ITO ba talaga ang paraan para mamatay ako ayon sa malaking aklat? Ang kumain ng puso ng lalaking iibig sa akin ng totoo at dapat ay papayag siya na kainin ko iyon? Seryoso ba ang nakasulat dito sa malaking aklat? Sino ba naman kasi ang tangang lalaki na papayag na ipakain sa isang aswang ang puso nito?
“Kalokohan!” Hindi makapaniwalang pakli ko at malakas kong isinara ang malaking aklat. Umiling-iling pa talaga ako. Mas lalo akong na-stress sa paraan na nakasulat sa aklat na ito.
Lumabas ako ng aking silid na dala ang malaking aklat. Sa ibaba ng hagdan ay sinalubong ako ni Malena. Magkasalikop ang kanyang mga kamay.
“Kalokohan, Malena! Isang malaking kalokohan!” salubong ko sa kanya sabay pasa ng malaking aklat. Muntik pa siyang matumba sa bigat niyon.
“Ano ang kalokohan, Ma’am Esha?”
“Ang nakasulat sa malaking aklat na iyan! Ang paraan kung paano ako mamamatay ay isang kalokohan!”
“Ano ba ang paraan na nakasulat dito?”
“Ang akala ko ba ay binasa mo? Bakit tila wala kang alam?”
“Oo nga pero iyong title lang ang nabasa ko. May table of contents naman pala ito sa unahan, kagabi ko lang nakita… Nakakainis… Halos kalahati na ng aklat ang nabasa ko nang malaman ko…” Bakas sa mukha niya ang pagkabwisit. “So, sabihin niyo na po ang paraan kung paano kayo mamamatay. Malay niyo may maitulong ako.”
Mariin akong umiling at iwinasiwas ang isang kamay. “Hindi mo ako matutulungan, Malena. Dahil ang kailangan ko ay isang lalaki. Isang lalaki!” Pagdidiin ko pa.
“Lalaki lang pala… Marami niyang dito sa mundo.”
“Hindi mo ako naiintindihan, Malena. Hindi basta-bastang lalaki kundi isang lalaki na dapat ay iibig sa akin nang wagas at tunay. At kapag nahanap ko na ang lalaking iyon ay dapat kainin ko ang kanyang puso. At ang matindi pa dito, kailangang papayag siya at kusa niyang ipapakain sa akin iyon!”
Walang gana na itinirik niya ang kanyang mata. “Edi, si Thaddeus!”
“T-thaddeus? Ang lalaki sa gubat, tama ba?”
“Wala nang iba. Hindi ba’t hinalikan ka niya? Ibig sabihin ay gusto ka niya o baka mahal ka na niya.”
Bigla akong natigilan at napaisip. Ganoon na ba magpakita ng pagmamahal ang mga lalaki sa henerasyong ito? Hahalikan at tila aasarin ka? Matagal na rin kasi akong hindi nakaramdam ng isang pag-ibig ng isang lalaki. Noon kasi kapag mahal ka ng isang lalaki ay dadalawin ka nito sa iyong tahanan at mag-aalay ito sa iyo ng bulaklak. O kaya ay haharanahin ka sa gitna ng gabi. Sasabihan ka ng matatamis na salita na ikakakilig mo. Ngunit hindi ganoon ang ipinakita ni Thaddeus. Ibang-iba!
Marahil ay ganoon na nga magpakita ng pagmamahal ang mga lalaki ngayon. Masyado na yata akong napag-iwanan ng panahon dahil sa pagkukulong ko sa aking mansion.
Wala sa sarili na napahawak ako sa aking labi at muling naalala ang pagnakaw ni Thaddeus sa akin ng halik.
“Kung ganoon ay dapat kong puntahan si Thaddeus at hilingin na ipakain niya sa akin ang kanyang puso!” Natutuwang sambit ko.
“Ma’am Esha, excited lang? Pwede bang tanungin mo muna siya kung mahal ka ba niya talaga? At siguro, kung mahal na mahal ka niya talaga ay baka doon siya pumayag na kainin mo ang puso niya.”
Tumango-tango ako. “Sige, tutungo muna ako kay Thaddeus upang tanungin sa kanya ang bagay na iyan. Dito ka lang sa mansion, Malena!” sabi ko at nagmamadali akong umakyat sa aking kwarto upang magpalit ng damit.
ISANG blusang itim at itim na palda na hanggang tuhod ang aking suot. Marahil ay magugustuhan na ito ni Thaddeus. Nagpolbos lang ako at hinayaan kong nakalugay ang aking unat at itim na itim na buhok na umaabot sa aking beywang.
Paglabas ko ng aking silid ay nakasalubong ko si Malena.
“Saan ang libing, Ma’am Esha?” tanong niya habang may nakakalokong ngisi sa mukha niya.
Aba, aba! Tila inaalaska ni Malena ang aking kasuotan.
Itinaas ko ang isa kong kilay at matalim siyang tinignan. “Dito sa mansion! May lamay mamayang gabi pagkatapos kitang patayin!” sagot ko.
“Afraid much me naman… Oo na, joke lang… Alam kong pupuntahan mo si Thaddeus. Good luck, Ma’am Esha. Fighting…” Walang gana niyang turan.
“Salamat, Malena!” sabi ko at tinalikuran ko na siya.
Nagmamadali na lumabas ako ng mansion. Sa aking puso ay naroon ang pag-asa na magkakaroon na ng katuparan ang matagal ko nang inaasam-- ang mamatay. Hiling ko lang ay agad na pumayag ang lalaking iyong sa gubat na kainin ko ang kanyang puso. Medyo maninibago lang siguro ako dahil kung sakali, sa kauna-unahan pagkakataon ay kakain ako ng parte ng katawan ng isang tao. Oo, kumakain ako ng puso pero puso ng saging. Pero mas mainam na rin siguro ang puso ng tao kesa puso ng saging dahil umay na umay na ako doon. Hanggang ngayon ay nalalasahan ko pa rin ang isandaan na puso ng saging na kinain ko noon! Hindi iyon nakakatuwa.
Tanaw ko na ang tent ni Thaddeus kaya naman nilakihan ko na ang aking mga hakbang.
Eksaktong nasa tapat na ako ng kanyang tent nang mula doon ay lumabas siya.
Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko na ang tanging suot lang niya ay isang maikling short na kulay asul. Wala siyang pang-itaas kaya naman nakahain sa akin ang kanyang katawan na maganda. Hindi ganoon kalaki ang kanyang mga muscles pero parang ang titigas niyon. Tapos may mga tila pandesal pa siya sa kanyang tiyan! Nakakaloka! Bigla akong pinagpawisan at tila nauhaw. Wala sa sarili na napalunok ako.
Mula sa kanyang tiyan ay napababa pa ang tingin ko. Doon sa ibaba ng pusod niya, mas mababa pa. Teka… ano iyong tila nakaangat sa kanyang shorts?!
“Bastos!” Napatalikod ako nang ma-realize ko kung ano iyon.
Isang malakas na tawa ang narinig ko mula kay Thaddeus. “Sorry. Guy’s thing in the morning,” aniya pa.
“Maaari bang magsuot ka naman ng maayos na damit bago ako humarap sa iyo?” May halong pagkairita na request ko.
Ilang sandali pa ay pinaharap na niya ako. Nakasuot na siya ng white na sando at maayos na shorts.
“Bakit ka nandito? Gusto mo ba ulit ng kiss?” Nakakalokong tanong niya.
“Hindi ko nais ng halik mo. Ang nais ko ay sagutin mo ang aking katanungan. Iniibig mo ba ako?” Diretsong tanong ko. Walang paliguy-ligoy.
Natigilan si Thaddeus. Nawala ang ngiti sa labi niya at napalitan iyon ng kaseryosohan. Maya maya ay sumilay na naman ang nakakalokong ngiti sa kanya na naging dhailan para makita ko ang mapuputi at pantay niyang mga ngipin. “Of course… not! Paano mo naman nasabi na mahal kita?”
“Dahil hinalikan mo ako. Senyales iyon ng pagmamahal, `di ba?”
“Are you out of your mind? Hinalikan ka lang, mahal na agad?”
“So, h-hindi mo ako mahal? Bakit mo ako hinalikan kung gayon?”
Umiling si Thaddeus. “No. Trip ko lang gawin iyon.”
“Trip?”
“Trip. Bored lang ako kaya ko ginawa iyon. But it does not mean na mahal kita. Isa pa, hindi ako marunong magmahal, miss. At hindi ako magmamahal sa isang katulad mo na parang napag-iwanan na ng panahon. Trip lang talaga kitang asarin. Nothing more, nothing less!”
Napayuko ako sa pagkapahiya at inis sa lalaking nasa harapan ko.
“Ang yabang mo…” Mahina ngunit madiin na sabi ko.
“What?”
Muli kong itinaas ang aking ulo at tinignan siya nang diretso sa kanyang mga mata. “Ang sabi ko, ang yabang mo!” At isang malakas na suntok ang pinadapo ko sa kanyang nguso. Hindi pa ako nakuntento at ubod lakas na sinipa ko pa ang kanyang p*********i!