CHAPTER 6
SYVIEL POV
“Syviel!”
“Ay! Señorito! Gising na po pala kayo!”
Ayun na naman si Señorito Mandurukot este, Ferson pala.
Kahit bulag siya, ramdam kong nakikita niya ako gamit lang ang pandinig niya. Lahat ng kilos ko, lahat ng hingal ko, lahat ng pagtawa ko parang may radar siya.
At ngayong umagang ‘to, ewan ko ba, ang pogi pa rin kahit may sungit.
Naka-long sleeves, naka-boots, at may hawak na tungkod na parang hari ng rancho.
Ako naman, ayun naka-daster, may pawis sa noo, pero hindi pa rin mapigilang ngumiti. Kasi?
Syempre, napagtripan ko ulit si Señorito Ferson!
“Syviel, bakit ang aga mong tumatawa mag-isa?” tanong niya, seryosong seryoso habang inaayos ang tali ng kabayo.
“Eh kasi po, Señorito…”
“’Wag kang magsimula.”
“Hindi pa nga ako nagsisimula oh!”
“’Yan nga ‘yung kinakatakot ko,” sagot niya sabay buntong-hininga.
Humarap ako sa kanya, dala ang tabo ng tubig. “Señorito, gusto niyo po bang marinig ang pick-up line ko for today?”
“Hindi.”
“Pero sasabihin ko pa rin!”
“Syviel…”
“Wala na pong bawian!”
Umayos ako ng tindig, nagkunwaring artista. “Señorito…”
Tahimik siya, halatang nagpi-pray na matapos agad ang umagang ‘to.
“Señorito Ferson Mandurukot…”
“Syviel!”
“Kung ako po ‘yung kabayong alaga niyo…”
“Please, don’t”
“…eh ‘di kayo po ‘yung dahilan kung bakit humahalinghing ako!”
Natahimik ang buong rancho.
Maging si Kabayong Tropa, tumigil sa pagkakain ng damo.
Si Señorito, napahinto rin.
“ANO RAW?!” bulyaw niya sabay igalaw ang tungkod sa ere.
“HAHAHAHAHA!” tawa ko nang malakas, halos mapahiga ako sa damuhan. “Señorito! Nakakatawa ‘no?”
“Hindi!” sigaw niya, pero halatang pinipigilan ang tawa. “Ano ‘yan, Syviel? Anong klaseng pick-up line ‘yon?”
“Eh creative po!” sabi ko, punong-puno ng pride. “Galing po sa puso!”
“Tsk. Galing sa kalokohan,” bulong niya, pero napansin kong kumislot ang labi niya ayun na, gusto na niyang matawa!
“Okay, okay!” sabi ko, tumayo at lumapit pa sa kanya. “One more, Señorito. Promise, last na ‘to!”
“Hindi ko kailangan”
“Señorito…” bumaba ako ng boses. “Bulag ka man, pero ikaw lang ang nakikita ng puso ko.”
“SYVIEL!” sigaw niya ulit, pero namumula na ang pisngi!
“HAHAHA! Oh my God, Señorito! Nahihiya kayo!”
“Hindi ako nahihiya!”
“Eh bakit parang namumula kayo?”
“Mainit lang!”
“Eh malamig po ngayon ah?”
“Eh di nilalagnat ako!”
Natawa na naman ako nang malakas. Ang kulit, grabe. Pero aminin cute siya pag naiirita.
Kahit hindi siya tumatawa, alam kong natutuwa siya.
Hindi lang niya alam paano ipakita.
“Syviel,” sabi niya bigla. “May ginagawa ka bang matino?”
“Meron po!”
“Anong ginagawa mo?”
“Eh di nagpapaganda!”
“Para saan?”
“Para sa inyo, Señorito!”
Napailing siya nang malakas. “Wala na talaga akong laban sa’yo.”
Lumipas ang ilang oras, pero hindi ko pa rin siya tinantanan.
Habang nag-aalaga siya ng kabayo, sumunod ako, bitbit ang timba.
Kada may ginagawa siya, may paandar akong pick-up line.
“Señorito!”
“Ano na naman, Syviel?”
“Kung kabayo po ako…”
“Tama na ‘yang kabayo!”
“…kayo pa rin po ‘yung hahawakan ko sa renda!”
“Syviel!”
“HAHAHA!”
“Pag di ka tumigil, ipapahabol kita sa kabayo!”
“Eh di sabay po tayong tatakbo!”
“Hay, Diyos ko,” bulong niya habang pinupunasan ang noo. “Ito ba talaga ang pinarusang ipinadala sa akin?”
Pero kahit inis siya, hindi niya ako pinalalayas.
Kahit sinasabi niyang “Tigil ka na,” patuloy pa rin siyang nakikinig.
At kahit ‘yung mga kabayo, parang gusto nang tumawa kasama ko.
Pagkatapos ng tanghalian, pinaupo niya ako sa lilim ng malaking puno.
“Tumigil ka muna sa kakadaldal,” sabi niya, “Baka mamaya pati hangin mapagod.”
“Hindi po napapagod ang hangin, Señorito,” sagot ko, ngiting-ngiti. “Kasi sa tuwing nadadampian kayo, humihinga ulit ito.”
“Tsk,” sabi niya, pero halatang kinilig. “Wala bang off switch ‘yang bibig mo?”
“Meron po!”
“Kailan mo balak gamitin?”
“Pag nakuha ko na po ‘yung puso n’yo.”
Tahimik. Walang nagsalita ng ilang segundo.
Hangin lang at kabayong nag-aapir sa background.
Tapos… bigla siyang tumawa.
Hindi ‘yung hilaw o pilit kundi totoo.
Isang malakas, sabay tapon-ulo na tawa.
“HAHAHAHA! Diyos ko, Syviel! Ang kulit mo talaga!”
“Sinabi ko na po sa inyo, Señorito. Ako ‘yung sunshine sa madilim niyong mundo!”
“Sunshine? Eh parang bagyo ka nga eh!”
“Eh kasi po, gusto kong tabunan lahat ng lungkot niyo.”
Tumigil siya.
“Syviel…” sabi niya sa mababang boses. “Hindi mo kailangang gawin ‘yon.”
“Eh gusto ko po, Señorito.” ngumiti ako. “Gusto kong tumawa kayo araw-araw.”
Tahimik siya ulit. Pero sa mga salitang ‘yon, parang may unti-unting pumutok na liwanag sa paligid.
Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ko, pero bigla kong hinawakan ang kamay niya.
“Syviel…”
“Po?”
“Salamat.”
At sa unang beses, hindi ko siya narinig na sumigaw, o nagalit, o nagsermon.
Tahimik lang. Pero may ngiting hindi ko malilimutan.
At ako?
Grabe, gusto kong sumigaw.
Kasi kahit hindi niya ako nakikita, alam kong nararamdaman niya ako.
Makalipas ng ilang minuto, nagpatuloy kami sa gawain. Pero siyempre, hindi matatapos ang araw nang wala akong final pick-up line.
“Señorito,” sabi ko habang binubuhat ang sako ng dayami.
“Ano na naman, Syviel?”
“Promise, last na talaga!”
“Huling beses mong sinabi ‘yan.”
“Oo na po!” ngumisi ako. “Señorito, gusto n’yo bang malaman kung bakit ako laging nandito?”
“Bakit?” tanong niya, medyo interesado na.
“Kasi po…” ngumiti ako nang pilya. “…sa bawat kabayong nililinis ko, nakikita ko ang sarili ko matigas ulo, pero laging bumabalik sa inyo.”
Tahimik siya. Tapos, biglang sabay kaming tumawa.
At sa tawa naming ‘yon, parang pati ang mga ibon sumabay.
“Tsk,” sabi niya sa gitna ng tawa. “Syviel, you’re impossible.”
“At least po, hindi ako invisible,” sagot ko, sabay kindat.