“Hindi mo kailangang ikulong dito ang anak mo, Alena. Baka mas lalong makasama sa apo ko na wala siyang nakikitang ibang tao,” mababa ang boses ng Mama niya pero ramdam niya ang diin nito. “Ilang days na lang ay aalis na tayo, Mama. Maninibago rin naman si Lyke pagdating natin sa ibang bansa.” Inalis niya ang suot na gloves saka ipinusod ang mahaba niyang buhok. “’Yon na nga ang punto ko. Bakit hindi mo hayaang mag-enjoy si Lyke sa resort? Doon sanay ang apo ko. Hindi mo ba napapansin na mas malaki ang ipinagbago niya mula nang hindi mo siya dinadala roon?” Nakakunot ang noong nilingon niya ang Mama niya. “Iyon na nga rin ang pinupunto ko, Ma. Mula nang mawala siya ay naging ganyan na siya. Mas lalo siyang naging tahimik at malulungkutin. Kahit sa akin ay ayaw niyang makipag-usap.

