"Hindi na siya?" ulit naman ni Alibulan sa sinabi ni Arowana. Nabigla ang Bathala ng buwan sa kaniyang narinig, dahil hindi ito ang inaasahan niyang marinig sa Bathalang kausap niya rin ngayon. "Ano ang ibig mong sabihin diyan sa tinuran mo, Arowana?" Napatigagal naman ang huli dahil maski siya ay nagulat sa mga salitang binigkas niya kay Alibulan. "P-Paumanhin... Ang aking ibig sabihin diyan ay hindi ko na mahal si Sidawa... Iyon lamang iyon." Si Alibulan naman ang umismid sa huling sinabi ni Arowana. "Tila iba yata ang pagkakaintindi ko sa iyong mga salitang binatawan kanina, Arowana. Ipagpaumanhin mo na lamang kung hindi iyon ang nais mong iparating, ngunit para bang iyong sinasabi sa akin na may iba ka ng napupusuan..." "Hindi nga iyan ang ibig kong sabihin," giit naman ni Arowana.

