CHAPTER 4

2162 Words
-MONICA EUNICE- Lumabas ako ng cr at nakita kong nag-uusap sina Liezel at Nanay Karen. Sabay naman silang napatingin sa akin. "May problema po ba?" tanong ko kay Nanay Karen. "Wala naman. Dumating lang ang mga kaklase mo pero sabi ni Ms. Allyson ay pakainin ka muna bago humarap sa kanila. Siya na raw ang bahala." Tumango naman ako sa sinabi niya. "Okay po. Salamat po sa tulong ninyo. Kumain na po ba kayo?" tanong ko sa kanila. "Oo. Kanina pa," sagot ni Nanay Karen. Sabay-sabay kaming bumaba at nakita kong nandoon nga ang mga kaklase ko. "Eunice!" malakas na tawag sa akin ni Hannah. Tiningnan ko siya saka tinanguan. "Maya-maya ninyo na kausapin si Eunice. Hindi pa kasi siya kumakain ng tanghalian," wika ni Tita Allyson sa kanila. Nahihiyang umupo naman si Hannah. Hindi ko na tiningnan pa ang iba niyang kasama at dumiretso na kami sa silid-kainan. Pinaghanda ako ni Nanay Karen ng makakain habang si Liezel naman ay tinabihan ako. Napatingin naman ako sa kaniya. "Hindi mo kailangang bumuntot sa akin lagi," walang emosyong wika ko. "Ako ang bestfriend mo kaya hindi kita iiwan!" nakangiting wika niya. "Iiwan mo rin ako. Katulad ni... Mommy." Naramdaman ko na lang na niyakap niya ako. "Hindi nga kita iiwan! Ang kulit! Kumain ka na nga!" wika niya bago inayos sa harapan ko ang inihandang pagkain ni Nanay Karen. Kahit walang gana ay pinilit ko pa ring kumain dahil alam kong hindi gugustuhin ni Mommy na magkasakit ako. Naiwan kaming dalawa ni Liezel sa silid-kainan. Si Nanay Karen naman ay tumulong kay Tita Allyson sa pag-aasikaso ng mga bumibisita. Napatingin ako bigla kay Liezel ng mapansin kong maya't maya ang kain niya ng chicken. "Akala ko ay kumain ka na," wika ko na ikinagulat niya. Nahihiyang tumingin siya sa akin. "Ang dami kasi naming ginawa ni Nanay kanina kaya halos nawala na ang mga kinain ko," nahihiyang paliwanag niya. "Kumuha ka ng plato at kanin. Kumain ka ulit. Wala namang pipigil sa'yo," wika ko bago pinagpatuloy ang pagkain. "Salamat, Bestfriend!" nakangiting wika niya bago tumayo at kumuha ng sariling pagkain. Tahimik naming inubos ang mga pagkain namin. Siya na rin ang nagligpit ng mga ito. Hinintay ko siyang matapos maghugas ng pinagkainan namin. Nagulat siya ng makita ako. "Akala ko ay pinuntahan mo na ang mga kaklase mo!" "Ayokong humarap sa kanila ng mag-isa. Baka hindi ko kayanin." Ngumiti naman siya sa akin. "Ako bahala sa'yo! Tara na!" wika niya bago kumapit sa braso ko. Napailing na lang ako ng magmukha siyang tukong nakakapit sa akin. Pagkarating namin sa sala ay naabutan ko silang nagkukuwentuhan. Nang makita nila ako ay agad silang tumayo. "Condolence, Eunice," wika ni Loisa. "Condolence," sabay-sabay na wika nina Hannah, Joyce, at Xyra. Tinanguan ko lang sila bago kami sabay-sabay na umupo. Magsasalita na sana sila ng may pumasok na bagong bisita. Napatingin kaming lahat sa kanila. Tumayo ako ng makitang sina Dan, Mhel, Melay, Liza, at Vincent ang mga dumating. Mangiyak-ngiyak na yumakap sa akin si Melay at Liza. "Ate..." Hinayaan ko lang silang umiyak. Tinatagan ko naman ang loob ko para hindi ako maiyak sa harapan nila. Napatingin naman ako kay Vincent na katabi ni Dan. "Ezekiel! Hindi ka pumasok kanina tapos makikita ka namin dito!" malakas na sigaw ni Hannah. "Huwag kang maingay. Nakakahiya ka," saway ni Joyce kay Hannah. Nanahimik naman agad ito. Napatingin naman ako kay Dan ng magsalita ito. "Pumasok siya sa shop kanina kaya lang ay nagsarado na kami. Nabanggit mo naman na kaklase mo siya kaya sinama na namin," paliwanag ni Dan sa akin. Tumango na lang ako sa sinabi niya. "M-Maupo muna kayo. I-Ipaghahanda ko kayo ng pagkain," nahihirapang wika ko sa kanila. "Samahan na kita, Bestfriend!" wika ni Liezel bago ako inalalayan papunta sa kusina. Agad akong napaupo ng makarating kami sa kusina. Nanginginig at nanlalambot ang mga tuhod ko. "Bestfriend..." tawag sa akin ni Liezel. "H-Hindi ko alam kung paano ko sila pakikitunguhan. P-Parang nawala lahat ng confidence ko... Nang makita ko sila ay naalala ko si Mommy. Kung paano niya tratuhin ang mga staff niya sa shop. I miss her so much!" wika ko habang humahagulgol. "Ang sakit pa rin. Hindi ko makita ang sarili kong hindi kasama si Mommy. Hindi ko kayang makita ang sarili kong mag-isa. Hindi ko na kaya." "Bestfriend naman! Kaya mo 'yan! Malalagpasan mo rin 'yan. Hindi man ngayon pero sa mga susunod na araw. Nandito lang kami," wika niya na umiiyak na rin. "Bibigyan ko lang ng makakain ang mga kaklase at staff ninyo. Sasabihin kong sumama ang pakiramdam mo. Babalik ako agad," wika niya bago inayos ang mga pagkaing dadalhin niya. Lumabas na siya dala-dala ang mga pagkaing hinanda niya. Nakatulala lang ako sa mesa at hindi ko na alam ang takbo ng isip ko. Nakita ko ang kutsilyong ginamit ni Liezel sa paghahati ng chocolate cake kanina. Walang ibang laman ang isip ko kung 'di ang makasama si Mommy. Kinuha ko ang kutsilyo at itinapat ito sa wrist ko. "Mommy, magkakasama na tayo..." Nabitawan ko ang kutsilyo ng maramdaman ko ang malamig na hangin na parang pinipigilan ako. "Oh my gosh! Eunice!" sigaw ni Liezel. Agad siyang lumapit sa akin. "I'm sorry, Mommy. I'm sorry..." umiiyak na wika ko. "Ano'ng ginawa mo, Eunice?! Nasaktan ka ba?" nagpa-panic na wika niya habang tinitingnan ang kabuuan ko. "Magsalita ka naman, Eunice!" kinakabahang wika niya. "Ano'ng nangyayari? Bakit ka sumigaw, Liezel?" nag-aalalang tanong ni Tita Allyson pagkapasok nila ni Nanay Karen sa kusina. "N-Nakita ko pong nabitawan niya ang kutsilyo kanina--" Hindi pa man tapos magsalita si Liezel ay agad lumapit si Tita sa akin. Tiningnan niya kung may sugat ako. Nang masiguradong wala ay nagulat kaming lahat ng sampalin niya ako nang malakas. Umiiyak siya ngayon sa harapan ko. "Eunice, hindi lang ikaw ang nawalan! Ako! Nawalan ako ng bestfriend! Sila! Nawalan sila ng kaibigan at mabait na amo! Pero nakita mo ba kaming sumuko?! Nakita mo bang kinitil namin ang buhay namin?! Hindi! Kasi hindi magiging masaya si Eula kapag ginawa namin 'yon! Hindi gugustuhin ni Eula na kitilin mo ang buhay mo ng dahil sa kaniya. Hindi siya nagpakahirap noon para lang mamatay ka! Nagpakahirap siya kasi gusto niyang mabuhay ka ng masaya! Kaya iyon ang gawin mo! Huwag mong sayangin ang hirap at sakripisyo ng mommy mo!" Umiiyak na napayuko na lang ako. Mali ako. Alam ko 'yon. "I'm s-sorry, T-Tita." "Eunice, nandito ako. Aalagaan kita hanggang kaya ko. Sabay tayong maging matatag. Sabay nating hilumin ang mga sugat sa puso natin. Naiintindihan mo?" "O-Opo. Salamat po, Tita pero huwag mo pong ibuhos ang buong buhay mo sa akin. Ayokong mawala ka katulad ni Mommy. Malaki na po ako. Kaya ko na po ang sarili ko." "I know. Basta kapag kailangan mo ako ay nandito lang ako," wika niya bago ako hinalikan sa noo. Napag-usapan namin ni Tita Allyson na isang araw lang ang bisita ng mga malalapit kay Mommy. Bukas ay ilalagay ko na siya sa lugar na tambayan namin noong kumpleto pa kami. Doon din nakalagay ang abo ni Daddy. Pagsasamahin ko na sila ni Mommy. --- Maaga kaming umalis nina Tita Allyson at Liezel. Pagkarating namin sa tuktok ng burol na pagmamay-ari na namin ay muli kong nakita ang larawan ni Daddy. Hinukay ko ang lupang pinaglalagyan ng jar ni Daddy. Nang makita ko ito ay inalis ko muna. Naghukay ako sa tabi ng hukay para magkasya ang dalawang jar. Nang matapos ay nilagay ko na ang dalawang jar at muling tinakpan ng lupa. Inalis ko ang picture ni Daddy at pinaltan ko ito ng picture nilang dalawa ni Mommy. "Ang daya ninyong dalawa, iniwan ninyo agad ako. Promise ko po na magiging masaya ako gaya ng gusto ninyo. Mabubuhay ako ng matatag at malakas. Kakayanin ko lahat ng mga problema basta bantayan po ninyo akong dalawa. Mabubuhay ako kung paano ninyo ako pinalaki. Magiging proud po kayo sa akin. I love you, Mommy and Daddy!" --- Umuwi na kami pagkatapos kong magpaalam kina Mommy at Daddy. Kailangan ko ng harapin ang lahat. This time ay kakayanin ko na! Nang makauwi ay kumain lang kami ng tanghalian bago sinimulan ni Tita ang mga hinabilin ni Mommy. Nasa sala na kaming lahat. Ako, sina Tita Allyson, Nanay Karen, Liezel, at Mat-mat. "Una sa lahat ay gusto ng mommy mo na lumipat ka ng school. 'Yong malapit sa Dreame Coffee Shop." Napaisip naman ako sa sinabi niya. "Sa Jemarey University po?" paninigurado ko. "Oo. Naayos ko na ang lahat. Sa Lunes ka na pumasok. Huwag kang mag-alala dahil doon nag-aaral si Liezel." Nakahinga naman ako ng maluwag. "Magkasama tayo, Bestfriend! Magkaklase rin tayo!" tuwang-tuwang wika niya. Napangiti na lang ako. Mabuti na lang ay may kasama ako. "Okay lang ba sa'yo iyon, Eunice?" tanong pa ni Tita. "Okay lang po." Tumango-tango siya bago nagsalitang muli. "Ikaw ang hahawak ng tatlong branch ng coffee shop ninyo. Tutulungan naman kita at may mga tao na pinagkakatiwalaan ang mommy mo. Sila ang itatalaga mong manager at sila ang mag-aasikaso ng branch na naka-assign sa kanila. Bibisitahin mo lang sila minsan. Hindi mo kailangang laging pumunta roon. Mag-focus ka sa pag-aaral mo." "Sino-sino po ang ia-assign ko?" "Sa Manila branch ay si Dan. Sa Laguna ay si Sophia, at sa Tagaytay naman ay si Billy. Ako na ang pupunta sa Tagaytay at Laguna. Si Dan na lang ang sabihan mo. Magre-report sila sa'yo every month." "Okay po." "Lahat ng ari-arian, bank account, at business ng mommy mo ay sa'yo ibinigay. Ikaw na ang bahala kung saan mo iyon gagastusin." Tumango na lang ako sa sinabi niya. Napabuntong-hininga siya bago sinabi ang pinakahuling hinabilin ni Mommy. "Sinabi ng mommy mo na ang pangalan mo ang nilagay niya sa mga papeles ng pag-ampon kay Mat-mat..." "Po?!" gulat na gulat na wika ko. "Hindi ko alam kung bakit iyon ginawa ng mommy mo. Pero nasa iyo pa rin kung itutuloy mo ang pag-ampon kay Mat-mat." Napatingin naman ako kay Mat-mat. Masaya itong naglalaro. "Kapag tinuloy ko po ay ako... ako ang marerehistrong... nanay niya?" "Yes. Ikaw ang magiging legal na nanay niya." Napapikit na lang ako. Anong gagawin ko? "Last one, gusto niyang mag-ojt ka sa ibang bansa kaya lang ay iniisip niya si Mat-mat. Kaya ang sabi niya ay ikaw na raw ang magdesisyon. May tiwala raw siya sa'yo." Napasabunot na lang ako sa buhok ko. "Mama! Mama!" Napadilat ako ng marinig kong nasasabi na ni Mat-mat nang maayos ang salitang mama. Pagtingin ko sa kaniya ay nakangiti siya sa akin habang inaabot niya ang laruan. Nakatingin lang ako sa kaniya. Nawala ang ngiti niya ng hindi ko kunin ang inaabot niyang laruan. Nagsimula na siyang umiyak at naramdaman ko ang pagkirot ng puso ko. Agad kong niyakap si Mat-mat. "Tahan na, Mat-mat. I'm sorry. Huwag ka ng umiyak." Nakapagdesisyon na ako. Bahala na kung anong sasabihin ng iba. Minsan ng inabando at iniwan si Mat-mat at hindi ko hahayaang maulit iyon. "Tita, itutuloy ko po ang pag-ampon kay Mat-mat. Ayokong maging katulad ng mga magulang niya. Hindi ko kayang abanduhin at iwan siya." Napangiti si Tita sa sinabi ko. "Hindi ako magtataka kung bakit malaki ang tiwala sa'yo ni Eula. Napalaki ka niya ng maayos. Alam kong proud sila sa'yo." "Thank you po, Tita!" nakangiting wika ko. Tumingin si Tita kay Nanay Karen kaya napatingin na rin ako sa kaniya. "Nanay Karen, pinapatanong din po ni Eula kung gusto ninyo pang mag-stay rito? Kung hindi na raw ay okay lang. Hahanap na lang po ako ng ibang tutulong kay Eunice." Nakaramdam naman ako ng lungkot. Napalapit na rin sila sa akin pero irerespeto ko ang magiging desisyon nila. "Hindi ko iiwan sina Eunice at Mat-Mat. Hanggang kailangan pa nila ako ay mag-stay ako." Napaiyak na lang ako sa sinabi ni Nanay Karen. Akala ko ay mawawalan na naman ako ng nanay sa pangalawang pagkakataon. "Hindi ka namin iiwan, Bestfriend!" masayang wika ni Liezel. Lumapit ako sa kanila at niyakap ko sila. "Salamat po!" "Huwag ka ng umiyak," wika ni Nanay Karen. Umalis ako sa pagkakayakap sa kanila saka pinunasan ang luha ko. Humarap ako kay Tita Allyson. "Tita, puwede po bang dito na tumira sina Nanay Karen at Liezel?" tanong ko na ikinagulat nila. "Sa'yo ang bahay na 'to kaya ikaw ang may karapatang magdesisyon. Nasa kanila rin kung gusto nilang tumira rito," nakangiting wika ni Tita. Umaasang humarap ako kina Nanay Karen at Liezel. Nagkatinginan silang dalawa bago sumagot. "Okay lang!" Muli ko silang niyakap sa sobrang tuwa. "Mapapanatag na ako ngayong alam kong may makakasama ka na rito sa bahay," wika ni Tita. Bumitaw ako sa pagkakayakap kina Nanay at Liezel saka humarap kay Tita. "Salamat po sa pag-aasikaso sa lahat, Tita! Hindi ninyo po ako pinabayaan! Proud din po si Mommy na ikaw ang naging bestfriend niya!" nakangiting wika ko sa kaniya bago ko siya niyakap ng mahigpit. Lord, thank you so much! Kahit na kasama mo na sina Mommy at Daddy ay hindi mo ako pinabayaan. Binigyan mo pa po ako ng mga taong makakasama ko. Higit pa sa inaasahan ko. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD