chapter 8

1631 Words
Wala rin naman akong nakuhang sagot mula kay George dahil bago pa ito makapagsalita ay dinismiss na ito ni Judge Franco. Pakiramdam ko tuloy ay ayaw niyang pag-usapan namin ni George ang tungkol kay Ate Riza. Ano iyon, ayaw niyang mapag-usapan dahil gusto na niyang lumimot o dahil naalala niya ang mga pagkukulang niya sa kapatid ko? Kung balak niyang lumimot at dapat hinayaan na rin niya ako dahil ako ang pinakamalaking alaala na naiwan ng kapatid ko. At hindi ako titigil hangga't hindi niya maramdaman ang sakit at lungkot na bumalot sa buo kong mundo dahil sa pagkawala ng kapatid ko. Hindi ko na natagalan ang presensya niya kaya walang pasabi akong tumayo upang iwanan siya. "Sit down," kalmado niyang utos sa'kin bago pa ako makahakbang paalis. "Finish your breakfast." "Busog na ako," malamig kong sagot. "Kailangan mong kumain at magpakalakas kung balak mo akong gantihan," hindi kumukurap niyang sabi sa'kin. Natigilan akong napatitig sa seryoso niyang mukha. "And you have to gain some weight , you look... weak." Tila nagdidisaproba pang pumasada sa'kin ang malamig niyang tingin. Napamaang naman ako sa pahayag niya. Kulang na lang ay diretsahan niyang sabihin sa'kin na kinulang ako sa kain at malnourished ako. Tama bang sabihin iyon sa mukha ko? "Payatin lang po ako, pero hindi po ako weak," matalim kong wika. "Masyado kang concern sa'kin, kung sana ay ganyan ka rin sa Ate ko, siguro buhay pa siya ngayon," matigas ko pang dugtong. Natigilan siya sa narinig mula sa'kin at nahagip ng tingin ko ang bahagyang pag-igting ng kanyang panga. Gano'n pa man ay hindi pa rin nagbago ang malamig na ekspresyon sa mukha niya. "Huwag mo sanang sayangin ang oras mo at panahon sa paninisi at pagkamuhi sa'kin dahil kahit anong gawin mo ay hindi na niyon maibabalik ang kapatid mo," walang emosyon niyang wika. "Alam ko iyon," matigas kong sagot. "Hihintayin ko lang naman kung kailan ka susunod kay Ate," walang preno kong dugtong. Hindi ko na siya hinintay pang makatugon at nagmartsa na ako palabas ng dining area habang ramdam ko ang mga mata niyang nakasunod sa'kin. Hindi ko alam kung bakit may naramdaman akong konting guilt matapos iyong huli kong sinabi. Lalo tuloy akong naiinis at sa pagkakataong ito ay sa sarili ko na. Mula sa dining area ay natagpuan ko ang sarili sa likurang bahagi ng bahay. Wala akong namataang ibang tao sa paligid kaya napagpasyahan kong tumungo sa isang parang bahay kubo na nasa gitna ng maze garden. Dahil nga maze ay basta na lang ako sumuot-suot sa nakikita kong daanan basta marating ko lang ang bahay kubo sa gitna. Mukhang alagang-alaga ang buong garden dahil pantay-pantay talaga ang mga dahon ng mga halaman at maging iyong sementadong dadaanan ay sobrang linis at wala man lang tuyong dahong pakalat-kalat. Hindi na nakapagtataka kung bakit ang daming katulong ni Judge Franco, ang lawak din naman kasi nitong lilinisin nila at hindi pa kasali iyong malaking bahay. Ilang pasikot-sikot pa at sa wakas ay narating ko rin ang bahay kubo, mabuti na lang at hindi kalakihan ang maze garden. Sa malapitan ay napagtanto kong literal na bahay kubo talaga ito na may kusina, may maliit na sala at may isang silid na sarado na hula ko ay tulugan. Umakyat ako sa ilang baitang nitong hagdan at sinubukang itulak ang main door. Hindi ito naka-lock at mabilis kong nabuksan. Nakikita mula sa labas ang kabuuang ayos ng bahay kubo maliban sa nakasarang silid. May pabilog na mesa sa gitna ng kusina na nagsisilbing dining table. Gawa ito sa kahoy katulad ng island counter na pinapatungab ng ilang mga gamit sa kusina. Kahit ang mga upuan at mesa sa maliit na sala ay gawa rin sa kahoy, pero hindi basta-bastang kahoy dahil halatang de-kalidad at matitibay. Mas bagay na pang-demo sa mga exhibit ang kabuuang kubo pero pwedeng-pwede itong tirhan. Mas matibay at magara pa nga ito roon sa mga totoong bahay kubo sa probinsya, ito kasi halatang sosyalin ang may-ari. Wala naman kasing normal na bahay-kubo na may agaw-pansin na chandelier na nakasabit sa sala. At iyong mga gamit na nandito ay halatang hindi basta -basta. Malinis ang kabahayan at walang bahid ng alikabok sa mesa gayong expose ito sa labas. Matapos mag-ikot-ikot sa kusina at sala ay lumapit ako roon sa saradong pinto. Sinubukan kong pihitin ang seradura nito pero napagtanto kong naka-lock. Bigla tuloy akong kinabahan at baka may nakatira nga talaga rito at ngayon ay nasa loob ng silid. Pumasok pa naman akong walang paalam tapos may tao pala! Maingat kong idinikit ang tainga sa dahon ng pinto upang pakiramdam ang kabilang bahagi. Kung may tao roon ay tiyak na may maririnig akong senyales, tulad ng tunog ng aircon o kahit anong kaluskos. Binuhos ko ang buong atensiyon sa'king ginagawa, pero wala talaga akong naririnig. Sobrang tahimik ng kabilang side, at mukha namang walang tao roon. Isa pa ay malapit ng mag-alas otso, imposibleng tulog pa rin hanggang ngayon ang sinumang nakatira dito. "May kailangan po kayo?" "Ay juskow! Tipaklong!" napatalon sa gulat kong hiyaw. Kasabay niyon ay napalingon ako sa pinanggalingan ng boses na nagtatanong. Bumungad sa'kin ang nagtatakang mukha ng isa sa mga katulong na pinakilala sa'kin kagabi. Halatang nagulat din ito sa biglaan kong paghiyaw, nagkagulatan pa talaga kami. Hindi ko matandaan ang pangalan nito pero tandang-tanda ko ang mukha nito. "Pasensya na po kung nagulat ko kayo," mapagpaumanhin niyang sabi nang makahuma sa pagkagulat sa reaksiyon ko. Agad ko namang hinamig ang sarili at umayos nang tayo. Medyo nakaramdam din ako ng hiya dahil sa biglaang pagtinis ng boses ko sanhi ng gulat. Hindi ko kasi napansin ang pagdating niya tapos sobrang lapit na niya no'ng magtanong sa'kin. Kulang na lang ay bumulong siya sa mismong tainga ko. Hindi naman ako nagkakape pero ninerbyos ako sa kanya. "Bakit naman kasi bigla ka na lang sumusulpot?" paingos kong tanong. Hinamig at inayos ko ang sarili upang kumalma at magmukhang presentable sa kaharap at di pahalatang nag-trespass dito. "Pasensya na po ulit," kimi nitong paumanhin. Tantiya ko ay halos kaedaran ko lang ito. "Ako po kasi ang nakatokang maglinis ngayon dito," dugtong pa nito. Wala sa sariling pumasada ang tingin ko sa paligid. "Maglilinis ka?" tanong ko. Hindi ko makita kung may dapat bang linisin dahil walang kaali-alikabok ang paligid. "Opo," tumatango niyang sagot. Kahit pala malinis ay nililinis pa rin sa bahay na ito. Tiyak na iyon ang gusto ng boss nila. Masyado itong OA pagdating sa kalinisan, balang araw ay siguradong may mahahalungkat din akong baho sa pakatao niya. Ang malas lang niya dahil binigyan niya ako ng pagkakataong makalapit sa kanya. "May nakatira ba rito?" tumikhim kong tanong sa kaharap. Inayos ko ang ekspresyon ko upang hindi niya mabasa ang inis na nararamdaman ko para kay Judge Franco. "Paboritong tambayan lang 'to ni Judge Franco kapag nandito siya sa bahay," sagot ng kausap ko. "Minsan ay natutulog din dito si Judge," dugtong niya pa. "Hindi ba bawal pumasok dito?" tanong ko. "Bukas kasi iyong pinto kaya pumasok ako," dagdag ko pa sabay turo sa pintuang tinutukoy ko. Hindi ko na dinagdag na kahit hindi dumaan sa pintuan ay pwede pa ring pumasok basta marunong lang umakyat at dumaan sa naglalakihang opening partition sa paligid ng bahay kubo. "Wala naman pong sinabi si Judge na bawal pumunta rito ang kahit na sinong bisita niya," sagot ng kaharap ko. "Huwag mo na akong i-po, mukhang magkaedad lang naman tayo," pabuntonghininga kong usal. "Ano nga ulit ang pangalan mo?" pahabol ko pang tanong. "Irene po-" "Leah ang pangalan ko," putol ko sa pagsasalita niya. "At pakitanggal ng 'po'." Binigyang-diin ko pa ang huling salita habang humalukipkip sa harapan niya. Kung gustuhin ko ay kaya kong magmukhang intimidating sa kaharap ko at iyon ang ginagawa ko ngayon upang sundin ni Irene ang kagustuhan ko. "Sige po—." Kusa nitong itinikom ang sariling bibig nang taasan ko ng kilay. "Sige, Leah..." pagtatama nito sa naunang pahayag. Isang nag-aaprobang tango ang binigay ko sa kanya. "Pwede ka nang maglinis," saad ko at binigyan ng huling sulyap ang saradong pintuan na kani-kanina lang ay curious akong buksan. "Mauuna na ako sa'yo sa loob ng bahay, may gagawin pa ako," paalam ko. Hindi ko na hinintay ang sagot niya at tinungo ko na ang pintuang pinasukan ko kanina. Walang lingon-likod na bumaba ako ng bahay-kubo at muli ay tinalunton ang maze garden upang makabalik sa malaking bahay. Mabuti na lang at ako iyong taong mabilis nakakatanda ng direksiyon ang mga paa bago pa masaulo ng utak kaya hindi ako naligaw sa loob ng maze. Kung nangyari iyon ay baka bumalik na lang ako sa bahay-kubo sa gita upang hintaying matapos magkinis si Irene para may kasabay bumalik sa bahay. Bago tuluyang pumasok sa loob ng bahay ay huminga muna ako nang malalim. Pero bago ko maitulak pabukas ang pintuan ay kusa itong bumukas. Saglit kong nahigit ang sariling hininga nang bumungad sa'kin ang malaming bulto ni Judge Franco na siyang may gawa niyon. Kapag ganitong magkaharap kaming dalawa habang nakatayo ay mas kapansin-pansin ang height difference naming dalawa. Kailangan ko pang tumingala upang salubungin ang tingin niya. "You left this," wika ni Judge Franco na umuntag sa saglit kong pagkatunganga. Mula sa mukha niya ay bumaba ang tingin ko sa inilahad niyang folder. Ito iyong binigay sa'kin kanina no'ng George. Walang kibo ko itong inabot bago siya nilampasan at tumuloy na sa loob ng bahay. Nagmistula man akong cold at nonchalant ay iba ang sinasabi ng puso ko na hindi ko alam kung bakit nag-iiba ang t***k kapag nasa paligid si Judge Franco. Hindi ko matandaan kung kailan ito nagkaganito, at mas lalong wala akong ideya kung ano ang dahilan nito. Iniisip ko na lang na siguro ay dala pa rin ito ng matinding galit ko sa kanya
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD