlan na yari sa kawayan. No'ng matapos ako sa tsaa ay isinunod ko naman ang pagsalansan sa mga inilagang bunga ng saging at kamoteng kahoy sa isang maliit at patag na bandeha. No'ng maihanda ko na ang kabuuan ng mga pagkain ay kagyat na akong kumilos upang dalhin ito sa silid kung nasaan si Raha Lumad. Habang ako'y patungo sa silid na iyon ay nadaanan ko pa ang Hara Haleya na kasalo sa kanyang agahan ang pinsan nitong Dayang. Napatungo na lamang ako no'ng bigyang ngisi ako ni Dayang Iraya, hindi ko na lamang iyon pinagtuunan pa ng pansin at ako'y nagpatuloy na lamang sa pagtungo sa silid ng mahal na Raha. Hindi ko batid kung ano ang tunay na layunin ni Dayang Iraya sa kanyang ginawang pagsisinungaling at maling pagpaparatang. Subalit, kung ano man iyon ay nakatitiyak akong napagkasunduan nila ito ng mahal na Hara, sa kadahilanang hindi nito naiibigan ang ugnayan nilang duha ni Raha Lumad. Marahil ay tunay nilang pinagkaisahan ang mahal na Raha upang siya'y mapalisan sa puod na ito. Ako ay natigil sa harapan ng isang silid at pakatapos ay ako'y tuluyan na ring pumasok sa loob nito. No'ng ako'y tuluyan nang makapasok ay aking nadatnan ang Raha Lumad na nakasalampak lamang sa sahig at tila kay lalim ng kanyang iniisip. Umupo na lamang ako upang mailapag sa sahig ang aking mga tangan na pagkain, inilapit ko ito sa kanyang harapan upang ito'y kanyang mapansin. "Mahal na Raha, ito na ho ang inyong agahan," sambit ko, subalit ito'y hindi man lamang kumibo at nagbaling ng tingin sa akin. Ako ay napabuntong-hininga na lamang bago pa ako tuluyang tumayo upang lumisan, subalit ako'y natigilan sa tangkang paglisan no'ng ito'y mag-usal ng salita. "Magmula sa adlaw na ito'y kalilimutan ko na ang anumang naging ugnayan namin ng binukot na iyon." Nag-angat ito ng tingin sa akin at ako'y nakaramdam ng agam-agam no'ng aking mabakas ang poot sa kanyang mga mata. "Ang Haleya na siyang aking tunay na inibig ay hindi na muli pang magbabalik. Kung kaya't wala ng dahilan upang manatili pa ang ugnayan namin ng mapagmataas na Hara. Pagka't kahit kailan ay hindi ko magagawang ibigin ang isang tulad niyang walang puso at hindi makatarungan." Inilihis niya ang kanyang tingin at muli itong nagbalik sa malalim na pag-iisip. Nais kong matuwa sa kanyang naging pasya, pagka't sa ngayon ay ito ang siyang pinakamainam na gagawin niya. Subalit gayunpama'y ako'y nangangamba, pagka't siya'y maaaring masadlak sa labis na pighati hanggang sa lamunin na lamang siya ng kanyang poot at hindi na muling makaahon pa. IRAYA Kaagapay ko ngayon ang aking pinsan sa pagtahak ng daan patungo sa labas ng balay, pagka't aming sasalubungin ang mga mamamayan ng puod na tinipon upang dumalo sa magaganap na pagpupulong. Hindi ko mapigilan ang mapangiti pagka't tila ako'y lumulutang sa labis na kasiyahan. Aking sinulyapan si Haleya at ito'y tila isang inutil na hindi man lamang kumikibo pagka't tila ito ay wala rin sa kanyang wastong kaisipan. Napansin kong nakatitig sa akin ang kanyang uripon kung kaya't ito'y ginawaran ko na lamang ng isang mapagmataas na ngisi. Isang hamak na uripon lamang siya, subalit kay lakas ng loob niyang sumalo sa aming usapan kagabi, pasalamat siya at hindi ko ibig pang aksayahin ang aking panahon sa mga tulad niyang hangal. Hindi naglaon at kami ay tuluyan na ring nakalabas mula sa loob ng balay, dahilan upang dagli na ring bumungad sa amin ang lahat ng mamamayan nitong puod. Maging ang bana ng aking pinsan na si Raha Lumad ay narito na rin. Ito'y hindi mabakasan ng anumang damdamin, subalit gayunpaman ay napakakisig pa rin nito. Tunay akong naakit sa kanya kagabi, subalit, batid kong magiging sagabal lamang siya sa lahat ng aking adhikain kung kaya't mas mainam na siya'y mawala na lamang. Ibinaling ko na lamang ang aking paningin kay Haleya na ngayon ay nakatitig na rin sa akin, batid kong naghihintay lamang ito ng aking hudyat kung kaya't ako'y marahan nang tumango sa kanya, tanda ng aking pahintulot sa kanyang pagsisimula. "Kayong lahat ay aking itinipon sa adlaw na ito pagka't ako'y mayroong nais ipabatid sa inyo," paunang saad ni Haleya para sa lahat ng taong narito sa aming harapan. "At ito ay hinggil sa pagbibitiw ni Lumad sa kanyang tungkulin bilang inyong mahal na Raha," dagdag na turan ni Haleya, na siyang aking unti-unting ikinangiti. Ang mga mamamayan ay dagling nagbulungan at bakas sa kanilang mga itsura ang labis na pagtataka. Nabaling ang aming pansin sa isang matandang maharlika no'ng ito'y kagyat na magwika, "Subalit, ano ang siyang dahilan ng iyong pagbibitiw sa iyong tungkulin, Raha Lumad?" Napasulyap ang lahat sa kanilang raha, na kasalukuyang nakatungo lamang at tila walang balak tumugon sa inihaing katanungan sa kanya. "Ang inyong Raha Lumad ay nagtaksil sa akin, pagka't kanyang tinangkang pagsamantalahan ang aking pinsan na si Dayang Iraya. Kung kaya't upang siya'y makaiwas sa kaparusahang igagawad sa kanya ay kinakailangan niyang sumunod sa aming kasunduan. Ito ay walang iba kundi ang pagbibitiw niya sa kanyang tungkulin bilang Raha ng ating puod," mahabang saad ni Haleya, na siyang naging dahilan upang manlumo ang lahat ng mamamayan nitong puod. Tila hindi nila mapaniwalaan ang mga tinuran ng kanilang hara kung kaya't ang ngiti sa aking mga labi ay unti-unting naiwaksi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD