NAPAPIKIT si Abella nang tumama sa kaniyang mga mata ang sikat ng araw na tumatagos sa kurtinang nasa bintana. Tanghali na at hindi niya 'yon namalayan. Umiwas siyang nang tingin doon, saka nagmulat ng mga mata.
Walang gana siyang umupo sa gilid ng kama at hinanap ang tsinelas niya. Tumayo siya at lumabas ng silid.
"Good morning, 'Ma," mahina niyang bati. Dumeretso siya sa refrigerator at kumuha ng tubig doon. Napapikit pa siya ng maramdaman ang pagguhit ng malamig na tubig sa kaniyang lalamunan.
"Kumusta 'yong party?"
Napahinto si Abella. Dahan-dahan siyang humarap sa ina na kasalukuyang naglilinis. Naalala niya ang nangyari nang nagdaang gabi. Bumalik ang pakiramdam na hindi niya maipaliwanag. Parang binuhusan ng malamig na tubig ang sikmura niya. May kirot.
"O-okay naman po, 'Ma," sabi niya kahit ang totoo ay hindi naman naging okay ang pagpunta niya roon.
Maaga siyang nagpahatid kay Neith nang nagdaang gabi. Sinabi niya rito na nakita niya si Nathan. At ang koneksyon ni Koki rito. Nag-alala pa sa kaniya ang binata. Pero sinabi niyang okay na siya at mas gusto na lang umuwi. Sinabi pa nito na huwag na muna siyang pumasok ngayong araw.
Napailing siya nang biglang mag-sink in sa isip niya ang pangyayari nang nagdaang gabi. Hindi niya alam kung ano ang tunay niyang naramdaman nang makita ang binata. Ang alam lang niya ay hindi pa siya handa para makita ito. Halo-halong damdamin ang nagsulputan sa kaniya. Pero sa 'di maipaliwanag na dahilan, may pananabik siyang nakapa ng masilayaan ito.
-
"T-TALAGA? Anong naging reaksiyon niya?" bulalas ni Julio nang maikwento ni Abella ang nangyari nang nagdaang gabi.
Nag-aya si Julio na magkape silang dalawa sa coffee shop, malapit sa bahay ni Abella. Wala kasing pasok ang bakla.
"Hindi ko mabasa ang reaksiyon niya. Ang alam ko lang nagulat siya nang makita ako," sagot niya. Humigop siya sa tasa at naramdaman ang init sa kaniyang sikmura.
"Eh, ikaw anong naramdaman mo? Isang taon kayong 'di nagkita, imposible namang wala lang." May pagdududa sa tinig nito.
"Wala. Wala naman akong dapat maramdaman," agad niyang depensa.
"Aysus! E, bakit tumakbo ka palayo kung talagang wala na? Saka isa pa, kung wala na talaga eh, 'di sana kaya mo na siyang harapin," giit ni Julio.
"W-wala na nga. Hindi pa lang talaga ako handang harapin siya. Alam mo naman kung anong ginawa ko sa kaniya, 'di ba? At 'yong masasakit na salitang ibinato niya sa akin."
"Isang taon na ang nakalipas, Abella. Saka, 'di ba, hindi mo naman kasalanan ang mga nangyari noon. Kasalanan 'yon ng mga matapobre niyang magulang."
Sumimangot siya. Kahit na totoo lahat ng sinabi ni Julio, hindi pa rin niya maiwasang hindi ma-guilty at masaktan sa mga nangyari noon.
Tumahimik na lang siya dahil sa punto ng kaibigan. Humigop siya ng kape at sumimangot.
"Girl, payong kaibigan lang huh. Alam mo mas mabuting harapin mo si Nathan. Hindi naman pwede na lagi ka na lang tatakbo kapag nakikita mo siya. Linisin mo ang pangalan mo. Magpaliwanag ka. Hindi ka tuluyang makakatakas sa nakaraan kung hindi mo haharapin ang mga naging parte niyon. Palayain mo ang sarili mo sa galit, sakit, at pagsisisi. At pagkatapos, siguradong gagaan ang loob mo at mawawala lahat ng bigat sa iyong damdamin."
Napatitig siya rito. Napaisip siya sa sinabi ng kaibigan na talaga namang may malaking punto.
"Alam ko 'yon, pero 'yong magpaliwanag muli sa kaniya...ayaw ko na." Ilang beses na kasi siyang nagpaliwanag sa lalaki at hindi nito maunawaan ang lahat. Kung sabagay, hindi niya masisisi ang lalaki dahil nasaksihan mismo ng mga mata nito ang nangyari.
"Mahirap palayain ang sarili sa sakit, lalo na't pagkatao ko ang sinaktan niya."
-
"ARE YOU okay? Akala ko hindi ka papasok? I'll understand," salubong ng kaibigan ni Nathan sa kaniya.
"Okay lang ako, bro." Ngumiti siya at bahagyang tinaas ang isang kamay.
"Sigurado?"
Tumango si Nathan. Pumasok silang dalawa sa opisina ni Koki.
"Mukhang hindi ka nakatulog kagabi, ah?"
"Medyo," pakli niya.
"Alam mo, bro, isang taon na ang nakalipas bakit 'di mo subukang harapin si Abella? Closure lang ba. Hindi ka magiging masaya kung may mabigat diyan sa puso mo."
Humawak siya sa sentido at nag-angat ng tingin sa kaibigan.
"Isa pa, lumiliit na ang mundo ninyong dalawa. Hindi naman pwede na magtaguan kayo, 'di ba? Kung talagang wala ka ng feelings para sa kaniya, palalayain mo na 'yang sama ng loob na nariyan sa puso mo," diretsong sabi pa nito. Bahagya pa nitong ginalaw-galaw ang swivel chair.
Hindi siya umimik. Tama naman si Koki, alam niya 'yon. Kaya lang kapag malapit na siya sa dalaga nawawala ang lakas ng loob niya. Bumabalik lahat ng masasakit na nagyari noon. May kirot.
-
MASAYANG lumabas ng bookstore si Abella dahil sa pagkakataong ito, dala na niya ang librong matagal na niyang pinagpapantasiyahan.
Katatapos lang ng trabaho niya at dahil may oras pa siya, nagpasiya siyang dumaan sa bookstore, nagbabasakali na makikita ang gustong libro at hindi naman siya nabigo.
Habang naglalakad siya, tumunog ang cellphone niya na nasa sling bag na suot. Binagalan niya ang paglalakad habang kinukuha ang iyon sa loob ng bag. Natuon doon ang atensyon niya at hindi namalayan ang isang lalaki.
"Aw!" gulat niyang bulalas nang maramdaman niya ang pagbangga sa matigas na katawan ng isang lalaki.
Napangiwi siya nang maramdaman ang bahagyang sakit ng kaniyang noo na siyang nabunggo sa dibdib ng lalaki.
Nasinghot niya ang pabangong gamit nang lalaki na nagdulot ng pagkabahala sa kaniya. Pamilyar ang amoy na iyon. Hindi niya malilimutan ang ganoong klase ng pabango.
Dahan-dahan siyang nag-angat nang tingin. Nakahinga siya nang maluwag nang tuluyang makilala ang binata. "Okay ka lang ba?" agad niyang tanong sa binatang nakasalamin na nasa harap niya. "Sorry, hindi kita nakita," segunda pa niya.
Inayos nito ang salamin. "O-okay lang ako, kasalanan ko rin naman dahil hindi ako tumingin sa daraanan ko," anito, saka iniwan siya.
"Okay ka lang?"
Napahinto si Abella sa pagtingin sa cellphone niya. Biglang may kung anong nagyari sa tiyan niya na nagdulot ng kakaibang pakiramdam. Naghahalong kaba't pangamba ang nadarama niya.
Ang boses na 'yon!
Dahan-dahan siyang bumaling sa nagsalita at hindi nga siya nagkamali. Bahagyang nanlaki ang mga mata niya at bahagya pang napaatras. Naramdaman niya ang paggalaw ng kaniyang labi dahil sa hindi maipaliwanag na nararamdaman.
"N-Nathan?" gulat na banggit niya sa pangalan nito.
"Yes, ako nga," sagot nito na hindi niya alam kung galit o hindi ang lalaki. Blangko ang emosyon nito.
Hindi niya alam kung ano ang sasabihin dito. Umiwas siya nang tingin at bahagyang yumuko. Hindi niya kayang salubungin ang mapanuring titig nito.
"B-bakit ka narito?" tanong niya na bahagya lang na bumaling sa kaharap.
Tama ba na kinakausap niya ang lalaking nanakit ng labis sa pagkatao niya?
"Do I need to explain why I'm here?" Bahagya itong ngumisi.
Hindi siya umimik. Yumuko na siya para makaiwas sa tila galit na mga titig nito. Ngayon niya utay-utay nararamdaman ang galit ng binata dahil sa ginawa niya noon dito.
"Well, narito ako para bumili ng libro, kagaya mo. Magkano bang bili mo sa librong 'yan?" makahulugang anito habang nakatingin sa kaniya at hindi sa libro.
Gusto niyang manliit dahil sa makahulugang tinuran nito. Gusto na lang niyang maglaho para makaiwas sa mapanghusgang titig ni Nathan.
"Mauna na ako," paalam niya. Hindi na niya kayang makipag-usap sa binata. Hindi na niya kayang tanggapin ang panghuhusga nito sa kaniya. Qouta-ng-qouta na siya roon noon pa man. Hindi niya deserve 'yon.
Tumalikod siya at hahakbang na sana ng magsalita si Nathan.
"Aalis ka na? Hindi mo man lang ba, kukumustahin ang lalaking ginamit mo noon?"
Parang kutsilyong binato sa dibdib niya ang mga katagang 'yon. Masakit pa rin pala hanggang ngayon. Akala niya hindi na siya muling masasaktan ng nakaraan.
Humarap siya kay Nathan. "Nathan, hindi kita ginamit! Hindi ako manggagamit!" mariin niyang sambit.
Kapagkuwa'y tumalikod na siya kasabay nang pagtulo ng luha sa kaniyang mga mata. Nasasaktan siya sa mga binitawan nitong salita. Alam niyang deserve niya ang galit ni Nathan pero hindi ang mga panghuhusgang iyon dahil hindi nito alam ang katotohanan.