KABANATA III

1281 Words
MALAKAS kong ibinagsak sa harapan ni Malena na nakahalumbaba sa dinner table ang isang malaking aklat na ang kapal ay isang dangkal ng aking kamay. Sumabog ang alikabok niyon sa mukha ni Malena kaya panay ang ubo niya. Galing pa kasi sa taguan ang aklat na iyon. Noong sinunog ang mansion namin, iyon lang ang pinadala sa akin ng Mama at Papa. Ayon sa kanila ay magagamit ko iyon sa takdang panahon. Aklat daw iyon kung saan nakasulat lahat ng tungkol sa pagiging aswang ng aming pamilya. “Ano naman ito, Ma’am Esha?” Mukhang galit pero walang buhay na tanong ni Malena sa akin. Crossed-arms na sumagot ako sa kanya. “Aklat malamang! Bulag ka ba o tanga? Gusto kong basahin mo lahat ng nariyan, Malena. Page by page. Word by word! Naiintindihan mo ba?” Mabagal na tumayo si Malena. “Ma’am Esha, kasambahay niyo ako dito hindi estudyante? Kailan ka pa naging teacher?” “Kanina lang!” sarcastic na sabi ko. “Kailangan mong basahin ang aklat na iyan dahil naniniwala ako na nandiyan ang sagot para mamatay na ako. Para makontra ko ang epekto ng isandaan na puso ng saging!” “E, bakit kaya hindi ikaw ang magbasa, Ma’am Esha? Ang tamad mo rin, e…” “Malena, ikaw naman ang makikinabang oras na mamatay na ako. Sa’yo ko lang naman iiwan ang lahat ng kayamanan ko!” Nanlaki ang mga mata niya sa gulat. Agad siyang umupo at inumpisahang buklatin ang malaking aklat. “Sige, Ma’am Esha, babasahin ko ang aklat na ito. Para mamatay ka na talaga. Tutal iyan naman talaga ang gusto mo…” “Kahit kailan talaga, mukha kang pera, Malena!” sigaw ko sa kanya at iniwan ko na siya. HINDI ako makatulog ng gabing iyon. Hindi ko alam kung bakit. Ganito ako kapag kabilugan ng buwan pero hindi pa naman full moon. Nasa terrace lang ako habang nakatingin sa madilim na gubat. Nakasuot ako ng puting pantulog na bagsak ang tabas kaya naman hakab na hakab ang magandang kurba ng aking katawan. Sa kabilang kwarto naman ay abala si Malena sa pagbabasa ng malaking aklat. Nang huli ko siyang i-check ay nasa page one hundred na siya. Ten thousand pages iyon kaya malayo-layo pa siya sa katapusan. Huwag naman sana na patay na siya ay hindi pa siya tapos sa pagbabasa. Kahit naman intrimitida si Malena ay may puwang na rin siya sa aking puso. Isa siya sa taong ayaw kong mawala sa aking buhay. Sabagay, nag-iisa lang naman talaga siyang tao na kilala ko ngayon. Maya maya ay may napansin ako sa gubat. Parang may liwanag akong nakikita sa hindi kalayuan. Parang… apoy? Sino naman kaya ang talipandas na nagsindi ng apoy sa gitna ng gubat? Hindi ba niya alam na pwedeng pagsimulan iyon ng sunog at maging dahilan para masunog ang buong gubat? Tapos kapag minalas, madadamay pa ang mansion ko! Ang hirap-hirap kayang magpatayo ng mansion. Inabot din ito ng isang taon bago natapos. Humanda sa akin ang kung sino mang nagsindi ng apoy na iyon! Pinuntahan ko si Malena sa kanyang silid para magpasama sa kanya na puntahan iyong apoy. Pero nakatulog na pala siya sa pagbabasa. Nakasubsob na ang mukha niya sa aklat. Humihilik pa talaga ang gaga. “Walang silbi!” pakli ko. Kahit naman aswang ako ay may puso rin ako. Hindi ko na ginising si Malena para may lakas siyang magbasa bukas. Ako na lang ang pumunta sa may apoy. Yumakap sa akin ang malamig na hanging panggabi nang lumabas ako ng mansion. Yakap ang aking sarili na naglakad ako. Dahil aswang pa naman ako kahit papaano ay malakas pa rin ang pang-amoy ko. Naaamoy ko na isang tao ang may kagagawan ng apoy. Malalaki ang mga hakbang na sinundan ko ang amoy ng taong iyon. Mga tao talaga! Minsan ay hindi nila iniisip ang magiging resulta ng ginagawa nila. Palapit na ako nang palapit sa kinaroroonan ng apoy. Nakikita ko na iyon. Huminto ako saglit nang may makita akong isang lalaki na nakaupong paharap sa apoy. Hindi ko makita ang mukha niya dahil nakatalikod siya sa gawi ko. “Humanda ka sa akin…” bulong ko at ipinagpatuloy ko ang paglalakad. Nang nasa likod na niya ako ay tinapik ko ang lalaki sa likod. Agad naman itong lumingon at sa pamamagitan ng liwanag na ibinibigay ng apoy ay nakita ko ang mukha niya. Medyo malaki ang mata niya pero maganda. Kung makatingin siya, akala mo ay palaging galit. Matangos ang ilong niya. Manipis ang labi na parang hindi marunong ngumiti. Maganda ang pagkakagupit ng buhok niya. May kaunting buhok din siya sa pisngi, baba at itaas ng nguso. Manipis lang ang mga iyon. Lalaking-lalaki itong tignan. Nang tumayo ito ay doon ko nalaman na mas matangkad siya sa akin. Hanggang dibdib lang niya ako. Sa suot niyang pantalon at jacket, sigurado ako na maganda ang katawan niya. In short, ubod ng gwapo ang lalaking kaharap ko. Tila naumid ang dila ko dahil sa kagwapuhan niya. Sa loob ng mahabang panahon ay ngayon lang ulit ako nakakita ng ganito kagandang lalaki! Tumaas ang kilay niya habang nakatingin sa akin. “Who are you? Bakit ka nandito?” tanong niya. “H-ha…” Gusto kong sampalin ang sarili ko dahil sa pagiging tuliro ko sa harapan ng lalaking ito. “Miss!” Pumitik siya sa harapan ng mukha ko. Kumurap-kurap ako at doon lang ako tila natauhan. Naggalit-galitan ako sa kanya. “Bakit ka nagsindi ng apoy dito?!” Pasigaw na tanong ko. “Bonfire. Nagca-acamping ako dito sa gubat. Masama ba?” Humalukipkip siya. Doon ko lang nakita ang mga bags at tent na nasa harapan namin. “Oo. Masama! Baka masunog ang gubat. Madamay pa ang mansion ko!” sabay turo ko sa mansion ko. Sa taas niyon ay kita pa rin iyon sa kinaroroonan namin. Tumango-tango ang lalaki nang makita ang aking mansion. “So?” aniya. “Anong so?!” Biglang nag-init ang ulo ko sa pagiging walang modo ng lalaki. “Hindi ka ba marunong umintindi?! Masusunog nga ang mansion ko!” “Miss, `wag kang paranoid, okay? I am responsible enough para hindi mangyari ang sinasabi mo.” “Wow! Talaga lang, ha? Paano kung makatulog ka at kumalat ang apoy?” “Ang paranoid mo talaga, miss. Alam mo, ang mabuti pa ay umuwi ka na sa mansion mo. Gabi na. Nakaputi ka. Baka may makakita sa’yo at mapagkamalan kang aswang. Mabaril o masibat ka pa!” Tinignan ko siya nang masama. Aswang talaga ako! Tangang `to! Sigaw ng utak ko. Gwapo nga siya pero napaka antipatiko! Kung kabilugan lang ng buwan, siya ang una kong kakainin kapag naging aswang ako. Ay, oo nga pala. Hindi ako kumakain ng tao. Kainis! Humakbang ako palapit sa kanya. Mas tinaliman ko ang mata ko at dinuro siya. “Oras na masunog ang mansion ko, humanda ka sa akin!” Pagbabanta ko. “Bakit? Anong gagawin mo sa akin?” “Babalatan kita ng buhay!” “Ow! Scary!” Kumibit-balikat siya. “E, paano kung hindi masunog?” “Edi, wala! Edi, masaya!” “You’re being unfair, miss…” aniya sabay ngisi. “May kapalit kapag nasunog ang mansion mo pero kapag hindi wala? Unfair!” “Anong ibig mong sabihin?” “Lets be fair. Kapag hindi nasunog ang mansion mo tonight, hahalikan kita!” “Ano?! Hahalikan?!” Sa lakas ng sigaw ko ay nabulabog ang mga panggabing ibon at nagliparan sila sa itaas naming dalawa. Seryoso ba ang lalaking ito sa sinabi niya?!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD