CHAPTER 3

2059 Words
-MONICA EUNICE- Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko. Napahawak na lang ako sa ulo ko ng maramdaman ang pagkirot nito. Ano ba'ng nangyari? Napatayo na lang ako bigla ng maalala si Mommy. Sana ay panaginip lang ang lahat. Nagmamadaling lumabas ako ng kuwarto ko at nagtatatakbo papunta sa kuwarto ni Mommy habang tinatawag ko siya. "Mommy! Mommy!" Pagbukas ko ng kuwarto niya ay hindi ko siya nakita sa kama. Nilibot ko ang buong kuwarto pero hindi ko pa rin siya makita. Siguro ay nasa baba na siya at tinutulungan si Nanay Karen sa pagluluto! Tama! Nasa baba na siguro siya! Masaya akong lumabas ng kuwarto ni Mommy at dumiretso ako sa baba. Nakita ko sa sala sina Nanay Karen, Mat-mat, at isang babae na sa palagay ko ay kaedad ko lang. Masaya akong humarap sa kanila. Napatingin naman sila sa akin. "Nanay Karen, nasaan po si Mommy? Nasa kusina po ba? Wala kasi siya sa kuwarto niya," nakangiting tanong ko. "E-Eunice..." nauutal na tawag sa akin ni Nanay Karen. "Bakit po? Umalis po ba siya?" nagtatakang tanong ko. "W-Wala na ang m-mommy mo," sagot niya na nakapagpakunot sa noo ko. "Wala po? Saan nga po siya pumunta?" "H-Hindi mo ba naaalala ang nangyari kanina?" mangiyak-ngiyak na tanong niya. "K-Kanina? A-Ano po ang nangyari? H-Hindi... H-Hindi po totoo 'yon! Nasaan si Mommy?! Nasaan siya?!" nagsisimula ng tumulo ang mga luha ko. "P-Panaginip lang ang lahat! B-Buhay pa si Mommy! Buhay pa siya!" sumisigaw na napaluhod na lang ako. "Eunice, tama na. Wala na siya..." nahihirapang wika ni Nanay Karen. "No... No..." "Dumating si Ma'am Allyson kanina. Siya ang nag-asikaso sa mommy mo. Ang sabi niya po ay kapag nagising ka ay samahan kita sa... D-Diran Memorial and C-Crematory," wika ng babaeng kanina pa namin kasama. "M-Memorial?! C-Crematory?! B-Bakit doon?! Buhay pa si Mommy! Dapat sa ospital ninyo siya dinala! Nasaan si Tita Allyson?!" Nagtatakbo ako palabas ng bahay. "Eunice! Eunice! Sasamahan na kita!" sigaw ng babaeng hindi ko kilala. Humarap ako sa kaniya. "Sino ka ba?" "Anak ako ni Nanay Karen. Hindi kasi puwedeng iwan ni Nanay si Mat-mat at hindi ka rin niya puwedeng pabayaan kaya nandito ako para samahan ka," paliwanag niya. "O-Okay! Samahan mo ako kung nasaan si Mommy!" wala sa wisyong wika ko. "Iyon ang sundo natin," wika niya bago tinuro ang kotse na nakaparada sa labas ng bahay namin. May lalaking naghihintay na sa amin. Agad akong pumunta roon. Muntik pa akong sumubsob. Mabuti na lang ay nahawakan ako ng anak ni Nanay Karen. "Magdahan-dahan ka, Eunice! Makararating din tayo doon! Huminahon ka!" wika niya sa akin. "H-Ha? O-Oo! Tara na!" Inalalayan niya ako hanggang sa makarating kami sa kotse. Nanlalambot ang mga tuhod ko. Habang nasa biyahe ay hindi ako mapakali. Hanggang ngayon ay umaasa pa rin ako na buhay si Mommy at nagkakamali lang sila. "Manong, pakibilisan po," pakiusap ko sa lalaking nagmamaneho. "Eunice, mabilis na si Sir Mike. Baka maaksidente na tayo kapag binilisan pa niya," wika ng anak ni Nanay Karen. Napatigil ako sa sinabi niya saka ko lang naramdaman na mabilis na ang takbo ng kotse. "H-Hindi ko naramdaman k-kanina," mahinang wika ko bago ako napayuko. "Naiintindihan ko. Magiging maayos din ang lahat. May dahilan ang lahat, Eunice." Hindi na maproseso ng utak ko ang mga sinasabi niya. Ang tanging naiisip ko lang ay ang kalagayan ni Mommy. Napatingin ako sa anak ni Nanay Karen ng maramdaman kong tinatapik niya ako. "B-Bakit?" "Nandito na tayo," maikli wika niya. Napatingin naman ako sa labas ng bintana. Nagmamadaling binuksan ko ang pinto ng kotse saka tumakbo papasok sa loob ng Diran Memorial and Crematory. Agad ko namang nakita si Tita Allyson. "Tita, nasaan po si Mommy?" tanong ko sa kaniya. Kita sa mga mata niya ang pamumugto nito. Mapait niya akong nginitian bago tinuro ang isang taong nakatakip ng puting tela. Nanigas ako sa kinatatayuan ko at nagsimulang tumulo ang mga luha ko. "No... No... Mommy..." Dahan-dahan akong naglakad sa kinaroroonan ni Mommy. Nanginginig na inalis ko ang telang nakatakip sa kaniya. Bumungad sa akin ang maputlang mukha niya. "Mommy... nandito na po ako. Tumayo ka na diyan. Umuwi na po tayo. Sige na, Mommy..." Tuloy-tuloy ang pagdaloy ng mga luha ko. Hinawakan ko ang malamig na kamay niya. "Mommy, susundin ko na po ang mga gusto mo basta gumising ka lang. Sasama na po ako sa mga kaklase ko. Gagawin ko na po ang mga bagay na ginagawa ng mga normal na kabataan basta huwag mo lang akong iwan, Mommy! Please! Please! Huwag mo kong iwan!" pakiusap ko sa kaniya habang niyuyugyog ko siya. Naramdaman kong pinipigilan na ako ni Tita Allyson. "Eunice, tama na. Hindi matutuwa ang mommy mo kapag nakita kang ganiyan. Nakikita mo ba ang mukha niya... payapa na siya. Hayaan mo na siyang magpahinga..." "No! No! Paano na ako?! Mag-isa na lang ako!" sigaw ko habang patuloy pa ring niyuyugyog si Mommy. "Eunice, tama na! Wala na siya. Tanggapin na lang natin." Napaluhod na lang ako ng mapagod sa pagyugyog kay Mommy at pag-iyak. Ang sakit! Bumabalik lahat ng mga alaala naming magkasama. Masasayang araw na kahit kailan ay hindi na mauulit pa. "Eunice, tumayo ka muna. Mag-usap tayo," wika ni Tita Allyson bago ako inalalayang tumayo. Dinala niya ako sa upuan na nasa gilid. Inabutan ako ng isang bote ng tubig ng anak ni Nanay Karen. Nanginginig ang kamay na kinuha ko ito. Inalalayan ako ni Tita sa pag-inom. Nang mahimasmasan ay saka sinabi ni Tita sa akin ang mga gustong ipagawa ni Mommy. "Last week nang magsimulang mahirapang huminga ang mommy mo. Sinabi ko sa kaniya na pumunta kami sa ospital kaya lang ay ayaw niya dahil marami pa raw siyang dapat gawin. Simula nang mamatay ang daddy mo noon ay nagpursige ang mommy mo para maibigay sa'yo ang lahat. Mahal na mahal ka niya. Gusto niyang ibigay lahat ng pangangailangan mo kaya lang ay nakalilimutan na niya ang sarili niya. Sinabi ng doktor kanina na inatake siya sa puso na naging sanhi ng pagkamatay niya." Napapikit na lang ako sa mga sinasabi ni Tita. "Last week ng magsimula siyang ma-stress. Iniisip niya na malapit ka ng mag-ojt at gusto niyang sa ibang bansa ka makapag-ojt dahil karapatan mo raw iyon. Gustong-gusto niya talaga ang best para sa'yo." Muling tumulo ang mga luha ko. "Nagulat ako nang ipatawag niya ako noong Wednesday. Sinabi niya sa akin ang mga bagay na gusto niyang mangyari k-kapag n-namatay siya... A-Alam niya na mangyayari ang lahat ng ito. Nagalit ako sa kaniya at pinilit ko siyang pumunta sa ospital pero nagmatigas siya. Pinagpatuloy niya lang ang pagpapaliwanag ng mga dapat kong gawin kapag naiwan ka niya. Wala akong nagawa kung 'di makinig sa kaniya. Hanggang sa huling pagkakataon ay ikaw pa rin ang iniisip niya. Kaya sana ay isipin mo rin siya. Isipin mong magiging masaya na siya at makakapagpahinga na siya. Alam kong mahirap... pero tutulungan ka namin. Nandito pa kami," wika niya bago ako niyakap. "Saka ko na sasabihin ang lahat ng gusto ng mommy mo. Sa ngayon ang gusto niya ay ipa-cremate natin siya..." Napalayo ako sa pagkakayakap kay Tita. "No, Tita! Bakit po? Ayoko! Gusto ko pa siyang makita! Please, Tita!" pakiusap ko sa kaniya. "Eunice, iyon ang gusto ng momny mo. Ayaw niyang mahirapan ka nang matagal." Lalo akong napahagulgol sa sinabi ni Tita. "Kahit ngayong araw lang, Tita..." wika ko bago lumapit kay Mommy. Tinitigan ko ang mamutla pero payapang mukha niya. "Mommy, bakit mo po ginawa ang mga bagay na 'yon para sa akin? Bakit kailangan mong magpakahirap sa pagtatrabaho para lang ibigay ang mga pangangailangan ko? Bakit kailangan mo pong isaalang-alang ang kalusugan mo para sa akin? Bakit Mommy? Hindi ko po kailangan ng magandang buhay. Hindi ko po kailangan ng magagarang gamit. Ikaw lang po ang kailangan ko. Ikaw ang mas mahalaga sa lahat, Mommy. Dapat hindi mo na po ginawa ang mga iyon. Dapat magkasama pa tayo ngayon." Niyakap ko siya sa huling pagkakataon. "Alam kong may dahilan ang lahat kaya nangyari ang mga ito. Maraming salamat po sa lahat. Maraming salamat po sa lahat ng masasayang alaala. Maraming salamat po sa lahat ng pagsasakripisyo at paghihirap. Maraming salamat po sa pagmamahal, Mommy. P-Puwede k-ka na pong m-magpahinga. A-Ako na po ang bahala sa sarili ko. K-Kaya ko na po, Mommy. Huwag mo na po akong alalahanin. Magpahinga ka na po. Mahal na mahal po kita." Sa huling pagkakataon ay muli ko siyang tinitigan. Matamis akong ngumiti sa kaniya. "I love you, Mommy..." Binitawan ko na siya saka naglakad patalikod. Pagkalayong-pagkalayo ko sa kaniya ay nanlambot ang mga tuhod ko. Hindi ko na napigilan pa ang pagbagsak ko sa sahig. "Eunice!" nag-aalalang tawag ni Tita bago ako niyakap. "Gawin mo na po, Tita. I'm okay." Lumuluhang tumayo si Tita saka ginawa ang gusto ni Mommy. Lumapit sa akin ang anak ni Nanay Karen. "Eunice, doon ka na sa upuan maghintay," wika niya sa akin. Umiling-iling ako sa kaniya. "O-Okay na ako rito. H-Hanggang matapos ang cremation. A-Ayokong makita ang mga nangyayari." Wala siyang nagawa sa gusto ko. Sinamahan niya akong umupo sa sahig. "Nandito lang kami ni Nanay. Hindi ka namin iiwan. Nandito pa sina Mat-mat at Ms. Allyson," wika niya bago ako niyakap. Umiyak lang ako ng umiyak hanggang sa wala na akong mailabas na luha. Tatlong oras ang nakalipas bago natapos ang cremation ni Mommy. Dahan-dahan akong tumayo dahil nangingimay pa ang mga binti at paa ko. Lumapit sa akin si Tita dala ang maliit na jar na pinaglalagyan ng abo ni Mommy. Kinuha ko ito saka niyakap. "Mommy..." "Ikaw ang magdesisyon kung anong gagawin mo sa abo ni Eula," pagod na wika ni Tita Allyson. Pilit ko siyang nginitian. "Thank you po, Tita. Gusto ko po sanang hayaan ang ibang mga kaibigan ni Mommy na magpaalam sa kaniya. Maging ang mga workers namin. Alam ko po kung gaano nila kamahal si Mommy." Tumango si Tita sa sinabi ko. "Ipauuwi ko muna sa bahay namin si Mat-mat para matulungan ka ni Nanay Karen sa mga bibisitang tao. Ipapaayos ko na muna ang bahay ninyo. Ako na rin bahala sa school mo. Magpahinga ka muna pag-uwi natin. Okay?" "Okay po. Salamat po." Sabay-sabay kaming bumalik sa aming bahay. Lalo kong naramdaman ang lungkot. Ako na lang mag-isa ngayon sa bahay na 'to. Wala na si Mommy. "Magpahinga ka muna, Eunice. Ako na ang bahala rito," wika ni Tita bago kinuha sa akin ang jar. Umakyat na ako sa kuwarto ko. Pagkasarang-pagkasara ko ng pinto ay nag-uunahang lumabas ang mga luha ko. Naramdaman ko ang sakit sa puso ko. "Mommy, I'm sorry. Promise, ito na po ang huling beses na iiyak ako dahil wala ka na. Sa susunod ay matatag na po ako. Promise." Humiga ako sa kama ko at hinayaang tumulo ang mga luha ko. Hindi ko na namalayang nakatulog na pala ako. --- Nagising ako nang maramdaman kong may tumatapik sa pisngi ko. Nahirapan akong imulat ang mga mata ko dahil sa sobrang pamamaga nito. Nang maimulat ko na ito ay bumungad sa akin ang anak ni Nanay Karen. "Eunice, kumain ka na muna. Hindi ka pa kumakain ng tanghalian," wika niya habang inaalalayan akong bumangon. "Anong oras na? Saka ano nga pa lang pangalan mo?" Napangiti naman siya. "Sa wakas ay tinanong mo na ang pangalan ko! Ako si Liezel. Simula ngayon ay ako na ang bestfriend mo! Oo nga pala, alas-kuwatro na!" masiglang wika niya. "Salamat, Liezel. Kumusta sa baba?" "Simula kaninang alas-dose ay nagdagsaan ang mga tao. Sobrang bait talaga ni Ma'am Eula. Hanggang ngayon ay may mga tao pa sa baba pero huwag mo na silang alalahanin. Si Ms. Allyson na ang nag-aasikaso sa kanila." Tumango-tango naman ako sa sinabi niya. "Maliligo lang ako. Baba na lang ako maya-maya." "Hintayin na kita rito!" nakangiting wika niya. "Ikaw ang bahala," wika ko bago naglakad papuntang cr. Saglit lang akong naligo dahil halos nanlalambot pa rin ako. Paglabas ko ay naabutan kong nagbabasa ng libro si Liezel. Napatingin naman ito sa akin. "Pasensiya na pinakialaman ko ang mga gamit mo. Hinanda ko na ang susuotin mo," wika niya bago tinuro ang mga damit na nasa kama ko. "Okay lang. Salamat," wika ko bago kinuha ang mga damit at bumalik sa cr. Sinuot ko ang itim na shirt at itim na pantalon. Napatingin ako sa sarili ko sa salamin. Maging ang awra ko ay itim din. Awrang nagdadalamhati. Hinayaan kong nakaladlad ang buhok ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD