KABANATA IX

1335 Words
INIWANAN muna kami sandali ni Manang Britney para tawagin si Thaddeus sa kwarto nito sa itaas. Ayon sa kanya ay umalis na ang isang kasambahay nila kaya ito na lang mag-isa ang nagsisilbi kay Thaddeus. Hindi daw nito kaya ang lahat ng gawaing bahay kaya kailangang kumuha pa sila ng isa pa. Sabagay, sa laki ng bahay ni Thaddeus ay hindi ito kakayanin ng matandang katulad ni Manang Britney. “Manang, na-check mo na ba mga requirements nila kung--” Natigilan sa pagsasalita at pagbaba sa hagdan si Thaddeus nang makita niya kami ni Malena. Isang ngiting tagumpay ang sumilay sa aking labi habang pinanlalakihan siya ng mata. Tinaas-baba ko pa ang aking mga kilay para maasar talaga siya. Ano ka ngayon, Thaddeus Serrano? Gulat na gulat ka siguro na nandito ako sa loob ng bahay mo, `no? Humahalakhak na sabi ko sa aking isipan. Gusto ko talagang tumawa nang malakas sa hitsura ni Thaddeus. Talagang gulat na gulat ang loko. “Thaddeus, sila iyong nag-aapply na yaya. Ikaw na lang ang pumili sa kanila. Isa lang naman ang kailangan mo, `di ba?” sabi ni Manang Britney na nakasunod lang dito. “Okay, manang. Doon ka muna sa kusina. Magluto ka.” “Pero, nakapagluto na ako.” “Magluto ka ulit. Anything! Nilagang baka para matagal.” Nagtataka man ay sumunod na lang si Manang Britney sa iniutos ni Thaddeus. Alam ko naman kung bakit ginawa iyon ni Thaddeus… Dahil ayaw niyang marinig ni Manang Britney kung ano ang pag-uusapan namin. Malalaki ang mga hakbang na nilapitan ako ni Thaddeus. Madilim ang mukha na sinaklit niya ako sa braso at hinila pataas. “Anong ginagawa niyo dito? Hindi mo ba talaga ako tatantanan?” Pabulong pero madiin niyang sabi. “Bakit tila galit ka? May misyon ako-- ang paibigin ka! Kaya gumagawa ako ng paraan para makalapit ako--” “Ang you think I’m serious with that stupid mission?!” “Seryoso ako. Papaibigin kita!” “Look, Esha, inihatid kita dito sa Manila dahil akala ko ay may gagawin ka dito.” “Meron nga. Ang paibigin ka.” “Hindi iyon!” Kulang na lang ay sumabog sa sobrang kunsumisyon si Thaddeus. “Ibang bagay. Like, may business ka dito at nakisabay ka lang. I never thought na seryoso ka na paibigin ako. Ano tayo? High schoolers? Iniisip mo ba na nasa isang romantic, cheesy novel tayo? We’re not, Esha! Kaya kung wala ka namang gagawin dito sa Manila, bumalik ka na lang sa gubat.” Nilabanan ko ang tingin ni Thaddeus. So, para pala sa kanya ay joke lang lahat ng misyon o challenge na ibinigay niya sa akin. Hindi siya seryoso doon pero sineryoso ko. Napakasama naman pala talaga ng lalaking ito. Sa loob ng ilang daan taon na pamumuhay ko dito sa mundo ay ngayon lang ulit ako nakatagpo ng ganitong kasama na tao. Well, bukod sa mga taong pumatay sa mga magulang ko. “Pwes, kung hindi ka seryoso… Ako? Seryoso ako!” giit ko. Ipiniksi ko ang aking mga kamay at nang-aasar na ngumiti sa kanya. “Naku, salamat po, Sir Thaddeus, dahil parehas niyo kaming tinanggap dito ni Malena sa bahay niyo bilang yaya! Salamat po talaga!!!” Sinadya kong lakasan ang pagsasalita ko para marinig ni Manang Britney na nasa kusina. Nanlaki ang mga mata niya. “What the--” “Hindi mo na kami pwedeng paalisin, Thaddeus. Sa ayaw at gusto mo, dito na kami titira ni Malena sa bahay mo!” matapang na sabi ko sabay harap kay Malena. “Malena, dalhin mo na sa itaas ang ating mga gamit. Ayusin mo na rin at nais ko nang magpahinga.” Inis na inis na tinignan ako ni Thaddeus. Niloko niya ako sa mga salita niya, pwes, iisahan ko naman siya gamit ang salita ko. Wala na siyang nagawa nang taas-noo na pumanhik ako sa ikalawang palapag ng kanyang bahay. “TOTOO ba na parehas mong tinanggap iyong dalawang babae? Akala ko ba ay isa lang ang kailangan natin? Isa pa, mukhang wala namang alam iyong babaeng mukhang mangkukulam sa gawaing-bahay. Nakita ko ang kamay niya, mukhang malambot. At ang kutis, makinis.” Papunta na sana kami ni Malena sa kusina nang marinig namin na nag-uusap sina Manang Britney at Thaddeus doon. Huminto muna ako sa paglalakad at hinila sa leeg si Malena at sinenyasan siya na tumahimik. “Sa leeg talaga dapat hinihila, Ma’am Esha?” reklamo nito. “Magtigil ka, Malena. Tumahimik ka!” “Oo, manang. Para hindi na rin kayo nahihirapan dito masyado. Wala namang problema kung dalawa man silang kinuha ko.” “Sabagay, pero nakakatakot iyong babaeng naka-itim! Parang mangkukulam talaga, e!” Hindi na ako nakatiis at tuluyan na akong pumasok na ako. “Ako ba ang pinag-uusapan niyo?” Napahinto sila sa pag-uusap nang makita nila ako kasama si Malena. “Ganiyan ba ang pag-welcome niyo sa bagong tao sa isang bahay? Ang pag-usapan at pag-tsismisan?” Tuloy-tuloy akong naglakad papunta sa niluluto ni Manang Britney at binuksan ang takip ng kaldero. Sinamyo ko ang aroma ng nilagang baka na nakasalang doon. Humarap ako kay Thaddeus na kita ang pagka-inis sa mukha. “Oo nga pala, ginamit namin ni Malena ang isang kwarto sa ikalawang palapag. Iyong sa dulo,” sabi ko. “Hindi doon ang kwarto ng mga kasambahay, Esha--” “Manang Britney, doon ko nais manatili habang nandito ako. Bilisan mo na rin ang pagluluto at nagugutom na ako! Babalik na ako sa aking silid upang ipagpatuloy ang aking pagpapahinga. Malena! Tara na!” Hindi na nakaumang pa si Manang Britney dahil umalis din agad kami ni Malena. NAKAHIGA ako sa malaking kama at nagpapahinga. Nais ko sanang matulog ngunit nababahala ako kay Malena. Nakatayo siya sa gilid ng kama at nakatingin sa akin kanina pa. Umiiling-iling pa siya sa hindi ko malamang dahilan. Minsan ay bubuntung-hininga pa. Dahil medyo naiinis na ako sa inaasal niya ay dumampot ako ng unan at ibinato iyon sa mukha niya. “Ano ba, Malena?! Ano bang problema mo?! Nais kong matulog pero hindi ko magawa dahil kanina mo pa ako pinagmamasdan!” sita ko sa kanya. Kinuha ni Malena ang unan at binato rin niya ako sa mukha. “Gaga ka talaga, Ma’am Esha… Hindi ka dapat umakto na parang amo dito sa bahay ni Thaddeus. Tandaan mo na tinanggap niya tayo dito bilang kasambahay…” Muli ko siyang binato ng unan para makaganti. “Ano bang ibig mong sabihin?!” “Ang ibig kong sabihin, umakto ka na kasambahay at hindi amo…” sabay dampot niya ng unan at ibinato sa akin. “Hindi mo mapapaibig si Thaddeus kung magfe-feeling donya ka dito sa bahay niya. Dapat ay asikasuhin mo siya palagi lalo na ngayong may pagkakataon ka dahil kasambahay ka na niya dito.” Wala namang kasakit-sakit ang pagbato ni Malena ng unan sa akin dahil katulad ng pagsasalita niya ay wala rin siyang lakas. Lugi pa rin siya sa pagbato ko sa kanya. “Umaktong kasambahay? Ako si Lukresha Morai, tandaan mo iyan, Malena!” “Bahala ka na sa buhay mo. Kung gusto mo talaganga mapaibig si Thaddeus ay makinig ka sa akin…” Pero kung iisipin ay may punto naman ang sinabi ni Malena. Siguro nga ay dapat akong magpakita ng magagandang bagay tungkol sa akin kay Thaddeus. Baka sa paraan na iyon ay mahulog siya sa akin! At kapag sobrnag inlove na siya sa akin, iyong tipong baliw na siya sa pag-ibig ay baka kapag hiniling ko ang kayang puso ay kusa pa niya iyong ipagkaloob sa akin. Tumikhim ako. “Sige, susundin ko ang iyong mga sinasabi. Aasikasuhin ko na lagi si Thaddeus.” “Magaling, Ma’am Esha. Ngunit bago niyo siya asikasuhin ay may dapat muna kayong baguhin…” “Baguhin? Ano ang aking babaguhin?” tanong ko. “Ang hitsura niyo! Masyado kayong old-fashioned…” sagot ni Malena.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD