Being vain is the least of my faults. Naghihimutok ako sa sinabing iyon ni Oscar. Gusto kong sabihin sa kaniya ang totoong nangyari pero para ano pa? Wala naman akong balak ibalik ang pagiging magkaibigan namin.
Inalo ko na lang ang sarili, hindi ko papansinin ang mga masasakit na patutsada niya. Parang mantra na inulit-ulit ko ang salitang just ignore him. Ignore him. Ignore him.
"I'm all set. Let's go." Narinig kong sabi ni Oscar.
Lumingon ako sa pinagmulan ng boses at nagitla. Sino bang hindi matutulala? He looks manly and more appealing in his new attire. Nakuha niya ang taas at bulto ng katawan ng kaniyang Papa na nilapatan pa ng malapad na dibdib. Matikas ang kaniyang tindig na may taas na halos six feet. Bahagya siyang pumuti pero kayumanggi pa rin. Lalong nadagdagan ang karisma niya sagpagkat mas nagkaroon ng character ang guwapo niyang mukha. Ang best asset niya ay iyong mga mata niya. Grabe kung makatitig, para akong yelong matutunaw.
Ngayon, paano ko babaliwalain ang ganitong klaseng nilalang?
Namamalikmatang lumapit ako kay Oscar at akmang ilalagay ang mga kamay sa ibabang bahagi ng leeg niya nang pumiksi ito.
"Hey, what are you doing?" gulat na tanong niya.
"Loosening up your shirt? Casual lang ang get up mo so hindi mo kailangan ibutones lahat hanggang itaas," pagtataray ko. "Saka 'to" - hinila ko iyong bisig ni Oscar - "mas maganda kung itutupi mo ‘tong manggas."
Habang ginagawa ko iyon ay bumubulong-bulong ako. "Kung makapiksi, akala mo naman napaka-irresistible. Buti nga tinutulungan ko pa siya. Kanina mukha siyang bodyguard, ngayon naman mukhang pastor."
"Anong sabi mo?" kunot-noong tanong niya.
"Wala. Ang sabi ko - There! That looks better!" naiinis na saad ko. Nagpatiuna na akong lumabas ng bahay at tinungo ang garahe.
Sumunod siya sa akin. "Saan tayo sasakay?"
"Dala ko ang sasakyan ko."
"I'll drive. Ayokong babae ang nagda-drive para sa akin."
Umismid ako. “Chauvinist.”
“Hindi ako sanay, okay? Saka bakit hahayaan kong ipagmaneho mo ako kung kaya ko naman?”
"Masanay ka na. I won't let you drive my car, lalo't alam kong kadarating mo lang. Ibangga mo pa 'yon o 'di kaya ay maligaw tayo."
"Responsible driver ako at p’wede mo ring ituro sa akin ang daan," giit niya.
"What for? Kaya ko namang magmaneho."
Kinuha ko sa loob ng bag ang susi ng sasakyan. May pinindot ako roon at bumukas ang lock ng pinto. Umikot ako at umupo sa driver’s seat. Nanatiling nakatayo si Oscar sa labas at seryosong nakatitig sa akin.
Umarko ang kilay ko at isinampay ko ang isang bisig sa manibela. “Ano pang hinihintay mo?”
Atubili siyang sumakay. Bumuga siya nang malakas pagkaupo niya at marahas na hinablot iyong seatbelt.
"Relaks ka lang, magaling akong driver. More than five years na akong nagmamaneho." Isinuot ko iyong seatbelt at saka pinaandar ang sasakyan. Binuksan ko rin iyong radyo at aircon.
Hindi siya kumikibo. Matagal na kaming nakalabas sa gate ng bahay, pero nanatiling nakatikom pa rin ang bibig niya. Sumulyap ako sa kaniya at napuna kong tensiyonado siya.
Pinaharurot ko nang mabilis ang takbo ng sasakyan nang nasa main road na kami. Kumapit siya sa gilid ng upuan at sa pintong malapit sa tabi niya. Nahalata ko ang paninigas ng katawan niya. Gusto kong bumunghalit ng tawa.
"What the hell! Is that what you call responsible driving?" bulyaw niya.
Nilingon ko siya at tinaasan lang ng kilay. Kailangan ko lang pala siyang takutin para magsalita. Binagalan ko nang kaunti ang pagpapatakbo. I just want to test his mettle, hindi naman ako suicidal.
Tanging musika na nagmumula sa radyo ang ingay na maririnig habang nasa biyahe kami. Medyo relaks na si Oscar sa pagkakaupo. Napagtanto niya marahil ang kakayahan ko bilang driver.
"Mandaluyong lang pala ang punta natin. Kabisado ko 'to, sana ako na lang ang pinagmaneho mo," sabi niya nang makarating kami sa mall. Sa Shangri-La Plaza kami nagtungo. Dito ako malimit mamili ng mga damit ko.
“Kabisado? ‘Di ba’t kadarating mo lang?”
“May kamag-anak kami rito. Minsan nagbabakasyon kami sa kanila.”
Nagkibit-balikat ako. "Hindi ka naman nagtanong kung saan tayo pupunta. Just be a good boy, malay mo nasa mood ako mamaya, ibigay ko sa 'yo ang susi nitong sasakyan."
Nagtungo kami sa loob ng mall matapos i-park ang kotse ko. Asiwa si Oscar habang naglalakad kami.
“I hate shopping. I don’t understand why we have to do this,” aniya. Namumutla siya at pinagpapawisan. Hinawakan niya ako sa siko. “Kailangan bang dito tayo mamili?”
“May problema ba rito?”
Kinuha niya iyong panyo sa likod ng pantalon niya at pinunasan ang butil-butil na pawis sa noo. “I can’t afford this place,” mahina at nahihirapang pag-amin niya.
Namilog ang mga mata ko. Akala niya siya ang gagastos! Hindi ko nabanggit sa kaniya na ibinigay ni Ninong sa akin ang credit card nito na siyang gagamitin sa lahat ng bibilhin namin ngayon.
“Nasa akin ‘yong credit card ni Ninong kaya wala kang dapat ipag-alala,” paliwanag ko.
Dumilim ang mukha niya. “Wala akong balak gumastos gamit ang pera ng iba.”
Naiintindihan ko na may prinsipyo siyang sinusunod at natutuwa ako dahil hindi siya mapagsamantalang tao. “Hindi pera ng iba ‘yon. Pera ng Daddy mo ‘yon. And you’re entitled to it. Dapat nga noon pa!”
Umiling siya. “I don’t see it that way.” Tumalikod siya pabalik sa parking area.
Hinabol ko siya at hinawakan sa braso. “Wait! Try to see it at your Dad’s perspective. Papasok ka sa opisina niya at ikaw ang mamumuno sa isa sa mga kompanya niya. Ipapakilala ka niya sa mga kaibigan at kakilala niya. You don’t expect him to introduce you looking like...like...”
“Like what?” Tiim ang bagang at nanghahamon ang mga mata niya. “Like some poor, pathetic relatives?”
“You’re poor, or at least you used to be. But you’re not pathetic.”
“And that makes it okay?” Napamura siya at marahas na binawi sa akin ang braso niya.
Hinabol ko uli siya at hinawakan siya nang mahigpit sa kamay. Huminto siya at tumingin sa magkahawak na kamay namin bago siya tumitig sa akin. Hindi ko siya binitiwan sa takot na iwan uli ako.
“Be reasonable. Ano’ng isusuot mo sa trabaho? Sa mga events na pupuntahan n’yo? Iyong ill-fitting na barong mo?”
“I’ll proudly wear it because I paid for it.”
“Your father’s friends wouldn’t see it that way. Pagtatawanan at lalaitin ka. Hindi lang ikaw, pati na ang Daddy mo.”
Lalong kumulimlim ang mukha niya. Humugot siya ng ilang malalalim na hininga.
“Why don’t you consider it as a loan, then? I’m sure na may suweldo ka,” suhestiyon ko.
Matagal siyang tumitig sa akin at nag-isip. kinalaunan ay tumango rin siya. Saka ko pa lang binitiwan ang kamay niya.
Ito na yata ang pinakamahirap na naging misyon ko sa buhay. Lumabas kasi ang pagka-accountant ni Oscar. Laging kinu-question kung magkano ang presyo ng bawat bibilhin. Dapat daw nag-canvass muna kami para ikumpara kung saan mas mura. Kailangan pa bang i-analyse na the quality justifies the cost?
Minsan naman, lumalabas din ang pagkaabogado niya. Lahat na lang ng napili ko, kailangan naming pagdebatihan. Nakakatuyo ng dugo.
"Iyong unang isinuot ko, sabi mo sobrang luwag. 'Yong pangalawa, medyo masikip. Eto” – itinaas niya iyong hawak na pantalon – “in between size no’ng dalawang sinukat ko. Bakit kailangang isuot ko pa 'to? Siguradong tama na ang sukat nito!" sabi ni Oscar.
"Hindi mo malalaman kung perfect ang fit sa 'yo hangga’t di mo sinusukat. Do'n mo lang malalaman kung maganda ang bagsak!" naiiritang sabi ko.
"Fine! I'll try this on," napipilitang sabi niya. Obviously, wala siyang tiyaga pagdating sa pamimili ng damit. Pumasok siya sa fitting room habang nasa labas ako at naghihintay.
Lumabas siya mayamaya at nakapamaywang na humarap sa akin. "How's this, okay na ba? Perfect ba ang fit? Maganda ba ang bagsak, Ms. Chloe?" sarkastikong tanong niya. Nilagyan niya ng diin ang bawat salitang binitiwan dahil sa pagkairita.
"Yes, that's more like it!" natutuwang sabi ko. Nasa bad mood na itong kaharap ko pero dinedma ko na lang. Salungat sa kaniya, isa sa hilig ko ang pagsho-shopping.
"Salamat naman kung gano’n," iiling-iling na sabi niya. Tama naman ako, getting the perfect fit made a lot of difference, mas macho siyang tingnan. Hindi niya ba alam na nakakadagdag din ng confidence iyon?
"Now that we know your size" – iniabot ka sa kaniya ang iba pang pants na napili ko – “you can try these on."
"No! I won't do that. Just get the same size as this," utos niya sabay turo sa suot niyang pantalon.
Para hindi na humaba pa ang usapan, kinausap ko iyong sales attendant, giving him strict and specific instructions sa measurements and other things. Si Oscar naman ay bored na nakatayo habang kami ay paikot-ikot sa kaniya.
"Gusto ko ganito ang fit ng pants dito." Lumapat ang palad ko sa bandang likod niya na kaagad ko namang binawi. Nadala ako, eh! Ang ganda ng behind niya na sinabayan pa ng baywang na very trim. Gumawi kami sa bandang harapan. "Dito sa front, dapat-"
"Hep! That's off-limit!" napaatras na sabi ni Oscar. Siguro para din siyang nakuryente kanina nang ‘di sinasadyang dumampi ang palad ko sa behind niya. ‘Di lalo na siguro kapag sa harap.
Tumaas ang kaliwang kilay ko. "I won't even attempt to touch you there!"
"I'm just making sure. Mahirap na."
Hinarap ko na lang iyong sales assistant na ngiting-ngiti dahil sa sinabi ng isa.
Sakit talaga siya sa ulo. Hindi mapakali habang namimili kami. Kaya ang nangyari, nagsukat lang siya ng isang business shirt na sakto sa kaniya, pinakuha ko na rin ang measurements niya at doon na lang binase ang mga iba pang bibilhin.
Humiwalay siya sa akin at nagtungo sa bookstore. Mabuti na iyon kaysa matapos ang maghapon na bangayan kami nang bangayan. Nag-text siya sa akin kung handa na kaming umuwi at sumagot ako na manood na muna siya ng sine dahil matatagalan ako.
Medyo nawala na rin iyong sayad ni Oscar nang muli kaming magkita. Hindi ako nahirapang magpasukat sa kaniya ng mga sapatos. Siguro nag-enjoy sa pinanuod niyang palabas, habang ako ay hirap na hirap sa pamimili ng gamit niya.
All is worth it dahil natiyempuhan ko rin iyong matagal ko nang hinahanap na Jimmy Choo bag with matching black shimmer leather cage sandals. Siyempre, charge sa credit card ni Ninong.
Pinakahuling pinuntahan namin ay iyong beauty and hair salon. He refuses the nail and facial treatment kaya hair cut and style lang ang pinagawa. Sayang, gusto ko pa naman sanang magpa-manicure and pedicure.
Buti na lang halos lahat ng pinamili namin ay ide-deliver sa mansyon kaya hindi na kami nahirapan sa pagbitbit ng mga iyon. When he offered to drive, hindi na ako tumanggi. I am so exhausted. At saka, nabusog din ako sa katatapos na dinner. Antukin pa naman ako kapag nabubusog. Pag-upo ko pa nga lang sa sasakyan, I fell asleep almost instantly.
Sa bahay na nina Ninong ako natulog, hindi alam ni Oscar ang daan papunta sa amin at ayaw niyang gambalain ang tulog ko. Hindi ko na nga matandaan kung paano ako nakarating ng silid sa sobrang pagod.