Kabanta III: Ang Bisa ng Gayuma

2039 Words
LIWAY Nababanaag sa mga mata ng Raha Lumad ang labis na pag-aalala para sa kanyang hara, na kasalukuyan pa ring nakahimlay pagka't hindi pa nagbabalik ang kanyang ulirat. "Ito na ang ikaduhang adlaw (ikalawang araw) na hindi pa nagkakamalay ang aking hara. Labis na ang aking pagkabahala, Liway," usal ng Raha sa akin, at pagkatapos ay kanyang hinawakan at hinagkan ang mga kamay ng aming hara. Aking nadarama ang lungkot at pighati na siyang nadarama ngayon ng Raha Lumad sa mga kaganapan, at ito'y tunay na nakapanlulumo. Saksi ako sa kanyang mahabang paghihintay noon sa muling paggising ng kanyang mahal na hara, sa pag-asang muli pang magbabalik ang Bai Haleya na nagmula sa hinaharap. Subalit, sa kasawiang palad ay hindi na ito muli pang nagbalik. Kung kaya't hindi na maiwawaksi pa sa Raha ang mangamba, na muli nanaman siyang maghihintay ng mahabang panahon sa paggising ng aming tunay na Hara, tulad na lamang ng paghihintay niya noon sa pagbabalik ng Bai sa hinaharap. Ang aking pansin ay kagyat na nabaling sa aming hara no'ng ito ay marahang kumilos. Pahiwatig lamang na siya ay magkakaroon na ng malay kung kaya't kagyat akong lumapit sa kanilang kinaroroonan, nang sa gayon ay kapwa na kami ngayon ng Raha Lumad na sasalubong sa kanyang muling pagmulat. Hindi naglaon ay tuluyan nang nagmulat ang aming hara, subalit bakas sa kanyang mukha ang labis na pagtataka. Marahan itong bumangon kung kaya't kagyat siyang inalalayan ng Raha Lumad. Akin nang inaasahan na siya'y muling mayayamot sa amin at kami'y kanyang uusisaing muli hinggil sa tunay na naganap sa kanya noon. Subalit ako ay lubusang nagulumihanan no'ng ito'y hindi man lamang kumibo o nayamot sa amin, bagkus ay hinandugan pa kami nito ng isang matamis na ngiti bago ito mag-usal ng salita. "Saan naroon ang ating panauhin?" tanong nito sa amin at ang pinatutukuyan ay ang kanyang pinsan na si Dayang Iraya. Hindi na lingid sa aking kabatiran na siya'y walang anumang nababatid hinggil sa kanyang pinsan, kung kaya't ako ay hindi na nagtataka na hindi rin niya batid ang naging tunggalian nila noon sa balay ng kanyang amain na si Datu Saram. Noong mga panahong nananahan pa sa kanyang katawan ang dungan (kaluluwa) ni Shai. "Ang iyong pinsan ay kasalukuyang naroon sa kanyang silid kung kaya't ika'y huwag nang mabahala, aking Hara," tugon ni Raha Lumad, na siyang naging daan upang siya'y balingan ng tingin ng aming hara. Nangunot ang aking noo no'ng masaksihan ko kung paano magpalitan ng tingin ang duha, tunay na kaiba ang ikinikilos ng aming hara. "Maaari bang ako'y inyong paraanin, pagka't nais kong tunguhin ang kinaroroonan ng aking panauhin," saad ng Hara Haleya sa amin, kung kaya't dagling napasulyap sa akin si Raha Lumad na bakas sa kanyang mukha ang paninibago sa paraan ng pakikitungo at pagkilos ng aming hara. Maging ako ay lubos na rin na nagugulumihanan at nahihiwagaan sa iniaasal nito sa amin. "Maaari ba?" tanong ng Hara, kung kaya't kami ay dagli na lamang kumilos upang tumabi at nang siya'y mabigyan namin ng daan. Kagyat na rin itong tumayo upang magsimulang tahakin ang daan palabas ng silid. No'ng tuluyan na itong makalabas ng silid ay sinamantala ko nang balingan ng tingin si Raha Lumad. "Tila mayroong hindi pangkaraniwan sa ikinikilos ng ating mahal na Hara, pagka't siya ay hindi nagwika o nagtanong man lamang hinggil sa mga nais niyang mabatid sa tunay na naganap sa kanya noon," turan ko, na marahan lamang na tinanguan ng Raha, bago ito nagwikang, "Tunay ang iyong mga tinuran, Liway. Subalit gayunpaman ay ako'y nasisiyahan pagka't ito ay maaaring magdulot ng kabutihan at kaayusan sa ating lahat." Humarap sa akin ang Raha nang may ngiti sa kanyang mga labi, pagka't hindi na nito maikubli ang tuwa na kanyang nadarama. Yumukod na lamang ako no'ng siya'y dumaan sa aking harapan upang lisanin ang silid. Nais kong maging masaya para sa kanya, subalit hindi pa rin mawaksi sa aking isip ang pagtataka at aking agam-agam hinggil sa dagliang pagbabago ng ugali at kilos ng aming hara. Batid ko kung gaano siya kasigasig sa tuwing siya'y may nais, ito'y hindi masasawata (mapipigilan) hangga't hindi niya napagtatagumpayan at nakakamit ang kanyang ninanais. Subalit ngayon ay hindi gano'n ang siyang nagaganap, sa halip ay ito'y kanyang nalimutan at tila ito'y naiwaksi na sa kanyang isipan. Tunay nga ba ang kagandahan ng loob na ipinakita niya sa amin, ang kanyang pakikitungo sa amin kanina ay tunay na kaiba sa kanyang tunay na pag-uugali at pagkilos. Kagyat akong natigilan no'ng mapagtanto ko ang isang bagay na nagdulot sa akin ng kaunting lamig na pakiramdam sa katawan. "Hindi kaya'y nagbalik nang muli ang aking Bai Haleya mula sa kanyang pinagmulang hinaharap?" tanging saad ko sa aking isipan, na naging dahilan ng kagyat na pagtulin ng pintig ng aking puso. Subalit, gayunpaman ay higit pa ring namayani sa aking kalooban ang huwag na lamang umasa, pagka't hindi ko nanaising pahirapan pa ang aking sarili sa pag-asang magbabalik pa ang aking mahal na Bai. IRAYA Mataman kong pinagmamasdan ang aking sarili sa harapan ng isang salamin, pagka't ang aking buhok ay kasalukuyang pinapalamutian ng isang uripon gamit ang mga bulawang (gintong) hugis bulaklak. No'ng sandaling matapos ito ay kaagad-agad na rin itong nagpaalam upang lumisan sa aking silid. Pagkalisan ng uripon ay tiniyak ko munang wala ng iba pang tao rito sa loob at labas ng aking silid, bago ako muling magbalik sa harapan ng salamin. Pinagmasdan kong muli ang aking sariling imahe sa salamin, subalit hindi naglaon ay unti-unti na rin itong naglaho at napalitan ng ibang imahe. Siya'y sinalubong ko ng matamis na ngiti kung kaya't siya'y napangisi sa akin. "Dumatal (dumating) na ang takdang adlaw ng pamamayani ng bisa ng gayuma sa kanyang katawan kung kaya't ika'y maghanda. Pagka't tiyak kong magbabago na ang kanyang pakikitungo sa iyo, at mula sa adlaw na ito, siya'y magiging sunod-sunuran na lamang sa lahat ng iyong nais ipag-utos sa kanya!" ang mahabang turan ng imaheng aking kaharap, kalakip ang kanyang malakas na halakhak. Bakas sa kanyang halakhak ang labis na galak pagka't kami ay nagtagumpay sa aming unang hakbangin. "Daghang salamat sa iyo, dahil sa iyong tulong ay maipaghihiganti ko na rin sa wakas ang aking baba, na siyang napaslang nang dahil sa kanya." Napangisi ako sa aking mga tinuran at gano'n din ang aking kausap. Subalit kagyat din itong naglaho no'ng makarinig kami ng ilang mga yabag sa sahig palapit sa aking silid. Nalihis ang aking paningin sa lagusan ng aking silid, no'ng marinig kong may pumasok dito. Sinalubong ko ito ng malawak na ngiti no'ng masilayan kong ito ay ang pinsan kong hara. "Maayong buntag (magandang umaga) aking pinsan, ako'y narito pagka't ika'y nais ko lamang anyayahan upang ako ay iyong saluhan sa aking agahan," bungad nitong turan sa akin at kalakip nito ang matamis na ngiti sa kanyang mga labi. "Daghang salamat, aking pinsan, malugod kong tinatanggap ang iyong paanyaya," tugon ko, na siya namang tinanguan niya lamang. Pagkatapos no'n ay nanguna na rin ito sa paglabas mula rito sa loob ng silid. Napangisi na lamang ako no'ng mapagtanto kong tunay nga ang mga tinuran sa akin ng imahe hinggil sa bisa ng gayumang ipinagkaloob nito sa akin upang ihandog kay Haleya. "Mahusay," tanging nausal, bago ako tuluyang sumunod kay Haleya upang lumabas dito sa aking silid. Tinungo namin ang isang silid at kami'y pumasok dito, no'ng kami'y tuluyan nang makapasok sa loob ay sumalubong sa amin ang mga nilagang bungang kahoy na nakahain sa patag na hapag. Sumalampak sa sahig na may pulang telang sapin si Haleya, kung kaya't sinundan ko na lamang siya at tulad niya'y sumalampak na rin ako sa pulang tela. "Tayo'y kumain na," sambit nito, kung kaya't tinanguan ko na lamang siya at ako'y nagsimula na ring kumuha ng mga bungang kahoy. Habang kami'y nanginginain ay siya'y aking sinusulyapan, nais kong humagalpak ng tawa pagka't ang mabagsik na hayop na tulad niya'y tila nagmistulang maamong hayop. Isang hayop na kalaunan ay aking unti-unting lalasunin upang tuluyan nang mawala sa aking landas. Hindi ko mapigilan ang sariling ngumisi sa pagka't ako'y nasasabik na at hindi na makapaghihintay pang maisakatuparan ang aming mga binabalak. "Iyo bang naiibigan ang ating pagkain?" tanong nito sa akin, kung kaya't ako'y ngumiti na lamang sa kanya at tumango. Ilang sandali pa ay hindi na ako nagpaliguyliguy pang sambitin sa kanya ang mga bagay na namuo sa aking isipan. "Haleya, aking pinsan. Bilang ikaw ang Hara ng puod na ito ay ibig ko sanang imungkahi na ako ay iyong gawing kaagapay sa pamamahala rito. Sa aking palagay ito ay magiging mainam, hindi ba?" Sinalubong ko ang kanyang mga tingin sa akin at ako'y nasiyahan no'ng siya'y masilayan kong ngumiti bago ito marahang tumango. "Mainam ang iyong iminumungkahi, aking pinsan, kung kaya't malugod kong ipinagkakaloob sa iyo ang aking pahintulot. Magmula sa adlaw na ito, ikaw ay magiging kaagapay ko na sa lahat ng aking mga hakbangin hinggil sa pamamahala rito sa ating puod." Walang pagsidlan ang aking kasiyahan sa mga tinuran ng aking pinsan na walang kamuwang-muwang sa tunay na nagaganap sa kanya. "Daghang salamat, aking pinsan," dagling tugon ko, na kanyang malugod na tinanguan lamang. "Kung gayon ay ngayon pa lamang ay mayroon na akong nais imungkahi sa iyo at ito ay tiyak kong sasang-ayunan mo, pagka't ito ang siyang nais ko," saad ko, na siyang dahilan upang muling sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi. Napangisi na lamang ako sa kanyang iniaasal, tila siya'y isang masunuring paslit at wala sa tamang gulang ng kanyang pag-iisip. Pagkatapos ng aming agahan ay kami'y kasalukuyan nang narito sa bulwagan pagka't kami ay ipinulong ng Hara, kaagapay rin nito ang kanyang bana. Narito rin ang mga nakatatandang maharlika sa puod na ito, maging ang ilang timawa (malayang tao) at uripon. Ang lahat ay walang kamuwang-muwang sa dahilan ng pagpupulong na ito maliban na lamang sa akin, pagka't ako ang siyang nagmungkahi sa Hara na magdaos ng isang pagpupulong hinggil sa aming napagkasunduang pamamahala sa puod na ito. Hindi naglaon ay sinimulan na rin ng Hara ang kanyang nais ipabatid sa lahat ng taong narito ngayon sa bulwagan, kung kaya't ang lahat ay itinuon na rin nang matiim ang kanilang mga pansin sa Hara. "Kayo'y narito ngayon sa aking harapan, pagka't ako'y mayroong nais ipabatid sa inyo," paunang saad nito, na siyang naging dahilan upang magtinginan at magbulungan ang lahat. "Magmula sa adlaw na ito ay ihahandog niyo na sa akin ang lahat ng pinapanday na kampilan, ang lahat ng mahuhuling isda sa dagat, maging ang lahat ng ani ng palay, at ang mga bungang kahoy. Ang sinumang tumanggi at hindi tumalima sa aking mga tinuran ay mahahatulan ng parusang kamatayan!" siyang turan ng Hara, na aking lubhang ikinagagalak. Hindi ko maiwaksi ang pagngiti ng aking mga labi, subalit no'ng ako'y masulyapan ng isang uripon ay daglian akong natigilan sa pagngiti. Nangunot ang aking noo no'ng siya'y aking makilala, siya ang tapat na uripon ni Haleya na kaagapay niyang nagtungo noon sa aming banwa. Matalim ang titig nito sa akin at hindi ko mawari ang kanyang dahilan kung bakit gano'n na lamang ang paraan ng kanyang pagtitig sa akin. Gayunpaman ay ipinagsawalang bahala ko na lamang iyon pagka't batid kong wala itong anumang maidudulot na kasawian sa akin, lalo pa at siya'y isang hamak na uripon lamang na walang kakayahan at kapangyarihan sa puod na ito. Ibinaling ko na lamang ang aking paningin kay Haleya na kasalukuyan na ring nakatingin sa akin, subalit kami'y natigilan no'ng mag-usal ang isang lalaki. "Paumanhin aking Hara, subalit bilang Raha ng puod na ito ay mariin kong tinututulan ang iyong mga nais. Hindi maaari ang iyong ibig na maganap, pagka't ang ating mga mamamayang nasasakupan ay masasadlak lamang sa labis na kahirapan at magdudulot ng kanilang kasawian sa kanilang pamumuhay dito sa ating puod." Dagliang napawi ang mga ngiti sa aking labi dahil sa mahabang tinuran ng isang lalaki na walang iba kundi ang bana ni Haleya. "Tunay ang mga tinuran ng mahal na Raha," dagling sambit ng isang matandang maharlika, kung kaya't maging ang iba ay sumang-ayon na rin sa kanya. "Sagabal! Hindi ko babayaang ika'y maging balakid sa aming mga hakbangin!" singhal ko sa aking isipan at kalakip nito ang pamumuo ng aking pagkayamot tungo sa Raha.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD