THIRD PERSON POV
Humugot muna ng malalim na paghinga si Soledad bago naglakad palapit sa babaeng hindi niya alam kung paanong pakikitunguhan sa mga susunod na araw. Si Harmony na dati niyang matalik na kaibigan.
Nakahalukipkip at nakatalikod ang babae sa kanya habang nakatayo ito sa veranda ng mansyon at tinatanaw ang malawak na hardin ng mga Jarandilla. Bahagyang inililipad ng hangin ang itim at mahaba nitong buhok.
Malakas na tumikhim si Soledad para makuha ang atensyon ng babae. Bahagya pa itong nabigla na naroon na siya sa likuran nito.
Harmony: Ikaw pala, Soledad. Hindi ko napansin na nandiyan ka.
Isang ngiti ang isinagot ni Soledad kay Harmony. Kung anong klaseng ngiti iyon ay hindi na rin siya sigurado sa kanyang sarili.
Itinuon ni Soledad ang kanyang mga mata sa magandang tanawin na nasa kanilang harapan. Puno ang malawak na hardin ng iba’t ibang klase ng mga halaman at bulaklak.
Ang pang-umagang hangin ng probinsya ay dinadala sa kanilang mga ilong ang mabangong amoy ng iba’t ibang uri ng mga bulaklak. Matatanaw din ang napakaraming puno sa paligid.
Ang ibang puno ay namumulaklak samantalang ang iba ay hitik na sa bunga. Ang ibang tauhan ng bottled local product business ng pamilya Jarandilla ay naroon para mamitas ng mga bunga na ibinibenta sa murang halaga.
Soledad: I can’t blame you. Kung may ganitong kagandang tanawin din naman sa aking harapan ay hindi ko na maiisip pa ang anumang bagay sa paligid. Kahit pa nga ba dati ko pa iyong kaibigan.
May diin sa pagkakabigkas ni Soledad sa bawat salita ng kanyang huling pangungusap.
Umaasa siya na sa pamamagitan niyon ay maiparating niya kay Harmony ang nais sabihin ng kanyang puso.
Harmony: Soledad---
Bago pa matapos ni Harmony ang gusto nitong sabihin ay hindi na nito iyon nagawa dahil muling nagsalita si Soledad.
Soledad: Dalawang buwan. Sa loob ng panahong iyan ay sisikapin kong pakisamahan ka nang maayos. At umaasa akong ganoon din ang gagawin mo.
Nanatiling nakatalikod si Soledad kay Harmony habang sinasabi ang mga salitang iyon.
Ang ibang mga tauhan ng negosyo ng mga Jarandilla ay kumakaway pa at tumatango sa kanyang bilang pagpapakita ng paggalang. Ginagantihan din naman iyon ni Soledad ng simpleng mga ngiti at pagtango.
Sa paningin ng mga empleyado ay parang nagpapahangin lamang sina Soledad at Harmony sa veranda ngunit sa kanyang kaloob-looban ay gusto na niyang usisain si Harmony kung ano ang tunay nitong dahilan para hindi siputin sa kasal ang kanyang Kuya Gustavo noon.
Isang mahabang katahimikan ang namagitan sa kanilang dalawa bago narinig ni Soledad ang tinig ng boses ni Harmony.
Harmony: Soledad, kung iniisip mong manggugulo ako rito, nagkakamali ka. Actually, I didn’t have any idea na ikaw ang hipag ni Lander.
Isang mahinang mapaklang tawa ang pinakawalan ni Soledad bago sinagot ang sinabi ni Harmony.
Soledad: Ganoon din ako. At kung papipiliin ako, hindi ko na nanaisin pang muling magtagpo ang landas nating dalawa.
Labis na pagpipigil sa kanyang sarili ang ginagawa ni Soledad para hindi lingunin ang dating kaibigan at sumbatan ito sa ginawa nitong pagpapahirap sa damdamin ng kanyang kapatid.
Harmony: Patawarin mo---
Sa ikalawang pagkakataon ay hindi na naman pinatapos ni Soledad sa pagsasalita ang fiancée ng kanyang bayaw.
Soledad: Don’t you think you’re kind of late for that modesty, Harmony?
Puno ng pait ang tinig ng boses ni Soledad habang binabanggit ang pangalan ng babaeng nasa kanyang likuran.
Soledad: At hindi ka dapat sa akin humihingi ng kapatawaran.
Sa puntong iyon ay humarap na siya kay Harmony at ngayong hindi na nakikita ng mga tauhan na nasa hardin ang kanyang mukha ay nagpakatotoo na siya sa kanyang sarili.
Masama ang tinging ipinukol ni Soledad kay Harmony nang muli siyang magsalita.
Soledad: Ang kapatid ko ang labis na nasaktan sa ginawa mong pang-iiwan sa ere, Harmony. Kaya kung hihingi ka ng tawad, ibigay mo iyan sa taong mas karapat-dapat na makarinig niyan.
Halos manginig ang kanyang mga labi habang namumutawi sa kanyang bibig ang mga salitang iyon.
Nanatiling tahimik si Harmony habang masamang nakatitig si Soledad dito. Ipinagpapasalamat niya iyon dahil hindi niya alam sa kanyang sarili kung ano ang maaari niyang magawa oras na magsalita pa ito.
Makalipas ang ilang sandali ay taas-noong naglakad palabas ng veranda si Soledad at iniwan ang babaeng sa tingin niya ay maraming nais sabihin ngunit maaaring pinili na lamang na manahimik dahil sa nakikitang galit sa kanyang mga mata.
----------
Ikinuyom ni Lander ang kanyang kanang kamao nang malakas na hinampas ng kanyang bunsong kapatid ang ibabaw ng mahabang mesa na nasa loob ng home library. Personal na niyang sinabi rito kung ano ang sinabi niya sa misis ni Aaron kahapon.
Aaron: Ayos ka rin, ano? Halos dalawang taon mong iniwan sa akin ang negosyo natin dito tapos babalik ka ngayon para lang ilagay ako sa mababang posisyon. Talaga bang minamaliit mo ako, Kuya?
Kitang-kita ni Lander ang pamumula ng mukha ni Aaron dahil sa labis na galit sa kanya.
Aaron: Asikasuhin mo na lang ang kasal mo kaysa nakikialam ka sa mga bagay na hindi mo na dapat pang isinisiksik ang sarili mo!
Naniningkit ang mga matang pinapakalma ni Lander ang kanyang sarili habang dinuduro siya ng kanyang kapatid.
Tumingala siya sa kisame at ipinikit ang kanyang mga mata. Kasabay nang paghugot nang malalim na paghinga ay narinig niya ang malakas na pagsipa ni Aaron sa isang paa ng upuang nasa harapan ng malaking desk.
Ngayon ay dalawang kamao na niya ang nakakuyom habang bumibilang sa kanyang isip bilang tanda ng pagpapahinahon sa kanyang sarili.
Nang muli niyang imulat ang kanyang mga mata ay nakita niyang nakapameywang sa kanyang harapan si Aaron at mababakas sa mukha nito ang labis na pagkairita.
Aaron: As usual, pinipigilan mo na naman ang sarili mong magalit. Oo nga naman. Kailangan ako lang ang magmukhang masama rito. Ikaw iyong mabait na kapatid, iyong malinis, iyong sobrang organized, the perfect Lander Jarandilla.
Isang tawang puno ng sarkasmo ang pinakalawan ni Aaron at nakakalokong itinaas pa ang dalawang braso.
Aaron: Taas-kamay ako sa iyo, ‘tol!
Hinayaan lang ni Lander na ipahayag ni Aaron ang sama ng loob nito sa kanya habang siya ay matamang nakatitig dito.
Aaron: Ano? Wala kang sasabihin? Ha?!
