Chapter 1

3350 Words
♫Que sera oh que sera The future will be will be with us I've seen the headlines in the paper They say the end is coming soon I wanna make love till it's over If I'm goin' down it'll be with you Let me love you for a day let me love you for a night Let me take you far away into forever Ay ay ay I don't wanna let you go Nena yo let me undress your soul Ay ay ay I can take you to another world Never go let me take you home tonight Que sera oh que sera As the countdown's getting closer There is madness in the air I wanna be under the covers Baby, in your arms without a care Let me love you for a day let me love you for a night Let me take you far away into forever Ay ay ay I don't wanna let you go Nena yo let me undress your soul Ay ay ay I can take you to another world Never go let me take you home tonight Que sera oh que sera The future will be, will be with us♫ NAGISING si Margareta dahil sa kantang narinig niya. Akala niya'y sa panaginip lamang niya naririnig ang kanta. Naiwan pala niyang nakabukas ang kanyang radyo. Bumalikwas siya ng bangon nang mapansin ang oras sa orasang nakasabit sa dingding. Alas-otso na pala ng umaga at iyon ang unang araw na papasok siya sa Rancio Del Fuego. Pinaghandaan talaga niya iyon dahil matagal niyang inasam na makapagtrabaho sa kilalang rencio sa kanilang bayan. Pumasok kaagad siya sa banyo at mabilisang naligo. Hindi puwedeng ma-late siya sa unang araw ng kanyang trabaho. Mabuti naihanda na niya ang kanyang susuuting damit kagabi pa lamang. Pagkatapos maligo ay kaagad siyang nagbihis. Hindi na niya pinagtiyagaang tuyuin ang kanyang ga-balikat na buhok na aalon-alon. Humarap siya sa malaking salamin na nakadikit sa pinto ng kanyang aparador. Hapit na pantalong maong ang isinuot niya at puting blouse na mayroong kuwelyo. Simple lamang siyang manamit. Hindi rin siya pala-ayos. Inisang bungkos lamang niya ang kanyang buhok. Natural na nakaayos ang kanyang kilay na katamtaman ang nipis. Natural din ang haba at kapal ng kanyang pilik-mata na namana niya sa kanyang yumaong Lola. Katamdaman din ang tangos ng kanyang ilong na makitid. Bumagay ito sa maninipis niyang labi na naghuhugis puso at natural ang pamumula. Kahit hindi siya maglagay ng make up o lipstick ay marami ang nagsasabi na para siyang may make up. Lalo pa kapag nabibilad siya sa araw. Namumula ang kanyang balat. Lumilitaw ang dugong Español sa kanyang mukha at balat na makinis at katamtamang kaputian. Ang kanyang tangkad na limang talampakan at pitong pulgada ay namana niya sa kanyang ama. Maipagmamalaki rin niya ang natural niyang katawan na balingkinitan. "Margareta!" tawag ng kanyang tiyahin. Nang makapagbihis ay nagtungo siya sa kusina. "Anong oras ka ba papasok sa rancio, Margareta?" tanong sa kanya ni Tiya Mercedes. Nagluluto na ito ng almusal nila. "Alas-nuwebe po, Tiya," tugon niya. Tinulungan niya ang kanyang tiyahin sa paghahanda ng pagkain. "Aba, anong oras na?" "Mag-aalmusal na po ako." Nagmamadali siyang kumain. Nakalimutan niyang magdasal. "Hindi magandang ugali sa babae ang nag-aapurang kumain, hija. Kahit nagmamadali ka, kumilos ka nang pormal at nakalimutan mong magdasal," sita ng kanyang Tiya. "Paumanhin po, Tiya." Kaunti lang ang nakain niya. Uminom na siya ng tubig at nagpaalam sa kanyang Tiya. Ang sabi kasi sa kanya ng secretary ng mga Del Fuego ay hindi raw siya maaring ma-late kahit isang segundo lamang. Hindi pa niya nakikita nang personal si Dr. Del Fuego—ang kilalang veterinarian sa lugar nila. Matagal na niyang gusto na makapagtrabaho sa Rancio Del Fuego. Bukod sa napakaganda ng lugar ay malaki ang pasahod kahit tagapakain lamang ng mga kabayo at tupa. Nag-apply siya bilang cook sa Rancio. Bukod sa ipagluluto niya ang daang-daan na manggagawa ay siya rin ang personal na magluluto ng pagkain ng mga Del Fuego. Kinakabahan siya dahil iyon ang unang pagkakataon na magtatrabaho siya. Noon lang kasi siya pinayagan ng Tiya Mercedes niya na magtrabaho sa ibang kumpanya. Mamahaling ginto ang turing sa kanya ng kanyang pamilya. Ni hindi siya pinayagan na magtrabaho sa ibang lugar. Nagtapos siya sa kursong BS Psychology pero hindi niya nagawang pangatawanan ang tinapos. Nagka-interes siya sa pagluluto at naingganyo siyang mag-aral ng Culinary Arts. Mula pagkabata ay passion na niya ang pagluluto. Pagdating sa Rancio Del Fuego ay agad nagtungo sa kusina si Margareta at tumulong sa isa pang kusinera na si Manang Rowena. Nasa early fifty na ang edad nito at pamilyado. Stay in ito sa Rancio at may sampung taon na ring naninilbihan sa mga Del Fuego. "Ikaw na ang magluto ng tanghalian ng mga Del Fuego at ako'y magluluto ng ulam ng mga trabahante," sabi sa kanya ni Manang Rowena. "Sige po." Tiningnan niya ang menu nila sa araw na iyon. Panay ang sipat sa kanya ng Ale habang naghahanda siya ng lulutuin niya. "Mabuti naman mabilis kang kumilos at mukhang bihisa sa pagluluto," anito habang gumigisa ng bawang. Ngumiti siya. "Bata pa ho kasi ako ay tinuruan na ako ng Lola ko na magluto." "Mabuti naman. Baka sa lahat na pumasok bilang cook dito ay ikaw lang ang magtatagal," anito. "Bakit ho?" kunot-noong tanong niya. "Hindi kasi nila natiis ang hirap ng trabaho at standard ng mga Del Fuego." "Mahigpit po ba sila?" Naghihiwa ng siya ng karne ng baka para sa steak. "Mataas kasi ang standard nila pagdating sa pagkain. Maselan sila at estrikto sa mga tao." "Ganoon po ba? Bakit po pala maraming alagang baka, baboy at mga manok ang mga Del Fuego?" curious niyang tanong. Iniisip kasi niya mas maraming halaman sa rancio kaysa mga hayop. "Isa kasi ang Del Fuego sa supplier ng mga kilalang meat shop sa iba't-ibang lugar sa bansa. Kaya mahigpit din sila pagdating sa pag-aalaga sa mga hayop." Marami pa sana siyang itatanong Kay Manang Rowena pero naituon niya ang atensiyon sa paghahanda ng mga rekado. Narinig kasi niya ang boses ng isang lalaki na wari'y papalapit sa kanila. Naramdaman niya'ng may pumasok pero nanatili siyang abala sa paghihiwa ng sibuyas. "Good morning, Doc.!" narinig niyang bati ni Manang Rowena sa pumasok. Pumanteng ang tainga niya. Napakislot siya nang bigla siyang kalabitin ng Ale. Awtomatiko'y pumihit siya paharap sa lalaking pumasok. Napalunok siya. Deretso ang tingin niya sa mukha ng guwapong lalaki na suot lamang ay hapit na puting t-shirt at maong na pantalon na kulay itim. Nababakat sa damit nito ang pamumukol ng dibdib nito at mga kalamnan sa puson. Maskulado ang mga braso nito na ugatan. Katamtaman ang kaputian nito na may makikinis na kutis. Matikas ito at matangkad. Tantiya niya'y matangkad ito ng apat na pulgada sa kanya. Mahayap kung makatingin ang lalaki. Ang mga mata nito ay nakakaakit, naliligiran ng mahahabang pilik at nakakamangha ang kulay berde nitong mga mata. Matangos ang ilong nito na makitid. Ang mga labi nito'y naghuhugis puso na katamtaman ang nipis, mamula-mula iyon na waring sariwang talulot ng isang rosas. Hindi maibuka ng dalaga ang kanyang bibig dahil sa nakamamanghang tanawin. Napakabata pa pala ni Dr. Del Fuego. Hindi niya inaasahan na ganoon ito ka-guwapo sa personal. Napakalakas ng s*x appeal nito. Mas attractive ito sa personal kaysa litrato nito na nakikita lamang niya sa mga posters. Hindi siya magtataka kung bakit usap-usapan sa bayan nila ang pangalan nito. Inaamin niya, ito ang first crash niya kahit sa litrato lamang niya ito nakita. "Siya ba ang bagong cook, Manang?" mamaya ay tanong ng lalaki kay Manang Rowena ngunit sa kanya ito nakatingin. "Opo, Doc," tugon naman ng Ale sabay siko sa tagiliran niya. "Ahm, good morning, Doc.!" dagli'y bati niya sa lalaki. Hindi lamang tumugon ang lalaki, bagkus ay naibaling nito ang tingin sa mga inihahanda niyang lulutuin. "Na-orient ba siya'ng maigi, Manang? Baka tatanga-tanga rin iyan katulad sa mga nauna," sabi nito kay Manang Rowena. "Natuturuan ko naman po siya," kaagad na sagot ni Manang Rowena. Bahagyang uminit ang bunbunan ni Margareta. Hindi niya inaasahan na ganoon ka-prangka ang lalaki. Masungit itong tingnan at maging sa punto ng pananalita nito. Mukhang mahirap din itong mapangiti. Napakislot siya nang muli siyang tingnan ni Alezandro. Kakaiba ang naidudulot ng mga titig nito sa kaibuturan niya. Hindi niya inaasahang susuyurin siya nito ng tingin. Hindi siya makapag-focus. Ibinaba niya ang kanyang tingin sa hinihiwa niyang karne. Pakiramdam ni Margareta ay pinapaso siya. Ramdam niya na nakatingin pa rin sa kanya ang lalaki. "Do you have background in commercial cooking?" pagkuwan ay tanong sa kanya ni Alezandro. Ibinalik niya ang tingin dito. "Uh, wala po. Sa bahay lang ako nagluluto, sir. Nahasa lang ang skill ko sa pagluluto sa Culinary school. Pero bata pa lang ako ay natuto na akong magluto," sagot niya. "Nice. I hope you can share your skills to us. I want the best performance. Ayaw ko ng barabarang trabaho lalo na pagdating sa pagkain. Welcome to Rancio Del Fuego!" seryosong sabi nito. Iyon lang at kaagad itong umalis. Pakiramdam ni Margareta ay tumakbo siya nang ilang milya. Napakatulin ng t***k ng kanyang puso. Masungit si Alezandro pero hindi niya maintindihan bakit ang lakas pa rin ng dating nito sa kanya. Pakiramdam niya'y nakadagdag sa s*x appeal nito ang sobrang seryoso. May ilang sandali siyang tulala. Kung hindi lamang siya kinalabit na naman ni Manang Rowena ay hindi niya maaalala ang trabaho niya. Nakalimot siya nang ilang sandali nang makita niya ang guwapong doktor. Naroon ang takot niya sa binata pero naniniwala siya na magagawa niya nang maayos ang kanyang trabaho. Titiyakin niya na magugustuhan din nito ang performance niya. Pagsapit ng tanghalian ay kinakabahan si Margareta habang sinisilip mula sa kusina ang kumakain na kasapi ng pamilya Del Fuego. Inaantabayanan niya ang mga komento ng mga ito sa mga niluto niya. Hindi naman naalis ang paningin niya kay Alezandro na tila hindi nagustuhan ang niluto niyang beef steak. Nakakunot kasi ang noon nito habang nginunguya ang karne. Sinigurado naman niya na tenderloin ang niluto niya para sa beef steak. Tinikman naman niya iyon at para sa kanya ay malambot ang karne. Buhat sa pintong bahagyang nakaawang ay nakasilip siya at hindi siya nakontento, nilakihan pa niya ang awang ng pinto. Nagulat na lamang siya nang biglang magawi sa direksiyon niya ang paningin ni Alezandro. Mabilis siyang lumayo sa pinto. Ganoon na lamang ang kabog ng dibdib niya. Malaking bagay para sa kanya na marinig ang komento ng mga taong nakakatikim ng luto niya. Pinanghawakan niya ang mga komento ng mga chef na nag-a-assist sa kanya na bihasa raw siya sa pagtimpla ng pagkain. "Okay naman pala magluto ang bagong cook natin," narinig niyang komento ni Mrs. Josefa Del Fuego-ang ina ni Alezandro. Napangiti si Margareta. "At maganda ang presentasyon ng pagkain sa plato. Parang presentasyon sa mga sini-serve na pagkain sa restaurant," gatong naman ni Mr. Herero Del Fuego, na siyang ama naman ni Alezandro. Lalo lamang lumapad ang ngiti niya. Gusto na niyang tumalon sa tuwa. Ang pinakahihintay niyang komento ay mula kay Alezandro. "Dry nga lang ang pagkakaluto niya sa beef. Hindi nanuot sa loob ng karne ang lasa," si Alezando. Awtomatikong napalis ang ngiti ni Margareta. Bigla siyang nalungkot. Ang komento pa naman ni Alezando ang pinakaimportante para sa kanya. Bigla na lamang siyang nanlumo. Binalak pa lamang niyang humakbang palayo sa pinto ay bigla namang bumukas ang pinto at bumalya ito sa kanya. "Aw!" daing niya nang matamaan ng pinto ang kanang balikat niya. Tila mabilis na nawala ang kirot na naramdaman niya nang mamataan si Alezandro na nakatayo sa harapan niya at walang abog na hinawakan ang balikat niya. "Are you okay?" tanong nito ngunit wala namang bakas ng pag-aalala sa mukha nito. "Okay lang po ako," aniya. "Ano ba kasi ang ginagawa mo rito sa likod ng pinto?" balisang tanong nito makaraang alisin ang kamay sa balikat niya. "Ahm, lalabas ho sana ako," dahilan niya. "Nasaan si Manang Rowena?" pagkuwa ay tanong nito. "Nasa slaughter po at naghatid ng ulam ng mga manggagawa," aniya. "Marunong ka bang gumawa ng mango shake?" tanong na lamang nito. Matagal bago siya kumibo. Nakatitig kasi siya sa matipunong dibdib ng lalaki na nababakat sa suot nitong hapit na t-shirt. Pakiramdam niya'y nanunuyot ang lalamunan niya at panay ang lunok niya. Nagulat na lamang siya nang biglang hawakan nito ang baba niya at sapilitang iniangat ang mukha niya. Napatingin siya sa mukha nito. "Nakikinig ka ba?" kunot-noong tanong nito saka nito binitawan ang baba niya. "Ah, o-opo," balisang tugon niya. "Gumawa ka ng mango shake, good for four person," anito. "Opo." Titig na titig ito sa kanya. Ganoon na lamang ang pagtulay ng nakakapasong init sa mga ugat niya. Naiilang na ibinaba niya ang tingin sa dibdib nito. "What's wrong? Nahihilo ka ba?" tanong nito, bagay na hindi niya inaasahan. Naibalik niya ang tingin sa mukha nito. Umiling siya. "Uh, ayos lang po ako, sir. Pasensiya na," naiilang niyang sabi. Kunot-noong pinagmamasdan siya ni Alezandro. "Okay. Gawin mo na ang pinapagawa ko. Sorry kung nasaktan ka. Just take care next time," sabi nito saka siya iniwan. Lumabas na ito. Nagmistula siyang tuod na nakatayo at hindi niya magawang gumalaw. Ang dibdib niya ay waring hinahataw nang malakas. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. Noon lamang siya nakadama ng ganoong sensasyon habang kaharap ang isang lalaki. Nang mahimasmasan ay ginawa na niya ang order ni Zandro na mango shake. Nagtataka siya bakit apat ang order ng lalaki samantalang tatlo lamang ang mga ito na kumakain. Paglabas niya upang ihatid ang ginawa niyang shake ay nagulat siya nang makita ang magandang babae na kasalo ng mga Del Fuego sa hapag-kainan. Naiilang na lumapit siya sa mga ito at isa-isang ibinigay sa mga ito ang mango shake na nakalagay sa water goblet. Hindi niya naiwasang huwag sipatin si Zandro. Hindi naman niya inaasahan na mapatingin din ito sa kanya. Animo napaso na mabilis niyang iniiwas ang tingin dito. Napatingin din siya sa babae na kausap si Mrs. Del Fuego. Mukhang hindi naman ito kaanak ng mga amo niya. Maganda ito. Mukhang mayaman sa suot nitong bughaw na dress. May kasingkitan ang mga mata nito, maputi at makinis ang kutis. Para itong isang modelo na napapanood niya sa telebisyon. Aalis na lamang siya ay natukso pa siyang tingnan na naman si Zandro. Abala na ang lalaki sa pagsimsim sa inumin nito. ISANG oras na lang uuwi na si Margareta. Hinihintay lamang niya si Manang Rowena na hindi pa nakakabalik mula sa slaughter. Alas-sais na ng gabi. Dapat bago sumapit ang alas-nuwebe ng gabi ay makauwi na siya sa bahay nila. Baka mahirapan na siyang makasakay ng jeep. Nang marinig niya ang tinig ni Manang Rowena ay nagmadali na siyang lumabas ng kusina. Sinalubong na siya nito. "Pasensiya ka na kung matagal ako. Nasiraan kasi ang tricycle na service papunta sa slaughter kaya naglakad na lang ako pabalik dito. Alam mo naman na malayo rito ang slaughter," anito. "Okay lang po. May limang minuto pa naman ako. Naihanda ko na po ang lulutuin ninyo para sa hapunan ng mga Del Fuego," aniya. "Ay, salamat naman." "Wala po iyon. Mauuna na po ako." "Oo nga, baka gabing-gabi ka nang makakalabas ng compound." "Bakit ho?" "Hindi pa kasi naaayos ang tricycle na servise natin." Bigla na lamang siyang kinabahan. Kung maglalakad siya hanggang sa main gate ay baka aabutin siya ng alas-nuwebe. Siguradong mag-aalala na ang tiya niya. "Wala po bang ibang masakyan?" nababahalang tanong niya. "Wala, e. Mamayang alas-diyes pa ng gabi lalabas ang delivery truck. Puwede ka sanang sumabay roon." "Maglalakad na lang po ako," aniya. "O sige. Dapat kasi mag-stay in ka na rin para hindi ka mahirapan." "Hindi po puwede." "O siya, simulan mo nang maglakad. Mag-iingat ka." "Opo. Salamat." Sinimulan na niyang maglakad. Wala siyang makitang sasakyan na palabas ng compound kaya wala siyang choice kundi maglakad at minsan ay tumatakbo. Unti-unti na ring binabalot ng dilim ang paligid. Mabuti na lamang at may mga ilaw sa daan. Nang makarating siya sa bahagi ng daan na wala na masyadong bahay ng mga manggagawa ay bigla na lamang siyang kinabahan. Sementado ang daan at maraming matataas na punong kahoy sa gigilid. Mistulang karawagan na sa bahaging iyon. Tumingala siya sa kalangitan habang naglalakad. Maliwanag ang buwan at napupuno ng mga bituin ang kalangitan. Mamaya'y bigla na lamang may itim na ulap na tumakip sa buwan. Napakabilis niyon. Kinilabutan siya. Bigla na lamang kasi umihip ang malamig na hangin. Palinga-linga siya sa paligid. Pakiramdan niya'y may nakamasid sa kanya. Mamaya ay biglang may malakas na hangin na biglang tumawid sa harapan niya. Napahinto siya sa paglalakad. Nag-sign of the cross siya. Taimtim siyang nagdarasal. Iginala niya muli ang paningin sa paligid. Pumihit siya sa likuran niya, wala naman siyang nakita. Nang pumihit siyang muli sa harapan niya ay nagulantang siya nang mamataan ang malaking pusa na kulay itim na may mapupulang mga mata. Nakaharang ito sa daraanan niya. Napaatras siya. Bumilis ang t***k ng puso niya. Napalunok siya at hindi niya magawang kumurap. Dahil sa takot ay tumakbo siya pabalik sa pinanggalingan niya. Nakailang hakbang pa lamang siya ay napahinto siya nang kamuntik na siyang banggain ng kotse. Mabuti na lamang at huminto ang kotse pero walang tigil ang pagbusina nito ng ubod lakas. Hindi niya inintindi ang sasakyan, bagkus ay nilingon niya ang pusang humarang sa kanya ngunit wala na iyon sa kinatatayuan nito kanina. Humarap siyang muli sa kotse na may nakakasilaw na ilaw. Tumabi siya. Mamaya'y bumaba ang sakay ng kotse. Nanlaki ang mga mata niya nang makita si Alezandro na siyang bumaba mula sa sasakyan. "Anong nangyari?" seryosong tanong nito nang makalapit isang dipa ang pagitan sa kanya. Hindi niya maibuka ang kanyang bibig. Titig na titig lamang siya sa mukha nito. "Hindi ka pa pala nakakauwi? Sumakay ka na sa kotse ko," anito pagkuwan. Hindi pa rin siya umimik. Binuksan nito ang pinto sa back seat. Sumakay naman siya. Napansin niya ang babae kanina sa mansiyon na nakaupo sa tabi ni Alezandro. Binuhay nang muli ng lalaki ang makena ng sasakyan nang makasakay ito. Tahimik lamang siyang nakaupo sa likuran ng mga ito habang abala ang mga ito sa pag-uusap. Hindi na niya maintindihan ang pinag-uusapan ng mga ito dahil sa kabang namamahay pa rin sa puso niya. Natauhan na lamang siya nang huminto ang sasakyan. Nasa tapat na sila ng palengke. "Dito ka na bumaba," sabi ni Zandro sa kanya. "Salamat po," aniya. Pagkuwa'y bumaba na siya. Umalis naman kaagad ang sasakyan. Pumara na lamang siya ng tricycle at sumakay. Hindi pa rin mawaglit-waglit sa isip ni Margareta ang malaking pusa na humarang sa kanya sa daan. Nang mahimasmasan siya ay bigla na lamang may sumagi sa isip niya. Sumariwa sa isip niya ang panahong iniwan siya ng Lola niya. Noong mamatay ang Lola niya ay may nakita siyang malaking pusa. Ganoon na ganoon ang hitsura niyon sa nakita niya kanina. Ito na ba ang hudyat ng pagsisimula ng sumpa? Magiging katototohanan kaya ang propisiya ng lahi nila na sinasabi ng Lola niya, na noo'y hindi niya pinaniniwalaan? Totoo nga ba ang sumpa na umano'y kakambal ng kanyang pagkatao? Ingatan mo ang iyong pagka-birhen na huwag mapunta sa maling lalaki. Isa iyan sa susi upang maputol ang sumpa sa ating lahi. Ang iyong pagka-birhen ay isa rin sa susi upang tuluyang makalaya ang diablo mula sa kanyang pagkabilango sa kawalan. Bago ka pa man niya makuha ay kailangan makapag-asawa ka bago ang iyong ika-dalawamput-limang kaarawan. Kailangan maialay mo ang iyong pagka-birhen sa karapat-dapat na lalaki—na mamahalin ka at mabibigyan ka ng mga supling. Ang bagong henerasyon ng iyong lahi ang tuluyang puputol sa sumpa ng diablo... Binasa niyang muli ang liham na iniwan ng yumao niyang Lola.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD