“Vanya?” Nilapitan ako ni Daddy dahil batid nito na mayroon akong problema kapag ganito ang aking hitsura. Ang totoo ay wala akong gustong kausapin sa kanila. Gayunpaman ay alam ko sa sariling hindi ko sila matatakasan.
“Elena?” Tila wala sa sariling tanong ko din kay Daddy. Gusto kong makita ang kanyang reaksyon kapag narinig nito ang pangalan na aking binanggit.
Sa tingin ko ay mas mabuting malaman ko na ang katotohanan mula sa kanila. Tutal ay alam ko naman na ang totoo. Tinignan ko si Vlad at mababakas sa kanyang mukha ang pagkagulat. Malamang ay hindi nito inaasahan ang aking naging tanong.
Saglit lang iyon at ngayon ay nagbago na din ang kanyang reaksyon. Nawala ang pagkagulat at napalitan iyon ng tila sakit. Tiyak kong masakit para sa kanila na sabihin sa akin ang totoong nangyari. Kahit sino naman ay hindi nanaisin na marinig ang tungkol sa iyong pagkamatay at muling pagkakaroon ng buhay. Ang mas masakit pa doon ay hindi mo na kilala ang iyong sarili sa muling pagmulat ng iyong mga mata. Idagdag pa ang tuluyan na pagbago ng iyong pagkatao dahil hindi ka na normal na tao at isa ka ng bampira.
Isang bampira na anumang oras ay maaaring pumaslang ng walang malay na tao. Isang nilalang na uhaw sa dugo at takot sa sinag ng araw. Hindi mo magawang tignan ang iyong sarili dahil walang repleksyon na makikita sa salamin. Ang pag-iingat upang itago ang tunay na pagkatao upang hindi mapaslang ng mga taong galit sa aming lahi. Ang pagsisikap na sundin ang pinakaimportanteng bilin sa pag-inom ng dugo ng hayop upang mapanatili ang legacy ng pamilya.
“Vlad, Vanya?”
Sakto ang dating ni Mommy Drusilla. Alam kong batid na nito ang aking iniisip. Malamang ay nahulaan na niya ang tungkol doon base sa sinabi ni Thana dahil sa nangyari kanina. Kaya pala wala akong matandaan sa aking kabataan ay dahil walang ala-ala na ganun si Vanya Bloodrose.
“Ikaw si Elena Perez.” BInasag ni Vlad ang katahimikan. Labis na pagtataka ang rumehistro sa mukha ni Thana. Hindi nito masabayan ang kasalukuyan na nangyayari ngayon.
“Anong sinasabi mo Dad?” Nagpapalit-palit ang tingin nito sa amin.
“Tama ang Daddy mo Thana. Hindi natin katulad ang iyong kapatid.” Hindi ako sigurado kung tama ang nakikitang lungkot sa mga mata ni Drusilla. Parang ngayon ko lang siya nakita ng ganun.
“Anong ibig n’yong sabihin?” Hindi pa din nais ni Thana na maniwala sa kanyang mga naririnig.
“Dati akong tao Thana at dinugtungan lamang nila ang aking buhay kaya ako naging bampira gaya ninyo.” Ako na ang sumagot sa tanong ni Thana upang mas mabilis nitong maunawaan ang nangyayari ngayon.
Natigilan ang aking kinikilalang kapatid. Hindi nito akalain na totoo ang kanyang narinig. Kung ako ang masusunod ay hindi ko din nais na malaman pa ang aking nakaraan. Gayunpaman ay hindi ko iyon mapipigilan dahil nakatatak na iyon sa aking pagkatao. Nang dahil sa memoryang iyon ay muli kong naramdaman ang sakit na dapat ay nakalimutan ko na sana.
Ang mga ala-ala na dumurog sa aking pagkatao. Ang walang kapantay na sakit dahil sa lalaking pinakamamahal ko. Ang katotohanan na para akong hayop na iniwan nila sa kalsada at hinayaan mamatay. Tila wala akong karapatan na mabuhay sa mundong ito.
Ito ang dahilan kung bakit hindi ko magawang magalit sa kanila. Kung hindi nila ako tinulungan malamang ay matagal ng nabubulok ang aking katawan at ang masakit doon ay hindi mananagot ang may sala sa nangyari.
“Vanya, I’m sorry.” Nang matauhan ay agad akong niyakap ng aking kapatid. Tinapik ko na lamang ang kanyang likod dahil hindi ko nais na sabayan siya sa kanyang pag-iyak. Tapos na ako sa ganung tagpo ng aking buhay. Mas malakas na ako ngayon at kaya ko ng harapin ang kahit anong bagay na tungkol sa akin.
“Umupo nga kayong dalawa.” Naghiwalay lang kami ni Thana nang marinig ang boses ni Vlad. Magkasabay pa kaming umupo ulit sa malaking couch. Maging si Mommy Drusilla ay ganun din ang ginawa.
“Vanya, iha gusto namin humingi ng tawad sa iyo dahil hindi namin nagawang sabihin ang tungkol sa iyong nakaraan.”
“Ang totoo ay matagal ka na namin pinagmamasdan bago pa nangyari ang araw na iyon.” Pag-amin ni Drusilla na bahagya kong ikinagulat. Hindi ko akalain na matagal na pala nila akong target.
“Pasensya na dahil ikaw ang napili namin na maging anak kahit pa nga hindi namin nagawang hingin ang iyong permiso.” Hinawakan ni Vlad ang aking kamay na tila sinasabing totoo ang kanilang pag-amin.
“Dumating kasi sa puntong kailangan ka na namin baguhin at hindi namin gusto ni Vlad na mahuli ang lahat.”
Hindi ako nagsasalita at tahimik lang na pinapakinggan ang kanilang paliwanag. Sa tingin ko ay totoo naman ang lahat ng kanilang sinasabi dahil hindi kailanman nagsinungaling sa akin ang dalawa.
“Vanya, patawarin mo na sina Mom at Dad.” Hindi ko mapigilan na makaramdam ng awa sa tingin na ibinibigay sa akin ni Thana. Hindi ko kayang hindi pagbigyan ang aking kapatid dahil sa lahat ng ginawa nito para sa akin.
Nginitian ko siya at muling ibinalik ang tingin sa kinilala kong mga magulang. Alam ko sa aking sarili kung ano ang dapat kong gawin.
“Oo naman pinapatawad ko kayo dahil kung hindi n’yo ako tinulungan malamang ay naaagnas na ako ngayon.” Totoo naman ang aking sinasabi.
“Maraming salamat.” Halos sabay pa na sagot nila Mommy at Daddy.
“I love you sissy.” Muli akong niyakap ni Thana. Parehas na kaming matanda ni Thana pero natural sa kanya ang pagiging clingy sa akin. Ginulo ko na lamang ang kanyang buhok.
Ako naman ang nakahinga ng maluwag ngayon dahil sa aking narinig. Wala na akong problema sa aking pagkatao dahil matagal ko ng niyakap ang pagiging bampira. Sa tingin ko ay ganun pa din ang aking gagawin kahit dati ko pa nalaman ang tungkol sa lihim na ito. Hindi ito magiging problema sa akin dahil niligtas nito ang aking buhay.
“Sige po aakyat na ako dahil kailangan ko ng magpahinga.” Tumayo na ako at nagpaalam sa kanila.
“Oo nga pala kailangan mo pumasok bukas sa iyong trabaho.” Tumayo ni din si Thana. Batid ko na pagod din ang aking kapatid dahil sa mga nangyari ngayong araw.
“Okay sige, magpahinga na kayo at papasok na din kami ni Drusilla sa aming silid.” Naghiwa-hiwalay na kaming tatlo at nagtungo sa aming mga silid.
Agad akong humiga nang makapasok sa aking kwarto. Totoong madaming nangyari ngayong araw. Muli kong naalala ang batang babae na muntik masagasaan kanina. Sana ay maayos lang ang kanyang pakiramdam dahil hindi biro ang ganoong klase ng aksidente. Sa ngayon ay dalawang bagay na lang ang kailangan kong pagtuunan ng pansin.
Una ay ang mag-imbestiga upang malaman ang katotohanan sa krimen na nangyari kay Max Miranda. Pangalawa ay alamin kung sino ang driver sa likod ng aking hit and run na aksidente. Batid ko sa mukha ni mommy Drusilla na may nais siyang sabihin sa akin kanina ngunit pinipigilan lamang nito ang kanyang sarili. Gayunpaman, ipagpapatuloy ko pa din kung ano ang aking nasimulan ngayon kahit magbago ang isip niya.
Muli akong bumangon at naisipan na ayusin ang aking bag na gagamitin bukas. Pumili na din ako ng maayos na damit upang maging maayos ang aking hitsura sa unang araw ng aking trabaho. Nakaramdam ako ng kasabikan sa isipin na magtatrabaho ako ngayon na gaya sa mga normal na tao. Hindi ko lubos maisip na magagawa ko ang bagay na ito kahit isa na akong bampira. Sa tingin ko ay mabuting ganito na lang lagi ang piliin kong pagkatao sa tuwing lilipat kami ng tirahan.
Napaisip ako dahil pakiramdam ko ay nakakapagod ang paglipat namin lagi ng tahanan. Kung maaari lang sana na manatili kami sa isang lugar kung saan tanggap kami bilang mga bampira. Isang lugar kung saan malaya namin gawin kung ano ang nararapat. Isang lugar na maituturing namin bilang totoong tahanan na pangmatagalan.
Natigil ako sa aking ginagawa nang makarinig ng mga katok sa aking silid. Malamang ay si Thana na naman iyon kaya mabilis ko siyang pinagbuksan. Sumilay agad ang masayang ngiti nito sa kanyang mga labi. Bagay na sobrang nagustuhan ko sa aking kapatid.
“Oh bakit hindi ka pa nagpapahinga?” Hindi ko na binuksan ng todo ang aking pintuan dahil sumenyas si Thana na hindi na s’ya papasok.
“Magpapahinga na ako dahil maaga din ako bukas para ayusan ka.” Mararamdaman mo din sa kanyang boses ang pagkasabik. Bago din para sa kanya ang bagay na ito dahil madalas na pang-estudaynte lamang ang ayos niya sa akin dati.
“Salamat, akala ko naman ay may lakad ka din bukas.” Hindi ko mapigilan ang sarili na hindi maging masaya.
“Oo may lakad din ako bukas dahil ihahatid kita.” Tinalikuran na ako nito matapos sabihin iyon.
“Seryoso ka ba?” Tumango lamang siya bilang sagot sa akin ngunit hindi na ito lumingon pa at pumasok na din sa kanyang kwarto. Napailing na lang at nakangiting sinarado ang pintuan ng sariling silid.
TInignan ko muna sa aking lamesa ang aking mga kailangan para bukas. Nang masigurong maayos na ang lahat at wala na akong nakalimutan ay muli akong humiga sa aking kama at niyakap ang malaking unan.
“Goodluck tomorrow Vanya.”