CHAPTER 1
SACHI POV
“Ok class, dismissed.”
Pagkasabi ’non ng professor ko ay agad kong inayos ang gamit ko. Dumeretso agad ako sa rooftop ng building para matanaw ang isang lugar na pinapangarap kong marating.
Ako nga pala si Sachi Annasha Adamson, 19 years old, first year college taking Bachelor of Science in Business Administration. Pinapaaral ko ang sarili ko gamit ang ipon na naiwan ng mga magulang ko para sa akin. They died in a car accident kaya mag-isa na lang ako sa buhay. Wala naman kasing pinakilala sa akin ang mga magulang ko na kahit na sinong kamag-anak namin. Kaya nasanay na akong mabuhay mag-isa. Hindi ko na rin kailangang magtrabaho dahil monthly ay may natatanggap akong pera galing sa isang insurance company. Malaki rin ang naipon ng mga magulang ko at ininvest ko ito sa isang stock company.
Iyong lugar naman na sinasabi ko ay isang school ata. Tanaw na tanaw ang mga building ‘non dito sa school na pinapasukan ko. Pakiramdam ko kasi sa school na iyon ay sobrang ganda. Nasa gitna siya ng kagubatan at matataas ang mga building. Hinanap ko na nga siya kay Google pero wala akong mahanap na matinong sagot. Ayoko namang mag-ala Dora at hanapin iyon sa kagubatan dahil baka maligaw pa ako. Kaya heto, patanaw tanaw na lang ako sa lugar na ‘yon. Pero naniniwala ako na mararating ko rin ang lugar na iyon.
Ilang saglit lang ay bumaba na ako sa rooftop. Uuwi na lang ako sa bahay ko dahil nakakapiga ng utak ang mga lessons ngayong araw.
Paglabas ko sa gate ay may nakita akong isang babae at dalawang lalaki na nakatambay sa harap ng school. Lahat nga ata ng estudyante ay napapansin sila dahil sa itsura nila. Yung babae ay maikli ang kulay blue na buhok pero bagay naman sa kanya. Ang ganda niya nga e, kaya halos lahat ng lalaki ay nakatingin sa kaniya. Iyong dalawang lalaki naman na kasama niya ay parehong gwapo. Matatangkad silang lahat pero ang pinakamatangkad ay ‘yong lalaki na parang may pagkamasungit. Gulo gulo ang buhok niya pero ang gwapo pa rin. Halos lahat ng babae ay kinikilig doon sa dalawang lalaki.
Napailing na lang ako at naglakad na lang pauwi ng bahay. Walking distance lang naman ang layo nang bahay sa school kaya nilalakad ko na lang para makatipid.
Habang naglalakad ay medyo kinabahan ako dahil madadaanan ko iyong tatlong nakatambay. Sino kaya sila? Sigurado akong hindi sila pumapasok sa school na pinapasukan ko dahil bawal sa amin ang may kulay ang buhok.
Pero sa kinamalas-malasan nga naman ay may natisod akong bato kaya nawalan ako ng balanse at lumagapak sa kalsada. Doon pa talaga ako bumagsak sa harapan ng tatlong nakatambay. Naagaw ko tuloy ang atensyon nila pati na rin ang lahat ng estudyante rito.
“Hala, miss okay ka lang?” nag-aalalang tanong sa akin ‘nong babae na kulay blue ang buhok.
Inalalayan niya ako sa pagtayo at nakita ko iyong tattoo niya sa palad niya. Isang simpleng triangle na nakabaligtad ang design. Medyo napatitig nga ako doon dahil parang kakaiba ang tattoo niya. Para kasing nag-iiba ang kulay niya.
“Miss?”
Napatingin ako sa kanya nang tinawag niya ako. Nagtataka siyang nakatingin sa akin.
“Ayos lang ako. Salamat.”
“Ako nga pala si Monica Marquez, and you are?” pagpapakilala niya sa akin.
Medyo natigilan ako dahil palakaibigan siya at mas maganda siya sa malapitan. Nakangiti siya sa akin at hinihintay niyang tanggapin ko ang kamay niya para magshake hands. Ngumiti rin ako sa kaniya at nakipagkamay.
“Sachi Annasha Adamson.” pagpapakilala ko rin.
“Nice name. By the way, this is Blake Montero and Clyde Brent Soriano.”
Ngumiti sa akin si Clyde then tumingin lang sa akin si Blake. Tama nga ako, masungit ang lalaking ito.
“So, dito ka nag-aaral?” tanong sa akin ni Monica.
“Yes, freshman ako. Kayo ba? Ngayon ko lang kayo nakita dito.”
It sounds strange pero magaan ang loob ko kay Monica at Clyde, doon lang kay Blake hindi. Para kasing may itim na aura ang nakapalibot sa kaniya sa sobrang kasungitan. Wala ring ekpresyon ang mukha niya kaya hindi ko alam kung anong iniisip niya.
“Napadaan lang kami dito. May hinahanap kasi kaming isang tao.” sabi ni Clyde.
