Kahit si Purol ay nabigla sa kanyang nagawa. Sino ba naman ang hindi? Napugutan lang naman ng ulo ang Bathala ng mga bulkan na si Kanlaon! Kitang-kita pa ni Purol kung paano gumulong sa lupang umaapaw na ang tubig ang naputol na ulo ni Kanlaon. Luwa na ang mga mata nito at nakanganga habang ang naiwang katawan naman nito ay napaluhod bago tuluyang matumba rin. "Purol!" pagtawag naman sa kanya ng nagulat din na si Arowana. Hindi rin siya makapaniwala sa nagawa ni Purol--- sa katunayan ay hindi niya pa rin akalain na muling makababalik nang buhay si Purol pagkatapos nitong masaksak ng Ningas ni Kanlaon. Kahit naman kasi siya ang almajo niya, isang pangkaraniwang tao pa rin si Purol. Hindi pa rin siya isang Bathala na may angking lakas upang makaligtas mula sa isang makapangyarihang sandata

