THERESA
Naalimpungatan ako nang naramdaman kong nakayakap ng mahigpit si Blake mula sa likuran ko at nakasiksik ang mukha niya sa balikat ko, kaya tumatama ang mainit na hininga niya sa balat ko.
Dahan-dahan akong nagmulat ng aking mga mata at iginala ang paningin sa paligid. Umaga na pala, pero malakas pa rin ang buhos ng ulan at ang ihip ng hangin. Masarap tuloy matulog at mahiga sa kama habang hubot-hubad na yakap ako ni Blake at nababalot ng kumot, tapos nararamdaman ko ang init ng balat niya.
"Good morning, Lara," malambing at paos ang tinig na bati ni Blake sa akin.
"Good morning," mahinang sagot ko. "Anong oras na, Blake?"
Wala kasi akong makitang nakakabit na orasan sa dingding. Tuluyang namatay na rin ang cellphone ko, kaya hindi ko alam kung anong oras na ngayon. Ang alam ko lang, umaga na dahil maliwanag na dito sa silid na kinaroroonan namin.
"Alas-syete na, Lara," tila inaantok pa na sagot ni Blake. Kinabig niya ako at humigpit pa ang pagkakayakap ng braso niya sa bewang ko.
"Hindi ka ba papasok ngayon?" tanong ko sa kaniya dahil dapat ganitong oras na ay naghahanda na siyang pumasok kasi government employee siya at may nakatakdang oras sila ng pagpasok sa trabaho.
"Maaga pa, puwede rin naman akong hindi pumasok ngayong araw para may kasama ka dito sa bahay, Lara," paliwanag ni Blake, pero umiling agad ako.
"Okay lang, kaya kong mag-isa dito sa bahay mo, kaya puwede kang umalis. Isa pa, hindi naman ako aalis ngayong araw dahil gusto ko munang magpahinga, kaya bukas ko na lang gagawin ang trabaho ko," sagot ko para hindi niya ako kulitin.
"Talaga, ilang araw kang mananatili dito sa amin bago ka bumalik sa Maynila?" tila natutuwang tanong ni Blake.
"Hindi ko pa alam,” nakapikit na sagot ko. “Baka isa o dalawang araw pa.”
"Magpa-file ako ng emergency leave mamaya para may kasama ka habang narito ka, Lara," bigla sabi ni Blake.
“Talaga?”
Ramdam kong bumaon ang mukha niya sa batok ko at malambing na hinalikan niya ako pababa sa leeg ko at bumulong sa akin.
“Oo, Lara."
Noon, naiinis ako kapag may makulit at clingy na lalaki na nakatagpo ko kapag may misyon ako, pero ngayon, parang natutuwa pa ako sa gagawin niya kahit walang pinagkaiba sa kanila si Blake.
"It's okay, sa ibang araw na lang, Blake. Gusto kong magpahinga muna ngayong araw,” nakangiting sagot ko. “Dito muna ako sa bahay mo para kapag nagkaroon ng kuryente ay makapag-charge ako ng cellphone ko.”
“Puwede kong i-charge sa presinto ang cellphone mo, Lara,” sabi ni Blake sa akin. “Hindi ko kasi alam kung kailan ulit magkakaroon ng kuryente dito sa amin.”
“Ganoon ba?”
“Oo," mabilis niyang sagot, pero umiling ako bilang sagot.
“It's okay, hindi na kailangan.”
Hindi ko puwedeng ipagkatiwala sa kaniya ang aking cellphone, kaya tumanggi ako sa alok niya. Walang ibang puwedeng humawak nito kundi ako lang, dahil isang pagkakamali ko lang ay masisira ang misyon ko.
I'm back to my cold self dahil hindi ko nagustuhan ang epekto ni Blake sa akin nang bumaon sa leeg ko ang mukha niya at pagkatapos ay hinalikan ako sa balikat.
"Maghahanda muna ako ng almusal natin, Lara."
Hindi na ako sumagot. Naramdaman kong bumangon na siya at inayos ni Blake ang kumot na takip sa katawan ko.
Pinanood ko siyang tumayo at inabot sa dulo ng kama ang nagkalat niyang damit na hinubad ko sa katawan niya kagabi. Not bad, maganda rin pala ang katawan niya at hindi rin pahuhuli sa mga lalaki sa Maynila. Dahil sa moreno ang kaniyang kulay, ay bumagay ito sa magandang feature ng kaniyang mukha, lalo na ang matangos na ilong at ang makapal na kilay.
"Anong gusto mong almusal, Lara?" tanong ni Blake matapos isuot ang t-shirt.
"Don't bother,” tipid na sagot ko. “May protein shake akong dala. Okay na ako doon.”
"Hindi ka kakain ng kahit ano ngayong umaga?" muling tanong ni Blake sa akin.
"May dala akong cereal," tipid na sagot ko, pero mukhang hindi iyon nagustuhan ni Blake dahil bahagyang nagdikit ang makapal niyang mga kilay.
"Kaya walang laman ang katawan mo at ang payat mo, kasi ganyan pala ang mga kinakain mo, Lara."
Napailing pa siya na para bang disappointed siya at hindi nag-enjoy sa ibabaw ko kaninang madaling araw.
"Almusal ang pinakamahalagang pagkain sa araw. Kaya dapat kumain ka ng mabuti, Lara.”
Nang hindi ako sumagot, tinalikuran na niya ako. Naiwan akong mag-isa sa silid at hubad na nakahiga sa kama nang lumabas si Blake. Sampung minuto ang lumipas bago ako bumangon at bumaba sa kama.
Nagtapis lang ako ng tuwalya at nakapaa na lumabas ng silid para maligo. Hindi ko kayang magbihis nang walang ligo matapos ang dalawang ulit na pagniniig namin ni Blake kanina dahil ramdam ko ang panlalagkit sa pagitan ng mga hita ko dulot ng pinaghalong katas naming dalawa.
Naabutan kong abala sa kusina si Blake. Dahan-dahan at maingat akong humakbang para hindi makagawa ng ingay, pero mukhang matalas ang pakiramdam niya dahil nakita kong lumingon agad siya sa direksyon ko.
"Maliligo muna ako, Blake.”
Bigla ko na lang itong nasabi kahit hindi naman niya ako tinatanong. Nakatitig na naman kasi siya sa akin na para bang natulala pa nang makita niya ako.
"Hey, ayos ka lang ba, Blake?"
Nagbawi siya ng tingin at ngumiti sa akin.
"Oo. Nag-init na ako ng tubig panligo mo para hindi ka lamigin, Lara."
“Salamat.”
Muli siyang ngumiti sa akin at pagkatapos, pinatay niya ang kalan. Binuhat na niya ang takore, at humakbang na papasok sa banyo sa tabi ng kusina.
Sa ginawa niya ay nakaramdam ako ng hindi ko maipaliwanag na saya sa aking puso. Sa unang pagkakataon kasi, may lalaking nagpakita ng pag-aalaga sa akin at hindi gaya ng mga nakilala ko na katawan ko lang ang gusto nila.
Hindi ko akalain na may lalaki pa palang maalaga gaya ni Blake. Para bang matagal na kaming magkakilala at hindi puro seks lang ang gusto niya sa akin, kaya nakaramdam ako ng kakaibang damdamin para sa kaniya.
“Okay na, puwede ka nang maligo, Lara.”
Ngumiti ako nang lumabas si Blake mula sa banyo matapos lagyan ng mainit na tubig ang ipangliligo ko. Laking pasasalamat ko sa kaniya na ginawa niya ito dahil malamig pala talaga ang temperatura ngayon lalo na at umuulan pa sa labas.
Nakahain na ang almusal nang lumabas ako sa banyo. Tinanguan ko lang siya nang makita kong nakatingin siya sa akin, at pagkatapos, mabilis akong pumasok sa silid niya para magbihis dahil kahit may nangyari na sa amin kagabi, awkward pa rin ang pakiramdam sa tuwing nakikita ko kung paano niya ako tingnan.
Matapos magbihis, lumabas rin agad ako ng silid, pero mukhang hinihintay pala ako ni Blake dahil niyaya niya agad akong kumain ng almusal.
"Kain na tayo, Lara.”
Tahimik akong sumama sa kaniya palapit sa mesa. Nakita kong nagsangag pala siya ng natirang kanin at nagprito ng itlog, tapos may adobong manok, kapares ng kape. Hindi ganito ang karaniwang pagkain ko sa umaga, pero hindi ako dapat maging maarte kasi nakikituloy na nga ako at ipinaghanda pa niya ako ng masarap na almusal.
Alam kong pinagmamasdan akong kumain ni Blake. Mukhang balak pa niyang lagyan ng pagkain ang pinggan ko nang makitang kaunti lang ang kinuha ko, pero tinaasan ko siya ng kilay, kaya itinikom niya ang bibig at hinayaan na ako.
Bilang modelo, kailangan kong alagaan ang aking katawan. Mabuti na lang at hindi ako gaya ng ibang kasamahan ko sa runway na mabilis tumaba at tumaas ang timbang, pero hindi ibig sabihin nito ay okay lang na wala na akong disiplina sa sarili.
Inubos ko ang pagkain ko, pati na rin ang kape na tinimpla ni Blake para sa akin. Wala na akong narinig na kahit ano mula sa kaniya, kaya matapos kumain ay tumayo na ako.
"Tao po, sir!" malakas na tawag ng isang lalaki mula sa labas.
Nagkatinginan kami ni Blake, at pagkatapos ay bumaba ang paningin niya sa katawan ko at sinuyod muna ng mga mata ang kabuuan ko bago tumayo at tinungo ang pintuan at binuksan.
“Bakit nandito kayo?”
Maliit lang ang bahay ni Blake, kaya malinaw na narinig ko ang sinabi ng mga taong dumating.
"Hindi ka matawagan ng tropa, sir, kaya pinuntahan ka na namin dito," sabi ng isang lalaki.
Narinig kong sinabi ni Blake na nakapatay ang cellphone niya dahil naubusan ito ng baterya. Tinanong rin niya ang mga dumating kung may problema ba at pinuntahan siya ng ganito kaaga.
"Oo, sir. Nag-request si Kapitan Magno ng evacuation para sa mga bahay na malapit sa ilog," narinig kong sagot ng isa sa mga kausap niya.
"Sige, magbihis lang ako," sabi ni Blake at sinabing hintayin siya ng mga kausap sa labas.
"Ah, sir, puwede bang makainom kami ng kape?” narinig kong tanong ng pulis na siyang unang bumati kay Blake kanina nang dumating sila.
“Kanina pa kami sa ilog, kaya nanginginig na ako dahil basang-basa kami sa ulan, kaya nilalamig ako.”
"Bakit, wala bang kape sa inyo?" masungit na tanong ni Blake sa kausap na pulis.
Hindi man lang siya nag-abalang papasukin ang mga kasamahan sa trabaho. May pagkamasungit rin pala ang isang ito. Kape lang ay ipinagdadamot pa niya.
"Bumili na lang tayo ng kape sa carinderia ni Aling Tekla mamaya.”
Isa-isang inabot ko ang mga plato at nagligpit ng mga ginamit namin. Marunong naman akong maghugas ng pinggan dahil ginawa akong alila ng mga taong kumupkop sa akin matapos mamatay sa sunog ang buong pamilya ko, kaya walang problema kung gagawin ko ito.
Hirap lang ako dahil walang gripo, kaya nang akmang kukuha ako ng tubig sa timba para maghugas ng kamay dahil puno ito ng bula, dumulas ang hawak kong baso kaya't nabasag ito sa sahig.
"Ayos ka lang ba, Lara?" narinig kong tanong ni Blake mula sa likuran ko.
Mabilis pala siyang nakalapit sa akin dito sa kusina, pero hindi ko ito namalayan. Nahihiya tuloy ako dahil pinatuloy na niya ako dito sa bahay niya, pero nakabasag pa ako ng gamit.
"Yeah, I'm fine, Blake. I'm sorry, nabasag ko 'yan.”
Napangiwi ako habang nakatingin sa nagkalat na basag na baso sa sahig, malapit sa paanan ko.
"It's okay, ako nang bahala dito. Huwag mo nang pansinin 'to," sabi ni Blake.
Mabilis niyang inabot ang walis at dustpan para walisin ang nagkalat na bubog sa sahig.
"May maganda ka palang bisita dito sa bahay mo, sir," sabi ng lalaking kanina lang ay kausap ni Blake sa labas.
Nabaling ang tingin ko sa kanila. Hindi ko sila kilala at hindi rin ako pamilyar sa kanila dahil hindi sila ang nakita ko sa presinto nang minsang pumunta ako doon kasama si Agatha para tingnan ang police record nila sa pagkamatay ng mga magulang ng babaeng kinababaliwan ngayon ni Draven.
"Sino ang may sabi sa inyong pumasok?" salubong ang kilay na tanong ni Blake sa dalawa.
"Narinig kasi naming may nabasag, kaya tiningnan namin at baka may kalaban dito sa loob ng bahay mo, sir," sagot agad ng isa sa mga pulis na kaharap namin.
Nakaramdam ako ng hiya nang magsalok ng tubig si Blake sa timba at sinabing maghugas na ako ng aking kamay kahit kasama namin dito sa kusina ang kaniyang mga tauhan.
"Ako na ang bahala dito, Lara," mahinahon na sabi sa akin ni Blake.
Hinawakan niya ang kamay ko at gamit ang dulo ng t-shirt na suot ay tinuyo niya ang mga ito.
Napatitig ako sa kaniya habang nakayuko siya at tinutuyo ang kamay ko. Sabay pa kaming napalingon nang marinig namin ang tikhim ng mga kasamahan niya sa trabaho.
Narito pa rin pala sila sa kusina at pinagmamasdan kami, kaya biglang nag-init ang aking magkabilang pisngi.
"Kung gusto ninyo ng kape, magtimpla na kayo para makaalis agad tayo," utos ni Blake sa mga kasama.
Mukhang palagi na sila rito dahil mabilis silang kumuha ng tasa at kutsara para magtimpla ng kape.
"Kaya pala wala kang pinapansin dito sa probinsya, Sir Blake, kasi napakaganda pala ng girlfriend mo," sabi ng lalaking kanina lamang ay tahimik habang naghahalo ito ng kape.
Napatingin ako kay Blake. Hindi niya ikinaila na hindi niya ako girlfriend. Wala rin akong narinig na kahit ano mula sa kaniya, maliban sa sinabi niyang manahimik ang kasamahan sa trabaho.
"Ma'am, Theo po ang pangalan ko. Kung may kapatid ka pang magandang babae, baka puwede naming makilala. Single pa po ako," sabi ng maingay na pulis na pabirong binatukan ng kasama, kaya napangiwi ako.
Kapangalan pa niya ang lalaking dinukot ni Boss Draven ang mata dahil nilapitan niya kaming dalawa ni Agatha sa pool, gayong mahigpit itong ipinagbabawal ng aming pinuno.
Naalala ko na naman tuloy ang mayabang na lalaking iyon habang ipinagmamayabang sa amin ang maliit naman niyang p*********i gayong kasing haba lang naman ng okra na kinulang sa abono.