“Ganoon ba. Sino ba siya? Baka sakaling may maitulong ako.”
“Let’s go.” masungit na sabi ni Blake.
Naglakad na siya palayo sa amin habang ako ay sinundan lang siya ng tingin. Grabe, parang pinaglihi siya sa sama ng loob. Hindi man lang sinagot ang tanong ko.
“Pasensya ka na Sachi ha. Ganoon lang talaga siya. Sige, mauna na kami. See you around.”
Umalis na rin si Monica at Clyde at sinundan ang masungit na si Blake. Napailing na lang ako at umuwi na lang din.
MONICA POV
“Hoy Blake! Grabe ka! Kinakausap ko pa si Sachi e.” naiinis kong tanong sa kaniya.
Hindi ako pinansin ni Blake at dere-deretso lang siyang maglakad. Hindi na ako nagtataka dahil bihira lang talaga siyang magsalita. Ewan ko ba sa kaniya, hindi ata siya nanghihinayang sa kaniyang laway na laging napapanis.
“Hindi ka na nasanay sa kaniya Monica.” sabi naman ni Clyde.
“Pero kasi, malay mo naman ‘di ba na may maitulong nga siya.”
Magaan kasi ang loob ko kay Sachi. Hindi siya katulad ‘nong iba na masyadong papansin. Natural na tao lang siya, walang arte sa katawan. Nang madapa siya sa harapan namin ay naramdaman kong mabuting tao siya.
“Anong gusto mong sabihin natin sa kaniya? Na naghahanap tayo ng isang tao na may Special?” sagot ni Clyde.
Napakamot na lang ako. Oo nga pala, hindi ko naman pwedeng sabihin kay Sachi ang lihim ng pagkatao ng mga Maxime na katulad namin.
“Saan tayo pupunta ngayon?” pag-iiba ko ng usapan.
Nasagot ang tanong ko nang tumigil kami sa isang bahay. Medyo maliit lang ito pero malinis naman at maganda. Malapit lang ito sa school na pinapasukan ni Sachi.
“Dito na lang muna tayo magpahinga. Bukas na lang tayo bumalik sa school na iyon.” seryosong sabi ni Clyde.
Walang imik na pumasok ng bahay si Blake kaya sumunod na lang kami sa kaniya. Hindi po talaga siya palaimik. Kaya mahirap kasama ang lalaking ito. Mabuti na lang at kabisado na namin ang bawat kilos niya kaya naiintindihan namin kung anong gusto niyang iparating.
Pagkapasok namin sa bahay ay bumungad sa akin ang isang malambot na sofa kaya agad akong naupo doon. Halos dalawang oras na kasi kaming nakatayo doon sa labas ng school. Hindi ko nga alam kung mahahanap ba namin iyong pinapahanap sa amin kung nakatayo lang kami doon.
“Paano ba natin mahahanap ang taong iyon? Wala man lang clue na ibinigay si Director?”, tanong ko sa dalawa na nakaupo na rin.
“Sabi niya kasi, naramdaman niya lang ang aura nito sa school na iyon. Pero hindi niya matukoy kung anong Special ang taglay nito.”, paliwanag ni Clyde.
“Kung pumasok kaya tayo doon? Para makilala natin ang lahat ng estudyante doon at malaman kung sino sa kanila ang may taglay na Special.” suggestion ko naman sa kanila.
“Hindi na kailangan dahil mahahanap natin siya bukas.” dere deretsong sabi ni Blake.
Pareho kaming natigilan ni Clyde. Iyan na ata ang pinakamahaba niyang nasabi ngayong araw na ito.
“Paano natin siya mahahanap?” tanong ko sa kaniya.
Sa halip na sagutin ay nagkibit balikat lang siya. Tumayo na siya at pumasok sa isang kwarto kaya naiwan kaming nakatunganga nitong si Clyde.
“Kailan kaya magiging consistent ang pagsasalita niya?” tanong sa akin ni Clyde.
“Oo nga, ang hirap kausap.”
Nagsasalita naman talaga si Blake at minsan ay nakakausap ng matino. Iyon nga lang, once in a blue moon lang siya magsalita ng madami. Lagi lang siyang isang tanong, isang sagot. Minsan pa nga ay hindi talaga siya namamansin. Kami nga lang dalawa ni Clyde ang halos nakakausap niya. Dahil sa iba, hindi talaga siya nagsasalita.
“Pero sa tingin mo ba, mahahanap talaga natin bukas iyong pinapahanap ni Director?”
“Ewan ko. Pero kung totoo na may isang Maxine sa school na iyon, kailangan natin siyang mahanap agad bago pa man lumabas ang Special niya. Masyadong delikado para sa mga normal na tao. At delikado rin para sa kaniya.” mahaba kong paliwanag sa kaniya.
Tumango naman siya at hindi na nagsalita pa. Sumandal naman ako sa sofa at ipinikit ko ang mga mata ko. Masyado ata akong napagod ngayong araw na ito.