Sa puntong iyon ay ang desk sa kanyang harapan na ang hinampas ni Aaron gamit ang dalawang kamay nito.
Halos maglitawan ang mga ugat sa leeg ni Aaron habang masamang nakatitig sa kanya. Malalim siyang nagbuntung-hininga at umiling.
Lander: Hindi tayo makakapag-usap nang maayos kung paiiralin mo ang galit mo, Aaron. Hindi mo ba nakikita na para sa negosyo natin ang ginawa kong desisyon? Mas mapapamahalaan ni Gustavo nang maayos ang business natin dahil mas focused siya sa trabaho.
Pinagmasdan ni Lander ang pag-iling ni Aaron kasunod ang mapaklang pagtawa nito.
Aaron: Hindi, ang sabihin mo, gusto mong ipamukha sa akin kung gaano ako kapalpak bilang Manager ng negosyo. Delivery guy? Talaga ba, Kuya?!
Halos pandilatan siya ng mga mata ng kanyang kapatid ngunit hindi siya nag-iwas ng tingin dito.
Lander: Temporary lang iyan, Aaron. Baka mas magkaroon ka ng malasakit sa negosyo natin kapag sa ibaba ka nag-umpisa? Sa ngayon ay nakikita kong pa-easy-easy ka lang---
Hindi natapos ni Lander ang kanyang sasabihin dahil biglang nagmura si Aaron.
Aaron: Ano ako? Bata na kailangang turuan ng leksyon? Kung gusto mo ng delivery guy, nandiyan si Gustavo. Sa kanya mo na rin ipagawa. Tutal naman, hangang-hanga ka sa kagalingan niya. Isaksak mo sa baga niya lahat ng posisyon sa negosyo!
Halos kumalampag ang malaking pintuan ng home library nang pabalyang isarado iyon ni Aaron.
Si Lander ay napailing na lamang dahil alam niya sa kanyang sarili na mas lalayo pa ang loob ng kanyang kapatid sa kanya dahil sa ginawa niyang desisyon.
----------
Kitang-kita ang kalungkutan sa mukha ni Gustavo nang makitang dumating sa mansyon ng mga Jarandilla ang babaeng wedding coordinator para sa preparasyon ng magiging kasal ng dating niyang fiancée at ng lalaking lubos ang tiwala sa kanya.
Hindi napigilan ni Gustavo ang kanyang sarili na magbalik-tanaw sa panahong inihahanda nilang dalawa ni Harmony ang mga kakailanganin para sa kanilang kasal noon.
Nakangiting nakasandal sa matigas at malapad na dibdib ni Gustavo ang kanyang fiancée na si Harmony. Mababakas sa mga mukha nila ang labis na kasabikan para sa nalalapit nilang kasal.
Naroon sila sa isang parke habang nakaupo sa nakalatag na malaking tela sa may damuhan. Sa kanilang tabi ay isang malaking basket na naglalaman ng soft drinks at sandwiches na inihanda pa ng kanyang kapatid na si Soledad.
Harmony: Hindi na ako makapaghintay na maging isang Misis Harmony Almontes pagkatapos ng dalawang linggo, mahal ko. Kumpleto na ang miyembro ng entourage, may venue na rin tayo para sa kasal, at higit sa lahat ay darating si Mama para sa kasal natin.
Masuyong hinalikan ni Gustavo ang tuktok ng ulo ni Harmony na nakasandig sa kanyang katawan.
Gustavo: Sana magustuhan ako ng Mama mo, ano? Alam mo namang hindi ako galing sa kilalang pamilya katulad nang gusto niyang mapangasawa mo.
Umangat ang katawan ni Harmony mula sa pagkakasandal sa kanya at matiim siyang tinitigan.
Harmony: Ano ka ba, mahal ko? Ikaw pa ba? Eh, nakapa-charming mo. Siguradong madali mong makukuha ang loob ni Mama. Kaya huwag ka nang mag-alala.
Kahit may pag-aalinlangan sa puso ni Gustavo ay ngumiti pa rin siya sa harapan ng kanyang fiancée para hindi ito mag-alala.
Kinabig niya si Harmony at pinagdikit ang kanilang mga katawan.
Gustavo: Basta nandito ka lang sa tabi ko, kakayanin ko ang lahat. Pangako ko sa iyo iyan.
At nang sakupin ng bibig ni Gustavo ang mga labi ni Harmony, pakiramdam niya ay wala nang anumang problema sa kanyang buhay ang hindi niya malalagpasan hanggang nasa tabi niya ang babaeng pinakamamahal.
Nagbalik sa kasalukuyan ang isipan ni Gustavo nang marinig na tinatawag siya ng isa sa mga tauhan sa produksyon ng bottled local product.
Nang muli niyang nilingon ang mansyon ay nakita niya si Harmony na nang mga oras na iyon ay nakatitig din pala sa kanya.
Mahal na mahal pa rin kita, Harmony.
----------
Malakas na sinipa ni Aaron ang isang maliit na bato papunta sa ilog matapos niyang maiparada sa tabi ng isang puno ang kanyang motorsiklo. Sa tabi ng ilog sa loob ng kakahuyan na medyo malayo sa mansyon ng mga Jarandilla madalas siyang pumupunta sa tuwing gusto niyang pahupain ang inis na kanyang nararamdaman.
Hindi siya makapaniwalang delivery guy na siya ng negosyong ilang taon nang pinapatakbo ng kanilang pamilya. Naroon pa rin ang pakiramdam na parang gusto niyang manakit ng tao.
Aaron: Hindi na lang niya asikasuhin ang kasal niya. Pinakikialaman pa ang buhay ko.
Puno ng pagkasuklam na ibinulong ni Aaron iyon sa hangin.
Ngunit kasabay din niyon ay ang pagpasok sa kanyang isipan ng babaeng pakakasalan ng kanyang kapatid. Naalala niya kung paano silang nagkita ng fiancée ni Lander nang nagdaang gabi.
Habang nakatanaw sa ilog sa kanyang harapan ay dumaloy sa kanyang diwa ang kauna-unahang pagkikita nila ng babaeng dating matalik na kaibigan ng kanyang misis.
Kumunot ang noo ni Aaron nang marinig ang isang pagsinghap mula sa kanyang likuran. Ang buong akala niya ay nagpapahinga na ang lahat ng tao sa mansyon.
Naisip niya ang kanyang kasalukuyang ayos nang mga sandaling iyon. Hubo’t hubad siyang nakatayo sa tabi ng pool.
May pakiramdam siyang ang kanyang kahubdan ang dahilan ng pagsinghap ng tao sa kanyang likuran. Para makasigurado ay dahan-dahan siyang lumingon para alamin kung sino ang taong iyon.
Ganoon na lamang ang pagtataka ni Aaron nang makita ang isang hindi pamilyar na babae na sa tingin niya ay hinahagod ng mga mata nito ang kanyang likuran. At nang magtama ang kanilang mga mata ay nagkaroon ng tanong sa kanyang isipan.
Sino ang babaeng ito?
Gusto niyang isipin na magnanakaw ito ngunit nakasuot ito ng terry bathrobe na sigurado siyang galing sa mansyon. Kaya malamang na bisita ito sa Jarandilla mansion.
Nakita niya ang gulat sa mga mata ng babae. Hindi na niya ipinagtaka iyon dahil hindi naman araw-araw na makakakita ang isang tao na nakahubad na nilalang sa kanyang harapan.
Parang binuhusan ng malamig na tubig ang babae at kaagad nitong iniwas ang mga mata mula sa pagkakatitig sa kanya. Tumalikod pa ito na parang nahihiya dahil nahuli niya itong nakatitig sa kanyang hubad na katawan.
Habang nakatalikod ang babae ay nagmamadaling lumingon-lingon sa paligid si Aaron para hanapin ang kanyang mga pinaghubarang damit. Ngunit dahil sa labis na kadiliman ay hindi na niya makita ang mga iyon.
Naisip niya na kung hahanapin pa niya ang kanyang mga damit ay magtatagal pa ang nakakailang na sitwasyong kinalalagyan nila ng babae. Kaya naman katulad nang isang lalaking may rebeldeng pag-iisip ay isang desisyon ang kanyang ginawa.
Muling lumubog sa tubig ng pool si Aaron para subukang pagtakpan ang kanyang kahubdan habang nakatitig sa nakatalikod na babae.
Mas mabuti na ang nakalubog ang kanyang katawan sa ilalim ng tubig ng pool kaysa nakabilad sa mga mata ng babae ang kanyang hubad na katawan. Mabuti na lamang at madilim ang paligid.
Habang nakatitig sa nakatayong babae ay nagkakaroon na siya ng hinala sa kanyang isipan kung sino ang taong nasa kanyang harapan.
Dalawang tao lang naman ang inasahan nilang darating sa mansyon nang araw na iyon kaya sigurado si Aaron na ito ang fiancée ng kanyang kapatid.
Ito ang babaeng sinasabi ng kanyang misis na dating fiancée ng bayaw niyang si Gustavo.
Aaron: Pasensya ka na, miss. Hindi ko alam na may tao rito. Ako nga pala si Aaron, bunsong kapatid ni Lander. Kung tama ang hinala ko, ikaw ang fiancée niya. Ano ang pangalan mo?
Nanatiling nakatalikod ang babae habang kinakausap niya ito.
Nang magsalita ito ay nahimigan ni Aaron ang kaba sa tinig ng babae. Nahahalata niyang hindi ito komportable sa nangyayari nang mga oras na iyon.
Nagpakilala itong Harmony at kinumpirma na ito ang kanyang magiging future hipag.
Harmony: Pasensya ka na rin. H-hindi ko alam na may tao pa rito sa labas.
Parang gustong tumawa nang malakas ni Aaron dahil natatawa siya sa sitwasyong kinalalagyan niya nang mga sandaling iyon.
Hindi niya akalaing may babaeng makakakita ng kanyang hubo’t hubad na katawan habang ginagamit ang malaking pool ng mansyon. Kung hindi siya nakaramdam ng pagrerebelde ay hindi sana mangyayari ang bagay na iyon.
Harmony: Uhm, sige. M-mauuna na akong pumasok sa loob.
Pinagmasdan ni Aaron ang patagilid na paglalakad ni Harmony patungong mansyon para mapanatili nitong nakaharap ang likod nito sa kanya.
Napangisi na lamang si Aaron dahil hindi niya inaasahan na sa ganoong paraan pa niya makikilala ang fiancée ng kanyang kapatid.
Isang huni ng ibon ang nagpabalik ng isipan ni Aaron sa kasalukuyan. Hindi pa niya muling nakikita si Harmony mula nang hindi inaasahang pagkikita nila kagabi.
Kaninang umaga ay hindi siya sumabay sa almusal dahil masama pa rin ang loob niya sa panganay niyang kapatid. At itong huli nilang pag-uusap ay lalo pang nagpabigat sa kanyang damdamin.
Aaron: Ano kaya ang iisipin ni Kuya Lander kapag nalaman niyang nakita na ng mapapangasawa niya ang halos buo kong katawan?
Hindi napigilang mapangisi ni Aaron matapos ibulong iyon sa hangin.
----------
Kinagabihan ay sandaling tiningnan ni Harmony ang nakasaradong pintuan ng kuwarto ni Lander bago nagpatuloy sa paglalakad sa pasilyo pababa ng hagdan para magtungo sa kusina. Nakaramdam siya ng uhaw kaya gusto niyang uminom ng malamig na tubig.
Nagkasundo silang dalawa ni Lander na hindi magsasamang matulog sa iisang silid. Ang gusto ng lalaki ay hindi sila matuksong gawin ang isang bagay na sa tingin nito ay ginagawa lang dapat ng mag-asawa.
Matapos kausapin ang wedding coordinator para sa kasal nilang dalawa ni Lander ay hindi na nawala sa kanyang isipan buong araw ang nakita niyang titig na iginawad sa kanya ng dati niyang kasintahan na si Gustavo kanina.
Pakiramdam ni Harmony ay parang nanunumbalik sa kanyang isipan ang mga masasayang alaala sa piling ni Gustavo dahil sa titig na iyon na punung-puno ng iba’t ibang damdamin.
Alam niyang si Gustavo pa rin ang nilalaman ng kanyang puso ngunit nakatali na siya sa ibang lalaki. Hindi tamang may ibang lalaki siyang iniisip habang nalalapit ang kanyang kasal.
Bahagyang nagulat si Harmony nang makitang naroon sa loob ng kusina si Aaron. Umiinom ito ng tubig at nang makita siya ay sandali itong tumigil sa pag-inom.
Napansin niyang sandaling humagod sa kanyang katawan ang mga mata nito at nang tingnan niya ang kanyang sarili ay napasinghap siya nang makitang nawala sa pagkakabuhol ang tali ng kanyang suot na silk robe.
Kaagad niyang ibinalik ang pagkakatali ng mga iyon. Habang ginagawa iyon ay narinig niya ang mahinang pagtawa ni Aaron.
Aaron: Dapat bawas-bawasan na natin itong mga nakakailang na pagkikita nating dalawa.
Maging si Harmony ay hindi napigilan ang mahinang pagtawa.
Harmony: Gising ka pa pala.
Marahang tumango si Aaron at ibinaba ang hawak nitong baso sa sink na nasa tabi nito.
Aaron: Hindi makatulog dahil sa magaling kong kapatid.
Kahit madilim sa loob ng kusina ay napansin pa rin ni Harmony ang inis sa mukha ng kapatid ng kanyang fiancé.
Aaron: Gustung-gusto niyang kino-control ang lahat ng tao sa kanyang paligid. Sa tuwing nandiyan siya, pakiramdam ko ay hindi ako---
Hindi alam ni Harmony ngunit parang may ideya na siya sa huling salitang babanggitin ni Aaron at wala sa loob na sinabayan niya ito sa pagbigkas ng salitang iyon.
Harmony & Aaron: Malaya.
Kahit inaasahan na niya ang sasabihin nito ay sandali pa rin siyang natigilan at nakita niya rin na ilang sandaling tumahimik si Aaron at nakatitig lamang sa kanya.
Maya-maya ay pinutol ng mahinang tawa ni Aaron ang katahimikan at umiling.
Aaron: Mukhang may isang tao sa bahay na ito ang nakakaintindi sa nararamdaman kong inis para sa kapatid ko.
Muling natagpuan ni Harmony ang sarili na nakikipagtitigan kay Aaron.
Nababasa niya sa mga mata nito ang frustration. Ngunit tumagal lamang iyon nang ilang segundo bago nito binawi ang tingin mula sa kanya.
Maya-maya ay tumalikod ito sa kanya.
Aaron: Kung nauuhaw ka, uminom ka na. Mauuna na akong umakyat.
Hindi alam ni Harmony ngunit parang may kung anong tensyon ang biglang namagitan sa kanilang dalawa.
Naglakad ito palabas ng kusina at siya naman ay naglakad patungo sa refrigerator para kumuha ng tubig. Ngunit bago niya buksan iyon ay naramdaman niyang may nakatitig sa kanya.
Nang lumingon siya ay nakita niya si Aaron na nakatitig sa kanya. Dahil sa kadiliman ng paligid ay hindi na siya sigurado sa kanyang nakikita sa mga mata nito.
Ilang sandali pa ay walang salitang tumalikod ito sa kanya at iniwan siya sa naguguluhang estado.
Wala siyang ideya kung ano ang nangyari.
----------
to be continued...