CHAPTER: 2

1106 Words
Sa loob ng sasakyan, tahimik lang kami sa simula. Ang makinis na kalsada sa memorial park ay dahan-dahang napapalitan ng mga kalsadang pamilyar na papunta sa aming bahay. Kita ko sa salamin sa likuran na lumilingon si Kuya Ronie sa kinauupuan ko paminsan-minsan habang nagmamaneho ito. Bakas sa kanyang mukha ang awa, pag-aalala, at malalim na kalungkutan para sa kamalasan na biglang bumagsak sa balikat ko. Alam niyang bata pa ako at hindi pa handang harapin ang mundo ng mag-isa. Pagkalipas ng ilang minuto, binasag nito ang katahimikan. “Sorry talaga, Ma’am Reylin… kung maaari lang sana, mananatili ako hanggang sa maging maayos na ang lahat para sa inyo. Pero kung hindi lang sana bagong panganak ang asawa ko, kahit isang taon pa ninyo akong hindi bayaran ng sahod ay ayos lang po sa akin. Ang kaso, tumigil na rin sa trabaho ang asawa ko dahil nga sa baby namin, at kailangan namin ng regular na kita para sa gatas at gamot niya,” mahina at halatang nahihirapang sabi nito, ang boses ay nanginginig pa dahil sa emosyon. “Okay lang po, Kuya Ronie. Naiintindihan ko po talaga. Wag mo po ako alalahanin. Strong po ako,” sagot ko, pilit na pinatibay ang boses ko kahit na hindi ako sigurado sa mga sinabi ko. Alam kong totoo ang sitwasyon nito, at hindi ako ang pipigil sa kanya na alagaan ang sarili niyang pamilya. Pero wala akong pagpipilian kundi maging matatag talaga para sa kanila, para kay Yaya, at para sa alaala ng aking mga magulang. Bumuntong-hininga lang ito, tumango ng dahan-dahan dahil wala rin naman siyang magagawa, at alam kong naiintindihan rin nito ang bigat na pasan ko ngayon. “Salamat po sa pag-unawa, Ma’am. Nandito lang po ako kung kailangan niyo ng tulong sa pag-aayos ng mga gamit bago ako umalis,” sabi nito bago muling tumuon sa pagmamaneho. Pagdating sa tapat ng aming malaking bahay, agad akong sinalubong ng yakap ni Yaya Rosa na naghihintay na sa pintuan. Ang kanyang mga mata ay namumula pa rin, at ang kanyang yakap ay sobrang higpit na parang ayaw niya akong pakawalan pa. “Anak… buti na lang at nakauwi ka na. Halika na sa loob, baka magkasakit ka pa sa lamig,” bulong nito habang inaalalayan ako papasok. Pagdating ko sa sala, nakita ko ang lalaking nakaupo sa sofa, matipuno pa rin ang pangangatawan, may puti na ang buhok sa gilid, pero ang ngiti nito ay pareho pa rin ng dati. Ang mga mata nito ay puno ng pagmamahal at pag-aalala. “Ninong!” malakas na sigaw ko sabay takbo at yakap nang mahigpit sa kanya. Ang lahat ng pinipigilan kong luha ay muling bumuhos ng makita ko ito. “Shhhhhhhh. Tahan na, nandito na si Ninong. Magiging okay ang lahat, wag ka na umiyak. Sige ka, baka bumangon ang Daddy mo mula sa hukay at sakalin ako. Baka mapagbintangan pa na ako ang nagpaiyak sayo,” pabirong sabi ng matandang lalaki habang hinahaplos ang likod ko, at ang biro nito ay parang mahiwagang salita na nagpatigil sa aking pag-iyak ng kaunti. Nakita ko ang paraan ng pagtawa ni Papa kapag kasama niya si Ninong, dahil pareho silang mahilig magbiro kahit sa pinakamabibigat na sitwasyon. “Bakit ngayon lang po kayo?” humihikbi pa na tanong ko habang nakatingin sa kanya, pinupunasan ko ang mga luha sa aking pisngi. “I’m sorry, anak. Na-extend ang trabaho ko sa ibang bansa ng isang linggo at hindi ko pwedeng iwan ng basta-basta ang mga proyekto ng kumpanya natin. Kailangan muna itong ilipat ng maayos bago ako umalis. Gusto ko sanang makarating agad ng nalaman ko ang nangyari, pero huli na ako. Mapapatawad mo ba si Ninong?” tanong nito ng malumanay, ang mga mata ay namumula na rin. Tumango ako ng mabilis sa matanda, at hinalikan niya ako sa noo. Si Ninong Norman ay isa sa pinakamatalik na kaibigan ng aking Daddy, magkasama sila sa pag-aaral ng kolehiyo, sa pagtatayo ng negosyo, at sa lahat ng hamon ng buhay. Mula pa noong bata pa ako, itinuturing ko na siyang pangalawang ama ko. Siya ang laging nandiyan kapag wala si Daddy, siya ang nagtuturo sa akin magmaneho ng bisikleta, siya ang nagbibigay ng pinakamagagandang payo kapag nalilito ako. “Nasa silid mo na ang mga pasalubong ko, anak, mga paborito mong libro at ang drawing set na matagal mo ng hinihiling. Pero bago ‘yun, may sadya talaga ako sayo, mga bagay na kailangan mong malaman at maunawaan,” seryoso na nitong sabi, at inalalayan akong umupo sa kanyang tabi. Ipinaliwanag nito ang lahat sa akin tungkol sa ari-arian, sa natitirang pondo, sa mga negosyong kailangan ayusin, at sa mga taong kailangan magdesisyon kung mananatili pa o aalis na. Kung sino ang taong susuporta sa akin. Pero dahil bata pa ako at marami sa mga salitang ginamit nito ay hindi ko masyadong maintindihan, tumango-tango lang ako na para bang nakuha ko lahat ng sinasabi nito. Ang tanging naiintindihan ko lang ay hindi na magiging katulad ng dati ang buhay namin, pero hindi naman ito mawawala ng tuluyan. “Kaya huwag kang mag-alala, hindi mawawala lahat na tauhan dito sa mansion. Isa pa, hindi kailangan umalis ng kusa nilang lahat. Medyo magbabawas lang tayo dahil ikaw na lang ang pagsisilbihan nila, at kailangan nating maging matipid habang inaayos pa natin ang lahat. Ang pag-aaral mo, ipagpatuloy mo pa rin sa parehong paaralan, hindi mo kailangang magbago ng kapaligiran ngayon. At higit sa lahat: nandito ako, nandito si Yaya Rosa, si Simon at nandito ang lahat ng taong nagmamahal sayo. Sa madaling salita, isa ka pa ring prinsesa. Ang prinsesa na kailangan lang maging matapang ng kaunti,” sabi nito, at hinawakan niya ang magkabilang kamay ko ng mahigpit. Nang gabing ‘yun, hanggang sa nagpaalam na ang matandang lalaki para ayusin pa ang ibang dokumento, dahan-dahan ring nagkalat ang balita sa mga kasambahay. Ang iba ay natuwa dahil mananatili parin sila. Ang kusinero, ang tagalinis ng hardin, at ang katulong sa kusina ay nagpalakpakan ng mahina at nagpasalamat. Ang iba naman ay nalungkot. Ang ibang driver na kasamahan ni Kuya Ronie at ng ilang tauhan ay kailangan umalis dahil sa sitwasyon, pero nangako silang bibisita paminsan-minsan. Nang matapos ang lahat at mag-isa na ako sa aking kwarto, tumingin ako sa labas ng bintana. Ang buwan ay nagniningning ng maliwanag sa langit, at bigla kong naramdaman na kahit wala na sila, hindi ako lubusang nag-iisa. May mga taong nananatili, may pangako na kailangang tuparin, at buhay na kailangang ipagpatuloy. Hindi para sa kanila lang, kundi para na din sa sarili ko. "Mommy, Daddy...gabayan ninyo ako palagi," bulong ko bago ako pumikit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD